Nakapagpapatibay ang mga Pag-uusap Hinggil sa Espirituwal na mga Bagay
Nakapagpapatibay ang mga Pag-uusap Hinggil sa Espirituwal na mga Bagay
“Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.”—EFESO 4:29.
1, 2. (a) Gaano kahalaga ang kakayahan ng tao na magsalita? (b) Paano nais gamitin ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang dila?
“ANG kakayahan ng tao na magsalita ay isang misteryo; kaloob ito ng Diyos, isang himala.” Iyan ang isinulat ng leksikograpong si Ludwig Koehler. Marahil ay ipinagwawalang-bahala natin ang mahalagang kaloob na ito ng Diyos. (Santiago 1:17) Subalit isaalang-alang kung gaano kalaki ang nawawala kapag ang isang minamahal ay naalisan ng kakayahang magsalita nang maliwanag dahil sa istrok. “Mayroon kami noong kahanga-hangang komunikasyon anupat napakalapit namin sa isa’t isa,” ang paliwanag ni Joan, asawa ng isang naistrok kamakailan. “Tunay na hinahanap-hanap ko ang aming mga pag-uusap!”
2 Mapatatatag ng mga pag-uusap ang pagkakaibigan, mapaghihilom ang mga di-pagkakaunawaan, mapatitibay ang nasisiraan ng loob, mapalalakas ang pananampalataya, at mapayayaman ang mga buhay—subalit kailanman ay hindi ito basta na lamang nangyayari. Ganito ang sinabi ng marunong na si Haring Solomon: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18) Bilang mga lingkod ni Jehova, nais natin na ang ating mga pag-uusap ay makapagpagaling at makapagpatibay sa halip na makasakit at makasira. Nais din nating gamitin ang ating dila upang purihin si Jehova, kapuwa sa ating pangmadlang ministeryo at sa ating pribadong mga pakikipag-usap. Umawit ang salmista: “Sa Diyos ay maghahandog kami ng papuri buong araw, at hanggang sa panahong walang takda ay dadakilain namin ang iyong pangalan.”—Awit 44:8.
3, 4. (a) Anong suliranin ang napapaharap sa ating lahat tungkol sa ating pananalita? (b) Bakit mahalaga ang ating pananalita?
3 “Ang dila,” babala ng alagad na si Santiago, “walang isa man sa sangkatauhan ang makapagpaamo nito.” Nagpapaalaala siya sa atin: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahang rendahan din ang kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2, 8) Walang sinuman sa atin ang sakdal. Kaya, sa kabila ng ating pinakamabubuting hangarin, ang ating pananalita ay hindi laging nakapagpapatibay sa iba o nagdudulot ng papuri sa ating Maylalang. Kaya nga, dapat tayong matutong magbigay-pansin sa ating sinasabi. Karagdagan pa, sinabi ni Jesus: “Bawat pananalitang hindi mapakikinabangan na sinasalita ng mga tao, magsusulit sila may kinalaman doon sa Araw ng Paghuhukom; sapagkat sa iyong mga salita ay ipahahayag kang matuwid, at sa iyong mga salita ay papatawan ka ng hatol.” (Mateo 12:36, 37) Oo, mananagot tayo sa tunay na Diyos dahil sa ating mga salita.
4 Ang isa sa pinakamabuting paraan upang maiwasan ang nakapipinsalang pananalita ay ang ugaliing makibahagi sa mga pag-uusap hinggil sa espirituwal na mga bagay. Isasaalang-alang ng artikulong ito kung paano natin magagawa iyon, anong uri ng mga paksa ang mapag-uusapan natin, at anong mga kapakinabangan ang matatamo natin mula sa nakapagpapatibay na pananalita.
Bigyang-Pansin ang Puso
5. Paano gumaganap ng pangunahing papel ang puso sa pagtataguyod ng nakapagpapatibay na mga pag-uusap?
5 Sa paglinang sa ugaling makibahagi sa nakapagpapatibay na mga pag-uusap, dapat muna nating kilalanin Mateo 12:34) Sa simpleng pananalita, gusto nating magsalita tungkol sa mga bagay na mahalaga sa atin. Kung gayon, kailangan nating itanong sa ating sarili: ‘Ano ang isinisiwalat ng aking mga pakikipag-usap hinggil sa kalagayan ng aking puso? Kapag kasama ko ang aking pamilya o mga kapananampalataya, ang akin bang pakikipag-usap ay nakasentro sa espirituwal na mga bagay o iyon ba ay laging napupunta sa isport, damit, sine, pagkain, mga bagong pinamili ko, o mga bagay na walang-saysay?’ Marahil, hindi natin namamalayan na ang ating buhay at ang ating pag-iisip ay nakasentro na sa pangalawahing mga bagay. Ang pagbabago sa ating mga priyoridad ay magpapasulong sa ating mga pakikipag-usap at maging sa ating mga buhay.—Filipos 1:10.
na nasasalamin sa ating pananalita kung ano ang nasa ating puso. Sinabi ni Jesus: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (6. Ano ang ginagampanang bahagi ng pagbubulay-bulay sa ating mga pakikipag-usap?
6 Ang makabuluhang pagbubulay-bulay ay isa pang paraan upang mapasulong ang kalidad ng ating sinasabi. Kung sadya nating pinagsisikapan na mag-isip ng tungkol sa espirituwal na mga bagay, masusumpungan natin na ang ating pakikipag-usap hinggil dito ay magiging natural. Nakita ni Haring David ang kaugnayang ito. Siya ay umawit: “Ang mga pananalita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, O Jehova.” (Awit 19:14) At ang salmistang si Asap ay nagsabi: “Bubulay-bulayin ko ang lahat ng iyong [Diyos] gawa, at ang iyong mga gawain ay pagtutuunan ko ng pansin.” (Awit 77:12) Ang puso at isip na nakasentro sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos ay likas na mag-uumapaw sa kapuri-puring pananalita. Hindi mapigilan ni Jeremias ang pagsasabi ng mga bagay na itinuro sa kaniya ni Jehova. (Jeremias 20:9) Magiging gayon din tayo kung palagi nating minumuni-muni ang espirituwal na mga bagay.—1 Timoteo 4:15.
7, 8. Anong mga paksa ang mabuti para sa nakapagpapatibay na mga pag-uusap?
7 Ang pagkakaroon ng mabuting espirituwal na rutin ay nagbibigay sa atin ng maraming paksa para sa nakapagpapatibay na mga pag-uusap. (Filipos 3:16) Ang mga asamblea, kombensiyon, pulong ng kongregasyon, kasalukuyang mga publikasyon, at pang-araw-araw na teksto at nakaimprentang mga komento ay pawang naglalaan sa atin ng espirituwal na mga hiyas na maaari nating ibahagi sa iba. (Mateo 13:52) At tunay ngang nakapagpapasigla sa espirituwal na paraan ang mga karanasan mula sa ating ministeryong Kristiyano!
8 Si Haring Solomon ay naakit sa malawak na pagkakasari-sari ng mga punungkahoy, hayop, ibon, at mga isda na nakita niya sa Israel. (1 Hari 4:33) Nalugod siyang makipag-usap tungkol sa mga gawa ng paglalang ng Diyos. Magagawa rin natin ang gayon. Nasisiyahan ang mga lingkod ni Jehova na ipakipag-usap ang tungkol sa iba’t ibang paksa, subalit laging kasali ang espirituwal na mga paksa sa mga pag-uusap ng mga taong mahilig sa espirituwal na mga bagay.—1 Corinto 2:13.
“Patuloy na Isaalang-alang ang mga Bagay na Ito”
9. Anong paalaala ang ibinigay ni Pablo sa mga taga-Filipos?
9 Anuman ang paksa, ang ating mga pakikipag-usap ay makapagpapatibay sa iba kung kaayon ang mga ito ng paalaala ni apostol Pablo sa kongregasyon sa Filipos. Sumulat siya: “Anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.” (Filipos 4:8) Ang mga bagay na binanggit ni Pablo ay napakahalaga anupat sinabi niya na “patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.” Dapat nating laging isaisip at isapuso ang mga ito. Kaya tingnan natin kung paanong ang pagbibigay-pansin sa bawat isa sa walong bagay na binanggit ni Pablo ay makatutulong sa atin sa mga pakikipag-usap natin.
10. Paano mailalakip sa ating mga pakikipag-usap ang mga bagay na totoo?
10 Kalakip sa bagay na totoo ang higit pa kaysa sa impormasyon lamang na tama at hindi mali. Ito ay tumutukoy sa bagay na matuwid at mapagkakatiwalaan, gaya ng katotohanan ng Salita ng Diyos. Kaya, kapag ipinakikipag-usap natin sa iba ang tungkol sa mga katotohanan sa Bibliya na nakaakit sa atin, mga diskurso o pahayag na nagpatibay sa atin, o maka-Kasulatang payo na nakatulong sa atin, isinasaalang-alang natin ang mga bagay na totoo. Sa kabilang dako, itinatakwil natin ang “may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman,’ ” na may anyo lamang ng pagiging totoo. (1 Timoteo 6:20) At iniiwasan nating magtawid ng tsismis o maglahad ng nakapagdududang mga karanasan na hindi mapatutunayan.
11. Anong mga bagay na seryosong pag-isipan ang maaaring ilakip sa ating mga pakikipag-usap?
11 Ang mga bagay na seryosong pag-isipan ay mga paksang may dignidad at mahalaga, hindi yaong di-mahalaga o walang kuwenta. Kalakip sa mga ito ang pagkabahala sa ating ministeryong Kristiyano, sa mapanganib na panahong kinabubuhayan natin, at sa pangangailangang mapanatili natin ang mainam na paggawi. Kapag pinag-uusapan natin ang ganitong seryosong mga bagay, pinatitibay natin ang ating determinasyon na manatiling gising sa espirituwal na paraan, maingatan ang ating integridad, at maipagpatuloy ang pangangaral ng mabuting balita. Tunay nga, ang kawili-wiling mga karanasan sa ating ministeryo at ang kasalukuyang mga pangyayari na nagpapaalaala sa atin na nabubuhay tayo sa mga huling araw ay naglalaan ng iba’t ibang ideya para sa nakapagpapasiglang mga pag-uusap.—Gawa 14:27; 2 Timoteo 3:1-5.
12. Dahil sa payo ni Pablo na isaalang-alang ang mga bagay na matuwid at malinis, ano ang dapat iwasan?
12 Ang salitang matuwid ay nangangahulugan ng pagiging tama sa paningin ng Diyos—pagsunod sa kaniyang mga pamantayan. Ang malinis ay nagdadala ng ideya ng kadalisayan ng isipan at paggawi. Ang paninirang-puri, malalaswang pagbibiro, o seksuwal na mga pasaring ay walang dako sa ating mga pakikipag-usap. (Efeso 5:3; Colosas 3:8) Sa pinagtatrabahuhan o sa paaralan, ang mga Kristiyano ay may-katalinuhang umaalis kapag ganito na ang himig ng mga pag-uusap.
13. Magbigay ng mga halimbawa ng mga pag-uusap na nakasentro sa mga bagay na kaibig-ibig at may mabuting ulat.
13 Nang irekomenda ni Pablo na isaalang-alang ang mga bagay na kaibig-ibig, tinutukoy niya ang mga bagay na kalugud-lugod at kasiya-siya o yaong nag-uudyok ng pag-ibig, sa halip na yaong mga bagay na pumupukaw ng pagkapoot, kapaitan, o pagtatalo. Ang mga bagay na may mabuting ulat ay tumutukoy sa impormasyon na kagalang-galang o may magandang ulat. Maaaring kalakip sa gayong mabubuting ulat ang mga talambuhay ng tapat na mga kapatid, na palagiang lumilitaw sa mga magasing Bantayan at Gumising! Bakit hindi ibahagi sa iba ang iyong mga komento pagkatapos mong basahin ang nakapagpapatibay-pananampalatayang mga artikulong ito? At tunay ngang nakapagpapatibay na marinig ang mga naisagawa ng iba sa espirituwal na paraan! Napatitibay ng gayong mga pag-uusap ang pag-ibig at pagkakaisa sa kongregasyon.
14. (a) Ang pagpapamalas ng kagalingan ay humihiling sa atin ng ano? (b) Paano maisasama sa ating pananalita ang kapuri-puring mga bagay?
14 Binanggit ni Pablo ang hinggil sa “anumang kagalingan ang mayroon.” Ang kagalingan ay tumutukoy sa kabutihan o kahusayan sa moral. Dapat tayong mag-ingat na ang ating mga labi ay napapatnubayan ng maka-Kasulatang mga simulain at hindi lumilihis sa kung ano ang matuwid, malinis, at may kagalingan. Ang kapuri-puri ay nangangahulugang “karapat-dapat bigyan ng komendasyon.” Kung nakarinig ka ng isang mahusay na pahayag o nakapansin ng isang tapat na halimbawa sa kongregasyon, banggitin mo ito—kapuwa sa taong iyon at sa iba. Malimit na papurihan ni apostol Pablo ang maiinam na katangian ng kaniyang mga kapananampalataya. (Roma 16:12; Filipos 2:19-22; Filemon 4-7) At sabihin pa, ang mga bagay na ginawa ng ating Maylalang ay tunay na kapuri-uri. Sa mga ito ay makasusumpong tayo ng maraming paksa para sa nakapagpapatibay na mga pag-uusap.—Kawikaan 6:6-8; 20:12; 26:2.
Makibahagi sa Nakapagpapatibay na mga Pag-uusap
15. Anong maka-Kasulatang utos ang umuubliga sa mga magulang na makipag-usap sa kanilang mga anak hinggil sa makabuluhang mga bagay?
15 Ang Deuteronomio 6:6, 7 ay nagsasabi: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” Maliwanag, ang utos na ito ay humihiling sa mga magulang na makipag-usap sa kanilang mga anak hinggil sa makabuluhan at espirituwal na mga bagay.
16, 17. Ano ang matututuhan ng mga magulang na Kristiyano mula sa mga halimbawa nina Jehova at Abraham?
16 Maguguniguni natin ang mahahabang pag-uusap na malamang ay namagitan kay Jesus at sa kaniyang makalangit na Ama nang isinasaalang-alang nila ang kaniyang makalupang atas. “Ang Ama na nagsugo sa akin ang mismong nagbigay sa akin ng utos kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad. (Juan 12:49; Deuteronomio 18:18) Malamang na gumugol ng maraming oras ang patriyarkang si Abraham sa pakikipag-usap sa kaniyang anak na si Isaac tungkol sa kung paanong sila at ang kanilang mga ninuno ay pinagpala ni Jehova. Ang gayong mga pag-uusap ay tiyak na nakatulong kapuwa kina Jesus at Isaac upang mapagpakumbabang magpasailalim sa kalooban ng Diyos.—Genesis 22:7-9; Mateo 26:39.
17 Ang ating mga anak ay nangangailangan din ng nakapagpapatibay na mga pakikipag-usap. Dapat humanap ng panahon ang mga magulang sa kanilang abalang iskedyul upang makipag-usap sa
kanilang mga anak. Hangga’t maaari, bakit hindi isaayos na kumaing magkakasama bilang isang pamilya kahit minsan man lamang sa isang araw? Sa panahon ng gayong oras ng pagkain at pagkatapos nito, may mga pagkakataon para sa nakapagpapatibay na pag-uusap na mapatutunayang napakahalaga para sa espirituwal na kalusugan ng pamilya.18. Ilahad ang isang karanasan na nagpapakita sa mga kapakinabangan ng mabuting komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak.
18 Natatandaan ni Alejandro, isang payunir na mahigit na 20 anyos, ang mga pag-aalinlangan niya noong siya’y 14 na taóng gulang. Sinabi niya: “Dahil sa impluwensiya ng aking mga kaeskuwela at mga guro, ako ay nag-alinlangan tungkol sa pag-iral ng Diyos at sa pagiging totoo ng Bibliya. Gumugol ng maraming oras ang aking mga magulang sa matiyagang pakikipagkatuwiranan sa akin. Ang mga pag-uusap na ito ay nakatulong sa akin hindi lamang upang mapanaigan ang aking mga pag-aalinlangan sa mahirap na yugtong ito kundi upang makagawa rin ng mabubuting pasiya sa aking buhay.” At kumusta naman ngayon? Si Alejandro ay nagpatuloy: “Nakatira pa ako sa aming tahanan. Subalit dahil sa aming abalang iskedyul, naging mahirap para sa aming mag-ama na mag-usap nang sarilinan. Kaya kaming dalawa ay kumakaing magkasalo minsan sa isang linggo sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Tunay na pinahahalagahan ko ang mga pag-uusap na ito.”
19. Bakit kailangan nating lahat ang mga pakikipag-usap hinggil sa espirituwal na mga bagay?
19 Hindi ba’t pinahahalagahan din natin ang mga pagkakataong tamasahin ang kapaki-pakinabang na mga pakikipag-usap hinggil sa espirituwal na mga bagay sa ating mga kapananampalataya? Nagkakaroon tayo ng ganitong mga pagkakataon sa mga pulong, sa ministeryo sa larangan, at sa sosyal na mga pagtitipon at habang naglalakbay. Inasam noon ni Pablo na makausap ang mga Kristiyano sa Roma. “Nananabik akong makita kayo,” ang sulat niya sa kanila, “upang magkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob sa gitna ninyo, ng bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba, kapuwa ang sa inyo at sa akin.” (Roma 1:11, 12) “Ang mga pakikipag-usap sa mga kapuwa Kristiyano hinggil sa espirituwal na mga bagay ay nakatutugon sa isang mahalagang pangangailangan,” ang sabi ni Johannes, isang elder na Kristiyano. “Ang mga ito ay nakapagpapasigla ng puso at nakapagpapagaan sa pang-araw-araw na pasanin. Madalas kong hilingin sa mga may-edad na isaysay sa akin ang tungkol sa kanilang buhay at kung ano ang nakatulong sa kanila na manatiling tapat. Sa loob ng maraming taon, marami na ang nakausap ko, at bawat isa ay nagbigay sa akin ng karunungan o higit na kaunawaan na nakapagpayaman sa aking buhay.”
20. Ano ang magagawa natin kung mapaharap tayo sa isang mahiyain?
20 Paano kung may tila ayaw tumugon kapag nagbangon ka ng paksa hinggil sa espirituwal na mga bagay? Huwag kang sumuko. Marahil ay makasusumpong ka ng higit na naaangkop na panahon sa kalaunan. “Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon,” ang sabi ni Solomon. (Kawikaan 25:11) Unawain yaong mga mahiyain. “Ang panukala sa puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig, ngunit ang taong may kaunawaan ang siyang sasalok nito.” * (Kawikaan 20:5) Higit sa lahat, huwag hayaan kailanman na ang saloobin ng iba ay pumigil sa iyo sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakaantig sa iyong puso.
Kapaki-pakinabang ang mga Pag-uusap Hinggil sa Espirituwal na mga Bagay
21, 22. Anong mga kapakinabangan ang natatamo natin sa pakikibahagi sa mga pag-uusap hinggil sa espirituwal na mga bagay?
21 “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig,” ang payo ni Pablo, “kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.” (Efeso 4:29; Roma 10:10) Maaaring mangailangan ng pagsisikap upang akayin ang mga pag-uusap sa tamang direksiyon, subalit marami ang kapakinabangan nito. Ang mga pag-uusap hinggil sa espirituwal na mga bagay ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong maibahagi ang ating pananampalataya sa iba at mapatibay ang ating kapatiran.
22 Gamitin natin kung gayon ang kaloob na kakayahang magsalita upang patibayin ang iba at purihin ang Diyos. Ang gayong mga pag-uusap ay pagmumulan ng ating kasiyahan at ng pampatibay-loob naman sa iba. Higit sa lahat, pasasayahin ng mga ito ang puso ni Jehova sapagkat binibigyan niya ng pansin ang ating mga pag-uusap at siya ay nagagalak kapag ginagamit natin ang ating dila sa wastong paraan. (Awit 139:4; Kawikaan 27:11) Kapag ang ating mga pag-uusap ay hinggil sa espirituwal na mga bagay, makatitiyak tayo na hindi tayo kalilimutan ni Jehova. Tungkol sa mga naglilingkod kay Jehova sa ating panahon, sinasabi ng Bibliya: “Nang panahong iyon ay nagsalita sa isa’t isa yaong mga natatakot kay Jehova, bawat isa ay sa kaniyang kasamahan, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” (Malakias 3:16; 4:5) Napakahalaga nga na ang ating mga pag-uusap ay maging nakapagpapatibay sa espirituwal na paraan!
[Talababa]
^ par. 20 Ang ilang balon sa Israel ay napakalalim. Sa Gibeon, natuklasan ng mga arkeologo ang isang imbakan ng tubig na mga 25 metro ang lalim. Ito ay may hagdanan, na nakatutulong sa mga tao na bumaba upang sumalok ng tubig.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang isinisiwalat tungkol sa atin ng ating mga pakikipag-usap?
• Anong nakapagpapatibay na mga bagay ang maaari nating ipakipag-usap?
• Anong mahalagang papel ang ginagampanan ng mga pag-uusap sa loob ng pamilya at sa kongregasyong Kristiyano?
• Anong mga kapakinabangan ang idinudulot ng nakapagpapatibay na mga pag-uusap?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 12]
Ang nakapagpapatibay na mga pag-uusap ay nakasentro sa . . .
“anumang bagay na totoo”
“anumang bagay na seryosong pag-isipan”
“anumang kapuri-puring bagay ang mayroon”
“anumang bagay na may mabuting ulat”
[Credit Lines]
Pabalat ng video, Stalin: U.S. Army photo; Pabalat ng aklat na Creator, Eagle Nebula: J. Hester and P. Scowen (AZ State Univ.), NASA
[Larawan sa pahina 13]
Ang mga oras ng pagkain ay naglalaan ng magagandang pagkakataon upang makibahagi sa mga pag-uusap hinggil sa espirituwal na mga bagay