Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inilalapit ni Jehova sa Katotohanan ang mga Mapagpakumbaba

Inilalapit ni Jehova sa Katotohanan ang mga Mapagpakumbaba

Inilalapit ni Jehova sa Katotohanan ang mga Mapagpakumbaba

AYON SA SALAYSAY NI ASANO KOSHINO

Noong 1949, mga ilang taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, isang matangkad at palakaibigang banyaga ang dumalaw sa pamilya ng pinagtatrabahuhan ko sa Lunsod ng Kobe. Siya ang kauna-unahang misyonero ng mga Saksi ni Jehova na dumating sa Hapon. Ang kaniyang pagdalaw ang nagbukas ng daan upang mapalapít ako sa katotohanan ng Bibliya. Subalit hayaan mong isalaysay ko muna sa iyo ang tungkol sa aking pinagmulan.

ISINILANG ako noong 1926 sa isang maliit na nayon sa gawing hilaga ng Okayama Prefecture. Ako ang ikalima sa walong mga anak. Si Itay ay taimtim na naniniwala sa diyos na naroroon sa lokal na dambanang Shinto. Kaya kaming mga bata ay nasisiyahan sa mga selebrasyon at mga reunyon ng pamilya sa mga kapistahang relihiyoso sa buong taon.

Habang lumalaki ako, marami akong mga katanungan hinggil sa buhay, subalit ang lubha kong ikinababahala ay ang tungkol sa kamatayan. Ayon sa tradisyon, kailangang sa bahay mamatay ang mga tao at ang mga bata ay dapat na nasa tabi ng higaan ng namatay o malapit nang mamatay na mga miyembro ng pamilya. Lungkot na lungkot ako nang mamatay ang aking lola at nang mamatay ang aking kapatid na lalaki na wala pang isang taóng gulang. Natatakot akong isipin ang kamatayan ng aking mga magulang. ‘Talaga bang ganito na lamang ang hantungan ng lahat? May higit na kabuluhan pa ba ang buhay?’ Gusto kong malaman ito.

Noong 1937, nang ako’y nasa ikaanim na grado ng elementarya, sumiklab ang Digmaang Tsino-Hapones. Ang mga kalalakihan ay kinalap at ipinadala sa larangan ng digmaan sa Tsina. Nakita ng mga batang mag-aaral na lumisan ang kani-kanilang ama o mga kapatid na lalaki, na sumisigaw ng “banzai!” (mabuhay) sa emperador. Kumbinsido ang mga tao sa tagumpay ng Hapon, ang bansang pinamumunuan ng diyos, at ng emperador nito, na isang buháy na diyos.

Di-nagtagal, ang mga pamilya ay tumanggap ng mga pahiwatig hinggil sa mga namatay sa larangan ng digmaan. Lipos ng lumbay ang naulilang mga pamilya. Nagpupuyos sa poot ang kanilang mga puso, at nagsasaya sila kapag marami sa kaaway ang namamatay o nasusugatan. Subalit kasabay nito, naisip ko, ‘Ang mga tao sa panig ng kaaway ay malamang na nagdurusa rin gaya namin kapag namatay ang kanilang mga mahal sa buhay.’ Nang magtapos ako sa elementarya, tumitindi pa ang digmaan sa Tsina.

Pagkakilala sa Isang Banyaga

Bilang mga magsasaka, mahirap lamang ang aming pamilya, subalit pinayagan ako ng aking itay na mag-aral basta walang gastusing nasasangkot. Kaya, noong 1941, pumasok ako sa paaralan ng mga batang babae sa Lunsod ng Okayama, mga 100 kilometro ang layo. Ang paaralan ay dinisenyo upang magturo sa mga batang babae na maging may-kakayahang mga asawa at ina, at inaatasan nito ang mga estudyante na tumira sa mayayamang pamilya sa lunsod bilang mga aprentis sa pag-aasikaso sa bahay. Sa umaga, ang mga estudyante ay natututo sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa mga tahanang ito, at sa hapon naman ay pumapasok sila sa paaralan.

Pagkatapos ng seremonya sa pagtanggap sa mga bagong estudyante, dinala ako ng aking guro na nakasuot ng kimono sa isang malaking bahay. Subalit sa di-malamang dahilan, hindi ako tinanggap ng may-bahay. “Kung gayon, pupuntahan ba natin ang bahay ni Gng. Koda?” ang tanong ng guro. Dinala niya ako sa isang bahay na istilong kanluranin at tumimbre sa pintuan. Di-nagtagal, isang matangkad na babae na kulay-pilak ang buhok ang lumabas. Natigilan ako! Hindi siya Hapones, at ngayon lamang ako nakakita ng isang taga-Kanluran sa buong buhay ko. Ipinakilala ako ng guro kay Gng. Maud Koda at agad na umalis. Hila-hila ang aking mga maleta, kabadung-kabado akong pumasok sa bahay. Nang maglaon ay nalaman kong si Gng. Maud Koda ay isang Amerikana na napangasawa ng isang Hapones na nag-aral sa Estados Unidos. Nagtuturo siya ng Ingles sa mga paaralang pangkomersiyo.

Nagsimula ang abalang buhay kinaumagahan. Ang asawa ni Gng. Koda ay may epilepsi, at kailangan akong tumulong sa pag-aalaga sa kaniya. Yamang hindi ako marunong ng Ingles, medyo nag-alala ako. Naibsan ang aking pag-aalala nang kausapin ako ni Gng. Koda sa wikang Hapones. Araw-araw, naririnig ko silang nag-uusap sa Ingles, at unti-unti akong nasanay sa pakikinig sa wikang iyon. Nagustuhan ko ang kaayaayang kapaligiran sa tahanan.

Humanga ako sa debosyon ni Maud sa kaniyang asawang may sakit. Gustung-gusto nitong magbasa ng Bibliya. Nang maglaon ay nalaman kong ang mag-asawa ay nakakuha ng edisyong Hapones ng aklat na The Divine Plan of the Ages sa isang tindahan ng segunda-manong mga aklat at naging mga suskritor sa edisyong Ingles ng Ang Bantayan sa loob ng ilang taon.

Isang araw, ako ay niregaluhan ng isang Bibliya. Maligaya ako sapagkat ito ang unang pagkakataon sa buhay ko na nagkaroon ako ng Bibliya. Binabasa ko ito papunta at pauwi ng paaralan subalit kaunti lamang ang nauunawaan ko. Yamang pinalaki akong isang Shintoista na Hapones, hindi ako pamilyar kay Jesu-Kristo. Hindi ko natalos na ito na ang pasimula ng mga pangyayari na sa dakong huli ay aakay sa akin na tanggapin ang katotohanan ng Bibliya, na sasagot sa mga katanungan ko tungkol sa buhay at kamatayan.

Tatlong Malulungkot na Pangyayari

Malapit nang magtapos ang dalawang taon kong pag-aaprentis, at kailangan kong magpaalam sa pamilya. Nang matapos ako sa pag-aaral, sumama ako sa boluntaryong brigada ng mga batang babae at nakibahagi sa paggawa ng mga uniporme ng hukbong pandagat. Nagsimula ang mga pagsalakay sa himpapawid ng mga B-29 bomber ng Amerika, at noong Agosto 6, 1945, inihulog ang isang bomba atomika sa Hiroshima. Pagkaraan ng ilang araw, tumanggap ako ng isang telegrama, at nalaman kong malubha si Inay. Umuwi ako lulan ng unang masasakyang tren. Pagbaba ko ng tren, sinalubong ako ng isang kamag-anak at sinabi sa akin na namatay na si Inay. Namatay siya noong Agosto 11. Nagkatotoo ang kinatatakutan ko sa loob ng maraming taon! Hinding-hindi na niya ako muling kakausapin o ngingitian.

Noong Agosto 15, nagkatotoo ang pagkatalo ng Hapon. Kaya kailangan kong harapin ang tatlong malulungkot na pangyayari, lahat sa loob ng sampung araw: ang una ay ang pagsabog ng bomba atomika, ang kamatayan ni Inay, at ang makasaysayang pagkatalo ng Hapon. Sa paanuman, nakaaaliw malaman na hindi na mamamatay ang mga tao sa digmaan. Lipos ng kalungkutan, umalis ako sa pabrika at umuwi sa aming lalawigan.

Inilapit sa Katotohanan

Isang araw, di-inaasahang tumanggap ako ng isang liham buhat kay Maud Koda sa Okayama. Tinanong niya kung makararating ba ako upang tulungan siya sa mga gawain sa bahay, yamang magbubukas siya ng isang paaralang Ingles. Nag-isip ako kung ano ang dapat kong gawin, subalit tinanggap ko ang kaniyang paanyaya. Pagkaraan ng ilang taon, lumipat ako sa Kobe kasama ng mga Koda.

Noong pasimula ng tag-araw ng 1949, isang matangkad at palakaibigang ginoo ang dumalaw sa pamilya Koda. Ang pangalan niya ay Donald Haslett, at nagpunta siya sa Kobe mula sa Tokyo upang humanap ng isang tahanan para sa mga misyonero sa Kobe. Siya ang kauna-unahang misyonero ng mga Saksi ni Jehova na dumating sa Hapon. Isang bahay ang nasumpungan, at noong Nobyembre 1949, dumating ang ilang misyonero sa Kobe. Isang araw, lima sa kanila ang dumalaw sa mga Koda. Dalawa sa kanila, si Lloyd Barry at si Percy Iszlaub, ay nagsalita ng Ingles na tig-sampung minuto para sa mga nagkatipon sa bahay. Si Maud ay kilala ng mga misyonero bilang isang Kristiyanong kapatid na babae at maliwanag na napatibay sa pakikisama sa kanila. Noon ako napasiglang mag-aral ng Ingles.

Sa tulong ng masisigasig na misyonero, unti-unti kong naunawaan ang saligang mga katotohanan sa Bibliya. Nasumpungan ko ang mga kasagutan sa mga tanong ko mula sa aking pagkabata. Oo, ang Bibliya ay nagbibigay ng pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa at ng pangako ng pagkabuhay-muli ng “lahat ng nasa mga alaalang libingan.” (Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:1, 4) Nagpapasalamat ako kay Jehova anupat naging posible ang pag-asang iyon sa pamamagitan ng haing pantubos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.

Maliligayang Gawaing Teokratiko

Mula noong Disyembre 30, 1949, hanggang Enero 1, 1950, ang unang teokratikong asamblea sa Hapon ay idinaos sa tahanang misyonero sa Kobe. Sumama ako kay Maud. Ang malaking bahay ay dating pag-aari ng isang Nazi at may magandang tanawin ng Inland Sea at Awaji Island. Yamang limitado ang kaalaman ko sa Bibliya, kaunti lamang ang naintindihan ko sa mga sinabi. Gayunman, hangang-hanga ako sa mga misyonero, na malayang nakikisalamuha sa mga Hapones. May kabuuang bilang na 101 ang dumalo sa pahayag pangmadla sa asambleang ito.

Sandaling panahon pagkaraan niyan, nagpasiya akong makibahagi sa ministeryo sa larangan. Nangailangan ako ng lakas ng loob upang magbahay-bahay, yamang ako’y likas na mahiyain. Isang umaga, dumating si Brother Lloyd Barry sa aming bahay upang isama ako sa ministeryo. Nagsimula siya sa kapitbahay ni Sister Koda. Halos magtago ako sa likuran niya samantalang pinakikinggan ko ang kaniyang presentasyon. Nang lumabas ako sa larangan sa ikalawang pagkakataon, kasama ko naman ang dalawa pang misyonera. Isang may-edad nang Haponesa ang nagpatuloy sa amin, nakinig, at pagkatapos ay nagpainom sa bawat isa sa amin ng isang basong gatas. Pumayag siya sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya at nang maglaon ay naging isang bautisadong Kristiyano. Nakapagpapasiglang makita ang kaniyang pagsulong.

Noong Abril 1951, dumalaw sa Hapon sa kauna-unahang pagkakataon si Brother Nathan H. Knorr, mula sa punong tanggapan sa Brooklyn. Mga 700 katao ang dumating sa pahayag pangmadla na binigkas niya sa Awditoryum ng Kyoritsu sa Kanda, Tokyo. Sa pantanging pulong na ito, ang lahat ng dumalo ay nagsaya sa paglalabas ng edisyong Hapones ng Ang Bantayan. Nang sumunod na buwan, dumalaw si Brother Knorr sa Kobe, at sa pantanging pulong doon, nabautismuhan ako bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova.

Pagkaraan ng mga isang taon, napatibay akong pumasok sa buong-panahong ministeryo, ang paglilingkod bilang payunir. Iilan lamang ang mga payunir sa Hapon nang panahong iyon, at nag-isip ako kung paano ko susuportahan ang aking sarili. Pinag-isipan ko rin ang tungkol sa pag-asa ko na makapag-asawa. Subalit natalos ko na dapat kong unahin sa buhay ang paglilingkod kay Jehova, kaya nagpayunir ako noong 1952. Mabuti naman, nakapagtatrabaho ako nang part-time kay Sister Koda samantalang nagpapayunir.

Nang panahong iyon, ang aking kapatid na lalaki, na akala ko’y namatay na sa digmaan, ay umuwi ng bahay kasama ang kaniyang pamilya mula sa Taiwan. Hindi kailanman nagpakita ng interes sa Kristiyanismo ang aking pamilya, subalit taglay ang sigasig ng payunir, nagsimula akong magpadala sa kanila ng ating mga magasin at mga buklet. Nang maglaon, lumipat sa Kobe ang aking kapatid na lalaki kasama ang pamilya niya dahil sa kaniyang trabaho. “Nabasa mo ba ang mga magasin?” ang tanong ko sa aking hipag. Sa pagtataka ko, sumagot siya, “Kawili-wili ang mga magasin.” Nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa isa sa mga misyonero, at ang aking nakababatang kapatid na babae na nakatirang kasama nila ay sumama sa kaniya sa pag-aaral. Sa kalaunan, silang dalawa ay naging bautisadong mga Kristiyano.

Humanga sa Internasyonal na Kapatiran

Di-nagtagal pagkatapos niyan, natigilan ako nang tumanggap ako ng imbitasyong mag-aral sa ika-22 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Kami ni Brother Tsutomu Fukase ang unang mga kapatid mula sa Hapon na inanyayahan sa paaralan. Noong 1953, bago magsimula ang klase, nakadalo kami sa New World Society Assembly na ginanap sa Yankee Stadium sa New York. Labis akong humanga sa internasyonal na kapatiran ng bayan ni Jehova.

Noong ikalimang araw ng kombensiyon, ang mga delegadong Hapones, na ang karamihan ay mga misyonero, ay pinagsuot ng mga kimono. Yamang ang kimono na ipinadala ko sa barko bago pa nito ay nahuling dumating, hiniram ko ang kimono ni Sister Knorr. Noong sesyon ay nagsimulang umulan, at nag-aalala ako na baka mabasa ang kimono. Nang sandaling iyon, may marahang naglagay ng kapote sa akin mula sa likuran. “Kilala mo ba kung sino siya?” ang tanong ng isang sister na nakatayo sa tabi ko. Nang maglaon, napag-alaman ko na ito ay si Brother Frederick W. Franz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Talagang naranasan ko ang init ng samahan sa organisasyon ni Jehova!

Ang ika-22 klase ng Gilead ay talagang internasyonal, na binubuo ng 120 estudyante mula sa 37 bansa. Bagaman kung minsan ay mahirap makipag-usap dahil sa iba’t ibang wikang sinasalita namin, lubusan kaming nasiyahan sa internasyonal na kapatiran. Sa isang maniyebeng araw noong Pebrero 1954, nagtapos ako at tumanggap ng atas pabalik sa Hapon. Isang kaklase, si Inger Brandt, isang sister na taga-Sweden, ang magiging kasama ko sa Lunsod ng Nagoya. Doon, sumama kami sa grupo ng mga misyonero na pinalikas mula sa Korea dahil sa digmaan. Napakahalaga sa akin ang ilang taon na ginugol ko sa paglilingkod bilang misyonera.

Nakagagalak na Paglilingkod Bilang Mag-asawa

Noong Setyembre 1957, naanyayahan akong maglingkod sa Bethel sa Tokyo. Ang dalawang-palapag na bahay na yari sa kahoy ang nagsilbing tanggapang pansangay sa Hapon. Sa sangay, apat lamang ang miyembro, kasama na si Brother Barry, ang tagapangasiwa ng sangay. Ang iba pa sa pamilya ay mga misyonero. Ako’y naatasan sa gawaing pagsasalin at proofreading, gayundin sa paglilinis, paglalaba at pamamalantsa, pagluluto, at iba pa.

Lumalawak ang gawain sa Hapon, at marami pang kapatid na lalaki ang inanyayahan sa Bethel. Ang isa sa kanila ay naging isang tagapangasiwa sa kongregasyong kinauugnayan ko. Noong 1966, kami ng kapatid na iyon, si Junji Koshino, ay nagpakasal. Pagkatapos naming makasal, si Junji ay naatasan sa gawaing pansirkito. Isang kagalakang makilala ang napakaraming kapatid habang naglalakbay kami sa iba’t ibang kongregasyon. Yamang ako’y naatasang magsalin, ginagawa ko ito sa bahay kung saan kami tumutuloy sa loob ng isang linggo. Samantalang naglalakbay, kailangan naming magdala ng mabibigat na diksyunaryo, bukod pa sa aming maleta at iba pang mga bag.

Nasiyahan kami sa gawaing pansirkito sa loob ng mahigit na apat na taon at nakita namin ang patuloy na paglawak ng organisasyon. Ang sangay ay lumipat sa Numazu, at pagkalipas ng mga taon ay sa Ebina, kung saan naroroon ang kasalukuyang mga pasilidad ng sangay. Kami ni Junji ay nasisiyahan sa paglilingkod sa Bethel, at ngayon ay nagtatrabahong kasama ng isang pamilya na may mga 600 miyembro. Noong Mayo 2002, may-kabaitang ipinagdiwang ng mga kaibigan sa Bethel ang aking 50 taon sa buong-panahong paglilingkod.

Maligaya na Makita ang Pagsulong

Nang magsimula akong maglingkod kay Jehova noong 1950, kakaunti lamang ang mga mamamahayag sa Hapon. Ngayon ay mayroon nang mahigit sa 210,000 mamamahayag ng Kaharian. Tunay, libu-libong tulad-tupa ang naaakit kay Jehova, gaya ko.

Ang apat na misyonerong mga kapatid na dumalaw sa amin sa bahay ni Sister Koda noong 1949, gayundin si Sister Maud Koda, ay pawang namatay nang tapat. Pati rin ang aking kapatid na lalaki, na isang ministeryal na lingkod, at ang aking hipag, na nasiyahan sa paglilingkod bilang payunir sa loob ng mga 15 taon. Anu-ano ang magiging pag-asa sa hinaharap ng aking mga magulang, na ang kamatayan ay kinatakutan ko sa aking pagkabata? Ang pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli ay nagbibigay sa akin ng pag-asa at kaaliwan.​—Gawa 24:15.

Habang ginugunita ko ang nakaraan, ang pagkakilala ko kay Maud noong 1941 ang sa palagay ko’y siyang nagdulot ng malaking pagbabago sa aking buhay. Kung hindi ko siya nakilala nang panahong iyon at kung hindi ko tinanggap ang kaniyang paanyaya na magtrabahong muli sa kaniya pagkatapos ng digmaan, malamang na nanatili ako sa aming bukid sa isang liblib na nayon at hindi ko nakilala ang mga misyonero noong unang mga panahong iyon. Anong laki ng pasasalamat ko kay Jehova anupat inilapit niya ako sa katotohanan sa pamamagitan ni Maud at ng unang mga misyonero!

[Larawan sa pahina 25]

Kasama si Maud Koda at ang kaniyang asawa. Ako ang nasa harap sa kaliwa

[Larawan sa pahina 27]

Kasama ng mga misyonero mula sa Hapon sa Yankee Stadium noong 1953. Ako ang nasa dulong kaliwa

[Mga larawan sa pahina 28]

Sa Bethel kasama ng aking asawa, si Junji