Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maraming Tanong—Iilang Kasiya-siyang Sagot

Maraming Tanong—Iilang Kasiya-siyang Sagot

Maraming Tanong​—Iilang Kasiya-siyang Sagot

NOONG umaga ng Todos los Santos, Nobyembre 1, 1755, isang malakas na lindol ang yumanig sa lunsod ng Lisbon habang ang karamihan sa mga mamamayan nito ay nasa loob ng simbahan. Libu-libong gusali ang bumagsak, at sampu-sampung libong tao ang namatay.

Di-nagtagal pagkatapos ng trahedyang iyon, inilathala ng manunulat na Pranses na si Voltaire ang kaniyang Poème sur le désastre de Lisbonne (Tula Hinggil sa Kasakunaan sa Lisbon), na doo’y tinanggihan niya ang pag-aangkin na ang malaking kapahamakang iyon ay parusa ng Diyos sa mga kasalanan ng mga tao. Sa paggigiit na ang gayong kapaha-pahamak na mga pangyayari ay hindi matatarok ng pang-unawa o maipaliliwanag ng tao, sumulat si Voltaire:

Ang kalikasan ay pipi, walang kabuluhan ang pagtatanong natin sa kaniya;

Kailangan natin ang isang Diyos na nakikipag-usap sa lahi ng tao.

Mangyari pa, hindi si Voltaire ang unang nagbangon ng mga tanong hinggil sa Diyos. Sa buong kasaysayan ng tao, ang mga trahedya at kasakunaan ay nagbangon ng mga tanong sa isipan ng mga tao. Libu-libong taon na ang nakalilipas, ang patriyarkang si Job, na hindi pa nagtatagal noon ay namatayan ng lahat ng kaniyang mga anak at nakikipagpunyagi pa sa isang kahila-hilakbot na sakit, ay nagtanong: “Bakit . . . nagbibigay ng liwanag [ang Diyos] sa isa na dumaranas ng kagipitan, at ng buhay doon sa mga mapait ang kaluluwa?” (Job 3:20) Sa ngayon, marami ang nag-iisip kung bakit ang isang mabuti at maibiging Diyos ay waring walang ginagawa sa harap ng napakaraming pagdurusa at kawalang-katarungan.

Dahil sa nangyayaring taggutom, digmaan, sakit, at kamatayan, marami ang lubusang tumatanggi sa ideya na may isang Maylalang na nagmamalasakit sa sangkatauhan. Isang ateistang pilosopo ang nagsabi: “Walang maidadahilan para hindi masisi ang Diyos sa pagpapahintulot na magdusa ang isang bata, . . . maliban na lamang, siyempre, kung hindi siya umiiral.” Ang malalaking trahedya, tulad ng Holocaust noong Digmaang Pandaigdig II, ay umakay sa gayunding mga konklusyon. Pansinin ang komentong ito ng isang manunulat na Judio na nakasaad sa isang newsletter: “Hanggang sa ngayon, ang pinakasimpleng paliwanag sa nangyari sa Auschwitz ay na walang Diyos na nakikialam sa mga gawain ng tao.” Ayon sa surbey noong 1997 na isinagawa sa Pransiya, isang bansa na doo’y mas nakararami ang Katoliko, mga 40 porsiyento ng mga tao ang nag-aalinlangan sa pag-iral ng Diyos dahil sa paglipol sa isang partikular na grupo ng tao, kagaya ng nangyari sa Rwanda noong 1994.

Isa Bang Hadlang sa Pananampalataya?

Bakit hindi nakikialam ang Diyos upang hadlangang mangyari ang masasamang bagay? Iginigiit ng isang Katolikong tagapagtala ng makasaysayang mga pangyayari na ang tanong na ito ay “isang malubhang hadlang sa pananampalataya” para sa marami. Nagtatanong siya: “Tunay nga kayang posible na maniwala sa isang Diyos na nanonood lamang at walang magawa samantalang milyun-milyong inosenteng mga tao ang namamatay at malalaking grupo ng mga tao sa daigdig ang minamasaker subalit hindi man lamang siya kumikilos upang hadlangan ito?”

Isang editoryal sa pahayagang Katoliko na La Croix ang nagkomento rin: “Ito man ay mga trahedya sa kasaysayan, mga pangyayaring resulta ng pagsulong sa teknolohiya, likas na mga kasakunaan, organisadong mga krimen, o kamatayan ng isang minamahal sa buhay, sa bawat kaso, ang nahihintakutang mga mata ay tumitingin sa langit. Nasaan ang Diyos? Sila ay humihingi ng sagot. Hindi ba siya ang Dakilang Mapagwalang-bahala, ang Dakilang Walang-malasakit?”

Hinarap ni Pope John-Paul II ang isyung ito sa kaniyang apostolikong liham noong 1984 na Salvifici Doloris. Siya ay sumulat: “Bagaman iminumulat ng pag-iral ng daigdig ang mga mata, wika nga, ng kaluluwa ng tao sa pag-iral ng Diyos, sa kaniyang karunungan, kapangyarihan at kadakilaan, waring pinalalabo naman ng kasamaan at pagdurusa ang mga katangiang ito, kung minsan ay sa matinding paraan, lalo na sa napakaraming nangyayaring di-nararapat na pagdurusa sa araw-araw at sa maraming pagkakamali na hindi nabibigyan ng angkop na kaparusahan.”

Ang pag-iral ba ng Diyos na pinakamaibigin at pinakamakapangyarihan sa lahat, gaya ng inihaharap ng Bibliya, ay kasuwato ng laganap na pagdurusa ng tao? Siya ba ay nakikialam upang mahadlangan ang isahan o pangmaramihang trahedya? May ginagawa ba siya para sa atin sa ngayon? Mayroon ba, bilang pagsipi kay Voltaire, na “isang Diyos na nakikipag-usap sa lahi ng tao” upang sagutin ang mga tanong na ito? Pakisuyong basahin ang susunod na artikulo para sa kasagutan.

[Mga larawan sa pahina 3]

Ang pagkawasak ng Lisbon noong 1755 ay nag-udyok kay Voltaire upang igiit na ang gayong mga pangyayari ay hindi matatarok ng pang-unawa ng tao

[Credit Lines]

Voltaire: From the book Great Men and Famous Women; Lisbon: J.P. Le Bas, Praça da Patriarcal depois do terramoto de 1755. Foto: Museu da Cidade/Lisboa

[Larawan sa pahina 4]

Marami ang nag-aalinlangan sa pag-iral ng Diyos dahil sa kalunus-lunos na mga resulta ng paglipol ng lahi, kagaya niyaong sa Rwanda

[Credit Line]

AFP PHOTO

[Picture Credit Line sa pahina 2]

COVER, children: USHMM, courtesy of Main Commission for the Prosecution of the Crimes against the Polish Nation