Nagdudulot ng Kapurihan kay Jehova ang Pagbabata sa Ilalim ng mga Pagsubok
Nagdudulot ng Kapurihan kay Jehova ang Pagbabata sa Ilalim ng mga Pagsubok
“Kung, kapag gumagawa kayo ng mabuti at nagdurusa kayo, binabata ninyo iyon, ito ay isang bagay na kaayaaya sa Diyos.”—1 PEDRO 2:20.
1. Yamang ang tunay na mga Kristiyano ay palaisip sa pagtupad sa kanilang pag-aalay, anong tanong ang dapat isaalang-alang?
ANG mga Kristiyano ay nakaalay kay Jehova at nais nilang gawin ang kaniyang kalooban. Upang matupad ang kanilang pag-aalay, ginagawa nila ang kanilang buong makakaya upang sundan ang mga yapak ng kanilang Huwaran, si Jesu-Kristo, at makapagpatotoo hinggil sa katotohanan. (Mateo 16:24; Juan 18:37; 1 Pedro 2:21) Gayunman, ibinigay ni Jesus at ng iba pang mga tapat ang kanilang buhay at nangamatay bilang mga martir dahil sa kanilang pananampalataya. Nangangahulugan ba ito na lahat ng mga Kristiyano ay mamamatay dahil sa kanilang pananampalataya?
2. Paano minamalas ng mga Kristiyano ang mga pagsubok at pagdurusa?
2 Bilang mga Kristiyano, tayo ay pinapayuhang maging tapat hanggang kamatayan, ngunit hindi naman ito laging nangangahulugan na kailangan tayong mamatay alang-alang sa ating pananampalataya. (2 Timoteo 4:7; Apocalipsis 2:10) Ang ibig sabihin, bagaman handa tayong magdusa—at kung kinakailangan ay mamatay—dahil sa ating pananampalataya, hindi natin nais na maranasan ito. Hindi tayo nalulugod sa pagdurusa ni nasisiyahan man sa kirot o pagkapahiya. Gayunman, yamang ang mga pagsubok at pag-uusig ay dapat asahan, kailangan nating pag-isipan nang maingat kung paano tayo gagawi kapag sumapit iyon sa atin.
Tapat sa Ilalim ng Pagsubok
3. Anong mga halimbawa sa Bibliya hinggil sa pagharap sa pag-uusig ang mailalahad mo? (Tingnan ang kahong “Kung Paano Nila Hinarap ang Pag-uusig,” sa susunod na pahina.)
3 Sa Bibliya, masusumpungan natin ang napakaraming ulat na nagpapakita kung paano tumugon ang mga lingkod ng Diyos noon nang mapaharap sila sa mga situwasyon na nagsapanganib sa kanilang buhay. Ang iba’t ibang paraan ng kanilang pagtugon ay naglalaan ng patnubay para sa mga Kristiyano sa ngayon sakali mang mapaharap sila sa gayunding mga hamon. Isaalang-alang ang mga ulat sa kahong “Kung Paano Nila Hinarap ang Pag-uusig,” at tingnan kung ano ang iyong matututuhan mula sa mga ito.
4. Ano ang masasabi hinggil sa paraan ng pagtugon ni Jesus at ng ibang tapat na mga lingkod nang sila’y mapasailalim sa pagsubok?
4 Bagaman si Jesus at ang ibang tapat na mga lingkod ng Diyos ay may iba’t ibang paraan ng pagtugon sa pag-uusig, depende sa mga kalagayan, maliwanag na hindi nila isinapanganib ang kanilang buhay nang di-kinakailangan. Nang mapaharap sila sa mapanganib na mga situwasyon, malalakas ang kanilang loob ngunit maiingat din. (Mateo 10:16, 23) Ang kanilang tunguhin ay mapasulong ang gawaing pangangaral at mapanatili ang kanilang katapatan kay Jehova. Ang kanilang mga reaksiyon sa iba’t ibang situwasyon ay naglalaan ng mga halimbawa para sa mga Kristiyano na napapaharap sa mga pagsubok at pag-uusig sa ngayon.
5. Anong pag-uusig ang bumangon sa Malawi noong dekada ng 1960, at paano tumugon ang mga Saksi roon?
5 Sa makabagong panahon, ang bayan ni Jehova ay madalas na napapasailalim sa matitinding kahirapan at kasalatan dahil sa mga digmaan, pagbabawal, o tuwirang pag-uusig. Halimbawa, noong dekada ng 1960, ang mga Saksi ni Jehova sa Malawi ay malupit na pinag-usig. Ang kanilang mga Kingdom Hall, tahanan, suplay ng pagkain, at negosyo—halos lahat ng kanilang pag-aari—ay sinira. Sila ay binugbog at dumanas ng iba pang pahirap. Paano tumugon ang mga kapatid? Libu-libo ang kinailangang tumakas sa kanilang mga nayon. Marami
ang nanganlong sa kagubatan, samantalang ang iba naman ay pansamantalang naging tapon sa karatig na Mozambique. Bagaman marami sa mga tapat ang namatay, ang iba naman ay nagpasiyang tumakas mula sa mapanganib na lugar, na maliwanag na siyang makatuwirang landasin sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Sa paggawa nito, sinunod ng mga kapatid ang parisan na ibinigay nina Jesus at Pablo.6. Ano ang hindi pinabayaan ng mga Saksi sa Malawi sa kabila ng malupit na pag-uusig?
6 Bagaman ang mga kapatid sa Malawi ay kinailangang tumakas o magtago, hinanap nila at sinunod ang teokratikong tagubilin at isinakatuparan nang palihim ang kanilang mga gawaing Kristiyano sa pinakamagaling na paraang magagawa nila. Ano ang resulta? Isang peak na 18,519 na mamamahayag ng Kaharian ang naabot nang malapit nang magsimula ang pagbabawal noong 1967. Bagaman patuloy pa rin ang pagbabawal noon at marami ang kinailangang tumakas patungong Mozambique, pagsapit ng 1972, isang bagong peak na 23,398 mamamahayag ang nag-ulat. Gumugol sila sa katamtaman nang mahigit sa 16 na oras sa ministeryo bawat buwan. Walang alinlangan, ang kanilang mga gawa ay nagdulot ng kapurihan kay Jehova, at ang pagpapala ni Jehova ay nasa tapat na *
mga kapatid na iyon noong napakahirap na panahong iyon.7, 8. Sa anong mga dahilan ipinapasiya ng ilan na huwag umalis, bagaman nagdudulot ng mga problema ang pagsalansang?
7 Sa kabilang panig, sa mga bansa na doo’y nagdudulot ng mga problema ang pagsalansang, maaaring ipasiya ng ilang kapatid na huwag umalis, bagaman maaari nilang gawin iyon. Ang paglipat ay maaaring lumutas sa ilang problema, ngunit maaari itong lumikha ng iba pang mga suliranin. Halimbawa, mapananatili kaya nila ang pakikipag-ugnayan sa kapatirang Kristiyano at hindi mapahiwalay sa espirituwal na paraan? Maipagpapatuloy kaya nila ang kanilang espirituwal na rutin habang nakikipagpunyagi upang mabuhay sa ibang lugar, marahil sa isang mas maunlad na bansa o sa isa na naglalaan ng mas maraming pagkakataon upang umunlad sa materyal na paraan?—1 Timoteo 6:9.
8 Ipinapasiya naman ng iba na huwag lumipat dahil nababahala sila sa espirituwal na kapakanan ng kanilang mga kapatid. Pinili nila na mamalagi at harapin ang situwasyon upang makapagpatuloy sa pangangaral sa kanilang sariling teritoryo at maging isang pinagmumulan ng pampatibay-loob sa mga kapuwa mananamba. (Filipos 1:14) Sa paggawa ng gayong pasiya, nakatulong pa nga ang ilan sa pagkakamit ng legal na mga tagumpay sa kanilang lupain. *
9. Anong mga salik ang dapat isaalang-alang ng isang tao kapag nagpapasiyang mamalagi o lumipat dahil sa pag-uusig?
9 Ang pasiyang mamalagi o lumipat ay tiyak na isang personal na desisyon. Siyempre pa, ang gayong mga pasiya ay dapat gawin lamang pagkatapos ng may-pananalanging paghanap natin sa patnubay ni Jehova. Gayunman, anumang landasin ang ating piliin, dapat nating tandaan ang mga salita ni apostol Pablo: “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Roma 14:12) Gaya ng nabanggit na natin kanina, ang hinihiling ni Jehova ay manatiling tapat ang bawat isa sa kaniyang mga lingkod sa ilalim ng anumang kalagayan. Ang ilan sa kaniyang mga lingkod ay napapaharap sa mga pagsubok at pag-uusig sa ngayon; ang iba ay maaaring mapaharap dito sa kalaunan. Ang lahat ay tiyak na masusubok, at walang sinuman ang dapat umasa na malilibre siya rito. (Juan 15:19, 20) Bilang nakaalay na mga lingkod ni Jehova, hindi natin maiiwasan ang pansansinukob na isyu na nagsasangkot sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at pagbabangong-puri sa kaniyang pagkasoberano.—Ezekiel 38:23; Mateo 6:9, 10.
“Huwag Gumanti Kaninuman ng Masama Para sa Masama”
10. Anong mahalagang parisan ang ibinigay sa atin ni Jesus at ng mga apostol hinggil sa pagharap sa mga panggigipit at pagsalansang?
10 Ang isa pang mahalagang simulain na matututuhan natin mula sa paraan ng pagtugon ni Jesus at ng mga apostol sa ilalim ng panggigipit ay huwag kailanman gumanti sa mga nang-uusig sa atin. Hindi natin masusumpungan sa Bibliya ang anumang pahiwatig na si Jesus o ang kaniyang mga tagasunod ay nag-organisa ng isang uri ng kilusan sa pakikipaglaban o gumamit ng dahas upang labanan ang kanilang mga mang-uusig. Sa kabaligtaran, “huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama,” ang payo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano. “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ” Bukod diyan, “huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”—Roma 12:17-21; Awit 37:1-4; Kawikaan 20:22.
11. Ano ang sinabi ng isang istoryador hinggil sa saloobin ng sinaunang mga Kristiyano tungkol sa Estado?
11 Dinibdib ng sinaunang mga Kristiyano ang payong iyon. Sa kaniyang aklat na The Early Church and the World, inilalarawan ng istoryador na si Cecil J. Cadoux ang saloobin ng mga Kristiyano sa Estado noong yugto ng 30-70 C.E. Sumulat siya: “Wala kaming tuwirang katibayan na may ginawang pagsisikap ang mga Kristiyano sa yugtong ito na labanan ang pag-uusig sa pamamagitan ng dahas. Ang pinakagrabeng ginawa nila ay ang matinding pagbatikos sa kanilang mga tagapamahala o paglito sa kanila sa pamamagitan ng pagtakas. Gayunman, ang normal na pagtugon ng mga Kristiyano sa pag-uusig ay hindi na lalabis sa mahinahon ngunit matatag na pagtangging sumunod sa mga utos ng pamahalaan na pinaniniwalaan namang salungat sa pagsunod kay Kristo.”
12. Bakit mas mabuti na batahin ang pagdurusa sa halip na gumanti?
12 Talaga bang praktikal ang gayong waring mapagpasakop na landasin? Hindi kaya ang sinumang tutugon nang gayon ay madaling mapagsamantalahan ng mga determinadong lumipol sa kanila? Hindi kaya katalinuhan na ipagtanggol ang sarili? Sa pangmalas ng tao, waring gayon nga ang dapat. Gayunman, bilang mga lingkod ni Jehova, nagtitiwala tayo na ang pagsunod sa utos ni Jehova sa lahat ng bagay ang siyang pinakamahusay na landasin. Lagi nating isinasaisip ang mga salita ni Pedro: “Kung, kapag gumagawa kayo ng mabuti at nagdurusa kayo, binabata ninyo iyon, ito ay isang bagay na kaayaaya sa Diyos.” (1 Pedro 2:20) Nagtitiwala tayo na alam na alam ni Jehova ang situwasyon at hindi niya pahihintulutang magpatuloy nang walang hanggan ang mga bagay-bagay. Paano natin ito matitiyak? Sa kaniyang bayan na bihag sa Babilonya, sinabi ni Jehova: “Siya na humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zacarias 2:8) Gaano katagal pahihintulutan ng sinuman na hipuin ang itim ng kaniyang mata? Si Jehova ay maglalaan ng kaginhawahan sa tamang panahon. Tungkol diyan ay walang dapat pag-alinlanganan.—2 Tesalonica 1:5-8.
13. Bakit mapagpasakop na pinahintulutan ni Jesus na arestuhin siya ng mga kaaway?
13 Hinggil dito, maaari nating tingnan si Jesus bilang ating huwaran. Nang pahintulutan niya ang kaniyang mga kaaway na arestuhin siya sa hardin ng Getsemani, hindi ito dahil sa hindi niya kayang ipagtanggol ang kaniyang sarili. Sa katunayan, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: ‘Iniisip ba ninyo na hindi ako makahihiling sa aking Ama na paglaanan ako sa sandaling ito ng mahigit sa labindalawang hukbo ng mga anghel? Kung magkagayon, paano matutupad ang Kasulatan na dapat itong maganap sa ganitong paraan?’ (Mateo 26:53, 54) Ang pagsasakatuparan sa kalooban ni Jehova ang siyang pinakamahalaga kay Jesus, kahit na mangahulugan pa ito na kailangan siyang magdusa. Siya ay may lubos na pagtitiwala sa mga salita ng makahulang awit ni David: “Hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol. Hindi mo pahihintulutang makita ng iyong matapat ang hukay.” (Awit 16:10) Pagkalipas ng maraming taon, sinabi ni apostol Pablo tungkol kay Jesus: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.”—Hebreo 12:2.
Ang Kagalakan ng Pagpapabanal sa Pangalan ni Jehova
14. Ano ang kagalakan na nagpalakas kay Jesus sa kabila ng lahat ng pagsubok sa kaniya?
14 Ano ang kagalakan na nagpalakas kay Jesus sa kabila ng pinakamatinding pagsubok na maguguniguni? Sa lahat ng lingkod ni Jehova, si Jesus, ang minamahal na Anak ng Diyos, ang tiyak na pinakapangunahing puntirya ni Satanas. Kaya ang pananatiling tapat ni Jesus sa ilalim ng pagsubok ang ultimong sagot sa pagtuya ni Satanas kay Jehova. (Kawikaan 27:11) Naguguniguni mo ba ang kagalakan at kasiyahan na nadama ni Jesus nang buhayin siyang muli? Tiyak na maligaya siya, palibhasa’y alam niya na kaniyang natupad ang papel na dapat niyang gampanan bilang isang sakdal na tao sa pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova at sa pagpapabanal sa Kaniyang pangalan! Karagdagan pa, ang pagiging nakaupo “sa kanan ng trono ng Diyos” ay tiyak na isang kahanga-hangang karangalan at siyang pinakamalaking pinagmumulan ng kagalakan para kay Jesus.—Awit 110:1, 2; 1 Timoteo 6:15, 16.
15, 16. Anong buktot na pag-uusig ang binatá ng mga Saksi sa Sachsenhausen, at ano ang nagbigay sa kanila ng lakas upang magawa iyon?
15 Para sa mga Kristiyano, isa ring kagalakan na magkaroon ng bahagi sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng pagbata sa mga pagsubok at pag-uusig, anupat sinusunod ang halimbawa ni Jesus. Ang isang angkop na halimbawa nito ay ang karanasan ng mga Saksi na nagdusa sa bantog-sa-kasamaan na kampong piitan ng Sachsenhausen at nakaligtas sa nakapangingilabot na death march noong papatapos na ang Digmaang Pandaigdig II. Sa panahon ng pagmamartsa, libu-libong bilanggo ang namatay dahil sa pagkakahantad sa lagay ng panahon, sa sakit o gutom, o dahil buong-kalupitan silang pinatay ng mga guwardiyang SS sa tabi mismo ng daan. Ang mga Saksi, na 230 ang bilang sa kabuuan, ay nakaligtas sa pamamagitan ng pananatiling magkakasama at pagtulong sa isa’t isa kahit na manganib ang kanilang buhay.
16 Ano ang nagbigay ng lakas sa mga Saksing ito upang mabata ang gayong buktot na pag-uusig? Nang makarating sila sa ligtas na lugar, ipinahayag nila ang kanilang kagalakan at pasasalamat kay Jehova sa isang dokumento na pinamagatang “Ang resolusyon ng 230 saksi ni Jehova mula sa anim na bansa, na nagtipon sa isang kagubatan malapit sa Schwerin sa Mecklenburg.” Dito ay sinabi nila: “Natapos na ang isang mahabang yugto ng pagsubok at para sa mga nakaligtas, na waring inagaw mula sa maapoy na hurno, ang amoy ng apoy ay hindi man lamang nanikit sa kanila. (Tingnan ang Daniel 3:27.) Sa kabaligtaran, sila ay puspos ng lakas at kapangyarihan mula kay Jehova at sabik na naghihintay ng bagong mga utos mula sa Hari upang isulong pa ang mga kapakanang Teokratiko.” *
17. Anu-anong uri ng mga pagsubok ang napapaharap sa bayan ng Diyos sa ngayon?
17 Kagaya ng 230 tapat na iyon, ang ating pananampalataya ay maaari ring masubok, bagaman hindi pa tayo “nakipaglaban hanggang sa dugo.” (Hebreo 12:4) Ngunit may iba’t ibang uri ng pagsubok. Ito ay maaaring panunuya ng mga kaklase, o maaaring panggigipit ng mga kasamahan upang gumawa ng imoralidad at iba pang kamalian. Bukod dito, ang kapasiyahang umiwas sa dugo, mag-asawa tangi lamang sa Panginoon, o magpalaki ng mga anak ayon sa pananampalataya bagaman nasa isang nababahaging sambahayan ay maaaring magbunga kung minsan ng matitinding panggigipit at mga pagsubok.—Gawa 15:29; 1 Corinto 7:39; Efeso 6:4; 1 Pedro 3:1, 2.
18. Anong katiyakan ang taglay natin na mababata natin kahit ang pinakapambihirang pagsubok?
18 Gayunman, anumang pagsubok ang mapaharap sa atin, alam natin na nagdurusa tayo dahil inuuna natin si Jehova at ang kaniyang Kaharian, at itinuturing nating isang pribilehiyo at kagalakan na gawin iyon. Nagtatamo tayo ng lakas ng loob mula sa nakapagpapatibay na mga salita ni Pedro: “Kung dinudusta kayo dahil sa pangalan ni Kristo, kayo ay maligaya, sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian, ang espiritu mismo ng Diyos, ay namamalagi sa inyo.” (1 Pedro 4:14) Dahil sa kapangyarihan ng espiritu ni Jehova, tayo ay may lakas upang mabata maging ang pinakamahirap na mga pagsubok, pawang ukol sa kaniyang kaluwalhatian at kapurihan.—2 Corinto 4:7; Efeso 3:16; Filipos 4:13.
[Mga talababa]
^ par. 6 Ang mga pangyayari noong dekada ng 1960 ay pasimula lamang ng isang serye ng malulupit at mapamaslang na pag-uusig na kinailangang batahin ng mga Saksi sa Malawi sa loob ng halos tatlong dekada. Para sa isang kumpletong ulat, tingnan ang 1999 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 171-212.
^ par. 8 Tingnan ang artikulong “Sinang-ayunan ng Korte Suprema ang Tunay na Pagsamba sa ‘Lupain ng Ararat,’” sa Abril 1, 2003, isyu ng Ang Bantayan, pahina 11-14.
^ par. 16 Para sa buong teksto ng resolusyong ito, tingnan ang 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 208-9. Ang isang salaysay na inilahad ng isang nakaligtas mismo sa pagmamartsang iyon ay masusumpungan sa Enero 1, 1998, isyu ng Ang Bantayan, pahina 25-9.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Paano minamalas ng mga Kristiyano ang pagdurusa at pag-uusig?
• Ano ang matututuhan natin mula sa paraan ng pagtugon ni Jesus at ng iba pang mga tapat kapag nasa ilalim ng pagsubok?
• Bakit katalinuhan na huwag gumanti kapag tayo ay pinag-uusig?
• Anong kagalakan ang nagpalakas kay Jesus sa kabila ng mga pagsubok sa kaniya, at ano ang matututuhan natin mula rito?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]
Kung Paano Nila Hinarap ang Pag-uusig
• Bago dumating ang mga kawal ni Herodes sa Betlehem at pagpapatayin ang lahat ng lalaking sanggol na nasa edad na dalawang taon pababa, sa ilalim ng patnubay ng anghel ay dinala nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus at tumakas patungong Ehipto.—Mateo 2:13-16.
• Noong panahon ng ministeryo ni Jesus, maraming beses na tinangka ng kaniyang mga kaaway na patayin siya dahil sa kaniyang mapuwersang patotoo. Tinakasan sila ni Jesus sa bawat pagkakataong iyon.—Mateo 21:45, 46; Lucas 4:28-30; Juan 8:57-59.
• Nang magtungo sa hardin ng Getsemani ang mga kawal at mga opisyal upang dakpin si Jesus, hayagan niyang ipinakilala ang kaniyang sarili, anupat dalawang beses na sinabi sa kanila: “Ako nga siya.” Pinigilan pa nga niya ang kaniyang mga tagasunod sa pagtatangkang lumaban at hinayaan ang mga mang-uumog na dalhin siya.—Juan 18:3-12.
• Sa Jerusalem, si Pedro at ang iba pa ay dinakip, pinagpapalo, at inutusang huminto sa pagsasalita tungkol kay Jesus. Gayunman, nang palayain sila ay “yumaon ang mga ito . . . , at bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.”—Gawa 5:40-42.
• Nang malaman ni Saul, na nang maglaon ay naging si apostol Pablo, ang pakana ng mga Judio sa Damasco na patayin siya, inilagay siya ng mga kapatid sa isang basket at ibinaba siya sa pamamagitan ng pagpaparaan sa kaniya sa isang butas sa pader ng lunsod nang gabi na, at nakatakas siya.—Gawa 9:22-25.
• Pagkalipas ng maraming taon, ipinasiya ni Pablo na umapela kay Cesar, bagaman kapuwa sina Gobernador Festo at Haring Agripa ay ‘walang nasumpungan sa kaniya na karapat-dapat sa kamatayan o sa mga gapos.’—Gawa 25:10-12, 24-27; 26:30-32.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Bagaman napilitang tumakas dahil sa malupit na pag-uusig, libu-libong tapat na Saksi sa Malawi ang nagpatuloy sa paglilingkod sa Kaharian nang may kagalakan
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang kagalakan ng pagpapabanal sa pangalan ni Jehova ang nagpalakas sa mga tapat na ito habang sila’y nasa “death march” at nakabilanggo sa mga kampong piitan ng mga Nazi
[Credit Line]
Death march: KZ-Gedenkstätte Dachau, courtesy of the USHMM Photo Archives
[Mga larawan sa pahina 18]
May iba’t ibang uri ng mga pagsubok at panggigipit