“Ngayon Ko Lang Nalaman Iyan!”
“Ngayon Ko Lang Nalaman Iyan!”
SINAMAHAN ni Dorota, isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova sa Poland, ang kaniyang 14-na-taóng-gulang na anak na lalaki sa regular na pagpapatingin sa klinika ng paaralan. Sa panahon ng pagsusuri, itinanong ng doktor na si Janina * kay Dorota ang tungkol sa mga trabaho ng kaniyang anak sa bahay.
“Kapag hindi ko magawa, ang anak ko ang naghahanda ng hapunan para sa aming pamilya na may anim katao,” ang tugon ni Dorota. “Siya rin ang naglilinis ng bahay at tumutulong sa mga pagkukumpuni sa tahanan. Mahilig siyang magbasa. Siya’y isang masikap na estudyante.”
“Pambihira iyan,” ang sabi ni Janina. “Sa loob ng 12 taóng pagtatrabaho ko rito, hindi pa ako nakarinig ng ganiyan.”
Nang makita niya ang pagkakataong makapagbigay ng patotoo, nagpaliwanag si Dorota: “Maraming magulang sa ngayon ang hindi nakapagbibigay ng wastong pagsasanay sa kanilang mga anak. Kaya kadalasan ay may mababang paggalang sa sarili ang kanilang mga anak.”
“Paano mo nalaman ang lahat ng ito?” ang tanong ni Janina. “Hindi alam ng maraming magulang ang mga bagay na ito.”
“Ang Bibliya ay isang mahalagang pinagmumulan ng gayong impormasyon,” ang sagot ni Dorota. “Halimbawa, ayon sa Deuteronomio 6:6-9, ang pagtuturo sa mga bata ay nagsisimula sa pagtuturo sa ating sarili. Hindi ba dapat ay ikintal muna natin sa ating puso at isip ang mga simulain na nais nating ikintal sa ating mga anak?”
“Pambihira ito,” ang sabi ni Janina. “Pambihira ito!” Pagkatapos ay tinanong niya si Dorota kung paano nakatulong sa kaniya ang Bibliya sa pagpapalaki at pagtuturo sa kaniyang mga anak.
“Pinag-aaralan namin ang Bibliya linggu-linggo kasama ng aming mga anak,” ang paliwanag ni Dorota. “Ginagamit namin ang aklat na pinamagatang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.” * Pagkatapos ay inilarawan niya ang aklat at binanggit ang ilang paksa na nilalaman nito.
“Ngayon ko lang nalaman iyan!” ang bulalas ni Janina. “Maaari ko bang makita ang aklat na iyan?”
Pagkalipas ng isang oras, nagbalik si Dorota na dala ang aklat.
“Ano ang relihiyon mo?” tanong ni Janina, habang sinusuri ang aklat.
“Isa ako sa mga Saksi ni Jehova.”
“Paano pinakikitunguhan ng mga Saksi ni Jehova ang mga hindi nila kapananampalataya?”
“Gaya ng pakikitungo ko sa iyo—may paggalang,” ang sagot ni Dorota, at sinabi pa niya: “Sabihin pa, nais namin na malaman nila ang katotohanan sa Bibliya.”
“Ngayon pa lang ay gumanda na ang pakiramdam ko,” ang pagtatapat ni Janina.
Sa pagtatapos ng kaniyang pagdalaw, hinimok ni Dorota si Janina na basahin ang Bibliya. “Ito ay magbibigay ng kahulugan sa buhay mo at tutulong sa iyo sa iyong gawain.”
“Talagang napasigla mo akong gawin iyan,” ang pag-amin ni Janina.
Sa pamamagitan ng taktika at determinasyon, ginawa ni Dorota na isang mainam na patotoo ang regular na pagpapatingin sa tanggapan ng doktor.—1 Pedro 3:15.
[Mga talababa]
^ par. 3 Hindi niya tunay na pangalan.
^ par. 10 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.