‘Sinisipa Mo ba ang mga Tungkod na Pantaboy?’
‘Sinisipa Mo ba ang mga Tungkod na Pantaboy?’
NOONG panahon ng Bibliya, ang isang pantaboy sa baka—isang mahabang tungkod, na karaniwan nang may matalim na metal sa dulo—ay ginagamit upang itaboy at akayin ang mga hayop na humihila ng mabibigat na bagay. Kung may-katigasang lalabanan ng hayop ang mga duro ng tungkod na pantaboy sa pamamagitan ng pagtulak dito, ano ang resulta? Sa halip na magtamo ng ginhawa, masasaktan lamang ito.
Tinukoy ng binuhay-muling si Jesu-Kristo ang mga pantaboy na tungkod nang magpakita siya sa isang taong nagngangalang Saul, na yumaon noon upang arestuhin ang ilan sa mga alagad ni Jesus. Mula sa nakabubulag na liwanag, narinig ni Saul si Jesus na nagsabi: “Saul, Saul, bakit mo ako pinag-uusig? Ang patuloy na pagsipa sa mga tungkod na pantaboy ang nagpapahirap sa iyo.” Sa pamamagitan ng pagmamalupit sa mga Kristiyano, aktuwal na lumalaban si Saul sa Diyos, anupat nagtataguyod ng isang landasin na makapipinsala lamang sa kaniyang sarili.—Gawa 26:14.
Maaari kayang sa di-sinasadyang paraan ay ‘sinisipa rin natin ang mga tungkod na pantaboy’? Inihahalintulad ng Bibliya “ang mga salita ng marurunong” sa mga tungkod na pantaboy na nag-uudyok sa atin na magtungo sa tamang direksiyon. (Eclesiastes 12:11) Ang kinasihang payo sa Salita ng Diyos ay maaaring gumanyak at gumabay sa atin nang wasto—kung hahayaan natin ito. (2 Timoteo 3:16) Ang paglaban sa mga pagganyak nito ay makapipinsala lamang sa atin.
Isinapuso ni Saul ang mga salita ni Jesus, binago ang kaniyang landasin, at naging ang minamahal na Kristiyanong si apostol Pablo. Ang pagsunod natin sa payo ng Diyos ay magdudulot din sa atin ng walang-hanggang mga pagpapala.—Kawikaan 3:1-6.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
L. Chapons/Illustrirte Familien-Bibel nach der deutschen Uebersetzung Dr. Martin Luthers