Ulat na Nag-uudyok ng Pananampalataya at Lakas ng Loob—Mga Saksi ni Jehova sa Ukraine
Ulat na Nag-uudyok ng Pananampalataya at Lakas ng Loob—Mga Saksi ni Jehova sa Ukraine
KUNG paanong dumanas ng pag-uusig ang mga Kristiyano noong unang siglo, gayundin ang nararanasan ng bayan ng Diyos sa ngayon. (Mateo 10:22; Juan 15:20) Iilang dako lamang ang may mas matagal o mas matinding pag-uusig kaysa sa Ukraine, kung saan ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay ipinagbawal sa loob ng 52 taon.
Isinalaysay ng 2002 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova ang ulat ng bayan ng Diyos sa lupaing iyon. Isa itong ulat ng pananampalataya, lakas ng loob, at katatagan sa harap ng matinding kahirapan. Ang sumusunod ay ilan sa mga komento ng pagpapahalaga na tinanggap sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine.
“Natapos kong basahin ang 2002 Taunang Aklat. Hindi ko mapigilang umiyak samantalang binabasa ko ang tungkol sa inyong gawain sa Ukraine. Nais kong ipabatid sa inyo kung gaano ako napatibay ng inyong halimbawa ng kasigasigan at matibay na pananampalataya. Ikinararangal kong mapabilang sa iisang espirituwal na pamilya kasama ninyo. Salamat mula sa kaibuturan ng aking puso!”—Andrée, Pransiya.
“Hindi ko mailarawan ang aking pasasalamat sa inyo at kay Jehova para sa 2002 Taunang Aklat. Napapaiyak ako habang binabasa ko ang maraming karanasan ng mga kapatid na nakulong sa mga bilangguan at mga kampong piitan sa kanilang kabataan. Hinahangaan ko ang kanilang lakas ng loob. Bagaman Saksi na ako sa loob ng 27 taon, may matututuhan pa rin ako mula sa mga kapatid na iyon. Pinalakas nila ang aking pananampalataya sa ating makalangit na Ama, si Jehova.”—Vera, dating Yugoslavia.
“Isinusulat ko ang liham na ito taglay ang kagalakan dahil sa inyong mabuting halimbawa ng pagbabata at katapatan sa buong panahon na iyon ng pagsalansang. Ang inyong lubos na pagtitiwala kay Jehova at ang inyong determinasyong manatiling tapat ay nagdudulot sa inyo ng karangalan. Bukod pa riyan, ang inyong kapakumbabaan sa harap ng mga pagsubok ay nagpapatibay sa aking pananalig na talagang hindi pinababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan. Dahil sa inyong mabuting halimbawa ng lakas ng loob, katatagan, at pagmamatiyaga, mas mahinahon naming matatanggap ang aming maliliit na problema.”—Tuteirihia, French Polynesia.
“Pagkatapos kong mabasa ang Taunang Aklat, kinailangan kong sumulat sa inyo. Labis akong naantig sa lahat ng nakapagpapatibay na mga karanasan. Ikinararangal kong maging miyembro ng gayong matapat at nagkakaisang organisasyon, na pinangungunahan ng isang maibigin at matulunging Ama, na nagbibigay sa atin ng lakas sa tamang panahon. Nalungkot ako na napakaraming masisigasig na lingkod ni Jehova ang nagdusa nang labis at namatay pa nga. Subalit nakadama rin ako ng kagalakan dahil bilang resulta ng kanilang lakas ng loob at sigasig, napakaraming tao ang natuto ng katotohanan at nakakilala sa ating maibiging Ama.”—Colette, Netherlands.
“Kaming mag-asawa ay kailangang sumulat sa inyo upang sabihin na naantig ang aming puso habang binabasa namin ang ulat tungkol sa Ukraine sa Taunang Aklat. Kayong tapat na mga kapatid ay nagpakita ng namumukod-tanging halimbawa ng pagbabata sa ilalim ng matagal at matinding kahirapan. Kasuwato ng pananalita Kawikaan 27:11, anong ligaya nga ni Jehova na malaman na pinanatili ng napakaraming tapat na kapatid sa Ukraine ang di-nasisirang integridad sa kabila ng lahat ng balakyot na pagkilos ng Diyablo.”—Alan, Australia.
sa“Napaiyak ako nang mabasa ko ang ulat tungkol sa mga kapatid sa Ukraine. Nagbatá sila ng napakaraming bagay—mga taon ng pagkabilanggo, pagpapahirap, paniniil, at pagkawalay sa pamilya. Nais kong sabihin sa lahat ng mga kapatid na naglilingkod pa rin sa inyong mga kongregasyon na minamahal at iginagalang ko sila nang lubos. Nalulugod ako sa kanilang lakas ng loob at katatagan. Alam ko ang pinagmumulan ng kanilang lakas, ang espiritu ni Jehova. Si Jehova ay malapit sa atin, at gusto niyang tulungan tayo.”—Sergei, Russia.
“Nabasa ko ang 2002 Taunang Aklat, at umiyak ako. Pinag-uusapan kayo ng maraming kapatid sa aming kongregasyon. Napakahalaga ninyo. Tuwang-tuwa ako na maging bahagi ng gayong malaking espirituwal na pamilya.”—Yeunhee, Timog Korea.
“Labis akong naantig sa ulat ng inyong pananampalataya, pagbabata, at matatag na pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Kung minsan, nalilimutan naming pahalagahan ang kalayaan na tinatamasa namin at ang saganang espirituwal na pagkaing inilalaan sa amin ni Jehova. Gayunman, hindi ganito ang kalagayan ninyo. Ang inyong halimbawa ng pananampalataya ay tumutulong sa amin na matanto na kung mayroon kaming malapit na kaugnayan sa ating Diyos, bibigyan niya kami ng lakas upang maharap ang lahat ng uri ng pagsubok.”—Paulo, Brazil.
“Nagkaroon ako ng pagkakataon na mabasa ang inyong mga karanasan sa 2002 Taunang Aklat. Naantig ako nang labis, lalo na ang makabagbag-damdaming karanasan ni Sister Lydia Kurdas. Naging malapit ang loob ko sa kapatid na ito.”—Nidia, Costa Rica.
“Natapos ko ngayong basahin ang 2002 Taunang Aklat. Habang binabasa ko ito, napalakas ang aking pananampalataya kay Jehova. Hinding-hindi ko malilimutan ang ulat hinggil sa paghahasik ng mga binhi ng pag-aalinlangan sa mga nangunguna. Tinuruan ako nito na huwag kailanman magduda sa mga kapatid na nangunguna. Maraming-maraming salamat! Ang espirituwal na pagkaing ito ay nakapagpapatibay ng pananampalataya at inihahanda tayo nito sa panahon kapag ang ating pananampalataya ay maaaring malagay sa pagsubok.”—Leticia, Estados Unidos.
“Nagpapasalamat kami sa ekselenteng Taunang Aklat. Binabasa ng maraming mamamahayag sa unang pagkakataon ang tungkol sa gawain ng ating mga kapatid sa Ukraine. Ang mga kapatid dito ay napatibay. Pinag-ibayo ng marami, lalo na ng mga kabataan, ang kanilang paglilingkuran. Ang ilan ay nagsimulang maglingkod bilang mga regular o auxiliary pioneer. Ang lahat ay napatibay ng mga ulat ng mga kapatid na naglingkod kay Jehova noong panahon ng pagbabawal.”—Isang komite sa paglilingkod ng kongregasyon, Ukraine.
Ang katapatan ng ating mga kapatid sa Ukraine ay talagang naging isang pinagmumulan ng pampatibay-loob sa bayan ni Jehova sa buong daigdig. Sa katunayan, ang regular na pagbabasa ng nakapagpapasiglang mga ulat na lumilitaw sa Taunang Aklat sa bawat taon ay isang mainam na paraan upang mapatibay ang ating pananampalataya at pagbabatá sa napakahalagang panahong ito.—Hebreo 12:1.