“Huwag Kayong Makipamatok Nang Kabilan”
“Huwag Kayong Makipamatok Nang Kabilan”
GAYA ng makikita mo rito, mukhang hirap na hirap ang kamelyo at ang toro na magkatuwang sa pag-aararo. Ang pamatok na nag-uugnay sa kanila—nilayon para sa dalawang hayop na magkasinlaki at magkasinlakas—ay nagpapahirap sa dalawang hayop. Palibhasa’y nababahala sa kapakanan ng gayong mga hayop na humihila ng mabibigat na bagay, sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Huwag kang mag-aararo na isang toro at isang asno ang magkasama.” (Deuteronomio 22:10) Kapit din ang simulaing ito sa isang toro at isang kamelyo.
Karaniwan na, hindi pahihirapan ng isang magsasaka ang kaniyang mga hayop. Subalit kung wala siyang dalawang toro, maaari niyang pagsamahin sa isang pamatok ang dalawang hayop na mayroon siya. Maliwanag, ito ang ipinasiyang gawin ng magsasakang nasa larawan noong ika-19 na siglo. Dahil sa pagkakaiba sa kanilang laki at timbang, mahihirapang umalinsabay ang mas mahinang hayop, at mas mabibigatan naman ang mas malakas na hayop.
Ginamit ni apostol Pablo ang ilustrasyon ng pakikipamatok nang kabilan upang turuan tayo ng isang mahalagang leksiyon. “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya,” ang sulat niya. “Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman?” (2 Corinto 6:14) Paanong ang isang Kristiyano ay maaaring makipamatok nang kabilan?
Ang isang paraan ay kung pipili ang isang Kristiyano ng mapapangasawa na hindi niya kapananampalataya. Mahirap ang gayong pagsasama para sa kanilang dalawa, anupat hindi magkasundo ang dalawa sa mahahalagang isyu.
Nang itatag ni Jehova ang pag-aasawa, ibinigay niya sa asawang babae ang papel ng isang “kapupunan,” o “katumbas.” (Genesis 2:18) Gayundin, sa pamamagitan ni propeta Malakias, tinukoy ng Diyos ang asawang babae bilang isang “kapareha.” (Malakias 2:14) Nais ng ating Maylalang na magtulungan ang mag-asawa sa iisang espirituwal na tunguhin, anupat pinagsasaluhan ang mga pasanin at parehong umaani ng mga kapakinabangan.
Sa pamamagitan ng pag-aasawa “tangi lamang sa Panginoon,” ang isang Kristiyano ay nagpapakita ng paggalang sa payo ng ating makalangit na Ama. (1 Corinto 7:39) Naglalatag ito ng pundasyon para sa isang nagkakaisang pag-aasawa, na nagdudulot ng kapurihan at karangalan sa Diyos habang ang mag-asawa ay naglilingkod sa kaniya bilang ‘tapat na katuwang’ sa pantanging diwa.—Filipos 4:3.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Kamelyo at barakong baka: From the book La Tierra Santa, Volume 1, 1830