Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Idagdag sa Inyong Kaalaman ang Pagpipigil sa Sarili

Idagdag sa Inyong Kaalaman ang Pagpipigil sa Sarili

Idagdag sa Inyong Kaalaman ang Pagpipigil sa Sarili

“Idagdag . . . sa inyong kaalaman ang pagpipigil sa sarili.”​—2 PEDRO 1:5-8.

1. Ang marami sa mga problema ng tao ay bunga ng kawalan ng anong kakayahan?

SA PANAHON ng isang malaking kampanya laban sa pag-abuso sa droga, ang mga kabataan sa Estados Unidos ay pinayuhan: “Basta tumanggi ka.” Di-hamak ngang bubuti ang mga bagay-bagay kung ang lahat ay basta tatanggi hindi lamang sa pag-abuso sa droga kundi sa paglalasing din, sa di-matalino o imoral na istilo ng pamumuhay, sa pandaraya sa negosyo, at sa “mga pagnanasa ng laman”! (Roma 13:14) Subalit sino ang magsasabing laging madali ang tumanggi?

2. (a) Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na noon pa man ay problema na ang pagtanggi? (b) Ang mga halimbawang ito ay dapat magpasigla sa atin na gawin ang ano?

2 Yamang ang lahat ng di-sakdal na mga tao ay nahihirapang magpigil sa sarili, dapat tayong maging interesado na matuto kung paano mapagtatagumpayan ang anumang masamang ugali. Isinasaysay sa atin ng Bibliya ang tungkol sa mga tao noong una na nagsikap maglingkod sa Diyos subalit kung minsan ay nahirapan ding tumanggi. Alalahanin si David at ang kaniyang kasalanan na pangangalunya kay Bat-sheba. Humantong ito sa kamatayan ng kanilang naging anak sa pangangalunya at ng asawa ni Bat-sheba, na parehong walang-sala. (2 Samuel 11:1-27; 12:15-18) O isipin si apostol Pablo, na hayagang nagtapat: “Sapagkat ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa.” (Roma 7:19) Nakadarama ka ba kung minsan ng gayunding pagkasiphayo? Nagpatuloy si Pablo: “Tunay ngang nalulugod ako sa kautusan ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang kautusan na nakikipagdigma laban sa kautusan ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap. Miserableng tao ako! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawan na dumaranas ng kamatayang ito?” (Roma 7:22-24) Dapat mapatibay ng mga halimbawa sa Bibliya ang ating determinasyon na huwag kailanman sumuko sa ating pakikipagpunyagi upang matamo ang higit na pagpipigil sa sarili.

Pagpipigil sa Sarili, Isang Aral na Dapat Matutuhan

3. Ipaliwanag kung bakit hindi natin maaasahan na madaling ipamalas ang pagpipigil sa sarili.

3 Ang pagpipigil sa sarili, na dito’y kasali ang kakayahang tumanggi, ay binabanggit sa 2 Pedro 1:5-7 kasama ng pananampalataya, kagalingan, kaalaman, pagbabata, makadiyos na debosyon, pagmamahal na pangkapatid, at pag-ibig. Wala sa kanais-nais na mga katangiang ito ang ganap na likas sa atin. Ang mga ito ay kailangang linangin. Upang higit na maipamalas ang mga ito, kailangan ang determinasyon at pagsisikap. Kaya dapat ba nating asahan na mas madaling linangin ang pagpipigil sa sarili?

4. Bakit inaakala ng marami na wala silang problema sa pagpipigil sa sarili, subalit pahiwatig ito ng ano?

4 Totoo, maaaring akalain ng milyun-milyong tao na wala silang problema sa pagpipigil sa sarili. Namumuhay sila ayon sa gusto nila, anupat sa nalalaman man nila o hindi, sila ay gumagawi ayon sa dikta ng kanilang di-sakdal na laman at hindi gaanong nagbibigay-pansin sa mga ibubunga nito​—sa kanilang sarili o sa iba. (Judas 10) Higit kailanman, mas kitang-kita ngayon ang kawalan ng kakayahan at ng pagnanais na tumanggi. Pahiwatig ito na talagang tayo ay nabubuhay na sa “mga huling araw” na sinabi ni Pablo noong ihula niya: “Darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, . . . mga walang pagpipigil sa sarili.”​—2 Timoteo 3:1-3.

5. Bakit interesado ang mga Saksi ni Jehova sa paksa hinggil sa pagpipigil sa sarili, at anong payo ang kapit pa rin hanggang sa ngayon?

5 Alam na alam ng mga Saksi ni Jehova ang hamon na kaakibat ng pangangailangang magpigil sa sarili. Kagaya ni Pablo, batid nila ang labanán sa pagitan ng pagnanais na palugdan ang Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan at ng landasin na maaaring ipatahak sa kanila ng kanilang di-sakdal na laman. Dahil dito, matagal na silang interesado kung paano magwawagi sa labanang ito. Noong 1916, isang maagang labas ng magasin na iyong binabasa ngayon ang bumanggit tungkol sa “wastong landasin na dapat nating tahakin upang makontrol ang ating sarili, ang ating isipan, ang ating pananalita at ang ating paggawi.” Iminungkahi nito na laging isaisip ang Filipos 4:8. Ang payo ng Diyos na nasa tekstong iyan ay kapit pa rin hanggang sa ngayon, bagaman unang ibinigay ito mga 2,000 taon na ang nakalilipas at marahil ay mas mahirap itong sundin ngayon kaysa noong panahong iyon o noong 1916. Gayunpaman, pinagsisikapang mabuti ng mga Kristiyano na tanggihan ang makasanlibutang mga pita, palibhasa’y alam nila na sa paggawa ng gayon, sumasang-ayon sila sa kanilang Maylalang.

6. Bakit wala tayong dahilang mawalan ng pag-asa samantalang nililinang ang pagpipigil sa sarili?

6 Ang pagpipigil sa sarili ay binanggit sa Galacia 5:22, 23 bilang bahagi ng “mga bunga ng [banal na] espiritu.” Kung ipinamamalas natin ang katangiang ito kasama ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, [at] kahinahunan,” makikinabang tayo nang malaki. Ang paggawa nito ay hahadlang sa atin, gaya ng ipinaliwanag ni Pedro, sa pagiging “alinman sa di-aktibo o di-mabunga” sa ating paglilingkod sa Diyos. (2 Pedro 1:8) Subalit, kung hindi natin kaagad maipamalas nang lubusan ang mga katangiang ito kagaya ng nais natin, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at hindi natin dapat hatulan ang ating sarili. Napansin mo marahil na sa paaralan ay may estudyante na mas madaling matuto kaysa sa iba. O sa trabaho, may tao na mas madaling matuto ng bagong gawain kaysa sa kaniyang mga kamanggagawa. Sa katulad na paraan, ang ilan ay mas madaling matutong magpamalas ng mga katangiang Kristiyano kaysa sa iba. Ang mahalaga ay patuloy na linangin ang makadiyos na mga katangian sa pinakamahusay na paraang magagawa natin. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng lubos na paggamit sa tulong na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at kongregasyon. Ang bilis ng pag-abot sa ating tunguhin ay hindi gaanong mahalaga kung ihahambing sa determinadong pagsisikap na patuloy na gumawa ng pagsulong.

7. Ano ang nagpapakita na mahalaga ang pagpipigil sa sarili?

7 Bagaman nasa hulihan ng talaan ng mga katangiang iniluluwal ng espiritu, hindi ito nangangahulugang hindi gaanong mahalaga ang pagpipigil sa sarili na gaya ng iba pang mga katangian. Kabaligtaran pa nga ito. Dapat lagi nating isaisip na lahat ng “mga gawa ng laman” ay maiiwasan kung mayroon tayong ganap na pagpipigil sa sarili. Subalit ang mga taong di-sakdal ay madaling magpadaig sa ilang anyo ng “mga gawa ng laman . . . , pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta.” (Galacia 5:19, 20) Kung gayon, kailangan na palagi tayong makipaglaban, anupat determinadong alisin ang di-kanais-nais na mga hilig mula sa puso at isip.

Ang Ilan ay Lalo Nang Kailangang Makipagpunyagi

8. Anong mga salik ang nagiging dahilan upang maging lalong mahirap para sa ilan na magpigil sa sarili?

8 Ang ilang Kristiyano ay mas nahihirapang magpigil sa sarili kaysa sa iba. Bakit? Ang pagsasanay ng magulang o ang nakaraang mga karanasan ay maaaring isa sa mga sanhi nito. Kung ang paglilinang at pagpapamalas ng pagpipigil sa sarili ay waring hindi problema para sa atin, iyan ay dapat ikagalak. Subalit dapat lamang tayong maging mahabagin at maunawain kapag nakikitungo sa mga mas nahihirapang magsagawa nito, kahit na kung ang kakulangan nila ng pagpipigil sa sarili ay nagdudulot sa atin ng ilang personal na suliranin. Dahil sa ating sariling di-kasakdalan, sino sa atin ang may dahilan upang magpakita ng mapagmatuwid-sa-sariling saloobin?​—Roma 3:23; Efeso 4:2.

9. Anu-ano ang mga kahinaan ng ilan, at kailan lubos na mapagtatagumpayan ang mga kahinaang ito?

9 Bilang paglalarawan: Maaaring alam natin na ang ilang kapuwa Kristiyano na tumigil na sa paninigarilyo o sa paggamit ng mga drogang “panlibangan” ay baka masidhi pa ring naghahangad ng mga ito kung minsan. O marahil ay nahihirapan ang ilan na limitahan ang kanilang pagkain o kaya’y pag-inom ng alak. Ang iba ay may problema sa pagbabantay sa kanilang dila, anupat malimit silang natitisod sa salita. Upang mapagtagumpayan ang gayong mga kahinaan, kailangan ang marubdob na pagsisikap sa paglinang ng pagpipigil sa sarili. Bakit? Makatotohanang inamin ng Santiago 3:2: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahang rendahan din ang kaniyang buong katawan.” Nadarama naman ng iba ang matinding pagnanais na magsugal. O maaaring nasusumpungan nilang mahirap kontrolin ang kanilang galit. Maaaring mangailangan ng panahon upang mapagtagumpayan ang mga ito o ang mga kahinaang katulad nito. Bagaman maaari tayong makagawa ng malaking pagsulong ngayon, ang maling mga pagnanasa ay maaalis lamang nang permanente kapag naabot na natin ang kasakdalan. Samantala, ang pagsisikap na magpigil sa sarili ay tutulong sa atin na maiwasang mahulog muli sa makasalanang paraan ng pamumuhay. Habang nagpapatuloy ang pakikipagpunyagi, magtulungan tayo na huwag sumuko.​—Gawa 14:21, 22.

10. (a) Bakit lalo nang mahirap para sa ilan ang pagpipigil sa sarili hinggil sa seksuwal na mga bagay? (b) Anong malaking pagbabago ang ginawa ng isang kapatid na lalaki? (Tingnan ang kahon sa pahina 16.)

10 Ang isa pang larangan na doo’y mahirap para sa ilan na magpigil sa sarili ay may kinalaman sa seksuwalidad. Sa ganang sarili, ang seksuwalidad ng tao ay bahagi ng pagkagawa sa atin ng Diyos na Jehova. Subalit nahihirapan ang ilan na mapanatili ang sekso sa wastong dako nito, kasuwato ng mga pamantayan ng Diyos. Ang kanilang suliranin ay maaaring lalo pang lumubha dahil mayroon silang di-karaniwang pagnanais sa sekso. Tayo ay nabubuhay sa sanlibutang haling sa sekso na nagpapaalab ng pita sa maraming paraan. Maaari itong lumikha ng problema sa mga Kristiyano na nagnanais manatiling walang asawa​—kahit pansamantala lamang​—upang malayang makapaglingkod sa Diyos nang walang mga panggambala na kaakibat ng pag-aasawa. (1 Corinto 7:32, 33, 37, 38) Subalit kasuwato ng maka-Kasulatang utos na “mas mabuti ang mag-asawa kaysa magningas sa pagnanasa,” sila ay maaaring magpasiyang mag-asawa, na tunay namang marangal. Kasabay nito, determinado silang mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon,” gaya ng ipinapayo ng Kasulatan. (1 Corinto 7:9, 39) Makatitiyak tayo na nagagalak si Jehova sa kanilang interes na itaguyod ang kaniyang matutuwid na simulain. Itinuturing ng kanilang mga kapuwa Kristiyano na isang kagalakang mapabilang sa tunay na mga mananamba na may gayon kataas na moral na mga pamantayan at integridad.

11. Paano tayo makatutulong sa isang kapatid na interesadong mag-asawa subalit hindi pa nakapag-aasawa?

11 Paano kung walang makitang angkop na kapareha? Gunigunihin ang pagkasiphayo na posibleng maranasan ng isang taong nagnanais mag-asawa subalit hindi makapag-asawa! Maaaring nakikita niyang nagsisipag-asawa ang kaniyang mga kaibigan at nagiging maligaya, samantalang siya ay naghahanap pa rin ng angkop na kapareha. Para sa ilan na nasa gayong kalagayan, ang maruming bisyo ng masturbasyon ay maaaring maging isang nagpapatuloy na problema. Sa anumang kalagayan, walang Kristiyano ang magnanais na sa di-sinasadyang paraan ay pahinain ang loob ng iba na nakikipagpunyagi upang manatiling malinis. Maaaring sa di-sinasadyang paraan ay maging dahilan tayo ng panghihina ng loob kung gagawa tayo ng walang konsiderasyong mga komento na gaya ng, “Kailan ka naman mag-aasawa?” Iyan ay maaaring masabi nang walang masamang intensiyon, subalit mas mabuti na magpakita tayo ng pagpipigil sa sarili sa pamamagitan ng pagbabantay sa ating dila! (Awit 39:1) Yaong mga kasama natin na nananatiling malinis habang nasa kalagayang walang asawa ay nararapat sa ating marubdob na komendasyon. Sa halip na magsalita ng isang bagay na nakasisira ng loob, maaari tayong magsikap na maging nakapagpapatibay. Halimbawa, maaari tayong magsikap na isama ang mga walang asawa kapag ang isang maliit na grupo ng mga maygulang ay nagtitipon para sa isang salu-salo o nakapagpapatibay na Kristiyanong pagsasamahan.

Pagpipigil sa Sarili ng mga May-asawa

12. Bakit kailangan maging ng mga may-asawa ang isang antas ng pagpipigil sa sarili?

12 Ang pagiging may-asawa ay hindi nagbibigay-laya sa isa mula sa pangangailangang magpigil sa sarili kung tungkol sa sekso. Halimbawa, maaaring malaki ang pagkakaiba ng seksuwal na pangangailangan ng asawang lalaki at asawang babae. O dahil sa pisikal na kondisyon ng isa sa kanila ay maaaring maging mahirap o imposible pa nga kung minsan ang normal na pagtatalik. Marahil dahil sa naunang mga karanasan, maaaring maging mahirap para sa isang asawa na sundin ang utos na: “Ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ang kaniyang kaukulan; ngunit gayundin ang gawin ng asawang babae sa kaniyang asawa.” Sa gayong kalagayan, ang isang asawa ay maaaring mangailangan ng karagdagang pagpipigil sa sarili. Subalit maaaring kapuwa nila alalahanin ang maibiging payo ni Pablo sa mga Kristiyanong may asawa: “Huwag ipagkait ito sa isa’t isa, malibang may pinagkasunduan sa loob ng isang takdang panahon, upang makapag-ukol kayo ng panahon sa pananalangin at magsamang muli, upang si Satanas ay hindi laging makapanukso sa inyo dahil sa inyong kawalan ng pagsupil sa sarili.”​—1 Corinto 7:3, 5.

13. Ano ang magagawa natin alang-alang sa mga nakikipagpunyagi upang makapagpigil sa sarili?

13 Kaylaking pasasalamat ng mga mag-asawa kung kapuwa sila natutong magsagawa ng wastong pagpipigil sa sarili sa pinakamatalik na relasyong ito. Kasabay nito, makabubuting magpakita sila ng unawa sa mga kapuwa mananamba na patuloy pa ring nakikipagpunyagi upang maipakita iyon sa ganitong kalagayan. Huwag nating kalimutan kailanman na manalangin na sana’y ibigay ni Jehova sa ating espirituwal na mga kapatid ang kaunawaan, tibay ng loob, at determinasyong magpatuloy sa kanilang pakikipagbaka upang maipamalas ang pagpipigil sa sarili at makagawa ng mga hakbang para mapagtagumpayan ang maling mga pagnanasa.​—Filipos 4:6, 7.

Patuloy na Magtulungan

14. Bakit tayo dapat makitungo nang may habag at pagkamaunawain sa ating mga kapuwa Kristiyano?

14 Kung minsan, maaaring nahihirapan tayong unawain ang ating mga kapuwa Kristiyano na nakikipagpunyagi upang maipakita ang pagpipigil sa sarili sa larangang hindi nagbibigay sa atin ng suliranin. Subalit likas na iba-iba ang mga tao. Ang ilan ay madaling madala ng emosyon; ang iba naman ay hindi. Nasusumpungan ng ilan na medyo madaling kontrolin ang kanilang sarili, anupat ang pagpipigil sa sarili ay hindi malaking suliranin. Mas mahirap naman ito sa iba. Gayunman, tandaan na ang isang taong nakikipagpunyagi ay hindi isang masamang tao. Kailangan ng ating mga kapuwa Kristiyano ang ating pang-unawa at habag. Nasasangkot ang ating sariling kaligayahan habang patuloy nating ipinakikita ang awa sa mga patuloy na nakikipagpunyagi upang mapasulong ang kanilang pagpapamalas ng pagpipigil sa sarili. Makikita natin iyan sa mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 5:7.

15. Bakit nakaaaliw ang mga salita sa Awit 130:3 may kinalaman sa pagpipigil sa sarili?

15 Hindi natin kailanman nais na hatulan ang kapuwa Kristiyano na maaaring sa ilang pagkakataon ay nabigong magpamalas ng Kristiyanong personalidad. Kaylaking pampatibay-loob na malaman na bukod sa nakikita ni Jehova ang minsang pagkabigo nating magpamalas ng pagpipigil sa sarili, nakikita rin Niya ang maraming ulit na hindi tayo nabigo, kahit na ang lahat ng ito ay hindi napansin ng mga kapuwa Kristiyano. Lubhang nakaaaliw na laging isaisip ang mga salita ng Awit 130:3: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?”

16, 17. (a) Paano natin maikakapit ang Galacia 6:2, 5 may kinalaman sa pagpipigil sa sarili? (b) Ano ang susunod nating isasaalang-alang hinggil sa pagpipigil sa sarili?

16 Upang maging kalugud-lugod kay Jehova, dapat linangin ng bawat isa sa atin ang pagpipigil sa sarili, subalit makatitiyak tayo sa tulong ng ating mga kapatid na Kristiyano. Bagaman ang bawat isa sa atin ay dapat magdala ng kaniyang sariling pasan ng pananagutan, hinihimok naman tayo na magtulungan upang mapagtagumpayan ang mga kahinaan. (Galacia 6:2, 5) Mapahahalagahan natin ang magulang, asawa, o kaibigan na pumipigil sa atin sa pagpunta sa mga lugar na hindi natin dapat puntahan, sa pagtingin sa mga bagay na hindi natin dapat tingnan, o sa paggawa ng mga bagay na hindi natin dapat gawin. Tinutulungan niya tayong magpamalas ng pagpipigil sa sarili, ang kakayahang tumanggi hindi lamang sa salita kundi maging sa gawa!

17 Maraming Kristiyano ang maaaring sang-ayon sa ating tinalakay hanggang sa puntong ito hinggil sa pagpipigil sa sarili, subalit maaaring nadarama nilang malaki pa ang dapat nilang pasulungin. Nais nilang higit pang maipakita ang pagpipigil sa sarili, hanggang sa punto na inaakala nilang makatuwirang asahan sa di-sakdal na mga tao. Ganiyan ba ang nadarama mo? Ano kung gayon ang magagawa mo sa paglinang sa aspektong ito ng bunga ng espiritu ng Diyos? At paano makatutulong sa iyo ang paggawa mo nito upang maabot mo ang pangmatagalang mga tunguhin bilang isang Kristiyano? Tingnan natin ang susunod na artikulo.

Naaalaala Mo Ba?

Bakit ang Pagpipigil sa Sarili ay . . .

• mahalagang linangin ng mga Kristiyano?

• mahirap lalo na para sa ilan?

• kailangan sa pag-aasawa?

• isang katangian na mapagtutulungan nating linangin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Larawan sa pahina 16]

Natuto Siyang Tumanggi

Isang Saksi ni Jehova na nakatira sa Alemanya ang nagtatrabaho bilang isang klerk sa teknikal na komunikasyon. Kabilang sa kaniyang trabaho ang pagsubaybay sa mga 30 iba’t ibang programa sa telebisyon at radyo. Kapag nagkakaroon ng mga sagabal sa signal (interference), kailangan niyang pag-ukulan ng pansin ang programa upang matukoy ang problema. Sinabi niya: “Ang mga sagabal sa signal ay waring laging nangyayari sa maling panahon, kapag ipinalalabas ang mga eksena hinggil sa karahasan o sekso. Ang imoral na mga eksena ay parang hindi makatkat sa aking isip sa loob ng maraming araw at kung minsan ay sa loob ng mga sanlinggo, na waring naitatak na ang mga ito sa aking utak.” Inamin niyang ito ay nagkaroon ng masamang epekto sa kaniyang espirituwalidad: “Laging mainit ang ulo ko, kaya naging mahirap para sa akin na magpigil sa sarili dahil sa mga eksena ng karahasan. Ang mga eksena sa sekso ay naging dahilan ng tensiyon sa pagitan naming mag-asawa. Kailangan kong labanan ang mga ito araw-araw. Upang hindi matalo sa pakikipaglaban na ito, nagpasiya akong humanap ng panibagong trabaho, kahit na iyon ay mangahulugan ng mas mababang suweldo. Hindi pa natatagalan ay nakasumpong ako ng trabaho. Natupad ang nais ko.”

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang kaalamang natatamo sa pag-aaral ng Bibliya ay tumutulong sa atin na magpigil sa sarili