Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataan, Lumakad Nang Karapat-dapat kay Jehova

Mga Kabataan, Lumakad Nang Karapat-dapat kay Jehova

Mga Kabataan, Lumakad Nang Karapat-dapat kay Jehova

ANG ilang kabataang Kristiyano ay kinailangang pansamantalang mamuhay nang malayo sa kanilang pamilya at sa kinauugnayan nilang kongregasyon. Ginawa ito ng ilan upang mapalawak ang kanilang ministeryo. Ang iba naman ay kinailangang umalis sa kanilang tahanan dahil sa kanilang neutral na paninindigan sa mga gawain ng sanlibutang ito. (Isaias 2:4; Juan 17:16) Sa ilang lupain, ang mga kabataang nag-iingat ng katapatan ay hinatulan ni “Cesar” na mabilanggo o gumanap ng gawaing pampamayanan. *​—Marcos 12:17; Tito 3:1, 2.

Habang nakabilanggo dahil sa kanilang neutralidad, ang mga kabataang ito ay maaaring mapiit kasama ng mga delingkuwente sa loob ng mahahabang panahon. Napilitan din ang mga kabataan na magtrabaho sa isang imoral na kapaligiran dahil sa paglayo sa tahanan alang-alang sa iba pang kadahilanan. Paano matagumpay na mahaharap ng mga kabataang Kristiyanong ito o ng ibang napilitang mamuhay sa gayong situwasyon ang mga panggigipit at mga kahilingang nakakaharap nila habang nagsisikap silang “lumakad nang karapat-dapat sa Diyos”? (1 Tesalonica 2:12) Paano sila matutulungan ng kanilang mga magulang na maghanda para sa anumang di-kaayaayang mga kalagayan na maaaring mangyari?​—Kawikaan 22:3.

Partikular na mga Hamon

“Ang mawalay sa nagsasanggalang na pangangalaga ng aking mga magulang at sa maibiging pangangasiwa ng matatanda na lubos na nakakakilala sa akin ay mahirap at nakatatakot,” ang sabi ng 21-taóng-gulang na si Tákis, na naobligang gumugol ng 37 buwan nang malayo sa tahanan. * Sinabi pa niya: “Kung minsan, nadarama ko na napakahina ko.” Ang 20-taóng-gulang na si Pétros ay kinailangang lumayo sa tahanan sa loob ng mahigit na dalawang taon. Inamin niya: “Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, kinailangan kong magpasiya tungkol sa libangan at mga kasama sa ganang sarili ko lamang, at ang aking pasiya ay hindi laging matalino.” Pagkatapos ay nagkomento siya: “Kung minsan ay nangangamba ako sa mas malaking pananagutang dulot ng higit na kalayaan.” Si Tássos, isang Kristiyanong matanda na palaging nakatatagpo ng mga kabataang Kristiyano na nasa gayong mga situwasyon, ay nagsabi: “Ang maruming pananalita, pagiging mapaghimagsik, at marahas na paggawi ng di-sumasampalatayang mga kasamahan ay maaaring umimpluwensiya sa walang kamalay-malay at mahinang mga kabataan.”

Habang namumuhay at gumagawang kasama ng mga taong walang paggalang sa mga simulain ng Bibliya, ang gayong mga kabataang Kristiyano ay kailangang magbantay laban sa tukso na tularan ang imoral at di-makakasulatang mga landasin ng kanilang mga kasamahan. (Awit 1:1; 26:4; 119:9) Ang pananatiling may mabuting rutin ng personal na pag-aaral, pagdalo sa pulong, at paglilingkod sa larangan ay waring mahirap. (Filipos 3:16) Ang pagtatakda at pag-abot sa espirituwal na mga tunguhin ay maaari ring maging di-madali.

Tiyak na nais ng tapat na mga kabataang Kristiyano na palugdan si Jehova sa pamamagitan ng kanilang paggawi at pananalita. Matapat nilang sinisikap na sundin ang kalugud-lugod na paanyaya ng kanilang makalangit na Ama: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Kinikilala nila na ang kanilang asal at paggawi ay nakaiimpluwensiya sa pangmalas ng iba kay Jehova at sa kaniyang bayan.​—1 Pedro 2:12.

Kapuri-puri naman, ginagawa ng karamihan sa gayong mga kabataan ang kanilang buong makakaya upang maging kagaya ng kanilang mga kapatid noong unang siglo na tungkol sa mga ito ay nanalangin si apostol Pablo: “Lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos samantalang patuloy kayong namumunga sa bawat mabuting gawa . . . nang sa gayon ay makapagbata nang lubos at magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.” (Colosas 1:9-11) Ang Bibliya ay naglalaan ng ilang halimbawa ng mga kabataang may takot sa Diyos na matagumpay na lumakad nang karapat-dapat sa Diyos sa gitna ng kakatwa, di-kaayaaya, at idolatrosong kapaligiran.​—Filipos 2:15.

“Si Jehova ay Sumasa kay Jose”

Sa murang edad, si Jose, ang minamahal na anak nina Jacob at Raquel, ay nawalay sa nagsasanggalang na tahanan ng kaniyang ama na may takot sa Diyos. Siya ay ipinagbili sa pagkaalipin sa Ehipto. Si Jose ay nagbigay ng mahusay na halimbawa bilang isang kabataang masipag, mapagkakatiwalaan, at may magandang asal. Sa kabila ng pagiging isang alipin ni Potipar​—isang tao na hindi mananamba ni Jehova​—si Jose ay naging maingat at masikap, anupat nang dakong huli ay ipinagkatiwala sa kaniya ng kaniyang panginoon ang lahat ng bagay sa sambahayan. (Genesis 39:2-6) Nanatiling tapat si Jose kay Jehova, at nang ipabilanggo siya dahil dito, hindi niya sinabi: “Anong kuwenta ng pagtatapat ko?” Maging sa bilangguan ay ipinamalas niya ang maiinam na katangian, at di-nagtagal ay siya na ang nangangasiwa sa maraming gawain sa bilangguan. (Genesis 39:17-22) Pinagpala siya ng Diyos, at gaya ng nakasaad sa Genesis 39:23, “si Jehova ay sumasa kay Jose.”

Kaydali sana para kay Jose, yamang napawalay sa kaniyang pamilya na may takot sa Diyos, na sumunod sa paggawi ng mga paganong nanirahan sa paligid niya, anupat tinutularan ang imoral na paraan ng pamumuhay ng mga Ehipsiyo! Sa halip, nanghawakan siya sa makadiyos na mga simulain at iningatan ang kaniyang malinis na katayuan sa kabila ng pinakamatitinding tukso. Nang paulit-ulit siyang himukin ng asawa ni Potipar na sumiping sa kaniya, ang matatag niyang sagot ay: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?”​—Genesis 39:7-9.

Sa ngayon, kailangang sundin ng mga kabataang Saksi ang salig-Bibliyang mga babala laban sa di-wastong pakikisama, imoral na libangan, pornograpya, at nakasasamang musika. Natatanto nila na “ang mga mata ni Jehova ay nasa lahat ng dako, nagbabantay sa masasama at sa mabubuti.”​—Kawikaan 15:3.

Iniwasan ni Moises ang “Pansamantalang Kasiyahan sa Kasalanan”

Lumaki si Moises sa kapaligiran ng palasyo ni Paraon na doo’y palasak ang idolatriya at pagpapakasasa sa kaluguran. Sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Sa pananampalataya si Moises . . . ay tumanggi na tawaging anak ng anak na babae ni Paraon, na pinili pang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.”​—Hebreo 11:24, 25.

Ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay maaaring magbunga ng ilang kapakinabangan, ngunit ito ay pansamantala lamang. Ang pinakamatagal na ilalagi nito ay kasinghaba lamang ng limitadong panahong natitira para sa sanlibutang ito. (1 Juan 2:15-17) Hindi ba mas mabuti na sundin ang halimbawa ni Moises? Sinasabi ng Bibliya na “nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Pinanatili niyang nakatuon ang kaniyang isipan sa espirituwal na pamana ng kaniyang mga ninunong may takot sa Diyos. Ginawa niyang layunin ng kaniyang buhay ang layunin ni Jehova, anupat naging tunguhin niya ang paggawa ng kalooban ng Diyos.​—Exodo 2:11; Gawa 7:23, 25.

Kapag nasumpungan ng mga kabataang may takot sa Diyos na sila’y nasa kapaligiran na di-makadiyos at di-palakaibigan, mapatitibay nila ang kanilang personal na kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng personal na pag-aaral, anupat higit na kinikilala “ang Isa na di-nakikita.” Ang buong programa ng mga gawaing Kristiyano, pati na ang regular na pagdalo sa pulong at paglilingkod sa larangan, ay tutulong sa mga kabataang ito na mapanatiling nakatuon ang kanilang isipan sa espirituwal na mga bagay. (Awit 63:6; 77:12) Dapat nilang sikapin na linangin ang pananampalataya at pag-asa na kasintibay niyaong kay Moises. Makabubuti na maging pangunahin si Jehova sa kanilang pag-iisip at pagkilos, anupat naliligayahang maging kaibigan niya.

Ginamit Niya ang Kaniyang Bibig Upang Purihin ang Diyos

Ang isa pang kabataan na napatunayang huwaran samantalang malayo sa tahanan ay ang batang babaing Israelita na nabihag ng mga Siryano noong panahon ng propeta ng Diyos na si Eliseo. Siya ay naging alilang babae ng asawa ng ketonging pinuno ng hukbo ng Sirya, si Naaman. Sinabi ng batang babaing ito sa kaniyang among babae: “Kung ang panginoon ko lamang ay nasa harap ng propetang nasa Samaria! Kung magkagayon ay pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.” Dahil sa kaniyang patotoo, nagpunta si Naaman kay Eliseo sa Israel at naalis ang kaniyang ketong. Bukod diyan, si Naaman ay naging mananamba ni Jehova.​—2 Hari 5:1-3, 13-19.

Idiniriin ng halimbawa ng batang babaing ito ang pangangailangang gamitin ng mga kabataan ang kanilang bibig sa paraang nagpaparangal sa Diyos, kahit na malayo sila sa kanilang mga magulang. Kung nakaugalian ng batang babaing iyon na makibahagi sa “mangmang na usapan” o “malaswang pagbibiro,” magiging madali kaya sa kaniya na gamitin nang mabisa ang bibig niya gaya ng kaniyang ginawa nang magkaroon siya ng pagkakataon? (Efeso 5:4; Kawikaan 15:2) Ganito ang naaalaala ni Níkos, isang kabataang lalaki na wala pang 25 anyos at nabilanggo dahil sa kaniyang neutral na paninindigan: “Nang ako ay kasama ng ilang kabataang kapatid sa isang bilangguang pang-agrikultura, na malayo sa awtoridad ng mga magulang at ng kongregasyon, napansin ko na bumaba ang kalidad ng aming pananalita. Tiyak na hindi ito nagdulot ng kapurihan kay Jehova.” Mabuti na lamang, si Níkos at ang iba pa ay natulungang sumunod sa payo ni Pablo hinggil sa bagay na ito: “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng angkop sa mga taong banal.”​—Efeso 5:3.

Tunay sa Kanila si Jehova

Ang karanasan ng tatlong Hebreo na kasama ni Daniel sa sinaunang Babilonya ay nagpapatunay sa pagiging totoo ng simulaing binanggit ni Jesus na ang katapatan sa maliliit na bagay ay umaakay sa katapatan sa malalaking bagay. (Lucas 16:10) Nang mapaharap sila sa problema ng pagkain sa mga bagay na ipinagbabawal ng Kautusan ni Moises, maaari sana nilang ikatuwiran na sila ay mga bihag sa isang banyagang lupain kaya wala silang mapagpipilian sa bagay na iyon. Subalit kaylaking pagpapala ang kanilang tinanggap dahil sineryoso nila maging ang isang bagay na waring maliit lamang! Sila ay napatunayang mas malusog at mas marunong kaysa sa lahat ng iba pang mga bihag na patuloy na kumain ng masasarap na pagkain ng hari. Ang katapatan sa maliliit na bagay na ito ay walang-pagsalang nagpalakas sa kanila, anupat nang mapaharap sila sa mas matinding pagsubok na pagyukod sa isang idolatrosong imahen, tumanggi silang magkompromiso.​—Daniel 1:3-21; 3:1-30.

Si Jehova ay tunay na tunay sa tatlong kabataang lalaking ito. Bagaman malayo sila sa kanilang tahanan at sa sentro ng pagsamba sa Diyos, determinado sila na manatiling walang dungis sa sanlibutan. (2 Pedro 3:14) Ang kanilang kaugnayan kay Jehova ay napakahalaga anupat handa nilang isakripisyo ang kanilang buhay alang-alang dito.

Hindi Ka Pababayaan ni Jehova

Kapag ang mga kabataan ay malayo sa mga minamahal at pinagkakatiwalaan nila, mauunawaan naman na maaari nilang madama ang kawalang-kapanatagan, kawalang-katiyakan, at pangamba. Gayunman, maaari nilang harapin ang mga pagsubok sa kanila taglay ang lubos na pagtitiwala na “hindi [sila] pababayaan ni Jehova.” (Awit 94:14) Kung ang gayong mga kabataan ay ‘magdusa alang-alang sa katuwiran,’ si Jehova ay handang tumulong sa kanila na lumakad sa “landas ng katuwiran.”​—1 Pedro 3:14; Kawikaan 8:20.

Patuloy na pinalakas at saganang pinagpala ni Jehova sina Jose, Moises, ang alipin na batang babaing Israelita, at ang tatlong tapat na mga kabataang Hebreo. Sa ngayon, ginagamit niya ang kaniyang banal na espiritu, ang kaniyang Salita, at ang kaniyang organisasyon upang palakasin yaong mga ‘nakikipaglaban ng mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya,’ anupat inilalagay sa harapan nila ang gantimpalang “buhay na walang hanggan.” (1 Timoteo 6:11, 12) Oo, ang paglakad nang karapat-dapat kay Jehova ay posible, at ito ang matalinong hakbang na dapat gawin.​—Kawikaan 23:15, 19.

[Mga talababa]

^ par. 2 Tingnan Ang Bantayan, Mayo 1, 1996, pahina 18-20.

^ par. 5 Binago ang ilang pangalan.

[Kahon sa pahina 25]

MGA MAGULANG​—IHANDA ANG INYONG MGA ANAK!

“Tulad ng mga palaso sa kamay ng makapangyarihang lalaki, gayon ang mga anak ng kabataan.” (Awit 127:4) Ang palaso ay hindi basta na lamang tumatama sa puntirya nito. Dapat itong ipuntirya nang may kasanayan. Gayundin naman, ang mga bata ay hindi magiging handang humarap sa mga tunay na nangyayari kapag namuhay nang malayo sa tahanan kung walang wastong patnubay ng magulang.​—Kawikaan 22:6.

Ang mga kabataan ay madaling kumilos dahil sa simbuyo o magpadala sa “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Nagbababala ang Bibliya: “Ang pamalo at ang saway ang siyang nagbibigay ng karunungan; ngunit ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina.” (Kawikaan 29:15) Ang hindi pagtatakda ng mga limitasyon sa paggawi ng kabataan ay magpapangyari sa isang bata na maging di-handa sa mga kahilingan at mga panggigipit na kaakibat ng pamumuhay nang malayo sa tahanan.

Sa maliwanag at responsableng paraan, dapat ipaliwanag ng Kristiyanong mga magulang sa kanilang mga anak ang mga hirap, panggigipit, at mga tunay na nangyayari sa buhay sa sistemang ito ng mga bagay. Maaari nilang ilarawan, nang hindi nagiging negatibo o nakasisira ng loob, ang di-kaayaayang mga kalagayan na mapapaharap sa isang kabataan kung kailanganin na siya ay mamuhay nang malayo sa tahanan. Ang pagsasanay na ito, lakip na ang bigay-Diyos na karunungan, ay ‘magbibigay ng katalinuhan sa mga walang-karanasan, ng kaalaman at kakayahang mag-isip sa kabataan.’​—Kawikaan 1:4.

Ang mga magulang na nagkikintal ng makadiyos na mga pamantayan at moral na mga simulain sa puso ng kanilang mga anak ay tumutulong sa kanila na makayanan ang mga hamon ng buhay. Ang regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, tapatang pag-uusap, at tunay na interes sa kapakanan ng kanilang mga anak, ay may malaking magagawa upang magtagumpay sa halip na mabigo. Ang mga magulang ay dapat magbigay ng makadiyos na pagsasanay sa timbang ngunit positibo at makatuwirang paraan, anupat inihahanda ang mga anak nila na tumayo sa kanilang sariling mga paa sa mga susunod pang mga taon ng kanilang buhay. Sa pamamagitan ng personal na halimbawa, maituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak na posibleng manirahan sa sanlibutan nang hindi nagiging bahagi nito.​—Juan 17:15, 16.

[Larawan sa pahina 23]

Ang ilang kabataang Kristiyano ay kinailangang umalis sa kanilang tahanan

[Mga larawan sa pahina 24]

Sa pamamagitan ng paglaban sa tukso, ang mga kabataan ay makatutulad kay Jose at makapananatiling may malinis na moral

[Mga larawan sa pahina 26]

Tularan ang alipin na batang babaing Israelita na gumamit ng kaniyang bibig upang magdulot ng kaluwalhatian kay Jehova