Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sino ang tinutukoy ni Jehova bilang “isa sa atin” sa Genesis 3:22?
Maliwanag na tinutukoy ng Diyos na Jehova ang kaniyang sarili at ang kaniyang bugtong na Anak nang sabihin niya: “Ang tao ay naging tulad ng isa sa atin na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 3:22) Isaalang-alang natin kung bakit.
Sinabi ito ni Jehova pagkatapos ilapat ang hatol sa unang mag-asawa. Ang pang-unawa ng ilan sa pananalitang “isa sa atin” ay pangmaramihang anyo ng karingalan, kung paanong maaaring sabihin ng isang haring tao na “hindi kami nalulugod” samantalang sarili lamang niya ang kaniyang tinutukoy. Gayunman, may kinalaman sa Genesis 1:26 at 3:22, ganito ang sinabi ng iskolar sa Bibliya na si Donald E. Gowan: “Walang patotoo sa M[atandang] T[ipan] para sa karamihan ng iminungkahing mga paliwanag: ang paggamit ng ‘kami’ upang ipahiwatig ang pagiging maharlika, ang paggamit ng ‘kami’ kapag nag-iisip nang malalim ang isa, ang paggamit nito na pangmaramihan bilang pagdiriin, o pagpapahiwatig na maraming persona ang Diyos. . . . Wala sa mga paliwanag na ito ang waring makatuwiran sa 3:22, na bumabanggit ng ‘isa sa atin.’ ”
Tinutukoy kaya ni Jehova si Satanas na Diyablo, na nagpasiya ng “mabuti at masama” sa kaniyang sarili at nang-impluwensiya sa unang mga tao na gayundin ang gawin? Hindi iyan makatuwiran. Ginamit dito ni Jehova ang pananalitang “isa sa atin.” Hindi na kasama si Satanas sa karamihan ng tapat na mga anghel ni Jehova, kaya wala siya noon sa tabi ni Jehova.
Tinutukoy ba ng Diyos ang tapat na mga anghel? Hindi natin masasabi nang tiyak. Gayunman, ang pagkakahawig ng mga pananalita sa Genesis 1:26 at 3:22 ay nagbibigay sa atin ng pahiwatig. Sa Genesis 1:26, mababasa natin na sinabi ni Jehova: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” Kanino niya ipinatutungkol ang mga pananalitang ito? Sa pagtukoy sa espiritung nilalang na naging ang sakdal na taong si Jesus, sinabi ni apostol Pablo: “Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang; sapagkat sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa langit at sa ibabaw ng lupa.” (Colosas 1:15, 16) Oo, waring makatuwiran na sa Genesis 1:26, ang kausap ni Jehova ay ang kaniyang bugtong na Anak, ang “dalubhasang manggagawa,” na nasa kaniyang tabi noong panahon ng paglalang ng langit at ng lupa. (Kawikaan 8:22-31) Ang pagkakahawig ng pananalita sa Genesis 3:22 ay nagpapahiwatig na si Jehova ay muling nakikipag-usap sa isa na pinakamalapit sa kaniya, ang kaniyang bugtong na Anak.
Maliwanag na ang bugtong na Anak ng Diyos ay may kaalaman hinggil sa “mabuti at masama.” Mula sa kaniyang matagal at malapít na pakikisama kay Jehova, tiyak na natutuhan niya nang lubos ang pag-iisip, mga simulain, at mga pamantayan ng kaniyang Ama. Palibhasa’y kumbinsido na nababatid ng kaniyang Anak ang mga ito at nagpapakita ng katapatan dito, maaaring ipinagkaloob ni Jehova sa kaniya ang kalayaan na pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang hindi na tuwirang sumasangguni sa Kaniya sa bawat pagkakataon. Sa ganitong paraan, magagawa at may awtoridad ang Anak na tiyakin kung ano ang mabuti at masama. Subalit, di-gaya nina Satanas, Adan, at Eva, si Jesus ay hindi nagtakda ng isang pamantayan na salungat kay Jehova.