Namumunga ang Mabuting Balita sa São Tomé at Príncipe
Namumunga ang Mabuting Balita sa São Tomé at Príncipe
MARAHIL ay hindi pa kailanman narinig ng karamihan ang tungkol sa São Tomé at Príncipe. Karaniwan nang hindi iniaanunsiyo ang mga islang ito sa mga brosyur ng bakasyunang lugar. Sa isang mapa ng daigdig, parang maliliit na tuldok ang mga ito na nasa Gulpo ng Guinea sa laot ng kanlurang baybayin ng Aprika, ang São Tomé ay halos nasa ekwador at ang Príncipe naman ay bahagyang nasa hilagang-silangan nito. Ang maulan at mahalumigmig na klima ay lumilikha ng mayayabong na maulang kagubatan, na tumatakip sa mga dalisdis ng kabundukan na umaabot sa taas na mahigit sa 2,000 metro.
Ang tropikal na mga islang ito, na napalilibutan ng asul na katubigan at ng mga puno ng palma na nakahanay sa mga dalampasigan, ay tinatahanan ng mga taong palakaibigan at mapagmahal, na ang magkahalong Aprikano at Europeong pinagmulan ay nagbunga ng isang kaayaayang pagsasama ng mga kultura. Ang 170,000 naninirahan dito ay abalang-abala sa pangunahing produktong iniluluwas, ang kakaw, o sa pagsasaka at pangingisda. Nitong nakalipas na mga taon, naging mahirap kahit ang paghahanap ng makakain sa araw-araw.
Gayunman, noong huling dekada ng ika-20 siglo, nasaksihan ang isang pangyayari na lubhang nakaapekto sa buhay ng dumaraming bilang ng mga tao sa mga islang ito. Noong Hunyo 1993, ang mga Saksi ni Jehova ay legal na nairehistro sa pamahalaan ng São Tomé at Príncipe, anupat winakasan ang mahaba at kadalasan ay mahirap na yugto sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa mga islang ito.
Naihasik ang mga Binhi sa Ilalim ng Kahirapan
Lumilitaw na ang unang Saksi ay nakarating sa bansang ito noong unang mga taon ng dekada ng 1950 nang ipadala ang mga bilanggo mula sa iba pang mga kolonya ng Portugal sa Aprika upang
magtrabaho sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa mga isla. Ang Saksi, isang Aprikanong payunir, o buong-panahong ministro, ay ipinatapon mula sa Mozambique dahil sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lupaing iyon. Ang nag-iisang Saksing ito ay patuloy na naging abala, at sa loob ng anim na buwan, mayroon nang karagdagang 13 na nakikibahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Nang maglaon, dumating ang iba pang mga Saksi na nasa gayunding kalagayan mula sa Angola. Sa panahon ng kanilang pagkabilanggo, ginamit nila ang bawat pagkakataon upang ibahagi ang mabuting balita sa mga naninirahan doon.Noong 1966, nagsibalik na sa kontinente ng Aprika ang lahat ng mga kapatid na nabilanggo sa São Tomé. Lakas-loob na nagpatuloy ang naiwang maliit na grupo ng mga mamamahayag ng Kaharian. Sila ay pinag-usig, binugbog, at ikinulong sapagkat nagtitipun-tipon sila para mag-aral ng Bibliya, at walang dumadalaw o nagpapatibay-loob sa kanila. Natamo ng bansa ang kasarinlan mula sa Portugal noong 1975, at unti-unting namunga ang mga binhi ng katotohanan ng Kaharian.
Pagpapalawak at Pagtatayo
Nang mismong buwan ng legal na pagpaparehistro noong 1993, ang pinakamataas na bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian ay 100. Nang taon ding iyon, dumating ang mga special pioneer mula sa Portugal. Napamahal sila sa mga tagaroon dahil sa mga pagsisikap nilang matuto ng wikang Portuges Creole. Naging priyoridad ang paghahanap ng lupa para pagtayuan ng isang Kingdom Hall. Nang marinig ang pangangailangang ito, ipinagkaloob ng isang sister na nagngangalang Maria ang kalahati ng lupa na kinatitirikan ng kaniyang munting bahay. Sapat ang laki ng lupa para sa isang malaking Kingdom Hall. Hindi alam ni Maria na sapagkat wala na siyang mga kamag-anak, interesado ang ambisyosong mga developer sa lupang ito. Isang araw, nakipag-usap kay Maria ang isang kilalang negosyante.
“Hindi mabuti ang nababalitaan ko tungkol sa iyo!” ang babala nito sa kaniya. “Nabalitaan kong ipinagkaloob mo ang iyong lupa bilang donasyon. Hindi mo ba alam na malaking pera ang halaga nito sapagkat ito ay nasa siyudad mismo?”
“Kung iaalok ko sa inyo ang lupa, magkano naman ang ibabayad ninyo sa akin?” ang tanong ni Maria. Nang hindi sumagot ang lalaki, sinabi pa ni Maria: “Kahit na ibigay pa ninyo sa akin ang lahat
ng pera sa mundo, hindi pa rin ito sapat sapagkat hindi mabibili ng pera ang buhay.”“Wala kang mga anak, di ba?” ang tanong ng lalaki.
Upang tapusin na ang usapan, sinabi ni Maria: “Ang lupa ay pag-aari ni Jehova. Ipinahiram niya ito sa akin sa loob ng maraming taon, at ibinabalik ko na ito sa kaniya ngayon. Umaasa akong mabuhay magpakailanman.” Pagkatapos ay tinanong niya ang lalaki: “Maibibigay mo ba ang buhay na walang hanggan?” Wala siyang nasabi ni gaputok man, tumalikod siya at umalis.
Ang resulta ay isang magandang dalawang-palapag na gusaling itinayo sa tulong ng may-kasanayang mga kapatid mula sa Portugal. Mayroon itong silong, isang malawak na Kingdom Hall, at mga tuluyan. Mayroon din itong mga silid-aralan para sa pagdaraos ng mga paaralan para sa matatanda, mga ministeryal na lingkod, at mga payunir. Dalawang kongregasyon ngayon ang nagpupulong dito, anupat ginagawa itong isang mainam na sentrong pang-edukasyon para sa dalisay na pagsamba sa kabisera.
Sa Mé-Zochi, may isang kongregasyon ng 60 masisigasig na mamamahayag. Yamang ang mga pulong ay idinaraos sa isang pansamantalang Kingdom Hall na nasa taniman ng saging, kitang-kita ang pangangailangan para sa isang angkop na Kingdom Hall. Ipinaalam ito sa munisipyo, at inalok ng mababait na opisyal ang isang magandang lote sa pangunahing lansangan. Isang magandang Kingdom Hall ang naitayo sa loob ng dalawang buwan sa tulong ng mga kapatid mula sa Portugal, na ginagamit ang mabilisang paraan ng pagtatayo. Hindi makapaniwala ang mga tagaroon sa kanilang nakita. Humanga ang isang inhinyerong Sweko na may proyektong itinatayo sa lunsod nang makita ang mga kapatid na nagtatrabaho. “Hindi ito kapani-paniwala!” ang sabi niya. “Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova rito sa Mé-Zochi ang mabilisang paraan ng pagtatayo! Ganito natin dapat ginagawa ang ating proyekto.” Ang Kingdom Hall ay inialay noong Hunyo 12, 1999, na dinaluhan ng 232. Ang bulwagan ay naging isang pangunahing atraksiyon sa mga dumadalaw sa lunsod ng Mé-Zochi.
Isang Makasaysayang Kombensiyon
Isang makasaysayang pangyayari para sa mga Saksi ni Jehova sa São Tomé at Príncipe ang tatlong-araw na “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong Kombensiyon noong Enero 1994—ang kauna-unahang kombensiyon sa mga islang ito. Ginanap ito sa pinakamaganda at may air-condition
na awditoryum sa bansa. Maguguniguni mo ba ang kagalakan ng 116 na mamamahayag ng Kaharian na makita ang pulutong ng 405 at sa kauna-unahang pagkakataon ay makapanood ng mga drama sa Bibliya at makatanggap ng mga inilabas na literatura sa kombensiyon? Isang tropikal na dalampasigan ang ginamit para sa bautismo ng 20 taong nag-alay.Ang isang bagong bagay na nakatawag-pansin sa publiko ay ang naiibang mga lapel badge na suot ng mga delegado. Ang pagkanaroroon ng 25 bisita mula sa Portugal at Angola ay nagpangyari na maging waring pang-internasyonal ang kombensiyon. Mabilis na nagkaroon ng isang buklod ng mainit na pag-ibig Kristiyano, at marami ang napaluha noong huling sesyon nang sila’y magpaalam sa isa’t isa.—Juan 13:35.
Dumating ang mga peryodista mula sa National Radio at kinapanayam ang tagapangasiwa ng kombensiyon. Isinahimpapawid din nila ang mga hinalaw mula sa ilang pahayag. Tunay na isa nga itong makasaysayang okasyon, at para sa matagal nang nabubukod na mga tapat na Saksing ito, nakatulong ito upang madama na napakalapit ng nakikitang organisasyon ni Jehova.
Namumunga Ukol sa Kapurihan ni Jehova
Kapag namumunga ang mensahe ng Kaharian, nagluluwal ito ng maiinam na paggawi na nagdudulot ng kapurihan at karangalan kay Jehova. (Tito 2:10) Isang tin-edyer na babae ang natutuwa sa natututuhan niya mula sa kaniyang lingguhang pag-aaral ng Bibliya. Gayunman, pinagbawalan siya ng kaniyang ama na dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Nang ipaliwanag niya nang buong galang sa kaniyang ama ang kahalagahan ng Kristiyanong mga pagpupulong at ang kaniyang pagnanais na dumalo, agad siyang pinalayas nito sa kaniyang bahay. Lumilitaw na inakala ng ama na gagawin niya ang ginagawa ng maraming ibang kabataan—agad na sumasama sa isang lalaki na bubuhay sa kaniya. Nang malaman ng ama na siya ay namumuhay nang uliran at malinis bilang isang Kristiyano, naudyukan ito na tanggapin siyang muli sa kanilang tahanan at pagkalooban ng ganap na kalayaang paglingkuran si Jehova.
Isa pang halimbawa ay yaong lider ng isang banda. Nasiphayo siya sa kaniyang imoral na pamumuhay. Habang naghahanap ng layunin sa buhay, natagpuan siya ng mga Saksi. Nang magsimula siyang mamuhay ayon sa moral na mga pamantayan ng Bibliya, naging usap-usapan siya sa bayan. Di-nagtagal, nakita niya ang pangangailangang ihinto ang lahat ng masasamang pakikisama. (1 Corinto 15:33) Pagkatapos ay ginawa niya ang mahalagang hakbang ng pagpapabautismo bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay kay Jehova.
Hinahanap ng isang grupo ng mga kabataan ang tunay na relihiyon. Ang paghahanap nila ay umakay sa kanila sa pakikipagtalakayan sa mga pastor ng ilang grupong ebangheliko, subalit lalo lamang silang nalito at nasiphayo. Dahil dito, sila’y naging mararahas na palaboy at manunudyo ng anumang bagay na relihiyoso.
Isang araw, isang misyonerong Saksi ni Jehova ang papunta sa kaniyang pinagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya at napadaan sa lugar na kinaroroonan ng mga kabataang ito. Gusto ng grupo na sagutin ng misyonero ang ilang katanungan at inakay siya sa isang bakuran sa likod ng bahay, kung saan siya ay pinaupo sa isang maliit na bangkô. Sinundan ito ng sunud-sunod na tanong sa paksang gaya ng kaluluwa, apoy ng impiyerno, buhay sa langit, at katapusan ng mundo. Sinagot ng Saksi ang lahat ng kanilang mga katanungan mula sa Bibliya na ipinahiram sa kaniya ng lider ng gang. Pagkaraan ng isang oras, ang lider, na nagngangalang Law, ay nagsabi sa misyonero: “Nang hilingin naming pumarito ka at sagutin ang aming mga katanungan, ang intensiyon namin ay tuyain ka, gaya ng ginawa namin sa mga taong mula sa ibang relihiyon. Inakala namin na walang makasasagot sa mga tanong na iyon. Subalit nasagot mo ito, at nagawa mo ito na ginagamit lamang ang Bibliya! Sabihin mo sa akin, paano ako matututo nang higit pa tungkol sa Bibliya?” Isang pag-aaral sa Bibliya ang pinasimulan kay Law, at di-nagtagal ay nagsimula na siyang dumalo sa mga pulong. Di-kalaunan pagkatapos noon, iniwan niya ang grupo at inihinto ang kaniyang marahas na pamumuhay. Sa loob lamang ng isang taon ay inialay na niya ang kaniyang buhay kay Jehova at nabautismuhan. Siya ngayon ay naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod.
Ang isang lokal na kaugalian na naging lubhang pangkaraniwan na ay ang basta pagsasama ng lalaki’t babae nang hindi legal na nagpapakasal. 2 Corinto 10:4-6; Hebreo 4:12.
Marami ang nagsasama na sa loob ng ilang taon, at nagkaanak na. Nahihirapan silang tanggapin ang pangmalas ng Diyos sa bagay na ito. Nakapagpapasiglang makita kung paano natulungan ng Salita ng Diyos ang isang tao na mapagtagumpayan ang hadlang na ito.—Naunawaan ni Antonio na dapat niyang gawing legal ang kaniyang pag-aasawa at nagplano siya na gawin iyon pagkatapos ng anihan ng mais kung kailan magkakapera siya para sa handaan sa kasal. Isang gabi bago ang anihan, dumating ang mga magnanakaw at ninakaw ang kaniyang pananim. Nagpasiya siyang maghintay para sa ani sa susunod na taon, at minsan pa, ito ay ninakaw. Nang minsan pang mabigo ang pagtatangka niyang makakuha ng pera para sa kaniyang kasal, natanto ni Antonio kung sino ang kaniyang tunay na mananalansang. “Hindi ko hahayaang malinlang pa ako ni Satanas,” aniya. “Pagkalipas ng isa at kalahating buwan, magpapakasal na kami, may handaan man o wala!” Kaya nagpakasal sila, at laking gulat nila nang ang kanilang mga kaibigan ay magbigay ng mga manok, bibi, at kambing para sa handaan sa kasal. Pagkatapos mairehistro ang kanilang kasal, si Antonio at ang kaniyang asawa—pati na ang kanilang anim na anak—ay nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova.
Sa Isla ng Príncipe
Isinagawa kamakailan ng tagapangasiwa ng sirkito at ng mga payunir sa São Tomé ang paminsan-minsang pagdalaw sa 6,000 naninirahan sa Príncipe. Napakamapagpatuloy at sabik na makinig sa sasabihin ng mga Saksi ang mga tagaisla. Pagkabasa ng isang tract na iniwanan sa kaniya, hinanap ng isang lalaki ang mga payunir kinabukasan at nag-alok na tutulungan silang mamahagi ng higit pang mga tract. Ipinaliwanag ng mga payunir na ito ay isang gawain na dapat nilang gawin, subalit nagpumilit ang lalaki na samahan sila sa bahay-bahay upang maipakilala niya sila sa mga may-bahay at maimungkahi sa mga ito na makinig silang mabuti. Sa wakas ay umalis na ang lalaki, ngunit pinapurihan muna niya ang mga payunir sa mahalagang gawain na kanilang ginagawa.
Noong 1998, dalawang payunir mula sa São Tomé ang lumipat sa Príncipe, at di-nagtagal ay nagdaraos na sila ng 17 pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ang gawain ay patuloy na lumalawak, at sa sandaling panahon ay 16 na ang kainamang dumadalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, at mahigit na 30 ang dumalo sa pahayag pangmadla. Ang pangangailangan para sa isang dakong pagpupulungan ay iniharap sa munisipyo, at nakatutuwa naman, isang lupa ang ipinagkaloob upang pagtayuan ng isang Kingdom Hall. Ang mga kapatid mula sa São Tomé ang nagboluntaryong magtayo ng isang maliit na Kingdom Hall na mayroon ding mga tuluyan para sa dalawang special pioneer.
Maliwanag na ang mabuting balita ay namumunga nang sagana at dumarami pa sa malalayong islang ito. (Colosas 1:5, 6) Noong Enero 1990, may 46 na mamamahayag sa São Tomé at Príncipe. Noong 2002 taon ng paglilingkod, isang pinakamataas na bilang ng 388 tagapaghayag ng Kaharian ang naabot! Mahigit na 20 porsiyento ng mga mamamahayag ang nasa buong-panahong paglilingkod, at mga 1,400 pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos. Ang dumalo sa Memoryal noong 2001 ay umabot sa pinakamataas na bilang na 1,907. Oo, sa tropikal na mga islang ito, ang salita ni Jehova ay mabilis na sumusulong at niluluwalhati.—2 Tesalonica 3:1.
[Kahon/Larawan sa pahina 12]
Popular na mga Brodkast sa Radyo
Ang isang publikasyon na lubhang pinahahalagahan sa mga islang ito ay Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. * Tuwing ikalawang linggo, isang 15-minutong programa na may ganiyang pamagat ang isinasahimpapawid sa National Radio. Kapana-panabik ngang marinig ang tanong ng brodkaster, “Mga kabataan, paano ninyo malalaman kung ito’y tunay na pag-ibig o pagkahumaling?” at sinusundan ng pagbabasa sa isang bahagi ng aklat! (Tingnan ang kabanata 31.) Isinasahimpapawid din ng isang kahawig na brodkast ang piniling mga bahagi ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. *
[Mga talababa]
^ par. 33 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 33 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 9]
Ang unang Kingdom Hall sa São Tomé noong 1994
[Mga larawan sa pahina 10]
1. Kingdom Hall na mabilisang itinayo sa Mé-Zochi
2. Isang makasaysayang pandistritong kombensiyon ang naganap sa awditoryum na ito
3. Maliligayang kandidato sa bautismo sa kombensiyon
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.