Upang Matamo ang Gantimpala, Magpigil ng Sarili!
Upang Matamo ang Gantimpala, Magpigil ng Sarili!
“Ang bawat tao na nakikibahagi sa isang paligsahan ay nagpipigil ng sarili sa lahat ng bagay.”—1 CORINTO 9:25.
1. Kaayon ng Efeso 4:22-24, paano sumang-ayon ang milyun-milyon kay Jehova?
KUNG ikaw ay nabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova, ipinahayag mo sa madla na handa kang makibahagi sa isang paligsahan na ang gantimpala ay buhay na walang hanggan. Sumang-ayon kang gawin ang kalooban ni Jehova. Bago gumawa ng pag-aalay kay Jehova, marami sa atin ang kinailangang gumawa ng malalaking pagbabago upang ang ating pag-aalay ay maging makabuluhan at kalugud-lugod sa Diyos. Sinunod natin ang payo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi at na pinasasamâ ayon sa kaniyang mapanlinlang na mga pagnanasa . . . Magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:22-24) Sa ibang pananalita, bago gumawa ng pag-aalay sa Diyos, tinanggihan na natin ang dating di-kaayaayang paraan ng pamumuhay.
2, 3. Paano ipinakikita ng 1 Corinto 6:9-12 na kailangang gumawa ng dalawang uri ng pagbabago upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos?
2 Ang ilang bahagi ng lumang personalidad na dapat alisin ng magiging mga Saksi ni Jehova ay tuwirang hinahatulan ng Salita ng Diyos. Inisa-isa ni Pablo ang ilan sa mga ito sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto, sa pagsasabing: “Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” Pagkatapos ay ipinakita niya na ang unang-siglong mga Kristiyano ay gumawa ng kinakailangang mga pagbabago ng personalidad, at idinagdag pa niya: “Gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo noon.” Pansinin na dati silang ganoon, ngunit nagbago na sila.—1 Corinto 6:9-11.
3 Iminungkahi ni Pablo na baka kailanganin din ang karagdagang mga pagbabago, sapagkat siya’y nagpatuloy: “Ang lahat ng bagay ay matuwid para sa akin; ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang.” (1 Corinto 6:12) Kaya nakikita ng marami sa ngayon na nagnanais maging Saksi ni Jehova ang pangangailangang tumanggi maging sa mga bagay na bagaman matuwid ay hindi kapaki-pakinabang o walang gaanong namamalaging halaga. Ang mga ito ay maaaring umubos ng panahon at maglihis sa kanila sa pagtataguyod ng mga bagay na higit na mahalaga.
4. Sa ano sumasang-ayon kay Pablo ang mga nakaalay na Kristiyano?
4 Ang pag-aalay sa Diyos ay kusang-loob na ginagawa, hindi mabigat sa loob, na para bang ito ay nangangailangan ng napakalaking sakripisyo. Ang mga nakaalay na Kristiyano ay sumasang-ayon kay Pablo, na ganito ang sinabi pagkatapos niyang maging isang tagasunod ni Kristo: “Dahil [kay Jesus] ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng bagay at itinuturing kong mga basura ang mga iyon, upang matamo ko si Kristo.” (Filipos 3:8) May-kagalakang tinanggihan ni Pablo ang mga bagay na di-gaanong mahalaga upang patuloy siyang makasang-ayon ng Diyos.
5. Sa anong uri ng takbuhan matagumpay na nakibahagi si Pablo, at paano rin natin magagawa iyon?
5 Si Pablo ay nagpigil ng sarili sa pagtakbo sa kaniyang espirituwal na takbuhan at sa wakas ay nakapagsabi: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya. Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, bilang gantimpala sa araw na iyon, gayunma’y hindi lamang sa akin, kundi gayundin sa lahat niyaong mga umibig sa kaniyang pagkakahayag.” (2 Timoteo 4:7, 8) Maipahahayag din kaya natin ang gayon balang-araw? Magagawa natin iyon kung may-pananampalataya tayong magpipigil ng sarili habang tumatakbo sa ating Kristiyanong takbuhan nang walang tigil hanggang sa katapusan.
Magpigil ng Sarili Upang Magawa ang Mabuti
6. Ano ang pagpipigil sa sarili, at sa anong dalawang larangan kailangan nating isagawa ito?
6 Ang mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “pagpipigil sa sarili” sa Bibliya ay literal na nagpapahiwatig na ang isang tao ay may kapangyarihan o kontrol sa kaniyang sarili. Ang mga ito ay kadalasang nagpapahiwatig ng ideya ng pagpipigil sa sarili sa paggawa ng masama. Subalit maliwanag na kailangan din ang isang antas ng pagpipigil sa sarili upang magamit natin ang ating katawan sa paggawa ng mabubuting bagay. Ang likas na hilig ng di-sakdal na mga tao ay gumawa ng masama, kaya mayroon tayong dalawang klase ng pakikipagpunyagi. (Eclesiastes 7:29; 8:11) Habang umiiwas sa paggawa ng masama, dapat din nating pilitin ang ating mga sarili na gumawa ng mabuti. Sa katunayan, ang pagkontrol sa ating katawan upang gawin ang mabuti ay isa sa pinakamabisang paraan para maiwasan ang paggawa ng masama.
7. (a) Ano ang dapat nating ipanalangin gaya ni David? (b) Ang pagbubulay-bulay sa ano ang tutulong sa atin na higit na makapagpigil ng sarili?
7 Maliwanag, ang pagpipigil sa sarili ay mahalaga upang matupad natin ang ating pag-aalay sa Diyos. Kailangan tayong manalangin gaya ni David: “Likhain mo sa akin ang isang dalisay na puso, O Diyos, at maglagay ka sa loob ko ng isang bagong espiritu, yaong matatag.” (Awit 51:10) Maaari nating bulay-bulayin ang mga kapakinabangan ng pag-iwas sa mga bagay na labag sa moral o nakapagpapahina sa pisikal. Isipin ang posibleng mga pinsala ng hindi pag-iwas sa gayong mga bagay: malulubhang suliranin sa kalusugan, nasirang mga kaugnayan, at maagang pagkamatay pa nga. Sa kabilang panig naman, isipin ang maraming pakinabang sa panghahawakan sa paraan ng pamumuhay na iniuutos ni Jehova. Gayunman, sa pagiging makatotohanan, hindi natin dapat kalimutan na ang ating puso ay mapandaya. (Jeremias 17:9) Dapat tayong maging desidido sa paglaban sa mga pagtatangka nitong maliitin ang kahalagahan ng pagtataguyod sa mga pamantayan ni Jehova.
8. Anong katotohanan ang itinuturo sa atin ng karanasan? Ilarawan.
8 Alam ng karamihan sa atin mula sa karanasan na kadalasang sinisikap ng laman na ayaw sumunod na sawatain ang sigasig ng nagkukusang espiritu. Kuning halimbawa ang pangangaral ng Kaharian. Si Jehova ay nalulugod sa pagkukusa ng mga tao na makibahagi sa nagbibigay-buhay na gawaing ito. (Awit 110:3; Mateo 24:14) Para sa marami sa atin, ang pagkatutong mangaral nang hayagan ay hindi naging madali. Hinggil dito, kinailangan natin—at marahil ay kinakailangan pa rin natin—na kontrolin ang ating katawan, ‘bugbugin’ ito at ‘gawin itong alipin,’ sa halip na pahintulutan itong ipagawa sa atin ang pinakamadaling landasin ng pagkilos.—1 Corinto 9:16, 27; 1 Tesalonica 2:2.
“Sa Lahat ng Bagay”?
9, 10. Ano ang kalakip sa ‘pagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay’?
9 Ang payo ng Bibliya na ‘magpigil ng sarili sa lahat ng bagay’ ay nagpapahiwatig na higit pa ang nasasangkot kaysa sa basta pagkontrol lamang sa ating galit at pag-iwas sa imoral na paggawi. Maaaring nadarama natin na kaya na nating pigilin ang ating sarili pagdating sa mga larangang ito, at kung gayon nga, dapat tayong magpasalamat. Subalit kumusta naman pagdating sa iba pang larangan ng buhay na doo’y baka hindi masyadong halata ang pangangailangan ng pagpipigil sa sarili? Bilang paglalarawan, ipagpalagay na tayo ay nakatira sa isang medyo mayamang bansa na may mataas na pamantayan ng pamumuhay. Hindi ba katalinuhan na matutong tumanggi sa di-kinakailangang paggasta? Makabubuting turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na huwag bilhin ang anumang bagay na makita nila dahil lamang sa iyon ay itinitinda, nakaaakit, o kaya nilang bilhin. Sabihin pa, upang maging mabisa ang gayong tagubilin, kailangang magpakita ng wastong halimbawa ang mga magulang.—Lucas 10:38-42.
10 Ang pagkatutong mamuhay nang walang gaanong tinataglay ay makapagpapatibay ng ating determinasyon. Mapasusulong din nito ang pagpapahalaga sa materyal na mga bagay na taglay natin at makatutulong sa atin na maging mas madamayin sa mga taong wala ng mga bagay na ito, hindi dahil sa kagustuhan nila, kundi dahil sa wala silang magagawa hinggil dito. Totoo, ang isang katamtamang istilo ng pamumuhay ay kasalungat ng popular na mga saloobing gaya ng “maging mabait ka sa iyong sarili” o “karapat-dapat ka sa pinakamabuti.” Pinasisigla ng daigdig ng pag-aanunsiyo ang pagnanasa para sa dagliang pagbibigay-lugod, subalit ginagawa nito ang gayon sa kapakanan ng sarili nitong komersiyal na pakinabang. Ang kalagayang ito ay maaaring humadlang sa ating mga pagsisikap na maipamalas ang pagpipigil sa sarili. Isang magasin mula sa isang maunlad na bansa sa Europa ang nagsabi kamakailan: “Kung kailangan ng mga namumuhay sa ilalim ng mahihirap na kalagayang dulot ng matinding karalitaan ang panloob na pakikipagpunyagi upang makontrol ang di-kanais-nais na mga simbuyo, lalo na itong kailangan ng mga namumuhay sa mayayamang lupain sa nakaririwasang lipunan sa ngayon!”
11. Bakit ang pagkatutong mamuhay nang walang gaanong tinataglay ay kapaki-pakinabang, subalit ano ang nagpapahirap dito?
11 Kung nahihirapan tayong makita ang pagkakaiba ng kung ano ang nais natin at ng talagang kailangan natin, baka makatulong na gumawa ng mga hakbang upang matiyak na hindi tayo kikilos nang iresponsable. Halimbawa, kung nais nating labanan ang hilig sa walang-kontrol na paggasta, baka naisin nating ipasiya na huwag utangin ang bibilhin, o baka magdala na lamang tayo ng limitadong pera kapag namimili. Alalahanin na sinabi ni Pablo na ang “makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili” ay “isang paraan ng malaking pakinabang.” Nangatuwiran siya: “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:6-8) Gayon ba tayo? Ang pagkatutong mamuhay nang simple, na malaya sa lahat ng di-kinakailangang bagay na udyok ng pagpapalugod sa sarili—anumang uri ito—ay humihiling ng determinasyon at pagpipigil sa sarili. Gayunman, isa itong aral na karapat-dapat matutuhan.
12, 13. (a) Sa anong mga paraan nasasangkot ang pagpipigil sa sarili sa mga Kristiyanong pagpupulong? (b) Ano pa ang ilang larangan na doo’y kailangan nating linangin ang pagpipigil sa sarili?
12 Ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, asamblea, at mga kombensiyon ay nagsasangkot din ng naiibang pagpapamalas ng pagpipigil sa sarili. Halimbawa, kailangan ang katangiang iyan upang hindi gumala-gala ang ating isipan sa panahon ng programa. (Kawikaan 1:5) Maaaring mangailangan ng pagpipigil sa sarili upang hindi magambala ang iba sa pamamagitan ng pagbulong sa ating mga katabi sa halip na magbigay ng lubos na pansin sa tagapagsalita. Ang pagbabago sa ating iskedyul upang makarating tayo nang nasa oras ay maaaring mangailangan ng pagpipigil sa sarili. Karagdagan pa, maaaring kailanganin ang pagpipigil sa sarili upang makapagtakda ng panahon para maghanda sa mga pulong at pagkatapos ay makibahagi sa mga ito.
13 Ang pagpipigil sa sarili sa maliliit na bagay ay nagpapasulong sa ating kakayahang gawin iyon sa mas malalaking bagay. (Lucas 16:10) Kaya, mainam nga na disiplinahin ang ating sarili na basahin nang regular ang Salita ng Diyos at ang mga publikasyon sa Bibliya, pag-aralan ang mga ito at bulay-bulayin ang ating natututuhan! Tunay ngang katalinuhan na disiplinahin ang ating sarili tungkol sa di-angkop na mga trabaho, pakikipagkaibigan, saloobin, at personal na mga ugali o disiplinahin ang ating sarili na tumanggi sa mga gawain na kukuha ng ating mahalagang panahon na nakaukol sa paglilingkod sa Diyos! Ang pananatiling abala sa paglilingkod kay Jehova ay tunay na isang mainam na proteksiyon laban sa mga bagay na makapaglalayo sa atin mula sa espirituwal na paraiso ng pandaigdig na kongregasyon ni Jehova.
Maging Husto ang Gulang sa Pamamagitan ng Pagpipigil sa Sarili
14. (a) Paano dapat matutong magpigil ng sarili ang mga bata? (b) Anong mga kapakinabangan ang matatamo kapag ang mga bata ay natuto ng gayong aral nang maaga sa buhay?
14 Ang isang kasisilang na sanggol ay wala pang pagpipigil sa sarili. Isang pamplet ng mga eksperto sa paggawi ng bata ang nagpapaliwanag: “Ang pagpipigil sa sarili ay hindi kusa o biglaang nangyayari. Ang mga sanggol at mga paslit ay nangangailangan ng patnubay at alalay ng magulang upang magsimula sa proseso ng pagkatutong magpigil ng sarili. . . . Habang pinapatnubayan ng mga magulang ang proseso, ang pagpipigil sa sarili ay sumusulong sa paglipas ng mga taon ng pagpasok sa paaralan.” Isinisiwalat ng isang pag-aaral sa mga batang apat na taóng gulang na yaong mga natutong magpamalas ng isang antas ng pagpipigil sa sarili ay “karaniwan nang lumalaki na mas timbang ang personalidad, mas popular, malakas ang loob, may tiwala at maaasahang mga tin-edyer.” Ang mga hindi pa natuto ng aral na ito ay “malamang na maging malungkot, madaling masiphayo
at sutil. Sila’y sumusuko sa ilalim ng kaigtingan at umiiwas sa mga hamon.” Maliwanag, upang maging timbang na adulto, ang isang bata ay kailangang matutong magpigil ng sarili.15. Ano ang ipinahihiwatig ng kawalan ng pagpipigil sa sarili, na siyang kabaligtaran ng anong tunguhin na isinasaad sa Bibliya?
15 Gayundin, upang tayo ay maging mga Kristiyano na husto ang gulang, kailangan tayong matutong magpamalas ng pagpipigil sa sarili. Ang kawalan nito ay nagpapahiwatig na tayo ay mga sanggol pa sa espirituwal. Pinapayuhan tayo ng Bibliya na “maging hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa.” (1 Corinto 14:20) Ang ating tunguhin ay upang “makamtan nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos, upang maging isang tao na husto ang gulang, hanggang sa sukat ng laki na nauukol sa kalubusan ng Kristo.” Bakit? “Upang huwag na tayong maging mga sanggol pa, na sinisiklut-siklot ng mga alon at dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng katusuhan sa pagkatha ng kamalian.” (Efeso 4:13, 14) Maliwanag, ang pagkatutong magpigil ng sarili ay mahalaga sa ating espirituwalidad.
Paglinang ng Pagpipigil sa Sarili
16. Paano nagbibigay ng tulong si Jehova?
16 Upang malinang ang pagpipigil sa sarili, kailangan natin ang tulong ng Diyos, at ito ay makukuha. Ipinakikita sa atin ng Salita ng Diyos, gaya ng isang salamin na walang daya, kung saan tayo nangangailangang gumawa ng personal na mga pagbabago, at ito ay naglalaan ng payo kung paano gagawin iyon. (Santiago 1:22-25) Isang maibiging kapatiran ang handa ring magbigay ng tulong. Ang matatandang Kristiyano ay nagpapakita ng unawa sa pagbibigay ng personal na tulong. Si Jehova mismo ay malayang nagbibigay ng kaniyang banal na espiritu kung ating hihilingin ito sa panalangin. (Lucas 11:13; Roma 8:26) Kaya, may-kagalakan nating gamitin ang mga paglalaang ito. Ang mga mungkahi sa pahina 21 ay makatutulong.
17. Anong pampatibay-loob ang ibinibigay sa atin ng Kawikaan 24:16?
17 Tunay ngang nakaaaliw na malamang pinahahalagahan ni Jehova ang ating mga pagpupunyagi kapag sinisikap nating palugdan siya! Dapat itong gumanyak sa atin na patuloy na magsikap para sa higit pang pagpipigil sa sarili. Gaano man kadalas tayong matisod, hindi tayo kailangang huminto sa ating mga pagsisikap. “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya.” (Kawikaan 24:16) Tuwing tayo ay nagtatagumpay, may dahilan tayo upang malugod sa ating sarili. Makatitiyak din tayo na nalulugod sa atin si Jehova. Isang Saksi ang nagsabi na noong bago niya ialay ang kaniyang buhay kay Jehova, sa tuwing nagtatagumpay siya na hindi manigarilyo sa loob ng isang linggo, ginagantimpalaan niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbili ng isang kapaki-pakinabang na bagay mula sa perang natipid niya dahil sa hindi pagbili ng sigarilyo.
18. (a) Ano ang nasasangkot sa ating pakikipaglaban ukol sa pagpipigil sa sarili? (b) Anong katiyakan ang inilalaan ni Jehova?
18 Higit sa lahat, dapat nating tandaan na nasasangkot ang isip at emosyon sa pagpipigil sa sarili. Makikita natin ito sa mga salita ni Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28; Santiago 1:14, 15) Masusumpungan ng isa na mas madaling kontrolin ang kaniyang buong katawan kung natutuhan niyang kontrolin ang kaniyang isip at damdamin. Kaya patibayin natin ang ating determinasyon na iwasan hindi lamang ang paggawa ng masama kundi maging ang pag-iisip ng tungkol dito. Kapag bumangon ang maling mga kaisipan, itakwil kaagad ang mga iyon. Makatatakas tayo mula sa tukso sa pamamagitan ng may-pananalanging pagtutuon ng ating pansin kay Jesus. (1 Timoteo 6:11; 2 Timoteo 2:22; Hebreo 4:15, 16) Habang ginagawa natin ang ating pinakamabuti, sinusunod natin ang payo ng Awit 55:22: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.”
Naaalaala Mo Ba?
• Sa anong dalawang paraan dapat tayong magpigil ng sarili?
• Ano ang kahulugan ng “nagpipigil ng sarili sa lahat ng bagay”?
• Anong praktikal na mga mungkahi para malinang ang pagpipigil sa sarili ang nabigyan mo ng pantanging pansin sa panahon ng ating pag-aaral?
• Saan nagsisimula ang pagpipigil sa sarili?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon/Mga larawan sa pahina 21]
Kung Paano Pasusulungin ang Pagpipigil sa Sarili
• Linangin ito kahit na sa maliliit na bagay
• Bulay-bulayin ang mga kapakinabangan nito sa ngayon at sa hinaharap
• Gawin ang mga bagay na ipinagagawa ng Diyos sa halip na ang mga ipinagbabawal niya
• Tanggihan kaagad ang di-wastong mga ideya
• Punuin ang iyong isip ng mga kaisipan na nakapagpapatibay sa espirituwal
• Tanggapin ang tulong na maibibigay ng may-gulang na kapuwa mga Kristiyano
• Iwasan ang nakatutuksong mga kalagayan
• Manalangin para sa tulong ng Diyos sa mga panahon ng tukso
[Mga larawan sa pahina 18, 19]
Pinakikilos tayo ng pagpipigil sa sarili upang gumawa ng mabuti