Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Mapagkakatiwalaan Pa Kaya?

May Mapagkakatiwalaan Pa Kaya?

May Mapagkakatiwalaan Pa Kaya?

KASUNOD ng pagbagsak ng Berlin Wall noong 1989, maraming pinakaiingat-ingatang lihim ang nabunyag. Halimbawa, natuklasan ni Lydia * na noong panahon ng rehimeng Sosyalista sa Silangang Alemanya, natipon ng Stasi, o State Security Service, ang isang rekord ng kaniyang personal na mga gawain. Kung nagulat si Lydia nang malaman niya ang tungkol sa rekord, lalo naman siyang nagitla nang mabalitaan niya kung sino ang nagbigay ng impormasyon sa Stasi​—ang kaniyang asawa. Ipinagkanulo siya ng isang tao na dapat sana’y mapagkakatiwalaan niya nang lubusan.

Si Robert ay isang may-edad nang ginoo na may “napakalaking paggalang, paghanga at pagtitiwala” sa kaniyang doktor sa kanilang lugar, ang ulat ng The Times ng London. Ang doktor ay sinasabing “mabait at madamayin.” Pagkatapos, di-inaasahang namatay si Robert. Ito ba ay dahil sa atake sa puso o istrok? Hindi. Ang konklusyon ng mga awtoridad ay na dinalaw ng doktor si Robert sa kaniyang bahay at, lingid sa kaalaman ni Robert at ng kaniyang pamilya, binigyan siya nito ng nakamamatay na iniksiyon. Maliwanag na si Robert ay pinaslang ng isang taong pinagkakatiwalaan niya nang lubusan.

Sina Lydia at Robert ay kapuwa dumanas ng nakababahalang pagsira sa tiwala, na may malulubhang resulta. Sa ibang mga kalagayan naman, ang mga resulta ay hindi gaanong malubha. Gayunpaman, pangkaraniwang karanasan na lamang ang biguin ng isang taong pinagkakatiwalaan natin. Isiniwalat ng isang report na inilathala ng nangungunang institusyon sa pagsusurbey sa Alemanya, ang Allensbacher Jahrbuch der Demoskopie 1998-​2002, na sa isang surbey, 86 na porsiyento ng mga tumugon ang nakaranas nang biguin ng isa na kanilang pinagkatiwalaan. Marahil naranasan mo na rin iyan. Kaya, hindi tayo dapat magtaka na iniulat ng pahayagang Neue Zürcher Zeitung sa Switzerland noong 2002 na “sa industriyal na mga bansa sa Kanluran, nawawala na ang pagtitiwala sa isa’t isa sa nakalipas na maraming dekada.”

Unti-unting Nalilinang, Agad-agad Nasisira

Ano ba ang pagtitiwala? Ayon sa isang diksyunaryo, ang pagtitiwala sa iba ay nangangahulugan ng “paniniwala sa katapatan o kabutihan ng anuman o sinuman.” Ang pagtitiwala ay unti-unting nalilinang subalit maaaring agad-agad na masira. Palibhasa’y marami ang nakadaramang inaabuso ang kanilang pagtitiwala, kataka-taka bang ang mga tao’y atubiling magtiwala sa iba? Ayon sa isang surbey na inilathala sa Alemanya noong 2002, “wala pang 1 sa 3 kabataan ang may tiwala sa ibang tao.”

Maaaring itanong natin sa ating sarili: ‘Talaga bang may mapagkakatiwalaan pa tayo? Sulit ba na magtiwala tayo sa isa na posibleng bumigo sa atin?’

[Talababa]

^ par. 2 Binago ang mga pangalan.

[Blurb sa pahina 3]

Isiniwalat ng isang surbey na 86 na porsiyento ng mga tumugon ang nakaranas nang biguin ng isa na kanilang pinagkatiwalaan