Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Babaing Nagpasaya sa Puso ni Jehova

Mga Babaing Nagpasaya sa Puso ni Jehova

Mga Babaing Nagpasaya sa Puso ni Jehova

“Gantihan nawa ni Jehova ang iyong paggawi, at magkaroon nawa ng sakdal na kabayaran para sa iyo mula kay Jehova.”​—RUTH 2:12.

1, 2. Paano tayo maaaring makinabang sa pagbubulay-bulay sa mga halimbawa ng mga babaing nagpasaya sa puso ni Jehova na nasa Bibliya?

NAUDYUKAN ng pagkatakot sa Diyos ang dalawang babae upang suwayin ang isang Paraon. Pinakilos ng pananampalataya ang isang patutot upang isapanganib ang kaniyang buhay para ipagsanggalang ang dalawang tiktik na Israelita. Ang katinuan at kapakumbabaan sa harap ng isang krisis ay tumulong sa isang babae upang iligtas ang maraming buhay at hadlangang magkasala sa dugo ang pinahiran ni Jehova. Ang pananampalataya sa Diyos na Jehova lakip na ang espiritu ng pagkamapagpatuloy ay nagpakilos sa isang balo at ina na ibigay ang kahuli-hulihang pagkain niya sa isang propeta ng Diyos. Ang mga ito ay ilan lamang sa maraming maka-Kasulatang halimbawa ng mga babae na nagpasaya sa puso ni Jehova.

2 Ipinakikita ng saloobin ni Jehova sa gayong mga babae at ng mga pagpapalang ipinagkaloob niya sa kanila na ang nakalulugod sa kaniya nang higit sa lahat ay ang espirituwal na mga katangian, anuman ang kasarian ng isang tao. Sa daigdig sa ngayon, na haling sa pisikal na mga bagay, isang hamon ang pag-una sa espirituwalidad ng isang tao. Ngunit maaaring harapin ang gayong hamon, gaya ng ipinakikita ng milyun-milyong babae na may takot sa Diyos na bumubuo sa kalakhang bahagi ng bayan ng Diyos sa ngayon. Tinutularan ng gayong mga babaing Kristiyano ang pananampalataya, katinuan, pagkamapagpatuloy, at iba pang maiinam na katangiang ipinakita ng mga babaing may takot sa Diyos na binanggit sa Bibliya. Sabihin pa, nais ding tularan ng mga lalaking Kristiyano ang mga katangiang ipinakita ng gayong huwarang mga babae noong sinaunang panahon. Upang makita kung paano natin ito magagawa nang lubusan, isaalang-alang natin nang higit na detalyado ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa mga babaing binanggit sa pasimula.​—Roma 15:4; Santiago 4:8.

Mga Babaing Sumuway sa Isang Paraon

3, 4. (a) Bakit tumangging sumunod kay Paraon sina Sipra at Pua nang iutos nito na patayin ang bawat bagong-silang na lalaking Israelita? (b) Paano ginantimpalaan ni Jehova ang dalawang komadrona dahil sa kanilang lakas ng loob at makadiyos na takot?

3 Sa mga paglilitis sa Nuremberg, na idinaos sa Alemanya pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, sinikap ng marami sa mga nahatulang nagkasala ng lansakang pamamaslang na ipagmatuwid ang mga krimeng ginawa nila sa pamamagitan ng pag-aangking sumunod lamang sila sa mga utos. Ihambing ngayon ang mga indibiduwal na ito sa dalawang komadronang Israelita, sina Sipra at Pua, na nabuhay sa sinaunang Ehipto noong naghahari ang mapaniil na Paraon na di-binanggit ang pangalan. Palibhasa’y natakot sa pagdami ng populasyon ng mga Hebreo, inutusan ni Paraon ang dalawang komadrona na tiyaking patayin ang bawat bagong-silang na lalaking Hebreo. Paano tumugon ang mga babae sa napakasamang utos na iyon? “Hindi nila ginawa ang gaya ng sinabi sa kanila ng hari ng Ehipto, kundi pinananatili nilang buháy ang mga batang lalaki.” Bakit hindi nadaig ng pagkatakot sa tao ang mga babaing ito? Sapagkat sila ay “natakot sa tunay na Diyos.”​—Exodo 1:15, 17; Genesis 9:6.

4 Oo, ang mga komadrona ay nanganlong kay Jehova, at siya naman ay napatunayang ‘isang kalasag’ sa kanila, anupat ipinagsanggalang sila mula sa poot ni Paraon. (2 Samuel 22:31; Exodo 1:18-20) Ngunit hindi natapos doon ang pagpapala ni Jehova. Ginantimpalaan niya ng kani-kaniyang pamilya sina Sipra at Pua. Pinarangalan pa nga niya ang mga babaing ito sa pamamagitan ng pagpapangyari na maiulat ang kanilang mga pangalan at gawa sa kaniyang kinasihang Salita upang mabasa ng susunod na mga salinlahi, samantalang ang pangalan ng Paraon ay hindi na alam ngayon.​—Exodo 1:21; 1 Samuel 2:30b; Kawikaan 10:7.

5. Paano ipinakikita ng maraming babaing Kristiyano sa ngayon ang saloobing ipinakita nina Sipra at Pua, at paano sila gagantimpalaan ni Jehova?

5 May mga babae ba sa ngayon na kagaya nina Sipra at Pua? Oo, mayroon! Taun-taon, libu-libo sa gayong mga babae ang walang-takot na nangangaral ng nagliligtas-buhay na mensahe ng Bibliya sa mga lupain na doo’y ipinagbabawal ito ng “utos ng hari,” anupat dahil dito ay isinasapanganib ang kanilang kalayaan o maging ang kanilang buhay. (Hebreo 11:23; Gawa 5:28, 29) Palibhasa’y naudyukan ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, hindi hinahayaan ng gayong matatapang na babae na pahintuin sila ng sinuman sa pagbabahagi ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa iba. Dahil dito, maraming babaing Kristiyano ang nakikipagpunyagi sa pagsalansang at pag-uusig. (Marcos 12:30, 31; 13:9-13) Gaya kina Sipra at Pua, lubos na nalalaman ni Jehova ang mga gawa ng gayong mga babae na mahuhusay at malalakas ang loob, at ipakikita niya ang kaniyang pag-ibig sa kanila sa pamamagitan ng pag-iingat sa kanilang mga pangalan sa kaniyang “aklat ng buhay,” kung mananatili silang tapat hanggang sa wakas.​—Filipos 4:3; Mateo 24:13.

Isang Dating Patutot ang Nagpagalak sa Puso ni Jehova

6, 7. (a) Ano ang alam ni Rahab tungkol kay Jehova at sa kaniyang bayan, at paano siya naapektuhan ng kaalamang ito? (b) Paano pinararangalan ng Salita ng Diyos si Rahab?

6 Noong taóng 1473 B.C.E., isang patutot na nagngangalang Rahab ang nanirahan sa lunsod ng Jerico sa Canaan. Maliwanag, si Rahab ay isang babaing maraming nalalaman. Nang manganlong sa kaniyang tahanan ang dalawang tiktik na Israelita, nailahad niya sa kanila ang espesipikong mga detalye tungkol sa makahimalang Pag-alis ng mga Israelita mula sa Ehipto, bagaman 40 taon na noon ang nakalilipas mula nang maganap iyon! Pamilyar din siya sa mas bagong mga tagumpay ng Israel laban sa mga hari ng mga Amorita na sina Sihon at Og. Pansinin kung paano siya naapektuhan ng kaalamang iyon. Sinabi niya sa mga tiktik: “Alam ko na tiyak na ibibigay sa inyo ni Jehova ang lupain, . . . sapagkat si Jehova na inyong Diyos ay Diyos sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba.” (Josue 2:1, 9-11) Oo, ang nalaman ni Rahab tungkol kay Jehova at sa Kaniyang mga gawa alang-alang sa Israel ay nakaantig sa kaniyang puso at nagpakilos sa kaniya na manampalataya kay Jehova.​—Roma 10:10.

7 Pinakilos si Rahab ng kaniyang pananampalataya. Tinanggap niya ang mga tiktik na Israelita “sa mapayapang paraan,” at sinunod niya ang kanilang nagliligtas-buhay na mga tagubilin nang salakayin ng Israel ang Jerico. (Hebreo 11:31; Josue 2:18-21) Walang alinlangan na nagpagalak sa puso ni Jehova ang mga gawa ng pananampalataya ni Rahab, sapagkat kinasihan niya ang Kristiyanong alagad na si Santiago na ihanay ang pangalan ni Rahab sa pangalan ni Abraham, ang kaibigan ng Diyos, bilang isang halimbawa na matutularan ng mga Kristiyano. Sumulat si Santiago: “Sa gayunding paraan hindi ba si Rahab na patutot ay ipinahayag din na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, pagkatapos niyang magiliw na tanggapin ang mga mensahero at palabasin sila sa ibang daan?”​—Santiago 2:25.

8. Paano pinagpala ni Jehova si Rahab dahil sa kaniyang pananampalataya at pagsunod?

8 Ginantimpalaan ni Jehova si Rahab sa maraming paraan. Isa na rito, makahimala niyang iniligtas ang buhay ni Rahab at ang buhay ng lahat ng nanganlong sa kaniyang tahanan​—samakatuwid, “ang sambahayan ng kaniyang ama at lahat niyaong sa kaniya.” Pagkatapos ay pinahintulutan niya ang mga ito na manahanan “sa gitna ng Israel,” kung saan sila ay pinakitunguhan bilang mga katutubo. (Josue 2:13; 6:22-25; Levitico 19:33, 34) Ngunit hindi lamang iyon. Ipinagkaloob din ni Jehova kay Rahab ang karangalan ng pagiging ninuno ni Jesu-Kristo. Tunay nga itong saganang kapahayagan ng maibiging-kabaitan sa isang babae na dating isang Canaanitang sumasamba sa idolo! *​—Awit 130:3, 4.

9. Paano makapagpapatibay sa ilang babae sa ngayon ang saloobin ni Jehova kay Rahab at sa ilang babaing Kristiyano noong unang siglo?

9 Katulad ni Rahab, ang ilang babaing Kristiyano, mula noong unang siglo hanggang sa ngayon, ay tumalikod sa imoral na paraan ng pamumuhay upang palugdan ang Diyos. (1 Corinto 6:9-11) Walang alinlangan na ang ilan sa kanila ay lumaki sa kapaligirang katulad niyaong sa sinaunang Canaan, kung saan ang imoralidad ay palasak at minamalas pa ngang normal. Gayunman, binago nila ang kanilang landasin, anupat naudyukan ng pananampalataya salig sa tumpak na kaalaman sa Kasulatan. (Roma 10:17) Kaya naman, masasabi rin hinggil sa gayong mga babae na “hindi sila ikinahihiya ng Diyos, na matawagan bilang kanilang Diyos.” (Hebreo 11:16) Kaylaking karangalan!

Pinagpala Dahil sa Kaniyang Katinuan

10, 11. Anong mga pangyayaring nagsasangkot kina Nabal at David ang nag-udyok kay Abigail upang kumilos?

10 Ipinamalas sa namumukod-tanging paraan ng maraming tapat na babae noon ang katangian ng pagiging matino, anupat sila ay naging mahalaga sa bayan ni Jehova. Ang isa sa gayong babae ay si Abigail, asawa ng mayamang Israelita na si Nabal na may-ari ng lupa. Nakatulong ang katinuan ni Abigail sa pagliligtas ng maraming buhay at nakahadlang kay David, ang magiging hari ng Israel sa hinaharap, sa pagkakasala sa dugo. Mababasa natin ang tungkol kay Abigail sa ulat na nasa 1 Samuel kabanata 25.

11 Sa pasimula ng kuwento, si David at ang kaniyang mga tagasunod ay nagkakampo malapit sa mga kawan ni Nabal, na kanilang ipinagsasanggalang nang walang bayad sa araw at gabi bilang kabaitan sa kanilang kapatid na Israelitang si Nabal. Nang papaubos na ang panustos ni David, nagpadala siya ng sampung kabataang lalaki kay Nabal upang humingi ng pagkain. Nagkaroon ngayon ng pagkakataon si Nabal na ipakita ang kaniyang pagpapahalaga kay David at parangalan siya bilang pinahiran ni Jehova. Ngunit kabaligtaran ang ginawa ni Nabal. Sa matinding silakbo ng galit, ininsulto niya si David at pinaalis nang walang dala ang mga kabataang lalaki. Nang mabalitaan ito ni David, tinipon niya ang 400 nasasandatahang lalaki at humayo upang maghiganti. Nalaman ni Abigail ang tungkol sa malupit na pagtugon ng kaniyang asawa at agad siyang kumilos nang maingat upang paglubagin ang kalooban ni David sa pamamagitan ng pagpapadala ng saganang panustos. Pagkatapos, siya mismo ay nagtungo kay David.​—Talata 2-20.

12, 13. (a) Paano napatunayang matino si Abigail at matapat kay Jehova at sa kaniyang pinahiran? (b) Ano ang ginawa ni Abigail nang makauwi siya, at ano ang kinalabasan ng mga bagay-bagay para sa kaniya?

12 Nang makaharap ni Abigail si David, ang kaniyang mapagpakumbabang pagsamo ukol sa awa ay nagsiwalat ng kaniyang matinding paggalang sa pinahiran ni Jehova. “Si Jehova ay walang pagsalang gagawa para sa aking panginoon ng isang namamalaging sambahayan, sapagkat mga digmaan ni Jehova ang ipinakikipaglaban ng aking panginoon,” ang sabi niya, at idinagdag pa na aatasan ni Jehova si David bilang lider sa Israel. (Talata 28-30) Kasabay nito, nagpakita si Abigail ng kakaibang lakas ng loob sa pagsasabi kay David na ang kaniyang hangad na paghihiganti, kapag hindi napigilan, ay hahantong sa pagkakasala sa dugo. (Talata 26, 31) Nanumbalik ang katinuan ni David dahil sa kapakumbabaan, matinding paggalang, at malinaw na pag-iisip ni Abigail. Tumugon siya: “Pagpalain si Jehova na Diyos ng Israel, na siyang nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako! At pagpalain ang iyong katinuan, at pagpalain ka na siyang pumigil sa akin sa araw na ito mula sa pagpasok sa pagkakasala sa dugo.”​—Talata 32, 33.

13 Nang makauwi na siya, buong-katapangang sinikap ni Abigail na ipaalam sa kaniyang asawa ang tungkol sa kaniyang kaloob kay David. Gayunman, nang masumpungan niya ito, “lasing na lasing” ito. Kaya naghintay siya hanggang sa mahimasmasan ito at pagkatapos ay nagkuwento siya rito. Ano ang naging reaksiyon ni Nabal? Siya ay lubhang natigilan anupat siya ay nadaig ng isang uri marahil ng paralisis. Pagkalipas ng sampung araw, namatay siya sa mga kamay ng Diyos. Nang mabalitaan ni David na patay na si Nabal, nag-alok siyang pakasalan si Abigail, na maliwanag na hinahangaan niya at lubhang iginagalang. Tinanggap naman ni Abigail ang alok ni David.​—Talata 34-42.

Maaari Ka Bang Maging Katulad ni Abigail?

14. Anong mga katangian ni Abigail ang maaaring nais nating higit na linangin?

14 May nakikita ka bang ilang katangian kay Abigail na nais mong higit na linangin​—ikaw man ay lalaki o babae? Marahil ay nais mong kumilos nang mas maingat at mas matino kapag may bumabangong mga problema. O marahil ay nais mong magsalita sa mahinahon at makatuwirang paraan kapag sumisilakbo ang emosyon ng mga taong nasa paligid mo. Kung oo, bakit hindi mo ipanalangin kay Jehova ang bagay na ito? Nangangako siyang magbibigay ng karunungan, kaunawaan, at kakayahang mag-isip sa lahat ng ‘patuloy na humihingi nang may pananampalataya.’​—Santiago 1:5, 6; Kawikaan 2:1-6, 10, 11.

15. Sa ilalim ng anong mga kalagayan lalo nang mahalaga para sa mga babaing Kristiyano na magpamalas ng mga katangian na ipinakita ni Abigail?

15 Ang gayong maiinam na katangian ay lalo nang mahalaga para sa isang babaing may di-sumasampalatayang asawa na hindi gaanong nagbibigay-pansin o hindi nakikinig sa mga simulain ng Bibliya. Marahil ay nagpapakalabis siya sa alak. Baguhin sana ng gayong mga lalaki ang kanilang mga landasin. Marami ang gumawa ng gayon​—madalas ay dahil sa kahinahunan, matinding paggalang, at malinis na paggawi ng kani-kanilang asawang babae.​—1 Pedro 3:1, 2, 4.

16. Anuman ang kaniyang mga kalagayan sa tahanan, paano maipakikita ng isang kapatid na babaing Kristiyano na pinahahalagahan niya ang kaniyang kaugnayan kay Jehova nang higit sa lahat?

16 Anuman ang problema na kailangan mong batahin sa tahanan, tandaan na si Jehova ay laging handang sumuporta sa iyo. (1 Pedro 3:12) Kaya magsikap na patibayin ang iyong sarili sa espirituwal na paraan. Manalangin ukol sa karunungan at kahinahunan ng puso. Oo, maging malapít kay Jehova sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, pagbubulay-bulay, at pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano. Ang pag-ibig ni Abigail sa Diyos at ang kaniyang saloobin sa pinahirang lingkod ng Diyos ay hindi naapektuhan ng makalamang pangmalas ng kaniyang asawa. Kumilos siya salig sa matutuwid na simulain. Maging sa isang sambahayan kung saan ang asawang lalaki ay isang huwarang lingkod ng Diyos, alam ng isang asawang babaing Kristiyano na kailangan siyang patuloy na magpagal upang mapatibay at mapanatili ang kaniyang sariling espirituwalidad. Totoo, may maka-Kasulatang obligasyon ang kaniyang asawa na pangalagaan siya sa espirituwal at materyal na paraan, ngunit sa dakong huli, dapat niyang pagpagalan ang kaniyang “sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.”​—Filipos 2:12; 1 Timoteo 5:8.

Tumanggap Siya ng “Gantimpala ng Propeta”

17, 18. (a) Iniharap sa babaing balo ng Zarepat ang anong kakaibang pagsubok sa pananampalataya? (b) Paano tumugon ang babaing balo sa kahilingan ni Elias, at paano siya ginantimpalaan ni Jehova dahil dito?

17 Ang paraan ng pangangalaga ni Jehova sa isang dukhang balo noong panahon ng propetang si Elias ay nagpapakita na lubha niyang pinahahalagahan ang mga sumusuporta sa tunay na pagsamba sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang sarili at ng kanilang mga pag-aari. Dahil sa isang mahabang tagtuyot noong panahon ni Elias, napaharap ang marami sa pagkagutom, kasali na ang isang balo at ang kaniyang kabataang anak na lalaki na naninirahan sa Zarepat. Nang ang kahuli-hulihang pagkain na lamang ang natitira sa kanila, isang panauhin ang dumating​—ang propetang si Elias. Humiling siya ng di-pangkaraniwang bagay. Bagaman alam niya ang kalagayan ng babae, hiniling niya rito na gumawa ng “isang maliit na tinapay na bilog” para sa kaniya, na ginagamit ang kahuli-hulihang langis at harina na taglay nito. Ngunit idinagdag niya: “Sapagkat ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Ang malaking banga ng harina ay hindi mauubusan, at ang maliit na banga ng langis ay hindi kakapusin hanggang sa araw na magbigay si Jehova ng ulan sa ibabaw ng lupa.’ ”​—1 Hari 17:8-14.

18 Paano ka kaya tutugon sa gayong pambihirang kahilingan? Ang balo ng Zarepat, na lumilitaw na kumilalang propeta ni Jehova si Elias, ay ‘gumawa ayon sa salita ni Elias.’ Paano tumugon si Jehova sa kaniyang mapagpatuloy na gawa? Makahimala siyang naglaan ng pagkain para sa babae, sa kaniyang anak na lalaki, at kay Elias sa panahon ng tagtuyot. (1 Hari 17:15, 16) Oo, ipinagkaloob ni Jehova sa balo ng Zarepat ang “gantimpala ng propeta,” bagaman hindi siya isang Israelita. (Mateo 10:41) Pinuri rin ng Anak ng Diyos ang babaing balong ito nang tukuyin niya ito bilang isang halimbawa sa harap ng walang-pananampalatayang mga tao sa kaniyang sariling bayan, ang Nazaret.​—Lucas 4:24-26.

19. Sa anu-anong paraan ipinamamalas ng maraming babaing Kristiyano sa ngayon ang espiritu ng babaing balo ng Zarepat, at ano ang nadarama ni Jehova sa mga babaing ito?

19 Sa ngayon, maraming babaing Kristiyano ang nagpapamalas ng espiritu ng babaing balo ng Zarepat. Halimbawa, bawat linggo, ang bukas-palad na mga kapatid na babaing Kristiyano​—na marami sa mga ito ay dukha at may pamilyang kailangang pangalagaan​—ay nagpapatulóy sa mga naglalakbay na tagapangasiwa at sa asawa ng mga ito. Ang iba naman ay nag-aanyaya na makasalo sa pagkain ang buong-panahong mga ministro sa kanilang lugar, tumutulong sa mga nangangailangan, o nag-uukol sa iba pang paraan ng kanilang sarili at ng kanilang mga pag-aari sa pagsuporta sa gawaing pang-Kaharian. (Lucas 21:4) Napapansin ba ni Jehova ang gayong mga pagsasakripisyo? Tiyak na oo! “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, dahil kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”​—Hebreo 6:10.

20. Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?

20 Noong unang siglo, maraming babaing may takot sa Diyos ang nagkapribilehiyong maglingkod kay Jesus at sa kaniyang mga apostol. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung paano nagpagalak sa puso ni Jehova ang mga babaing ito, at isasaalang-alang natin ang halimbawa ng makabagong-panahong mga babae na buong-pusong naglilingkod kay Jehova, maging sa mahihirap na kalagayan.

[Talababa]

^ par. 8 Ang talaangkanan ni Jesus, gaya ng iniulat ni Mateo, ay bumabanggit sa pangalan ng apat na babae​—sina Tamar, Rahab, Ruth, at Maria. Sila ay pawang lubhang pinahalagahan sa Salita ng Diyos.​—Mateo 1:3, 5, 16.

Bilang Repaso

• Paano pinasaya ng sumusunod na mga babae ang puso ni Jehova?

• Sipra at Pua

• Rahab

• Abigail

• Ang babaing balo ng Zarepat

• Paano tayo personal na matutulungan ng pagbubulay-bulay sa mga halimbawang ipinakita ng mga babaing ito? Ilarawan.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 9]

Maraming tapat na mga babae ang naglilingkod sa Diyos bagaman salungat ito sa “utos ng hari”

[Larawan sa pahina 10]

Bakit si Rahab ay isang mainam na halimbawa ng isa na may pananampalataya?

[Larawan sa pahina 10]

Anong mga katangiang ipinamalas ni Abigail ang nais mong tularan?

[Larawan sa pahina 12]

Maraming babaing Kristiyano sa ngayon ang nagpapamalas ng espiritu ng babaing balo ng Zarepat