Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bakit humiling si Eliseo ng “dalawang bahagi” ng espiritu ni Elias?

Bago matapos ni Elias ang kaniyang atas bilang propeta sa Israel, hiniling ng nakababatang propeta na si Eliseo sa kaniya: “Pakisuyo, na dalawang bahagi ng iyong espiritu ay mapasaakin.” (2 Hari 2:9) Sa espirituwal na diwa, maliwanag na humihingi si Eliseo ng dalawang bahagi na gaya ng ibinibigay sa panganay na anak na lalaki. (Deuteronomio 21:17) Ang maikling pagsasaalang-alang sa ulat ay maglilinaw nito at tutulong sa atin na makapulot ng mga aral mula sa nangyari.

Kasuwato ng utos ni Jehova, pinahiran ni propeta Elias si Eliseo bilang kahalili niya. (1 Hari 19:19-​21) Sa loob ng mga anim na taon, naglingkod si Eliseo bilang tapat na tagapaglingkod ni Elias at determinado siyang gawin iyon hanggang sa wakas. Maging noong huling araw ni Elias bilang propeta sa Israel, sumama pa rin si Eliseo sa kaniyang tagapagturo. Bagaman hinikayat ni Elias si Eliseo na huwag nang sumunod sa kaniya, tatlong beses sinabi ng nakababatang propeta: “Hindi kita iiwan.” (2 Hari 2:2, 4, 6; 3:11) Tunay ngang itinuring ni Eliseo na kaniyang espirituwal na ama ang nakatatandang propeta.​—2 Hari 2:12.

Gayunman, hindi lamang si Eliseo ang espirituwal na anak ni Elias. Nakisama sina Elias at Eliseo sa grupo ng mga lalaking kilala bilang ‘mga anak ng mga propeta.’ (2 Hari 2:3) Ipinakikita ng ulat sa Ikalawang Hari na nakadarama rin ng malapit na buklod ang “mga anak” na ito sa kanilang espirituwal na ama, si Elias. (2 Hari 2:3, 5, 7, 15-​17) Gayunman, bilang pinahirang kahalili, pangunahin si Eliseo sa espirituwal na mga anak ni Elias​—para bang siya ang panganay. Sa sinaunang Israel, tumatanggap ng dalawang bahagi ng pamana ng kaniyang ama ang literal na panganay na anak na lalaki, samantalang tumatanggap naman ng tig-iisang bahagi ang iba pang anak na lalaki. Kaya naman, humiling si Eliseo ng dalawang bahagi ng espirituwal na pamana ni Elias.

Bakit sa oras na iyon mismo humiling ng ganito si Eliseo? Sapagkat babalikatin na niya noon ang isang mabigat na gawain​—ang paghalili kay Elias bilang propeta sa Israel. Natatanto ni Eliseo na upang matupad ang mga pananagutang nauugnay sa nakapanghihina ng loob na atas na ito, kailangan niya ang espirituwal na lakas na nakahihigit sa kaniyang sariling kakayahan, ang lakas na si Jehova lamang ang makapagbibigay. Kailangan niyang maging walang takot na gaya ni Elias. (2 Hari 1:3, 4, 15, 16) Kaya humiling siya ng dalawang bahagi ng espiritu ni Elias, ang espiritu ng lakas ng loob at ng pagiging ‘lubos na mapanibughuin para kay Jehova’​—kaayaayang mga katangian na iniluluwal ng espiritu ng Diyos. (1 Hari 19:10, 14) Paano naman tumugon si Elias?

Alam ni Elias na humiling si Eliseo ng isang bagay na tanging Diyos, at hindi siya, ang makapagbibigay. Kaya may-kahinhinang sumagot si Elias: “Mahirap na bagay ang iyong hiniling. Kung makikita mo akong kinukuha mula sa iyo, gayon ang mangyayari sa iyo.” (2 Hari 2:10) At ipinahintulot nga ni Jehova na makita ni Eliseo na umakyat si Elias sa pamamagitan ng buhawi. (2 Hari 2:11, 12) Ipinagkaloob ang kahilingan ni Eliseo. Binigyan siya ni Jehova ng kailangan niyang espiritu upang balikatin ang kaniyang bagong gawain at harapin ang darating na mga pagsubok.

Sa ngayon, ang pinahirang mga Kristiyano (tinatawag kung minsan na uring Eliseo) at ang mga lingkod ng Diyos sa pangkalahatan ay makakakuha ng malaking pampatibay-loob sa ulat na ito ng Bibliya. Kung minsan, baka nadarama nating nadaraig tayo o hindi natin kaya ang isang bagong atas, o baka humihina ang ating loob na magpatuloy sa gawain nating pangangaral ng Kaharian kapag napapaharap tayo sa lumalagong kawalang-interes o pagsalansang sa ating teritoryo. Ngunit kung magsusumamo tayo kay Jehova para sa kaniyang tulong, bibigyan niya tayo ng banal na espiritu ayon sa kailangan natin upang mapagtagumpayan ang mga hamon at nagbabagong mga kalagayan. (Lucas 11:13; 2 Corinto 4:7; Filipos 4:13) Oo, kung paanong pinalakas ni Jehova si Eliseo para sa mas mabibigat na pananagutan, tutulungan din niya tayong lahat, bata at matanda, upang lubusang maganap ang ating ministeryo.​—2 Timoteo 4:5.