Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Daigdig sa Hinaharap na Wala Nang Krimen

Isang Daigdig sa Hinaharap na Wala Nang Krimen

Isang Daigdig sa Hinaharap na Wala Nang Krimen

GUNIGUNIHIN, kung magagawa mo, ang isang daigdig na walang mga kriminal! Hindi na kakailanganin ang mga pulis, bilangguan, o magastos at masalimuot na mga sistema ng hustisya sa krimen. Iyon ay isang daigdig kung saan igagalang ng bawat indibiduwal ang buhay at pag-aari ng iba. Tila ba imposible iyon? Maaaring gayon ang isipin mo, ngunit ang kamangha-manghang pagbabagong ito ukol sa ikabubuti ang siya mismong ipinangangako ng Bibliya. Bakit hindi isaalang-alang ang inihuhula ng Kasulatan hinggil sa krimen at sa iba pang mga kasamaan sa lupang ito?

Sa aklat ng Mga Awit, mababasa natin: “Huwag kang mag-init dahil sa mga manggagawa ng kasamaan. Huwag kang mainggit sa mga gumagawa ng kalikuan. Sapagkat gaya ng damo ay mabilis silang malalanta, at gaya ng luntiang bagong damo ay maglalaho sila. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:1, 2, 11) Ang totoo, walang sinumang makahahadlang sa Diyos sa pagtupad sa mga pangakong ito at sa lahat ng kaniyang iba pang nakapagpapasiglang mga pangako.

Ang gagamitin ng Diyos upang pasapitin ang mga pagpapalang ito ay ang kaniyang Kaharian. Sa Panalangin ng Panginoon, tinuruan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na ipanalanging dumating ang Kahariang ito at maganap ang kalooban ng Diyos “kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Di-magtatagal, sa ilalim ng Kahariang iyon, walang sinuman sa lupa ang mauudyukang gumawa ng krimen dahil sa karukhaan, paniniil, o kasakiman. Sa halip, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” (Awit 72:16) Sa katunayan, bibigyan ng Diyos na Jehova ng walang-katapusang suplay ng mabubuting bagay ang lahat ng nasa lupa. Higit na mahalaga, ang lipunan ng tao ay mauudyukan ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, at hindi na kailanman liligaligin pa ng krimen ang daigdig.