Mapaniniwalaan Mo ang Isang Paraisong Lupa
Mapaniniwalaan Mo ang Isang Paraisong Lupa
SA BUONG kasaysayan, milyun-milyong tao ang naniwala na sa bandang huli, lilisan sila mula sa lupa at pupunta sa langit. Inakala ng ilan na hindi kailanman nilayon ng ating Maylalang na maging permanenteng tirahang dako natin ang lupa. Nagpakalabis naman ang mga asetiko. Para sa marami sa kanila, ang lupa at ang lahat ng materyal na mga bagay ay masama—isang sagabal sa tunay na espirituwal na kasiyahan at pagiging malapít sa Diyos.
Ang mga bumuo ng nabanggit na mga ideya ay alinman sa walang kabatiran sa sinabi ng Diyos may kaugnayan sa isang paraisong lupa o kusang nagwawalang-bahala rito. Sa katunayan, marami sa ngayon ang walang interes na suriin kung ano ang isinulat ng mga taong kinasihan ng Diyos tungkol sa paksang ito sa kaniyang Salita, ang Bibliya. (2 Timoteo 3:16, 17) Subalit hindi ba matalinong magtiwala sa Salita ng Diyos sa halip na magtaguyod ng mga teoriya ng mga tao? (Roma 3:4) Sa katunayan, mahalagang gawin natin iyon, yamang binabalaan tayo ng Bibliya na isang makapangyarihan subalit di-nakikitang masamang nilikha ang bumulag sa mga tao sa espirituwal na paraan at ngayon ay “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.”—Apocalipsis 12:9; 2 Corinto 4:4.
Bakit May Kalituhan?
Ang nagkakasalungatang mga ideya tungkol sa kaluluwa ay nakalito sa maraming tao tungkol sa layunin ng Diyos para sa lupa. Marami ang naniniwala na mayroon tayong imortal na kaluluwa—isang bagay na hiwalay sa katawan ng tao at nananatiling buháy pagkamatay ng isa. Naniniwala naman ang iba na ang kaluluwa ay umiral na bago pa nilalang ang katawan ng tao. Ayon sa isang akdang reperensiya, inakala ng pilosopong Griego na si Plato na ang kaluluwa “ay ikinukulong sa loob ng katawan bilang parusa sa mga kasalanang ginawa nito nang ito’y nasa langit.” Sa katulad na paraan, sinabi ng teologong si Origen noong ikatlong siglo na ang “mga kaluluwa ay nagkasala [sa langit] bago sila napunta sa isang katawan” at “nakulong [sa katawang iyon sa lupa] bilang parusa sa kanilang mga kasalanan.” At milyun-milyon ang naniniwala na ang lupa ay isa lamang uri ng dakong subukan sa paglalakbay ng tao tungo sa langit.
May iba’t ibang ideya rin tungkol sa nangyayari sa kaluluwa kapag namatay ang isang tao. Ayon sa aklat na History of Western Philosophy, ang mga Ehipsiyo ay bumuo ng palagay na “ang mga kaluluwa ng patay ay bumababa sa daigdig ng mga patay.” Nang maglaon, nangatuwiran ang mga pilosopo na ang mga kaluluwa ng mga patay ay hindi bumababa sa madilim na daigdig ng mga patay kundi aktuwal na umaakyat sa mas mataas na daigdig ng mga espiritu. Sinasabing naniwala ang pilosopong Griego na si Socrates na ang kaluluwa pagkamatay ay “nagtutungo sa [isang] di-nakikitang dako . . . at ginugugol ang natitirang pag-iral nito na kasama ng mga diyos.”
Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Wala tayong makikita sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na nagsasabing ang mga tao ay may imortal na kaluluwa. Basahin mo ang ulat sa Genesis 2:7. Ang sabi nito: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Malinaw at maliwanag iyan. Nang lalangin ng Diyos ang unang tao, si Adan, hindi Niya inilagay rito ang isang uri ng di-pisikal na sangkap. Hindi, sapagkat sinasabi ng Bibliya na “ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Ang tao ay hindi nagtataglay ng isang kaluluwa. Siya ang kaluluwa.
Sa paglalang sa lupa at sa sambahayan ng tao, hindi kailanman nilayon ni Jehova na mamatay Genesis 2:8, 15-17; 3:1-6; Isaias 45:18) Nang mamatay ang unang tao, nagtungo ba siya sa daigdig ng mga espiritu? Hindi! Siya—ang kaluluwang si Adan—ay nagbalik sa walang-buhay na alabok na mula roon ay nilalang siya.—Genesis 3:17-19.
ang tao. Nilayon ng Diyos na ang mga tao ay mabuhay magpakailanman sa lupa sa gitna ng Paraisong mga kalagayan. Namatay lamang si Adan dahil sumuway siya sa kautusan ng Diyos. (Lahat tayo ay nagmana ng kasalanan at kamatayan mula sa ating ninunong si Adan. (Roma 5:12) Ang kamatayang ito ay ang paghinto sa pag-iral, gaya ng nangyari kay Adan. (Awit 146:3, 4) Sa katunayan, sa lahat ng 66 na aklat nito, hindi kailanman iniuugnay ng Bibliya ang mga katagang “imortal” o “walang hanggan” sa salitang “kaluluwa.” Sa kabaligtaran, maliwanag na sinasabi ng Kasulatan na ang kaluluwa—ang tao—ay mortal. Ang kaluluwa ay namamatay.—Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4.
Likas Bang Masama ang Materyal na mga Bagay?
Kumusta naman ang ideya na ang materyal na mga bagay, pati na ang lupa, ay masama? Ganiyan ang pinaniniwalaan ng mga tagapagtaguyod ng Manichaeismo, isang relihiyosong kilusan na itinatag sa Persia noong ikatlong siglo C.E. ng isang indibiduwal na nagngangalang Mani. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang Manichaeismo ay bumangon bilang tugon sa nakahahapis na kalagayan ng tao.” Naniwala si Mani na ang pagiging tao ay “hindi likas, napakahirap, at ganap na masama.” Naniwala rin siya na ang tanging paraan upang makaalpas sa ‘hapis’ ay ang pag-alis ng kaluluwa mula sa katawan, paglisan sa lupa, at pag-iral sa daigdig ng mga espiritu.
Sa kabaligtaran, sinasabi sa atin ng Bibliya na sa pangmalas ng Diyos “ang bawat bagay na ginawa niya” nang lalangin ang lupa at ang sangkatauhan ay “napakabuti.” (Genesis 1:31) Nang panahong iyon, walang sagabal sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Tinamasa nina Adan at Eva ang malapít na kaugnayan kay Jehova, kung paanong tinamasa ng sakdal na taong si Jesu-Kristo ang isang malapít na kaugnayan sa kaniyang makalangit na Ama.—Mateo 3:17.
Kung ang una nating mga magulang, sina Adan at Eva, ay hindi nagkasala, nagkaroon sana sila ng malapít na kaugnayan sa Diyos na Jehova magpakailanman sa isang paraisong lupa. Nagsimula silang mamuhay sa Paraiso, sapagkat sinasabi sa atin ng Kasulatan: “Ang Diyos na Jehova ay nagtanim ng isang hardin sa Eden, sa dakong silangan, at doon niya inilagay ang tao na kaniyang inanyuan.” (Genesis 2:8) Sa malaparaisong hardin na iyon ng Eden nilalang si Eva. Kung hindi nagkasala sina Adan at Eva, sila at ang kanilang sakdal na supling ay maligaya sanang nagtatrabahong magkakasama hanggang sa ang buong lupa ay maging isang paraiso. (Genesis 2:21; 3:23, 24) Ang makalupang Paraiso sana ang magiging tirahan ng sangkatauhan magpakailanman.
Bakit Nagtutungo ang Ilan sa Langit?
‘Ngunit,’ baka sabihin mo, ‘binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa mga taong magtutungo sa langit, hindi ba?’ Oo. Pagkatapos magkasala si Adan, nilayon ni Jehova na magtatag ng isang makalangit na Kaharian kung saan ang ilan sa mga inapo ni Adan ay ‘mamamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa’ kasama ni Jesu-Kristo. (Apocalipsis 5:10; Roma 8:17) Sila ay bubuhaying muli tungo sa imortal na buhay sa langit. Ang huling bilang nila ay 144,000, at ang tapat na mga alagad ni Jesus noong unang siglo ang una sa kanila.—Lucas 12:32; 1 Corinto 15:42-44; Apocalipsis 14:1-5.
Gayunman, hindi orihinal na layunin ng Diyos na lumisan sa lupa ang matutuwid na tao at magtungo sa langit. Sa katunayan, nang nasa lupa si Jesus, sinabi niya: “Walang taong umakyat sa langit maliban sa kaniya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao.” (Juan 3:13) Sa pamamagitan ng “Anak ng tao,” si Jesu-Kristo, inilaan ng Diyos ang pantubos anupat naging posible ang walang-hanggang buhay para sa mga nananampalataya sa hain ni Jesus. (Roma 5:8) Subalit saan mabubuhay magpakailanman ang milyun-milyong tao?
Matutupad ang Orihinal na Layunin ng Diyos
Bagaman nilayon ng Diyos na kumuha ng ilan mula sa sambahayan ng tao upang maglingkod bilang kasamang mga tagapamahala ni Jesu-Kristo sa makalangit na Kaharian, hindi iyan nangangahulugan na ang lahat ng mabubuting tao ay pupunta sa langit. Nilalang ni Jehova ang lupa upang maging Paraisong tirahan ng sambahayan ng tao. Hindi na magtatagal, tutuparin ng Diyos ang orihinal na layuning iyon.—Mateo 6:9, 10.
Sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo at ng kaniyang kasamang mga tagapamahala, iiral ang kapayapaan at kaligayahan sa buong lupa. (Awit 37:9-11) Ang mga nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying muli at magtatamasa ng sakdal na kalusugan. (Gawa 24:15) Sa pamamagitan ng kanilang katapatan sa Diyos, ang masunuring sangkatauhan ay pagkakalooban ng naiwala ng ating unang mga magulang—buhay na walang hanggan sa kasakdalan ng tao sa isang paraisong lupa.—Apocalipsis 21:3, 4.
Hindi kailanman nabibigo ang Diyos na Jehova sa nilalayon niyang gawin. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, sinabi niya: “Kung paanong ang bumubuhos na ulan, at ang niyebe, ay lumalagpak mula sa langit at hindi bumabalik sa dakong iyon, malibang diligin muna nito ang lupa at patubuan iyon at pasibulan, at maibigay ang binhi sa manghahasik at ang tinapay sa kumakain, magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”—Isaias 55:10, 11.
Sa aklat ng Bibliya na Isaias, patiuna nating makikita kung ano ang magiging buhay sa Paraisong lupa. Walang mamamayan sa Paraiso ang magsasabing, “Ako ay may sakit.” (Isaias 33:24) Hindi magiging panganib ang mga hayop sa tao. (Isaias 11:6-9) Ang mga tao ay magtatayo ng magagandang tahanan at tatahan doon at magtatanim ng mga pananim at kakain hanggang sa masiyahan. (Isaias 65:21-25) Bukod pa riyan, “Lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.”—Isaias 25:8.
Malapit nang mamuhay sa ilalim ng gayong pinagpalang mga kalagayan ang masunuring sangkatauhan. Sila ay “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Kapana-panabik ngang mabuhay magpakailanman sa ipinangakong makalupang Paraiso! (Lucas 23:43) Maaari kang mamuhay roon kung kikilos ka ngayon ayon sa tumpak na kaalaman sa Kasulatan at mananampalataya sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. At makapagtitiwala ka na makatuwirang maniwala sa isang paraisong lupa.
[Larawan sa pahina 5]
Sina Adan at Eva ay dinisenyo upang mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa
[Mga larawan sa pahina 7]
Sa makalupang Paraiso . . .
magtatayo sila ng mga bahay
magtatanim sila ng mga ubasan
pagpapalain sila ni Jehova
[Picture Credit Line sa pahina 4]
U.S. Fish & Wildlife Service, Washington, D.C./NASA