Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Talaga Ngang Makapangyarihan ang Salita ng Diyos!”

“Talaga Ngang Makapangyarihan ang Salita ng Diyos!”

“Talaga Ngang Makapangyarihan ang Salita ng Diyos!”

“ANG salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Bilang patunay sa di-mahahadlangang kapangyarihan ng Salita ng Diyos, ang 2003 Calendar of Jehovah’s Witnesses ay nagtampok ng anim na kuwento ng tunay na buhay mula sa palibot ng daigdig. Sa ilalim ng uluhang “Before and After,” ipinakita ng kalendaryo kung paano tumutulong sa mga tao ang gawaing pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova upang mapaunlad ang kanilang moral, matalikuran ang kapaha-pahamak na paraan ng pamumuhay, mapatibay ang kanilang buhay pampamilya, at malinang ang personal na kaugnayan sa Diyos.

May ilang liham ng pagpapahalaga na natanggap hinggil sa kalendaryo para sa taóng 2003. Narito ang ilan sa mga komentong iyon:

“Ang kalendaryong ito ay isang patotoo sa tunay na mga Kristiyano na may ibang mga katulad nila na kinailangang puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya. Maaari na nila ngayong tingnan ang mga larawan bilang paalaala sa mga pagbabagong ginawa ng ilan sa kanila.”​—Steven, Estados Unidos.

“Talagang gusto kong isulat ang ilang mga salitang ito upang ipaalam sa inyo kung gaano naantig ng kalendaryo para sa taóng 2003 ang aking puso. Ngayon lamang ako naantig ng isang kalendaryo nang gayon katindi. Ang mga talambuhay na ito ay magiging bahagi ng materyal na dinadala ko sa loob ng aking bag sa pagpapatotoo upang maipakita sa mga tao ang buháy at kahanga-hangang patotoo ng maaaring maging impluwensiya ng Bibliya sa mga indibiduwal.”​—Marc, Belgium.

“Labis akong naantig ng kalendaryo. Nalipos ako ng matinding damdamin nang mabasa ko at makita kung paano binabago ni Jehova ang ganitong mga indibiduwal. Bilang resulta, nagkaroon ako ng inspirasyon na patuloy na gumawa ng mga pagbabago sa aking sariling buhay. Ngayon higit kailanman, damang-dama ko na bahagi ako ng pandaigdig na kapatiran.”​—Mary, Estados Unidos.

“Si Jesus ay lubhang naantig sa espirituwal na kalagayan ng mga pulutong. Salamat sa pagtulad ninyo sa halimbawa ni Kristo sa pamamagitan ng paglalathala ng mga talambuhay na lumabas sa ating kalendaryo para sa taóng 2003. Ngayon pa lamang ako pinaluha ng isang kalendaryo sa buong buhay ko.”​—Cassandra, Estados Unidos.

“Nang ako ay 11 taóng gulang, nagsimula akong manigarilyo; nang maglaon ay gumamit ako ng mga droga. Madalas kong iniisip na wakasan na ang aking buhay. Nang makilala ko si Jehova, natulungan akong iwaksi ang mga bisyong iyon. Napakahalaga sa akin ng kalendaryong ito. Pinalalakas ako ng mga halimbawa ng aking mga kapatid sa buong daigdig. Ngayon ay alam ko nang hindi ako nag-iisa sa pakikipagpunyaging ito at ang pinakamahalaga ay ang pag-ibig kay Jehova at buong-pusong paglilingkod sa kaniya.”​—Margaret, Poland.

“Talaga ngang makapangyarihan ang Salita ng Diyos! Nang matanggap ko ang kalendaryo para sa taóng 2003, sinikap kong pigilin ang aking pagluha. Ang mga karanasang ito, pati na ang mga larawan, ay lubhang nakapagpapatibay ng pananampalataya.”​—Darlene, Estados Unidos.

“Ang dating paraan ng pamumuhay ng ilan sa mga taong ito ay kaparehong-kapareho ng dating paraan ng pamumuhay ko. Binigyan ako ng lakas ni Jehova upang maiwaksi ang waring di-mapagtatagumpayang mga bisyo. Maraming salamat sa mga kuwentong ito ng tunay na buhay.”​—William, Estados Unidos.