“Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?”
“Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?”
AYON SA SALAYSAY NI MARIA KERASINIS
Sa edad na 18, ako ang masaklap na kabiguan ng aking mga magulang, itinakwil ako ng pamilya ko, at ako ang katatawanan sa aming nayon. Gumamit ng pagsusumamo, pamimilit, at pananakot sa pagtatangkang sirain ang katapatan ko sa Diyos—ngunit hindi nagtagumpay ang mga ito. Nanalig ako na magdudulot ng espirituwal na mga pakinabang ang tapat na paninindigan sa katotohanan sa Bibliya. Sa pagbabalik-tanaw sa mahigit na 50 taóng paglilingkod kay Jehova, sang-ayon ako sa mga salita ng salmista: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng mga pakinabang ko mula sa kaniya?”—Awit 116:12.
IPINANGANAK ako noong 1930, sa Aggelokastro, isang nayon na mga 20 kilometro mula sa daungan ng Cencrea, sa gawing silangan ng Ismo ng Corinto, kung saan itinatag noong unang siglo ang isang kongregasyon ng tunay na mga Kristiyano.—Gawa 18:18; Roma 16:1.
Namuhay nang tahimik ang pamilya ko. Si Itay ang pangulo ng pamayanan at lubhang iginagalang. Pangatlo ako sa limang anak. Pinalaki kami ng mga magulang ko bilang debotong mga miyembro ng Simbahang Griego Ortodokso. Dumadalo ako ng Misa tuwing Linggo. Nagpenitensiya ako sa mga imahen, nagsindi ng mga kandila sa mga kapilya sa lalawigan, at sumunod sa lahat ng pangingilin. Madalas kong iniisip na magmadre. Nang maglaon, ako ang kauna-unahan sa pamilya na bumigo sa mga magulang ko.
Nasabik sa Katotohanan sa Bibliya
Noong mga 18 anyos ako, nalaman ko na si Katina, ang kapatid na babae ng isa sa mga bayaw ko, na nakatira sa kalapit na nayon, ay nagbabasa
ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, at hindi na siya nagsisimba. Labis itong nakabagabag sa akin, kaya ipinasiya kong tulungan siyang makabalik sa inaakala kong tamang landas. Kaya naman, nang dumalaw siya, isinaayos ko na mamasyal kami, sa layuning dumaan sa bahay ng pari. Sinimulan ng pari ang pag-uusap sa pamamagitan ng pagpapaulan ng panunuya laban sa mga Saksi ni Jehova, anupat tinatawag silang mga erehe na nagligaw kay Katina. Nagpatuloy nang tatlong magkakasunod na gabi ang usapan. Pinabulaanan ni Katina ang lahat ng paratang niya sa pamamagitan ng mga argumento mula sa Bibliya na inihandang mabuti. Sa wakas, sinabi sa kaniya ng pari na dahil siya ay talagang maganda at matalinong babae, dapat siyang magsaya sa kaniyang kabataan hangga’t maaari at maging interesado na lamang sa Diyos kapag tumanda na siya.Hindi ko binanggit sa mga magulang ko ang tungkol sa usapang iyon, pero noong sumunod na Linggo, hindi na ako nagsimba. Nang katanghaliang-tapat, dumeretso ang pari sa tindahan namin. Nagdahilan ako na kinailangan kong maiwan sa tindahan para tulungan si Itay.
“Iyan ba talaga ang dahilan, o nahikayat ka na ng babaing iyon?” ang tanong ng pari sa akin.
“May mas maiinam na paniniwala ang mga taong iyon kaysa sa atin,” ang prangkang sabi ko.
Pagbaling sa tatay ko, sinabi ng pari: “Ginoong Economos, palayasin na ninyo kaagad ang inyong kamag-anak; sinisilaban niya ang bahay ninyo.”
Sinalansang Ako ng Pamilya Ko
Iyon ay mga taon ng 1940 nang dumaranas ng mararahas na pagbugso ng digmaang sibil ang Gresya. Dahil natatakot na baka dukutin ako ng mga gerilya, isinaayos ni Itay na lumikas ako ng nayon at pumunta sa bahay ng ate ko sa nayon kung saan nakatira si Katina. Sa dalawang buwang pagtira ko roon, natulungan akong maunawaan ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa maraming usapin. Nalungkot akong malaman na marami sa mga doktrina ng Simbahang Ortodokso ang di-makakasulatan. Natanto ko na hindi tinatanggap ng Diyos ang pagsamba sa pamamagitan ng mga imahen, na walang Kristiyanong pinagmulan ang iba’t ibang relihiyosong tradisyon—tulad ng pagpapakundangan sa krus—at na kailangang sambahin ng isa ang Diyos “sa espiritu at katotohanan” upang mapalugdan siya. (Juan 4:23; Exodo 20:4, 5) Higit sa lahat, natutuhan ko na nag-aalok ang Bibliya ng malinaw na pag-asa ng walang-hanggang buhay sa lupa! Kabilang sa unang personal na mga pakinabang na tinanggap ko mula kay Jehova ang gayong natatanging katotohanan sa Bibliya.
Samantala, napansin ng ate ko at ng asawa niya na hindi na ako nag-aantanda kapag kumakain, ni nananalangin man sa harap ng relihiyosong mga imahen. Isang gabi, ako ay binugbog nilang dalawa. Kinabukasan, nagpasiya akong umalis sa tahanan nila, at nagpunta ako sa bahay ng tiyahin ko. Ipinaalam ng bayaw ko sa aking tatay ang nangyari. Di-nagtagal, dumating si Itay na luhaan at sinikap na baguhin ang isip ko. Lumuhod sa harap ko ang aking bayaw, na humihingi ng tawad, na ipinagkaloob ko naman. Upang matapos na ang mga bagay-bagay, nakiusap silang bumalik na ako sa simbahan, ngunit matatag akong nanindigan.
Pagbalik ko sa nayon ni Itay, nagpatuloy ang mga panggigipit. Walang paraan upang makipag-ugnayan ako kay Katina, at wala na akong mabasang literatura, kahit Bibliya man lamang. Tuwang-tuwa ako nang sikapin ng isa sa mga pinsan ko na tulungan ako. Nang pumunta siya sa Corinto, nakahanap siya ng Saksi at bumalik siyang may dalang aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat” at isang kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, na sinimulan kong basahin nang palihim.
Di-inaasahang Pagbabago sa Buhay
Tatlong taóng nagpatuloy ang matinding pagsalansang. Wala akong pakikipag-ugnayan sa kaninumang Saksi, ni maaari man akong tumanggap ng anumang babasahin. Gayunman, lingid sa kaalaman ko, may malalaking pagbabago sa aking buhay na malapit nang maganap.
Sinabi sa akin ni Itay na kailangan kong pumunta sa tiyuhin ko sa Tesalonica. Bago ako umalis patungong Tesalonica, pumunta muna ako sa isang patahian sa Corinto upang magpatahi ng coat. Laking gulat ko nang matuklasan kong doon nagtatrabaho si Katina! Tuwang-tuwa kaming makita ang isa’t isa pagkatapos ng mahabang panahon. Nang papaalis na kaming dalawa sa patahian, nakilala namin ang isang maginoong binata
na papauwi mula sa trabaho, na nakabisikleta. Charalambos ang pangalan niya. Pagkatapos magligawan, ipinasiya naming magpakasal. Nang mga panahon ding ito, noong Enero 9, 1952, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo.Mas naunang nabautismuhan si Charalambos. Napaharap din siya sa pagsalansang ng kaniyang pamilya. Napakasigasig ni Charalambos. Naglingkod siya bilang katulong na lingkod ng kongregasyon at nagdaos ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Di-nagtagal, tinanggap ng mga kuya niya ang katotohanan, at ang karamihan sa mga miyembro ng kani-kanilang pamilya ngayon ay naglilingkod na rin kay Jehova.
Talagang nagustuhan ng tatay ko si Charalambos, kaya pumayag siya sa kasal, pero hindi madaling nahikayat si Inay. Sa kabila ng lahat ng ito, nagpakasal kami ni Charalambos noong Marso 29, 1952. Ang aking kuya at isa sa mga pinsan ko lamang ang dumalo sa kasal. Hindi ko pa alam noon na magiging walang-kapantay na pagpapala pala—isang tunay na kaloob mula kay Jehova—si Charalambos! Bilang kasama niya, napainog ko ang aking buhay sa paglilingkod kay Jehova.
Pagpapatibay sa Aming mga Kapatid
Noong 1953, ipinasiya namin ni Charalambos na lumipat sa Atenas. Yamang nais niyang gumawa ng higit pa sa gawaing pangangaral, nagbitiw si Charalambos sa negosyo ng kaniyang pamilya at nakahanap ng part-time na trabaho. Magkasama kami sa ministeryong Kristiyano tuwing hapon at nagdaos ng maraming pag-aaral sa Bibliya.
Dahil sa opisyal na paghihigpit sa ating ministeryo, kinailangan kaming maging mapamaraan. Halimbawa, ipinasiya naming maglagay ng isang kopya ng magasing Watchtower sa bintana ng isang kiyosko, o tindahan, sa sentro ng Atenas, kung saan nagtatrabaho nang part-time ang asawa ko. Sinabihan kami ng pulis na mataas ang ranggo na ipinagbabawal ang magasin. Gayunman, itinanong niya kung puwede siyang kumuha ng isang kopya para ipagtanong ang tungkol dito sa tanggapang panseguridad. Nang tiyakin nila sa kaniya na legal ang magasin, bumalik siya para sabihin sa amin. Sa sandaling malaman ito ng ibang mga kapatid na may kiyosko, nagsimula na rin silang maglagay ng mga kopya ng The Watchtower sa mga bintana ng kani-kanilang kiyosko. Isang lalaki ang kumuha ng The Watchtower mula sa aming kiyosko, naging Saksi, at naglilingkod na ngayon bilang isang elder.
Nagalak din kaming makita na matuto ng katotohanan ang aking bunsong kapatid na lalaki. Nagpunta siya sa Atenas upang mag-aral sa kolehiyo ng kalakal pandagat, at isinama namin siya sa kombensiyon. Palihim na idinaraos ang aming mga kombensiyon sa kagubatan. Nagustuhan niya ang kaniyang narinig, ngunit nagsimula na siyang maglakbay di-nagtagal pagkatapos niyon. Sa isa sa kaniyang mga paglalakbay, nakarating siya sa isang daungan sa Argentina. Sumakay ng barko roon ang isang misyonero upang mangaral, at humiling ng mga magasin ang kapatid ko. Labis kaming nagalak nang tanggapin namin ang liham niya na nagsasabi: “Nasumpungan ko na ang katotohanan. Gawin ninyo akong suskritor.” Sa ngayon, siya at ang kaniyang pamilya ay tapat na naglilingkod kay Jehova.
Inanyayahan ang aking asawa na maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa noong 1958. Yamang ipinagbabawal ang aming gawain at napakahirap ng mga kalagayan, kadalasang naglilingkod ang mga naglalakbay na tagapangasiwa nang hindi kasama ang kani-kanilang asawa. Noong Oktubre 1959, nakiusap kami sa mga kapatid na may mabibigat na pananagutan sa tanggapang pansangay kung maaari akong sumama sa kaniya. Pumayag sila. Dadalawin namin at patitibayin ang mga kongregasyon sa gitna at hilagang Gresya.
Hindi madali ang mga paglalakbay na iyon. Kakaunti
ang mga kongkretong daan. Yamang wala kaming sariling sasakyan, madalas kaming naglalakbay sa pamamagitan ng pampublikong transportasyon o ng trak na pickup, kasama ng mga manok at iba pang paninda. Nagsusuot kami ng mga botang goma para makatawid sa mapuputik na daan. Yamang sa bawat nayon ay may milisyang sibil, pumapasok kami sa mga nayon sa kadiliman ng gabi upang maiwasang pagtatanungin.Lubhang pinahalagahan ng mga kapatid ang mga pagdalaw na ito. Bagaman ang karamihan sa kanila ay nagpapagal sa mga bukirin nila, nagsisikap sila nang husto upang makadalo sa mga pulong na gabing-gabi na idinaraos sa iba’t ibang tahanan. Mapagpatulóy rin ang mga kapatid at iniaalok sa amin ang pinakamainam na maiaalok nila, bagaman kapos sila. Natutulog kami kung minsan sa iisang silid kasama ang buong pamilya. Ang pananampalataya, pagbabata, at sigasig ng mga kapatid ay isa pang mayamang pakinabang sa amin.
Pagpapalawak ng Aming Paglilingkod
Noong Pebrero 1961, habang dumadalaw sa tanggapang pansangay sa Atenas, kami ay tinanong kung handa kaming maglingkod sa Bethel. Sumagot kami sa mga salita ni Isaias: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isaias 6:8) Pagkalipas ng dalawang buwan, tumanggap kami ng sulat na nagsasabing magpunta kami sa Bethel sa lalong madaling panahon. Kaya, noong Mayo 27, 1961, nagsimula kaming maglingkod sa Bethel.
Gustung-gusto namin ang aming bagong atas, at napalagay kaagad ang aming loob. Nagtrabaho ang aking asawa sa mga departamento ng Service at Subscription, at nang maglaon ay naglingkod siya nang sandali sa Komite ng Sangay. Iba-iba ang atas ko sa tahanan. May 18 miyembro ang pamilya noon, ngunit sa loob halos ng limang taon, may mga 40 katao roon dahil idinaraos sa Bethel ang paaralan para sa mga elder. Sa umaga, naghuhugas ako ng mga pinggan, tumutulong sa kusinero, nag-aayos ng 12 kama, at naghahain sa mga mesa para sa tanghalian. Sa hapon, namamalantsa ako at naglilinis ng mga palikuran at silid. Nagtatrabaho rin ako sa laundry minsan sa isang linggo. Maraming trabaho ngunit kaligayan kong makatulong.
Naging abala kami sa aming mga atas sa Bethel at sa paglilingkod sa larangan. Maraming beses na umabot sa pito ang idinaraos naming mga pag-aaral sa Bibliya. Sa mga dulo ng sanlinggo, sumasama ako kay Charalambos kapag nagpapahayag siya sa iba’t ibang kongregasyon. Parati kaming magkasama.
Nagdaos kami ng pag-aaral sa Bibliya sa mag-asawang may malapít na kaugnayan sa Simbahang Griego Ortodokso at personal na mga kaibigan ng klerigo na namuno sa samahan ng simbahan na laban sa mga erehe. Sa bahay nila, may silid na punô ng mga imahen, kung saan sila walang-tigil na nagsusunog ng insenso at buong-araw na nagpapatugtog ng mga himnong Bizantino. Sa loob ng ilang panahon, dinadalaw namin sila tuwing Huwebes para mag-aral ng Bibliya, at dinadalaw naman sila ng kaibigan nilang klerigo tuwing Biyernes. Isang araw, pinapunta nila kami sa kanilang tahanan sapagkat may sorpresa sila para sa amin. Ang unang ipinakita nila sa amin ay ang silid na iyon. Inalis na nila ang lahat ng imahen at inayos ang silid. Sumulong pa ang mag-asawang ito at nagpabautismo. Lahat-lahat, nagalak kaming makita na mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova at magpabautismo ang mga 50 katao na aming pinagdausan ng pag-aaral sa Bibliya.
Ang pakikisalamuha sa mga kapatid na pinahiran ay isa pang pantanging pakinabang na tinamasa ko. Tunay na nakapagpapatibay ang mga pagdalaw ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, gaya nina Brother Knorr, Franz, at Henschel. Pagkalipas ng mahigit na 40 taon,
itinuturing ko pa ring isang napakalaking karangalan at pribilehiyo ang maglingkod sa Bethel.Pagharap sa Karamdaman at Kamatayan
Nagsimulang makita sa asawa ko noong 1982 ang mga sintomas ng Alzheimer’s disease. Pagsapit ng 1990, humina ang kaniyang kalusugan, at kinailangan niya ng palagiang pangangalaga nang maglaon. Noong huling walong taon ng kaniyang buhay, hindi kami makaalis ng Bethel. Ang maraming minamahal na mga kapatid sa pamilyang Bethel, gayundin ang mga tagapangasiwa na may mabibigat na pananagutan, ay gumawa ng mga kaayusan upang tulungan kami. Gayunman, sa kabila ng kanilang mabait na tulong, kinailangang gumugol pa rin ako ng mahahabang oras sa araw at gabi sa pangangalaga sa kaniya. Talagang napakahirap ng mga kalagayan kung minsan, at maraming gabi akong walang tulog.
Pumanaw ang aking minamahal na asawa noong Hulyo 1998. Bagaman labis akong nangungulila sa kaniya, inaaliw ako ng katotohanang nasa mabuti siyang kamay, at alam kong maaalaala siya ni Jehova kasama ng milyun-milyong iba pa sa pagkabuhay-muli.—Juan 5:28, 29.
Nagpapasalamat sa mga Pakinabang Mula kay Jehova
Bagaman nawalan ako ng asawa, hindi ako nag-iisa. May pribilehiyo pa rin akong maglingkod sa Bethel, at tinatamasa ko ang pag-ibig at malasakit ng buong pamilyang Bethel. Kabilang din sa aking lumaking pamilya ang espirituwal na mga kapatid sa buong Gresya. Kahit na mahigit sa 70 taóng gulang na ako ngayon, nakapagtatrabaho pa rin ako nang buong araw sa kusina at silid-kainan.
Natupad ang aking pangarap sa buhay noong 1999 nang makadalaw ako sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York. Hindi ko mailarawan ang aking nadama. Nakapagpapatibay at di-malilimutang karanasan iyon.
Habang nagbabalik-tanaw ako, taimtim akong naniniwala na nagamit ko ang aking buhay sa pinakamahusay na paraan. Ang pinakamainam na karera na maaaring abutin ninuman ay ang buong-panahong paglilingkod kay Jehova. May-kumpiyansa kong masasabi na hindi ako nagkulang ng anuman kailanman. Kaming mag-asawa ay maibiging pinaglaanan ni Jehova kapuwa sa espirituwal at pisikal. Mula sa personal na karanasan, nauunawaan ko kung bakit itinanong ng salmista: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng mga pakinabang ko mula sa kaniya?”—Awit 116:12.
[Larawan sa pahina 26]
Parati kaming magkasama ni Charalambos
[Larawan sa pahina 27]
Ang asawa ko sa opisina niya sa sangay
[Larawan sa pahina 28]
Itinuturing kong napakalaking karangalan ang paglilingkod sa Bethel