Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Handa Para sa Bawat Mabuting Gawa”

“Handa Para sa Bawat Mabuting Gawa”

“Handa Para sa Bawat Mabuting Gawa”

“PATULOY mo silang paalalahanan na magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad bilang mga tagapamahala, na maging handa para sa bawat mabuting gawa.” (Tito 3:1) Anong mabuting gawa ang iniisip ni apostol Pablo nang isulat niya ang mga salitang ito sa kaniyang mga kapananampalataya? Binanggit ng iskolar sa Bibliya na si E. F. Scott ang isang uri ng mabuting gawa, sa pagsasabing: “Hindi lamang dapat sumunod ang mga Kristiyano sa awtoridad, kundi dapat din silang maging handa sa anumang mabuting gawa. . . . Kapag hinihingi ng pagkakataon, kasama dapat ang mga Kristiyano sa mga unang magpapakita ng malasakit sa pamayanan. Palaging magkakaroon ng mga sunog, salot, iba’t ibang uri ng kalamidad, kung kailan nanaising tulungan ng lahat ng mabubuting mamamayan ang kanilang kapuwa.”

Nakikibahagi ang mga Kristiyano sa ilang gawa na para sa kapakanan ng publiko hangga’t hindi salungat ang gayong mga gawa sa mga batas ng Diyos. (Gawa 5:29) Halimbawa, bilang pagsunod sa tagubilin ng lokal na kagawaran sa sunog, taun-taon nagdaraos ng pagsasanay sa sunog ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Hapon, na nasa Ebina. Sa gayong mga okasyon, nagtitipon ang lahat ng miyembro ng pamilyang Bethel upang makinig sa mga instruksiyon ng kinatawan ng lokal na kagawaran sa sunog.

Karagdagan pa, sa loob ng mahigit sa isang dekada na, nakikipagtulungan ang tanggapang pansangay sa lokal na mga awtoridad sa eksibisyong iniisponsor upang itaguyod ang kabatiran sa pag-iwas sa sunog. Sa eksibisyon, ipinakikita ng mga kompanya at bahay-kalakal mula sa lunsod ang kanilang pagiging handa sa pagpatay at pagkontrol ng sunog. Kadalasang pinupuri ang sangay dahil sa mga kasanayan at pakikipagtulungan ng mga kawani nito. Noong 2001, ipinagkaloob sa kanila ang unang gantimpala sa eksibisyon. Handa sila sa mabuting gawa na makapagliligtas ng buhay kapag may sunog.

Mahalagang Paglilingkod

Gayunman, interesado ang mga Saksi ni Jehova sa mas mahalagang uri ng mabuting gawa, na nakapagliligtas din ng buhay. Regular silang dumadalaw sa kanilang kapuwa upang ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Pinasisigla ng mga Saksi ang mga tao na matuto at magkapit ng mga simulain sa Bibliya sa kanilang buhay upang paunlarin ang kalidad ng buhay nila ngayon at magkaroon ng pag-asa ng buhay na walang hanggan sa isang sanlibutan kung saan mamamayani ang tunay na kapayapaan at katiwasayan.

Maaaring hindi maunawaan ng ilan ang kahalagahan ng paglilingkod ng mga Saksi ni Jehova, anupat itinuturing silang mga istorbo. Gayunman, hindi ganito ang opinyon ni Justice Jean Crepeau ng Quebec Superior Court sa Canada. Tinutulan ng mga Saksi ni Jehova roon ang alituntunin ng lunsod ng Blainville, Quebec, na humihiling ng permit para sa mga pagdalaw nila sa bahay-bahay. Sa desisyon ng hukuman, sinabi ni Justice Crepeau: “Ang mga pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova ay Kristiyanong paglilingkod sa pamayanan at . . . ang mga publikasyong iniaalok ng mga Saksi sa interesadong mga mamamayan ay mahahalagang babasahin, na tumatalakay sa mga paksang gaya ng relihiyon, Bibliya, droga, alkoholismo, edukasyon ng kabataan, mga suliranin sa pag-aasawa at diborsiyo.” Idinagdag pa ng pasiya: “Ang tanging mahihinuha ng hukuman ay na nakaiinsulto, mapanghamak, nakapipinsala, at nakasisirang-puri na ihambing ang mga Saksi ni Jehova sa mga tagapaglako.”

Nakatutulong ang mga Saksi ni Jehova sa kapakanan ng pamayanang tinitirhan nila sa pamamagitan ng pagtulong sa mga tao na mapagtagumpayan ang mga suliranin sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at paghahatid sa kanila ng pag-asa sa hinaharap. Sinasangkapan sila ng Bibliya upang maganap ang gawaing iyan. “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”​—2 Timoteo 3:16, 17.

Nais mo bang malaman kung paano nagiging “handa para sa bawat mabuting gawa” ang mga Saksi ni Jehova? Inaanyayahan ka naming tanggapin ang kanilang tulong upang higit na matuto tungkol sa Bibliya at sa gayon ay makinabang sa mahalagang paglilingkod sa pamayanan na ginagawa nila sa inyong lugar at sa buong daigdig.

[Mga larawan sa pahina 30, 31]

Hangad ng mga Saksi ni Jehova na makipagtulungan sa sekular na mga awtoridad

[Larawan sa pahina 31]

Kilala ang mga Saksi sa pagtulong sa kanilang kapuwa