Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inakay Siya ng Isang Programa sa Telebisyon Upang Luwalhatiin ang Diyos

Inakay Siya ng Isang Programa sa Telebisyon Upang Luwalhatiin ang Diyos

Inakay Siya ng Isang Programa sa Telebisyon Upang Luwalhatiin ang Diyos

SINABI ni apostol Pablo na “ipinangangaral ng ilan ang Kristo dahil sa inggit at pakikipagpaligsahan, ngunit ang iba naman ay dahil sa kabutihang-loob.” (Filipos 1:15) Kung minsan, di-sinasadyang naaakit sa katotohanan ang mga taong matuwid ang puso, kahit na sinisikap ng iba na siraan ang bayan ni Jehova.

Noong Nobyembre 1998, naipalabas sa pambansang telebisyon ng Pransiya ang isang dokumentaryo na nagtatampok sa mga larawan ng Bethel, ang mga pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Louviers, Pransiya. Sa kabila ng iba’t ibang reaksiyong tinanggap nito, ang programa ay nagkaroon ng di-inaasahang positibong mga resulta.

Kabilang sa mga nakapanood ng programa ay si Anna-Paula, na nakatira 60 kilometro lamang ang layo mula sa Bethel. Si Anna-Paula, isang diborsiyadang ina na may dalawang anak, ay naghahanap ng trabaho. Kaya kinaumagahan, tumawag siya sa Bethel upang magtanong kung maaari ba siyang magtrabaho roon. “Nagkaroon ako ng impresyon na isa itong mabuting lugar at na ang trabahong ginagawa roon ay kapaki-pakinabang,” ang sabi niya. Nagulat siyang malaman na ang lahat ng naglilingkod sa Bethel ay mga ministro na nagboboluntaryo ng kanilang panahon! Pagkatapos ng isang maikling pag-uusap hinggil sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova, pumayag siyang dalawin ng isang Saksi.

Nang dumalaw si Léna, isang buong-panahong ministro sa kongregasyon doon, nagkaroon sila ng mahabang usapan, at tinanggap ni Anna-Paula ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. * Nang sumunod na pagdalaw, nabasa na ni Anna-Paula ang buong aklat at marami siyang katanungan. Agad niyang tinanggap ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ganito ang sabi ni Anna-Paula: “Para sa akin, pagkakataon ito upang tuklasin ang Salita ng Diyos. Ngayon pa lamang ako nakahawak ng Bibliya.”

Noong Enero, dumalaw si Anna-Paula sa Bethel, at dumalo siya sa kaniyang unang pulong Kristiyano noong sumunod na linggo. Di-nagtagal pagkatapos noon, sinimulan niyang aralan sa Bibliya ang kaniyang mga anak at magpatotoo sa kaniyang mga kaibigan. “Hindi ko mapigilan ang aking sarili sa pagsasalita sa iba tungkol sa natututuhan ko,” aniya. “Gusto kong ibahagi sa mga tao ang mga katotohanan ng Bibliya at aliwin sila.” Pagkatapos makipagpunyagi upang mapagtagumpayan ang ilang personal na mga problema, regular nang dumadalo sa mga pagpupulong si Anna-Paula. Mabilis siyang sumulong at nabautismuhan noong Mayo 5, 2002.

Karagdagan pa, bilang resulta ng mainam na halimbawa at masigasig na pangangaral ni Anna-Paula, nagsimulang mag-aral ng Bibliya ang kaniyang ina at di-nagtagal ay nabautismuhan. “Hindi ko mailarawan ang kagalakang nadarama ko,” ang sabi ni Anna-Paula. “Nagpapasalamat ako kay Jehova araw-araw dahil dumating Siya sa buhay ko at dahil sa lahat ng mga pagpapalang ibinigay niya sa akin.”

[Talababa]

^ par. 6 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga larawan sa pahina 8]

Itaas: Anna-Paula

Ibaba: Pasukan sa tanggapang pansangay sa Pransiya