“Ipakita Ninyong Kayo ay Mapagpasalamat”
“Ipakita Ninyong Kayo ay Mapagpasalamat”
“Hayaang ang kapayapaan ng Kristo ang pumatnubay sa inyong mga puso . . . At ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat.”—COLOSAS 3:15.
1. Anong pagkakaiba ang napapansin natin sa kongregasyong Kristiyano at sa sanlibutan na kontrolado ni Satanas?
SA 94,600 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, masusumpungan natin ang mapagpasalamat na saloobin. Ang bawat pulong ay sinisimulan at tinatapos sa pamamagitan ng panalangin na naglalakip ng mga kapahayagan ng pasasalamat kay Jehova. Malimit nating marinig ang “salamat,” “walang anuman,” o katulad na mga kapahayagan sa mga labi ng mga bata at matanda gayundin sa mga baguhan at matatagal nang mga Saksi habang nagsasama-sama sila sa pagsamba at maligayang pagsasamahan. (Awit 133:1) Ibang-iba nga ito sa pagkamakasarili na nangingibabaw sa marami na ‘hindi nakakakilala kay Jehova at hindi sumusunod sa mabuting balita’! (2 Tesalonica 1:8) Nabubuhay tayo sa di-mapagpasalamat na sanlibutan. At hindi ito nakapagtataka kapag isinaalang-alang natin kung sino ang diyos ng sanlibutang ito—si Satanas na Diyablo, ang pinakapangunahing tagapagtaguyod ng pagkamakasarili, na ang mapagmapuri at mapaghimagsik na saloobin ay laganap sa lipunan ng tao!—Juan 8:44; 2 Corinto 4:4; 1 Juan 5:19.
2. Anong babala ang dapat nating dinggin, at anong mga tanong ang ating isasaalang-alang?
2 Dahil napalilibutan tayo ng sanlibutan ni Satanas, kailangan tayong mag-ingat na hindi mapasamâ ng mga saloobin nito. Noong unang siglo, pinaalalahanan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso: “[Lumakad kayo] noong una ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa tagapamahala ng awtoridad ng hangin, ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway. Oo, sa gitna nila tayong lahat noong una ay gumawi na kasuwato ng mga pagnanasa ng ating laman, na ginagawa ang mga bagay na hinahangad ng laman at ng mga pag-iisip, at tayo ay likas na mga anak ng poot gaya nga ng iba.” Efeso 2:2, 3) Totoo rin ito sa marami sa ngayon. Kung gayon, paano natin mapananatili ang isang mapagpasalamat na saloobin? Anong tulong ang inilalaan ni Jehova? Sa anong praktikal na mga paraan natin maipakikita na talagang mapagpasalamat tayo?
(Mga Dahilan ng Pagiging Mapagpasalamat
3. Sa ano tayo mapagpasalamat kay Jehova?
3 Ang Diyos na Jehova, ang ating Maylalang at Tagapagbigay-Buhay, ang pinagkakautangan natin ng loob, lalo na kapag isinasaalang-alang natin ang ilan sa saganang mga kaloob na ibinibigay niya sa atin. (Santiago 1:17) Araw-araw, pinasasalamatan natin si Jehova na buháy tayo. (Awit 36:9) Sa palibot natin, nakikita natin ang saganang katibayan ng gawa ng mga kamay ni Jehova, tulad ng araw, buwan, at mga bituin. Ang saganang imbakan ng nagbibigay-buhay na mga mineral ng ating planeta, ang maingat na pagkabalanse ng kombinasyon ng mahahalagang gas, at ang masalimuot na mga siklo sa kalikasan ay pawang nagpapatotoo sa pagkakautang natin sa ating maibigin at makalangit na Ama. “Maraming bagay ang iyong ginawa, O Jehova na aking Diyos,” ang inawit ni Haring David, “maging ang iyong mga kamangha-manghang gawa at ang iyong mga kaisipan sa amin; walang sinumang maihahambing sa iyo. Naisin ko mang saysayin at salitain ang tungkol sa mga iyon, ang mga iyon ay mas marami kaysa sa kaya kong isalaysay.”—Awit 40:5.
4. Bakit natin dapat pasalamatan si Jehova sa maligayang pagsasamahan na tinatamasa natin sa ating mga kongregasyon?
4 Bagaman wala sila sa pisikal na paraiso, ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay nasisiyahan sa pamumuhay sa espirituwal na paraiso. Sa ating mga Kingdom Hall at sa ating mga kombensiyon at asamblea, nararanasan natin ang nagagawa ng mga bunga ng espiritu ng Diyos sa ating mga kapananampalataya. Sa katunayan, kapag nangangaral sa mga tao na may kakaunti o walang nalalaman sa relihiyon, ipinakikipag-usap ng ilang Saksi ang inilarawan ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Galacia. Itinatawag-pansin muna nila “ang mga gawa ng laman” at itinatanong sa kanilang mga tagapakinig kung ano ang kanilang napapansin. (Galacia 5:19-23) Sumasang-ayon kaagad ang karamihan na kitang-kita ang mga ito sa lipunan ng tao sa ngayon. Kapag ipinakita ang paglalarawan sa mga bunga ng espiritu ng Diyos at inanyayahan sila sa lokal na Kingdom Hall upang personal na makita ang katibayan nito, marami ang agad na nagsasabi: “Ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ninyo.” (1 Corinto 14:25) At hindi lamang ito masusumpungan sa lokal na Kingdom Hall. Saan ka man magpunta, kapag nakatagpo mo ang sinuman sa mahigit na anim na milyong Saksi ni Jehova, masusumpungan mo rin ang gayong maligaya at masayahing saloobin. Tunay nga na ang nakapagpapatibay-loob na pagsasamahang ito ay dahilan para magpasalamat kay Jehova, ang isa na nagbibigay ng kaniyang espiritu upang maging posible ito.—Zefanias 3:9; Efeso 3:20, 21.
5, 6. Paano natin maipakikita na tayo ay mapagpasalamat sa pinakadakilang kaloob ng Diyos, ang pantubos?
5 Ang pinakadakilang kaloob, ang pinakasakdal na regalo na ibinigay ni Jehova ay ang kaniyang Anak, si Jesus, na sa pamamagitan niya ay inilaan ang haing pantubos. “Kung sa ganitong paraan tayo inibig ng Diyos,” ang sulat ni apostol Juan, “kung gayon tayo mismo ay may pananagutan na mag-ibigan sa isa’t isa.” (1 Juan 4:11) Oo, ipinakikita nating tayo ay mapagpasalamat sa pantubos hindi lamang sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pag-ibig at utang na loob kay Jehova kundi sa pamamagitan din ng ating pamumuhay sa paraang nagpapamalas ng pag-ibig sa iba.—Mateo 22:37-39.
6 Maaari tayong matuto nang higit pa tungkol sa pagpapakita ng utang na loob sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa naging pakikitungo ni Jehova sa sinaunang Israel. Sa pamamagitan ng Kautusan, na kaniyang ibinigay sa bansa sa pamamagitan ni Moises, tinuruan ni Jehova ng maraming aral ang mga tao. Sa pamamagitan ng “balangkas ng kaalaman at ng katotohanan sa Kautusan,” marami tayong matututuhan na tutulong sa atin na masunod ang payo ni Pablo: “Ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat.”—Roma 2:20; Colosas 3:15.
Tatlong Aral Mula sa Kautusang Mosaiko
7. Paano binigyan ng pagkakataon ng kaayusan sa ikapu ang mga Israelita upang ipakita ang kanilang pasasalamat kay Jehova?
7 Sa Kautusang Mosaiko, naglaan si Jehova ng tatlong paraan na sa pamamagitan niyaon ay maipakikita ng mga Israelita ang kanilang tunay na pagpapahalaga sa kaniyang kabutihan. Una, nariyan ang ikapu. Ang ikasampung bahagi ng ani ng lupain, pati na ang “ikasampung bahagi ng bakahan at ng kawan,” ay magiging “banal kay Jehova.” (Levitico 27:30-32) Nang sumunod ang mga Israelita, sila ay saganang pinagpala ni Jehova. “ ‘Dalhin ninyo sa kamalig ang lahat ng ikasampung bahagi, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay; at subukin ninyo ako sa bagay na ito, pakisuyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’ ”—Malakias 3:10.
8. Ano ang pagkakaiba ng boluntaryong mga handog sa ikapu?
8 Ikalawa, bukod pa sa kahilingan sa ikapu, isinaayos ni Jehova na gumawa ng boluntaryong mga kontribusyon ang mga Israelita. Inutusan niya si Moises na sabihin sa mga Israelita: “Pagpasok ninyo sa lupain na pagdadalhan ko sa inyo, mangyayari rin na kapag kinain ninyo ang alinmang tinapay mula sa lupain ay magbibigay kayo ng abuloy kay Jehova.” Ang ilan sa mga unang bunga ng kanilang “harinang magaspang bilang mga tinapay na hugis-singsing” ay ihaharap bilang Bilang 15:18-21) Ngunit kapag nagbigay ng abuloy ang mga Israelita bilang pasasalamat, tinitiyak sa kanila ang pagpapala ni Jehova. Isang kahawig na kaayusan ang makikita may kaugnayan sa templo sa pangitain ni Ezekiel. Mababasa natin: “Ang una sa lahat ng mga unang hinog na bunga sa lahat ng bagay at ang bawat abuloy sa lahat ng bagay mula sa lahat ng inyong mga abuloy—iyon ay magiging sa mga saserdote; at ang mga unang bunga ng inyong mga harinang magaspang ay ibibigay ninyo sa saserdote, upang mapasabahay mo ang isang pagpapala.”—Ezekiel 44:30.
“abuloy kay Jehova” sa lahat ng kanilang mga salinlahi. Pansinin na walang hiniling na espesipikong dami sa mga unang bungang ito. (9. Ano ang itinuro ni Jehova sa pamamagitan ng kaayusan sa paghihimalay?
9 Ikatlo, isinaayos ni Jehova ang kaugalian sa paghihimalay. “Kapag gagapasin ninyo ang ani ng inyong lupain,” ang tagubilin ng Diyos, “huwag mong gagapasin nang lubusan ang gilid ng iyong bukid, at ang himalay ng iyong ani ay huwag mong pupulutin. Gayundin, huwag mong pipitasin ang mga tira ng iyong ubasan, at huwag mong pupulutin ang nangalat na mga ubas ng iyong ubasan. Para sa napipighati at sa naninirahang dayuhan ay iiwan mo ang mga iyon. Ako ay si Jehova na inyong Diyos.” (Levitico 19:9, 10) Muli, walang hiniling na espesipikong dami. Nasa sa bawat Israelita ang pagpapasiya kung gaano karami ang iiwan para sa mga nangangailangan. Angkop na ipinaliwanag ng marunong na si Haring Solomon: “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.” (Kawikaan 19:17) Sa gayong paraan ay itinuro ni Jehova ang pagkahabag at konsiderasyon sa mga dukha.
10. Ano ang naging resulta para sa bayan ng Israel nang hindi nila ipakita na sila ay mapagpasalamat?
10 Pinagpala ni Jehova ang mga Israelita nang masunurin silang magbigay ng ikapu, ng boluntaryong mga kontribusyon, at maglaan para sa mga dukha. Ngunit nang hindi ipakita ng bayan ng Israel na sila ay mapagpasalamat, naiwala nila ang lingap ni Jehova. Umakay ito sa kapahamakan at nang dakong huli ay sa pagkatapon. (2 Cronica 36:17-21) Kung gayon, anu-ano ang mga aral para sa atin?
Ang mga Kapahayagan Natin ng Pasasalamat
11. Ano ang pangunahing paraan ng pagpapakita natin ng pasasalamat kay Jehova?
11 Ang pangunahing paraan ng pag-uukol natin ng papuri kay Jehova at pagpapahayag ng ating pasasalamat ay nagsasangkot din ng “handog.” Totoo na bilang mga Kristiyano, wala tayo sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, anupat hindi obligadong maghandog ng mga haing hayop o pananim. (Colosas 2:14) Gayunpaman, hinimok ni apostol Pablo ang mga Hebreong Kristiyano: “Lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Sa pamamagitan ng paggamit sa ating mga kakayahan at mga pag-aari upang maghandog ng hain ng papuri kay Jehova, sa pangmadlang ministeryo man o sa “nagkakatipong karamihan” ng mga kapuwa Kristiyano, makapagpapahayag tayo ng taos-pusong pasasalamat sa ating maibigin at makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova. (Awit 26:12) Sa paggawa nito, ano ang maaari nating matutuhan sa mga paraan ng pagpapahayag ng mga Israelita ng kanilang pasasalamat kay Jehova?
12. Kung tungkol sa ating pananagutang Kristiyano, ano ang maaari nating matutuhan mula sa kaayusan sa ikapu?
12 Una sa lahat, gaya ng natalakay na natin, ang kaayusan sa ikapu ay hindi opsyonal; ang bawat Israelita ay may obligasyon sa bagay na ito. Bilang mga Kristiyano, may pananagutan tayong makibahagi sa ministeryo at dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Hindi opsyonal ang mga gawaing ito. Sa kaniyang dakilang hula hinggil sa panahon ng kawakasan, tuwirang sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14; 28:19, 20) Tungkol sa mga Kristiyanong pagpupulong, kinasihang sumulat si apostol Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Ipinakikita natin ang ating pasasalamat kay Jehova kapag may-kagalakan nating tinatanggap ang ating pananagutan na mangaral at magturo at regular na makipagsamahan sa ating mga kapatid sa mga pulong ng kongregasyon, anupat itinuturing itong pribilehiyo at karangalan.
13. Anong aral ang makukuha mula sa mga kaayusan para sa boluntaryong mga kontribusyon at paghihimalay?
13 Karagdagan pa, maaari tayong makinabang mula sa pagsasaalang-alang sa dalawa pang kaayusan na sa pamamagitan nito ay maipakikita ng mga Israelita ang kanilang pagpapahalaga—boluntaryong mga kontribusyon at paghihimalay. Kung ihahambing sa ikapu, na isang kahilingan na may malinaw na nakatakdang pananagutan, ang boluntaryong mga kontribusyon at ang kaayusan sa paghihimalay ay hindi humihiling ng takdang dami. Sa halip, hinahayaan ng mga ito na ang lalim ng pagpapahalaga sa puso ng isang lingkod ni Jehova ang siyang mag-udyok sa kaniya upang kumilos. Sa katulad na paraan, bagaman nauunawaan natin na isang pangunahing pananagutan ng bawat lingkod ni Jehova ang pakikibahagi sa ministeryo at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, nakikibahagi ba tayo sa mga ito nang buong puso at bukal sa loob? Minamalas ba natin ang mga ito bilang pagkakataon upang ipahayag ang ating taos-pusong pagpapahalaga sa lahat ng ginagawa ni Jehova para sa atin? Lubusan ba tayong nakikibahagi sa mga gawaing ito, hanggang sa ipinahihintulot ng kalagayan ng bawat isa sa atin? O minamalas lamang natin ang lahat ng ito bilang obligasyon na dapat nating tuparin? Siyempre pa, ito ay mga tanong na dapat nating sagutin nang personal. Ganito ang pagkasabi rito ni apostol Pablo: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”—Galacia 6:4.
14. Ano ang inaasahan sa atin ni Jehova sa ating paglilingkod sa kaniya?
14 Alam na alam ng Diyos na Jehova ang ating mga kalagayan. Batid niya ang ating mga limitasyon. Pinahahalagahan niya ang kusang-loob na mga sakripisyo ng kaniyang mga lingkod, malaki man o maliit ang mga ito. Hindi niya inaasahan na pare-pareho ang dami ng ibibigay ng bawat isa sa atin, at hindi rin natin magagawa ito. Nang talakayin ang materyal na pagbibigay, sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong taga-Corinto: “Kung ang pagiging handa ay naroroon muna, ito ay lalo nang kaayaaya ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi taglay ng isang tao.” (2 Corinto 8:12) Ang simulaing ito ay kumakapit din sa ating paglilingkod sa Diyos. Nagiging kaayaaya ang ating paglilingkod kay Jehova hindi dahil sa dami ng ating ginagawa kundi dahil sa paraan ng paggawa natin dito—nang may kagalakan at buong puso.—Awit 100:1-5; Colosas 3:23.
Linangin at Panatilihin ang Espiritu ng Pagpapayunir
15, 16. (a) Ano ang kaugnayan ng ministeryo bilang payunir at ng pasasalamat? (b) Paano maipamamalas ng mga hindi makapagpayunir ang espiritu ng pagpapayunir?
15 Ang isang kapaki-pakinabang na paraan upang ipakita ang ating pasasalamat kay Jehova ay ang pagpasok sa buong-panahong ministeryo. Dahil naudyukan ng pag-ibig kay Jehova at ng utang na loob sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, maraming nakaalay na lingkod ang gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay upang magkaroon ng higit na panahon sa paglilingkod kay Jehova. Ang ilan ay nakapaglingkod bilang mga regular pioneer, anupat gumugugol ng aberids na 70 oras bawat buwan sa pangangaral ng mabuting balita at pagtuturo ng katotohanan sa mga tao. Ang iba naman, na nalilimitahan dahil sa iba’t ibang kalagayan, ay paminsan-minsang nagsasaayos na gumugol ng 50 oras sa isang buwan sa pangangaral bilang mga auxiliary pioneer.
16 Ngunit paano naman ang maraming lingkod ni Jehova na hindi makapaglingkod bilang mga regular o auxiliary pioneer? Maipakikita nila ang pasasalamat sa pamamagitan ng paglinang at pagpapanatili sa espiritu ng pagpapayunir. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapasigla sa mga makapagpapayunir, pagkikintal sa kanilang mga anak ng hangaring itaguyod ang karera ng buong-panahong paglilingkod, at masikap na pakikibahagi sa pangangaral ayon sa kanilang kalagayan. Ang ating ibinibigay sa ministeryo ay nakasalalay sa lalim ng pagpapahalaga ng ating puso sa ginawa, ginagawa, at gagawin pa ni Jehova para sa atin.
Pagpapakita ng Pasasalamat sa Pamamagitan ng Ating “Mahahalagang Pag-aari”
17, 18. (a) Paano natin maipakikita ang pasasalamat sa pamamagitan ng ating “mahahalagang pag-aari”? (b) Ano ang opinyon ni Jesus sa kontribusyon ng babaing balo, at bakit?
17 “Parangalan mo si Jehova ng iyong mahahalagang pag-aari,” ang sabi ng Kawikaan 3:9, “at ng mga unang bunga ng lahat ng iyong ani.” Hindi na kailangang magbigay ng ikapu ang mga lingkod ni Jehova. Sa halip, sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Corinto: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Corinto 9:7) Ang pagbibigay ng boluntaryong mga kontribusyon upang suportahan ang pandaigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian ay nagpapakita rin ng ating pasasalamat. Inuudyukan tayo ng taos-pusong pagpapahalaga na gawin ito nang regular, marahil ay nagtatabi ng isang halaga linggu-linggo, gaya ng ginawa ng sinaunang mga Kristiyano.—1 Corinto 16:1, 2.
18 Hindi ang halagang ating ibinibigay ang nagpapakita ng ating pagtanaw ng utang na loob kay Jehova. Sa halip, ito ay ang espiritu na nag-uudyok sa atin na magbigay. Ito ang nakita ni Jesus nang minamasdan niya ang mga taong naghuhulog ng kanilang mga kaloob sa mga kabang-yaman sa templo. Nang makita ni Jesus ang isang nagdarahop na babaing balo na naghulog ng “dalawang maliit na barya na napakaliit ng halaga,” sinabi niya: “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, Ang babaing balo na ito, bagaman dukha, ay naghulog ng higit kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat ang lahat ng mga ito ay naghulog ng mga kaloob mula sa kanilang labis, ngunit ang babaing ito mula sa kaniyang kakapusan ay naghulog ng lahat ng kabuhayang taglay niya.”—Lucas 21:1-4.
19. Bakit mabuti na muling suriin ang mga paraan ng pagpapakita natin ng ating utang na loob?
19 Nawa, ang repasong ito kung paano natin maipakikitang mapagpasalamat tayo ay mag-udyok sa atin na muling suriin ang mga paraan ng pagpapakita natin ng utang na loob. Mapasusulong pa kaya natin ang ating hain ng papuri kay Jehova gayundin ang ating suporta sa pandaigdig na gawain sa materyal na paraan? Gaano man ang ginagawa natin hinggil dito, makatitiyak tayo na lubos na malulugod ang ating bukas-palad at maibiging Ama, si Jehova, na ipinakikita nating tayo ay mapagpasalamat.
Naaalaala Mo Ba?
• Sa anong mga dahilan tayo dapat maging mapagpasalamat kay Jehova?
• Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa ikapu, boluntaryong mga kontribusyon, at paghihimalay?
• Paano natin nililinang ang espiritu ng pagpapayunir?
• Paano natin magagamit ang ating “mahahalagang pag-aari” upang pasalamatan si Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 15]
“Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas”
[Mga larawan sa pahina 16]
Anong tatlong aral mula sa Kautusan ang ipinakikita rito?
[Mga larawan sa pahina 18]
Anong mga sakripisyo ang maaari nating gawin?