Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Sila Nagsisimba

Kung Bakit Sila Nagsisimba

Kung Bakit Sila Nagsisimba

“ANG bilang ngayon ng mga Presbiteryano sa Republika ng Korea ay halos apat na ulit ng dami ng mga Presbiteryano sa Amerika.” Maaaring nagulat ang maraming mambabasa sa pahayag na iyan ng magasing Newsweek, yamang iniisip ng maraming tao ang Korea bilang isang lipunan ng mga Confuciano o mga Budista. Sa ngayon, masusumpungan doon ng isang dumadalaw ang maraming simbahang “Kristiyano,” na karaniwang makikilala sa pamamagitan ng mga krus na naiilawan ng pula. Kung Linggo, karaniwan nang makita ang mga taong naglalakad nang dala-dalawa o tatlu-tatlo at may hawak na mga Bibliya habang patungo sa simbahan. Ayon sa isang surbey noong 1998, halos 30 porsiyento ng mga Koreano ay kabilang sa simbahang Katoliko o Protestante, mas marami pa sa mga nag-aangking Budista.

Sa ngayon, hindi karaniwan na makita ang gayon karaming tao saanman na regular na nagsisimba. Subalit nangyayari ito hindi lamang sa Korea kundi maging sa iba pang mga bansa sa Asia, gayundin sa Aprika at Latin Amerika. Bakit napakarami pa ring tao ang nag-aangking naniniwala sa Diyos gayong waring napakalaganap ng kawalang-interes at pagwawalang-bahala sa relihiyon? Bakit sila nagsisimba?

Isiniwalat ng isang Gallup surbey na mahigit sa kalahati ng mga nagsisimba sa Korea ang naghahanap ng kapayapaan ng isip; mga sangkatlo ang umaasa ng buhay na walang hanggan pagkamatay nila; at 1 sa 10 ang naghahangad ng kalusugan, kayamanan, at tagumpay.

Maraming tao sa Tsina ang dumaragsa sa mga simbahan sa pag-asang makasumpong ng isang bagay na makatutugon sa espirituwal na kahungkagan na naging resulta ng unti-unting paghalili ng kapitalistang mga ambisyon sa ideolohiyang Komunista. Taun-taon, milyun-milyong kopya ng Bibliya ang iniimprenta at ipinamamahagi sa Tsina, at waring gustung-gusto ng mga taong basahin ito na gaya ng pagbasa nila sa maliit na pulang aklat ni Mao Tse-Tung.

Hindi naman kontento ang ilang Katoliko sa Brazil, lalo na ang nakababatang henerasyon, sa pangakong kaligayahan sa buhay sa hinaharap​—gusto nila ng kaligayahan sa buhay ngayon. Ganito ang sabi ng magasing pambalita na Tudo: “Kung ang teolohiya ukol sa kalayaan (liberation theology) ang nagpakilos sa puso at isipan noong dekada ’70, ang teolohiya ukol sa kasaganaan (theology of prosperity) naman ang nagpapakilos sa ngayon.” Hiniling ng isang surbey sa Britanya sa mga nagsisimba roon na banggitin ang isang bagay na nagugustuhan nila sa kanilang simbahan. Binanggit ng karamihan sa kanila ang pagsasamahan.

Ang lahat ng ito ay nagpapakita na bagaman marami-raming tao pa rin ang naniniwala sa Diyos, ang karamihan ay higit na nababahala sa makukuha nila sa kasalukuyan kaysa sa matatamo nila sa hinaharap​—o maging ang tungkol sa Diyos mismo. Ano sa palagay mo ang tamang dahilan upang maniwala sa Diyos? Ano ang sinasabi ng Bibliya sa bagay na ito? Masusumpungan mo ang kasagutan sa susunod na artikulo.