Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pamilya ni Jesus—Sinu-sino Sila?

Ang Pamilya ni Jesus—Sinu-sino Sila?

Ang Pamilya ni Jesus​—Sinu-sino Sila?

SA MARAMING bahagi ng daigdig, madalas mong makita kung Disyembre ang Belén na kinaroroonan ng sanggol na si Jesus sa magiliw na pangangalaga ng kaniyang ina, si Maria, at ng kaniyang ama-amahan, si Jose. Maaaring makaakit ang Belén kahit na sa mga hindi nag-aangking Kristiyano. Yamang ang pangunahing tauhan ay si Jesus, ano ba ang sinasabi sa atin ng Kasulatan tungkol sa pamilya ni Jesus sa lupa?

Kawili-wili ang pinagmulang pamilya ni Jesus. Ipinanganak siya ng isang birheng nagngangalang Maria, sa gayo’y naging isang miyembro ng pamilya sa lupa. Ayon sa Bibliya, ang kaniyang buhay ay inilipat mula sa langit tungo sa bahay-bata ni Maria sa pamamagitan ng banal na espiritu. (Lucas 1:30-35) Bago ipabatid ang makahimalang paglilihi kay Jesus, si Maria ay ipinakipagtipan na sa isang lalaking nagngangalang Jose, na magiging ama-amahan ni Jesus.

Pagkasilang ni Jesus, nagkaroon ng iba pang mga anak sina Jose at Maria, mga kapatid ni Jesus sa ina. Maliwanag iyan mula sa itinanong nang maglaon tungkol kay Jesus ng mga tumatahan sa Nazaret: “Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kaniyang ina ay tinatawag na Maria, at ang kaniyang mga kapatid na lalaki ay sina Santiago at Jose at Simon at Hudas? At ang kaniyang mga kapatid na babae, hindi ba kasama natin silang lahat?” (Mateo 1:25; 13:55, 56; Marcos 6:3) Mahihinuha natin mula rito na ang pamilya ni Jesus ay binubuo ng kaniyang mga magulang, apat na kapatid na lalaki, at di-kukulangin sa dalawang kapatid na babae.

Gayunman, hindi naniniwala ang ilan sa ngayon na ang mga kapatid na lalaki at babae ni Jesus ay mga anak nina Jose at Maria. Bakit? “Itinuro ng Simbahan,” ang sabi ng New Catholic Encyclopedia, “mula noong sinaunang panahon na si Maria ay nanatiling birhen. Dahil dito, kung gayon, walang alinlangan na hindi nagkaroon ng ibang mga anak si Maria.” Sinasabi ng reperensiyang aklat ding ito na ang mga salitang “kapatid na lalaki” at “kapatid na babae” ay maaaring tumukoy sa “isang tao o mga tao na kaisa sa isang relihiyoso o iba pang kahawig na buklod” o sa mga kamag-anak, marahil mga pinsan.

Gayon nga ba? Itinataguyod kahit ng ilang teologong Katoliko, na tumututol sa tradisyonal na doktrina, ang pangmalas na may mga kapatid na lalaki at babae sa laman si Jesus. Si John P. Meier, dating presidente ng Catholic Bible Association of America, ay sumulat: “Sa B[agong] T[ipan] ang adelphos [salitang Griego na isinasaling “kapatid na lalaki”], kapag ginamit hindi sa makasagisag na paraan kundi upang ipakita ang pisikal o legal na kaugnayan, ay nangangahulugan lamang na tunay na kapatid o kapatid sa ama o sa ina, at wala nang iba pa.” * Oo, ipinakikita ng Kasulatan na si Jesus ay may mga kapatid na lalaki at babae na isinilang kina Jose at Maria.

Binabanggit ng Ebanghelyo ang iba pang mga kamag-anak ni Jesus, subalit pagtuunan natin ngayon ng pansin ang pamilya ni Jesus at tingnan natin kung ano ang matututuhan natin mula sa kanila.

[Talababa]

^ par. 6 “The Brothers and Sisters of Jesus in Ecumenical Perspective,” ni J. P. Meier, The Catholic Biblical Quarterly, Enero 1992, pahina 21.