Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hinanap Nila ang Masikip na Daan

Hinanap Nila ang Masikip na Daan

Hinanap Nila ang Masikip na Daan

HALOS 550 taon na ang nakalilipas, umalis sa kanilang mga tahanan ang maliliit na grupo ng mga nag-aangking Kristiyano na naninirahan sa Prague, Chelčice, Vilémov, Klatovy, at sa iba pang lunsod na tinatawag ngayong Czech Republic. Nanirahan sila malapit sa nayon ng Kunwald, sa isang libis sa hilagang-silangang Bohemia, kung saan sila nagtayo ng mga dampa, nagbungkal ng lupain, nagbasa ng kanilang mga Bibliya, at nagpangalan sa kanilang sarili ng Unity of Brethren (Pagkakaisa ng Magkakapatid), o Unitas Fratrum sa Latin.

Kabilang sa mga nanirahan doon ang mga taong may iba’t ibang pinagmulan. Sila ay mga magsasaka, taong mahal, estudyante sa unibersidad, mayaman at mahirap, lalaki at babae, babaing balo at ulila, na pawang may iisang hangarin. “Nanalangin kami sa Diyos Mismo,” ang isinulat nila, “at nagsumamo sa Kaniya na isiwalat sa amin ang Kaniyang dakilang kalooban sa lahat ng bagay. Nais naming lumakad sa Kaniyang mga daan.” Sa katunayan, hinanap ng Unity of Brethren na ito, o ng Czech Brethren, na siyang itinawag nang maglaon sa komunidad na ito ng mga mananampalataya, ang ‘masikip na daan na umaakay patungo sa buhay.’ (Mateo 7:13, 14) Anong mga katotohanan sa Bibliya ang isiniwalat ng kanilang pagsasaliksik? Paano naiiba ang kanilang mga paniniwala sa mga pinaniniwalaan nang panahong iyon, at ano ang matututuhan natin sa kanila?

Walang Karahasan​—Walang Kompromiso

May ilang relihiyosong kilusan noong kalagitnaan ng ika-15 siglo na nakaimpluwensiya sa pagkakatatag ng Unity of Brethren. Isa na rito ang mga Waldenses, isang kilusan na mula pa noong ika-12 siglo. Sa simula, ang mga Waldenses ay kumalas sa Romanong Katolisismo, ang relihiyon ng Estado sa Gitnang Europa. Gayunman, nang maglaon ay nagbalik sila nang bahagya sa mga turong Katoliko. Ang isa pang maimpluwensiyang grupo ay ang mga Hussite, ang mga tagasunod ni Jan Hus. Kumakatawan sila sa relihiyon ng nakararami sa populasyon ng Czechoslovakia, ngunit talagang hindi sila nagkakaisa. Ang isang pangkat ay nakipaglaban ukol sa mga usapin sa lipunan, samantalang ginamit naman ng isa pa ang relihiyon upang isulong ang mga layunin sa pulitika. Ang mga Brethren ay naimpluwensiyahan din ng mga grupong naniniwala sa Milenyo gayundin ng lokal at banyagang mga iskolar sa Bibliya.

Si Peter Chelčický (c. 1390-c. 1460), isang Czech na iskolar sa Bibliya at repormador, ay pamilyar sa mga turo ng mga Waldenses at ng mga Hussite. Tinanggihan niya ang mga Hussite dahil naging marahas ang kilusan ng mga ito, at inayawan niya ang mga Waldenses dahil nakikipagkompromiso ang mga ito. Tinuligsa niya ang digmaan bilang di-makakristiyano. Para sa kaniya, “ang kautusan ng Kristo” ay dapat umugit sa isang Kristiyano, anuman ang maaaring maging bunga nito. (Galacia 6:2; Mateo 22:37-39) Noong 1440, isinulat ni Chelčický ang kaniyang mga turo sa aklat na Net of the Faith.

Si Gregory ng Prague, isang nakababatang kapanahon ng iskolar na si Chelčický, ay lubhang naimpluwensiyahan ng mga turo ni Chelčický anupat kumalas siya sa kilusang Hussite. Noong 1458, hinikayat ni Gregory ang maliliit na grupo ng dating mga Hussite na iwanan ang kanilang mga tahanan sa iba’t ibang bahagi ng Czechia. Sila ay kabilang sa mga sumunod sa kaniya sa nayon ng Kunwald, kung saan sila nagtatag ng isang bagong relihiyosong komunidad. Nang maglaon, may mga grupo ng mga Waldenses na Czech at Aleman na sumali sa kanila roon.

Pagbabalik-Tanaw sa Nakalipas

Mula 1464 hanggang 1467, ang baguhan ngunit lumalagong grupong ito ay nagdaos ng ilang sinodo sa rehiyon ng Kunwald at tumanggap ng ilang resolusyon na nagpaliwanag kung ano ang kanilang bagong relihiyosong kilusan. Ang lahat ng mga resolusyon ay maingat na iniulat sa isang serye ng mga aklat, na kilala ngayon bilang Acta Unitatis Fratrum (Mga Gawa ng Unity of Brethren), na umiiral pa rin. Ang Acta ay nagsilbing isang instrumento sa pagbabalik-tanaw sa nakalipas, anupat naglalaan ng malinaw na paglalarawan sa paniniwala ng mga Brethren. Ang mga aklat ay naglalaman ng mga liham, isinulat na mga pahayag, at maging ng mga detalye ng kanilang mga pagtatalo.

Hinggil sa mga paniniwala ng mga Brethren, sinasabi ng Acta: “Ipinasiya naming itatag ang aming pangasiwaan sa pamamagitan ng Pagbabasa lamang at pagbubulay-bulay sa mga halimbawa ng ating Panginoon at ng banal na mga apostol, kapakumbabaan at mahabang-pagtitiis, pag-ibig sa aming mga kaaway, paggawa at paghahangad ng mabuti para sa kanila, at pananalangin para sa kanila.” Ipinakikita rin ng mga nakasulat na sa simula ay nangaral ang mga Brethren. Naglakbay sila nang dala-dalawa, at ang mga babae ay napatunayang naging matagumpay na mga misyonera sa kanilang lugar. Ang mga Brethren ay umiwas sa tungkulin sa pulitika, hindi nanumpa, hindi nakisangkot sa gawaing militar, at hindi nagdala ng mga sandata.

Mula sa Pagkakaisa Tungo sa Di-pagkakaisa

Subalit pagkalipas ng ilang dekada, hindi na naipamalas ng Unity of Brethren ang kahulugan ng kanilang pangalan. Ang mga pagtatalo hinggil sa kung gaano kaliteral dapat isagawa ang kanilang mga paniniwala ay humantong sa pagkakabaha-bahagi. Noong 1494, nahati ang Brethren sa dalawang grupo​—ang mga partido ng Mayorya at Minorya. Bagaman binantuan ng Partido ng Mayorya ang orihinal na mga paniniwala nito, ipinangaral naman ng Partido ng Minorya na dapat manatiling matatag ang mga Brethren sa kanilang paninindigan laban sa pulitika at sa sanlibutan.​—Tingnan ang kahon na “Ano ang Nangyari sa Partido ng Mayorya?”

Halimbawa, isang miyembro ng Partido ng Minorya ang sumulat: “Ang mga taong lumalakad sa dalawang daan ay may kakaunting garantiya na mananatili sila sa Diyos, yamang bihira at sa maliliit na bagay lamang sila handang maghandog ng kanilang sarili at magpasakop sa Kaniya, samantalang sa malalaking bagay ay ginagawa nila ang gusto nila. . . . Ang mga may matatag na isipan at mabuting budhi​—na araw-araw ay sumusunod sa Panginoong si Kristo sa masikip na daan dala ang kanilang mga krus​—ang gustung-gusto naming makasama.”

Sa pangmalas ng mga miyembro ng Partido ng Minorya, ang banal na espiritu ay aktibong puwersa ng Diyos, ang kaniyang “daliri.” Ang kanilang pagkaunawa sa pantubos ni Jesus ay na ibinayad ng sakdal na taong si Jesus ang kaniyang buhay bilang tao para sa naiwala ng makasalanang si Adan. Hindi nila sinasamba si Maria, ang ina ni Jesus. Isinauli nila ang doktrina ng pagkasaserdote ng lahat ng mananampalataya na walang panata ng di-pag-aasawa. Pinasigla nila ang pangangaral sa madla ng lahat ng mga miyembro ng kongregasyon at itiniwalag ang di-nagsisising mga makasalanan. Mahigpit silang humihiwalay sa militar at pulitikal na mga gawain. (Tingnan ang kahong “Kung Ano ang Pinaniniwalaan ng mga Brethren na Kabilang sa Partido ng Minorya.”) Yamang ang Partido ng Minorya ay mahigpit na nanghawakan sa mga resolusyon sa Acta, itinuring nito ang sarili bilang ang tunay na tagapagmana ng orihinal na Unity of Brethren.

Pagkatahasan at Pag-uusig

Tahasang tinuligsa ng Partido ng Minorya ang ibang mga relihiyon, pati na ang Partido ng Mayorya. “Itinuturo ninyo na bautismuhan ang mumunting mga bata na walang sariling pananampalataya,” ang isinulat nila tungkol sa gayong mga relihiyon, “at sa bagay na ito ay sinusunod ninyo ang itinatag ng isang obispo na tinatawag na Dionysius, na nagbigay-diin sa pagbabautismo ng mga sanggol dahil sa panunulsol ng ilang di-marunong na mga tao . . . Gayundin ang pinaniniwalaan ng halos lahat ng mga guro at tanyag ng mga teologo, sina Luther, Melanchthon, Bucerus, Korvín, Jileš, Bullinger, . . . ng Partido ng Mayorya, na pawang nagsasama-sama.”

Hindi kataka-taka, inusig ang Partido ng Minorya. Noong 1524, ang isa sa mga lider nito, si Jan Kalenec, ay pinagpapalo at pinaso. Nang maglaon, tatlong miyembro ng Partido ng Minorya ang sinunog sa tulos. Ang Partido ng Minorya ay waring naglaho na noong mga 1550, pagkamatay ng kanilang huling lider.

Magkagayunman, ang mga mananampalataya ng Partido ng Minorya ay nakaimpluwensiya sa situwasyon ng relihiyon sa Europa noong Edad Medya. Totoo, yamang “ang tunay na kaalaman” ay hindi pa sumagana noong panahon ng Partido ng Minorya, hindi sila nagtagumpay sa pagpawi sa napakatagal nang espirituwal na kadiliman. (Daniel 12:4) Gayunman, ang kanilang masidhing hangarin na hanapin ang masikip na daan at tahakin ito sa kabila ng pag-uusig ay isang bagay na nararapat pansinin ng mga Kristiyano sa ngayon.

[Blurb sa pahina 13]

Ang 50 sa 60 aklat na Bohemian (Czech) na inilimbag noong 1500 hanggang 1510 ay sinasabing mula sa mga miyembro ng Unity of Brethren

[Kahon sa pahina 11]

Ano ang Nangyari sa Partido ng Mayorya?

Ano ang kinahinatnan ng Partido ng Mayorya? Pagkaraang maglaho sa kasaysayan ang Partido ng Minorya, ang Partido ng Mayorya ay nagpatuloy bilang isang relihiyosong kilusan, na kilala pa rin noon bilang Unity of Brethren. Nang maglaon, binago ng grupong ito ang kanilang orihinal na mga paniniwala. Sa katapusan ng ika-16 na siglo, ang Unity of Brethren ay bumuo ng isang kompederasyon kasama ng mga Czech Utraquist, * na pangunahin nang Luterano. Gayunman, nanatiling aktibo ang mga Brethren sa pagsasalin at paglalathala ng Bibliya gayundin ng iba pang relihiyosong mga aklat. Kapansin-pansin, nakasulat sa mga pahinang pantitulo ng kanilang sinaunang mga publikasyon ang Tetragrammaton, na kilalá bilang ang apat na titik Hebreo ng personal na pangalan ng Diyos.

Noong 1620, puwersahang ipinasakop muli sa Romano Katoliko ang kaharian ng Czechoslovakia. Dahil dito, maraming Brethren ng Partido ng Mayorya ang umalis sa bansa at nagpatuloy sa kanilang mga gawain sa ibang bansa. Doon, ang grupo ay nakilala nang maglaon bilang Simbahang Moravian (ang Moravia ay isang bahagi ng mga lupain ng Czechoslovakia), na umiiral pa rin.

[Talababa]

^ par. 23 Mula sa salitang Latin na utraque, na nangangahulugang “bawat isa sa dalawa.” Di-tulad ng mga paring Romano Katoliko, na nagkakait ng alak sa mga lego sa panahon ng Sagradong Komunyon, ang mga Utraquist (iba’t ibang grupo ng mga Hussite) ay nagbibigay ng tinapay at alak sa mga lego.

[Kahon sa pahina 12]

Kung Ano ang Pinaniniwalaan ng mga Brethren na Kabilang sa Partido ng Minorya

Ipinakikita ng sumusunod na mga pagsipi mula sa ika-15 at ika-16 na siglong Acta Unitatis Fratrum ang ilang paniniwala ng Partido ng Minorya. Ang mga pangungusap na ito, na isinulat ng mga lider ng Partido ng Minorya, ay pangunahin nang ipinatutungkol sa Partido ng Mayorya.

Trinidad: “Kung pahapyaw mong babasahin ang buong Bibliya, hindi mo masusumpungan na nababahagi ang Diyos sa isang uri ng Trinidad, tatlong persona na may kani-kaniyang pangalan, gaya ng kinatha ng mga tao sa kanilang mga guniguni.”

Banal na espiritu: “Ang banal na espiritu ay daliri ng Diyos at isang kaloob ng Diyos, o isang mang-aaliw, o Kapangyarihan ng Diyos, na ibinibigay ng Ama sa mga mananampalataya salig sa mga karapatan ni Kristo. Hindi natin masusumpungan sa Banal na Kasulatan na dapat tawaging isang Diyos o isang Persona ang banal na espiritu; ni ipinakikita man ito ng mga turo ng mga apostol.”

Pagkapari: “May-kamalian nilang ibinibigay sa inyo ang titulong “pari [o saserdote]”; kung aalisin ninyo ang inyong tonsura at pamahid, wala kayong kaibahan sa pinakakaraniwang tao. Tinatawag ni San Pedro na saserdote ang lahat ng Kristiyano, na sinasabi: Kayo ang banal na mga saserdote na naghahandog ng espirituwal na mga hain. (1 Pedro 2)”

Bautismo: “Sinabi ng Panginoong si Kristo sa kaniyang mga apostol: Humayo kayo sa buong daigdig, ipangaral ang Ebanghelyo sa lahat ng nilalang, sa mga maniniwala. (Marcos, kabanata 16) At tanging pagkatapos tuparin ang mga salitang ito: at mabautismuhan, saka sila maliligtas. At itinuturo ninyo na bautismuhan ang mumunting mga bata na wala pang sariling pananampalataya.”

Neutralidad: “Ang itinuturing na masama at marumi ng inyong sinaunang mga kapatid, ang pagsama sa hukbo at pagpatay o ang paglakad sa mismong mga lansangan nang may dalang mga sandata, ay pawang itinuturing ninyong mabuti . . . Kaya ipinalalagay namin na kayo, pati na ang iba pang mga guro, ay may bahagyang pagkaunawa lamang sa makahulang mga salita na nagsasabi: Sa gayon ay binali niya ang kapangyarihan ng busog, ng mga kalasag at ng tabak at ng digmaan. (Awit 75) At muli: Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok, sapagkat ang lupa ng Panginoon ay mapupuno ng kaalaman ng Diyos, at mga iba pa. (Isaias, kabanata 11).”

Pangangaral: “Alam na alam nating lahat na, sa simula, ang mga babae ay nakaakay ng mas maraming tao sa pagsisisi kaysa sa lahat ng mga pari at isang obispo. At ngayon ay namalagi na lamang ang mga pari sa kanilang mga dako at sa mga kumbentong inilaan sa kanila. Kaylaking pagkakamali! Humayo kayo sa buong daigdig. Mangaral . . . sa lahat ng nilalang.”

[Mga mapa sa pahina 10]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ALEMANYA

POLAND

CZECH REPUBLIC

BOHEMIA

Ilog Elbe

PRAGUE

Ilog Vltava

Klatovy

Chelčice

Kunwald

Vilémov

MORAVIA

Ilog Danube

[Mga larawan sa pahina 10, 11]

Kaliwa: Si Peter Chelčický; ibaba: pahina mula sa “Net of the Faith”

[Larawan sa pahina 11]

Si Gregory ng Prague

[Picture Credit Line sa pahina 13]

Lahat ng larawan: S laskavým svolením knihovny Národního muzea v Praze, C̆esko