Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Handa Ka Para sa Araw ni Jehova

Maging Handa Ka Para sa Araw ni Jehova

Maging Handa Ka Para sa Araw ni Jehova

“Maging handa . . . kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.”​—MATEO 24:44.

1. Bakit tayo dapat mabahala hinggil sa araw ni Jehova?

MAGIGING araw iyon ng pagbabaka at poot, ng panggigipuspos at kabagabagan, ng kadiliman at pagkatiwangwang. Tiyak na darating sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay ang “dakila at kakila-kilabot na araw” ni Jehova, kung paanong nilunod ng Baha ang balakyot na sanlibutan noong araw ni Noe. Hindi ito matatakasan. Gayunman, “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas.” (Joel 2:30-​32; Amos 5:18-​20) Pupuksain ng Diyos ang mga kaaway niya at ililigtas ang kaniyang bayan. Palibhasa’y nadarama ang pagkaapurahan, ipinahayag ni propeta Zefanias: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” (Zefanias 1:14) Ngunit kailan isasagawa ang hatol na ito ng Diyos?

2, 3. Bakit napakahalagang ihanda natin ang ating mga sarili para sa araw ni Jehova?

2 “May kinalaman sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 24:36) Yamang hindi natin alam ang eksaktong oras, mahalagang makinig tayo sa mga salita ng ating taunang teksto para sa 2004: “Patuloy kayong magbantay . . . Maging handa.”​—Mateo 24:42, 44.

3 Bilang pahiwatig kung gaano kabiglaan titipunin ang mga nakahanda upang mailigtas samantalang ang iba naman ay iiwan, sinabi ni Jesus: “Dalawang lalaki ang mapapasabukid: ang isa ay kukunin at ang isa naman ay iiwan; dalawang babae ang maggigiling sa gilingang pangkamay: ang isa ay kukunin at ang isa naman ay iiwan.” (Mateo 24:40, 41) Sa napakahalagang panahong iyon, ano kaya ang magiging personal na kalagayan natin? Magiging handa kaya tayo, o magugulat na lamang tayo sa araw na iyon? Malaki ang nakasalalay sa mga hakbang na ginagawa natin ngayon. Upang maging handa tayo para sa araw ni Jehova, kailangan nating iwasan ang isang saloobin na laganap sa ngayon, labanan ang pagkasadlak sa isang partikular na espirituwal na kalagayan, at iwasan ang ilang istilo ng pamumuhay.

Iwasan ang Kampanteng Saloobin

4. Ano ang saloobin ng mga tao noong araw ni Noe?

4 Isaalang-alang ang mga araw ni Noe. “Sa pananampalataya si Noe, pagkatapos mabigyan ng babala mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan,” ang sabi ng Bibliya. (Hebreo 11:7) Di-pangkaraniwan at kapansin-pansin ang arka. Karagdagan pa, “isang mangangaral ng katuwiran” si Noe. (2 Pedro 2:5) Hindi napakilos ng proyekto ng pagtatayo ni Noe o ng kaniyang pangangaral ang mga tao noong araw niya. Bakit? Sapagkat sila ay “kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa.” Abalang-abala ang mga pinangangaralan ni Noe sa kanilang personal na mga gawain at kaluguran anupat “hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”​—Mateo 24:38, 39.

5. Ano ang pananaw ng mga naninirahan sa Sodoma noong araw ni Lot?

5 Katulad din iyon ng mga araw ni Lot. Sinasabi sa atin ng Kasulatan: “Sila ay kumakain, sila ay umiinom, sila ay bumibili, sila ay nagtitinda, sila ay nagtatanim, sila ay nagtatayo. Ngunit nang araw na lumabas si Lot mula sa Sodoma ay umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat.” (Lucas 17:28, 29) Pagkatapos babalaan ng mga anghel si Lot hinggil sa napipintong pagpuksa, kinausap niya ang kaniyang mga manugang tungkol sa mangyayari. Gayunman, sa paningin nila, “waring tulad siya ng isang tao na nagbibiro.”​—Genesis 19:14.

6. Anong saloobin ang kailangan nating iwasan?

6 Kung paano ang mga araw nina Noe at Lot, “magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 24:39; Lucas 17:30) Sa katunayan, ang laganap na saloobin ng marami sa ngayon ay ang pagiging kampante. Dapat tayong maging mapagbantay upang hindi maimpluwensiyahan ng gayong pananaw. Wala namang masama sa katamtamang pagtatamasa ng masasarap na pagkain at inumin. Sa katulad na paraan, kaayusan ng Diyos ang pag-aasawa. Gayunman, kung ang gayong mga bagay ay nagiging pinakamahalaga sa ating buhay at naisasaisantabi na ang espirituwal na mga kapakanan, personal ba tayong handa para sa kakila-kilabot na araw ni Jehova?

7. Anong mahalagang tanong ang dapat nating ibangon bago simulan ang anumang gawain, at bakit?

7 “Ang panahong natitira ay maikli na,” ang sabi ni apostol Pablo. “Mula ngayon yaong mga may asawang babae ay maging tulad sa wala.” (1 Corinto 7:29-31) Limitadong panahon na lamang ang natitira para tapusin natin ang ating bigay-Diyos na gawaing pangangaral ng Kaharian. (Mateo 24:14) Pinayuhan ni Pablo maging yaong mga may asawa na huwag lubusang magbuhos ng pansin sa kanilang kabiyak anupat ginagawang pangalawahin na lamang sa kanilang buhay ang mga kapakanan ng Kaharian. Maliwanag, ang inirekomenda ni Pablo na hilig ng isipan ay ang kabaligtaran ng pagiging kampante. Sinabi ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang . . . katuwiran [ng Diyos].” (Mateo 6:33) Kapag nagpapasiya o bago simulan ang anumang gawain, ang mahalagang tanong na dapat ibangon ay, ‘Paano ito makaaapekto sa pananatiling una ng mga kapakanan ng Kaharian sa buhay ko?’

8. Kung pangunahin na sa atin ang pang-araw-araw na mga gawain sa buhay, ano ang dapat nating gawin?

8 Paano kung matanto nating abalang-abala na pala tayo sa pang-araw-araw na mga gawain sa buhay anupat naisasaisantabi na natin ang espirituwal na mga kapakanan? Maliit na lamang ba ang pagkakaiba ng paraan ng pamumuhay natin at ng ating mga kapitbahay na wala namang tumpak na kaalaman sa Kasulatan at hindi mga tagapaghayag ng Kaharian? Kung gayon na nga, kailangan nating ipanalangin ang bagay na ito. Matutulungan tayo ni Jehova na magkaroon ng tamang pangkaisipang saloobin. (Roma 15:5; Filipos 3:15) Matutulungan niya tayong unahin ang mga kapakanan ng Kaharian, gawin ang tama, at tuparin ang ating obligasyon sa kaniya.​—Roma 12:2; 2 Corinto 13:7.

Labanan ang Espirituwal na Pag-aantok

9. Ayon sa Apocalipsis 16:14-16, bakit mahalagang labanan ang espirituwal na pag-aantok?

9 Nagbababala ang mismong hula na bumabanggit sa darating na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Armagedon na baka hindi manatiling gising ang ilan. “Narito! Ako ay dumarating na gaya ng isang magnanakaw,” ang sabi ng Panginoong Jesu-Kristo. “Maligaya ang nananatiling gising at nag-iingat ng kaniyang mga panlabas na kasuutan, upang hindi siya maglakad nang hubad at makita ng mga tao ang kaniyang kahihiyan.” (Apocalipsis 16:14-16) Ang mga panlabas na kasuutan na binabanggit dito ay tumutukoy sa ating pagkakakilanlan bilang Kristiyanong mga Saksi ni Jehova. Kasama rito ang gawain natin bilang mga tagapaghayag ng Kaharian at ang ating Kristiyanong paggawi. Kung mahulog tayo sa kalagayang walang ginagawa at tila natutulog, baka hubaran tayo ng ating Kristiyanong pagkakakilanlan. Nakahihiya at mapanganib iyon. Dapat nating labanan ang pagkasadlak sa kalagayan ng espirituwal na pag-aantok o pananamlay. Paano natin malalabanan ang gayong hilig?

10. Bakit nakatutulong ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya upang manatili tayong alisto sa espirituwal?

10 Paulit-ulit na idiniriin ng Bibliya ang pangangailangang manatiling gising at panatilihin ang ating katinuan. Bilang halimbawa, ipinaaalaala sa atin ng mga ulat sa Ebanghelyo: “Patuloy kayong magbantay” (Mateo 24:42; 25:13; Marcos 13:35, 37); “maging handa . . . kayo” (Mateo 24:44); “manatili kayong mapagmasid, manatiling gising” (Marcos 13:33); “manatiling handa” (Lucas 12:40). Pagkatapos sabihin na darating nang di-inaasahan sa sanlibutang ito ang araw ni Jehova, hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya: “Huwag na tayong matulog pa gaya ng ginagawa ng iba, kundi manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.” (1 Tesalonica 5:6) Sa huling aklat ng Bibliya, idiniin ng niluwalhating si Kristo Jesus ang pagiging biglaan ng kaniyang pagdating, sa pagsasabing: “Ako ay dumarating nang madali.” (Apocalipsis 3:11; 22:7, 12, 20) Marami sa mga propetang Hebreo ang naglarawan at nagbabala rin hinggil sa dakilang araw ng paghatol ni Jehova. (Isaias 2:12, 17; Jeremias 30:7; Joel 2:11; Zefanias 3:8) Isang mainam na tulong sa pananatiling alisto sa espirituwal ang araw-araw na pagbabasa ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at pagbubulay-bulay sa ating binabasa.

11. Bakit mahalaga ang personal na pag-aaral ng Bibliya sa pagiging gising sa espirituwal?

11 Oo, tunay ngang pampasigla sa pagiging gising natin sa espirituwal ang masikap na personal na pag-aaral ng Kasulatan na ginagamit ang mga publikasyong salig sa Bibliya na inilalaan ng “tapat at maingat na alipin”! (Mateo 24:45-47) Gayunman, upang maging kapaki-pakinabang ang personal na pag-aaral, dapat na masulong at regular ito. (Hebreo 5:14–​6:3) Dapat tayong regular na kumain ng matigas na espirituwal na pagkain. Maaaring isang hamon sa ngayon ang paghahanap ng panahon para rito. (Efeso 5:15, 16) Magkagayunman, ang pagbabasa ng Bibliya at maka-Kasulatang mga publikasyon kapag kumbinyente lamang ay hindi sapat. Mahalaga ang regular na personal na pag-aaral upang manatili tayong “malusog sa pananampalataya” at gising.​—Tito 1:13.

12. Paano nakatutulong ang Kristiyanong mga pagpupulong, asamblea, at kombensiyon upang malabanan natin ang espirituwal na pag-aantok?

12 Tumutulong din sa atin ang Kristiyanong mga pagpupulong, asamblea, at kombensiyon upang malabanan ang espirituwal na pag-aantok. Paano? Sa pamamagitan ng natatanggap nating mga tagubilin. Sa mga pagtitipong ito, hindi ba tayo regular na napaaalalahanan hinggil sa pagiging malapit ng araw ni Jehova? Nagbibigay rin ng mga pagkakataong ‘mag-udyukan sa isa’t isa sa pag-ibig at maiinam na gawa’ ang lingguhang Kristiyanong mga pagpupulong. Ang gayong pag-uudyukan, o paggaganyakan, ay nakatutulong sa pagiging gising sa espirituwal. Kaya naman, hindi nakapagtataka na inuutusan tayong regular na magtipon samantalang ating “nakikita na papalapit na ang araw.”​—Hebreo 10:24, 25.

13. Paano tumutulong ang ministeryong Kristiyano upang manatili tayong gising sa espirituwal?

13 Natutulungan din tayong manatiling gising kapag buong-puso tayong nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Ano pa nga bang paraan ang mas mainam upang mapanatiling sariwa sa isipan ang mga tanda ng mga panahon at ang kahulugan ng mga ito kundi ang ipakipag-usap ang mga ito sa iba? At kapag nakikita nating sumusulong ang ating mga inaaralan sa Bibliya at nagsisimulang kumilos ayon sa kanilang natututuhan, tumitindi ang mismong pagkadama natin ng pagkaapurahan. “Bigkisan ninyo ang inyong mga pag-iisip ukol sa gawain,” ang sabi ni apostol Pedro, “panatilihing lubos ang inyong katinuan.” (1 Pedro 1:13) Isang mainam na lunas sa espirituwal na pagwawalang-bahala ang pagiging “laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.”​—1 Corinto 15:58.

Iwasan ang mga Istilo ng Pamumuhay na Nakapipinsala sa Espirituwal

14. Gaya ng inilarawan sa Lucas 21:34-36, laban sa anong mga istilo ng pamumuhay nagbababala si Jesus?

14 Sa dakilang hula niya hinggil sa tanda ng kaniyang pagkanaririto, nagbigay si Jesus ng isa pang babala. Sinabi niya: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat ng mga nananahanan sa ibabaw ng buong lupa. Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.” (Lucas 21:34-36) Tumpak na inilarawan ni Jesus ang mga istilo ng pamumuhay na itinataguyod ng mga tao sa pangkalahatan: pagpapakalabis sa pagkain, paglalasing, at ang paraan ng pamumuhay na nagdudulot ng mga kabalisahan.

15. Bakit natin dapat iwasan ang pagpapakalabis sa pagkain at inumin?

15 Ang labis na pagkain at labis na pag-inom ay hindi kasuwato ng mga simulain sa Bibliya at dapat iwasan. “Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak, sa matatakaw kumain ng karne,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 23:20) Gayunman, hindi naman kailangan pang umabot sa gayong antas ang pagkain at pag-inom upang maging mapanganib. Nakapagpapaantok at nakapagpapatamad ang mga ito bago pa ang gayong antas. “Ang tamad ay nagnanasa,” ang sabi ng kawikaan sa Bibliya, “ngunit ang kaniyang kaluluwa ay wala ni anuman.” (Kawikaan 13:4) Baka nais gawin ng gayong tao ang kalooban ng Diyos, ngunit hindi nasasapatan ang kaniyang pagnanais dahil sa kaniyang kapabayaan.

16. Paano natin maiiwasang mapabigatan ng mga kabalisahan may kinalaman sa ating pamilya?

16 Hinggil sa anong mga kabalisahan sa buhay tayo binababalaan ni Jesus? May kinalaman dito ang mga personal na pinagkakaabalahan, paglalaan sa pamilya, at iba pang tulad nito. Hindi nga katalinuhang hayaang mapabigatan tayo ng mga ito! “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?” ang tanong ni Jesus. Nagpayo siya sa kaniyang mga tagapakinig: “Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.” Ang pag-una sa mga kapakanan ng Kaharian sa ating buhay at ang pananalig na paglalaanan tayo ni Jehova ang susupil sa mga kabalisahan at makatutulong sa atin na manatiling gising.​—Mateo 6:25-34.

17. Paano maaaring maging sanhi ng kabalisahan ang materyalistikong mga tunguhin?

17 Maaaring maging sanhi rin ng kabalisahan ang materyalistikong mga tunguhin. Halimbawa, baka pinasasalimuot ng ilan ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pamumuhay nang higit sa kaya nila. Naaakit naman ang iba sa mga pakanang biglang-yaman at mapagsapalarang mga pamumuhunan ng salapi. Para sa iba, nagiging silo ang sekular na edukasyon bilang isang paraan upang makamit ang pinansiyal na tagumpay. Totoo, maaaring nakatutulong ang isang partikular na antas ng pag-aaral upang makapagtrabaho. Gayunman, ang totoo, pinipinsala ng ilan ang kanilang mga sarili sa espirituwal na paraan dahil sa tunguhing makamit ang mas mataas na edukasyon na umuubos ng panahon. Napakapanganib ngang malagay sa gayong situwasyon habang papalapit na ang araw ni Jehova! Nagbababala ang Bibliya: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.”​—1 Timoteo 6:9.

18. Upang hindi mapadala sa materyalistikong istilo ng pamumuhay, anong kakayahan ang dapat nating linangin?

18 Ang isang mahalagang salik upang hindi mapadala sa materyalistikong paraan ng pamumuhay ay ang paglinang sa kakayahang makilala ang tama at mali kapag nagpapasiya. Nalilinang ang kakayahang ito sa pamamagitan ng regular na pagkain ng ‘matigas na pagkain na nauukol sa mga taong may-gulang’ at ng ‘pagsasanay sa ating mga kakayahan sa pang-unawa dahil sa paggamit.’ (Hebreo 5:13, 14) Ang pagtiyak sa “mga bagay na higit na mahalaga” kapag nagtatakda ng mga priyoridad ay mag-iingat din sa atin mula sa maling mga pagpili.​—Filipos 1:10.

19. Kapag napansin nating napakakaunti na lamang ng ating panahon para sa espirituwal na mga tunguhin, ano ang dapat nating gawin?

19 Maaari tayong bulagin ng materyalistikong istilo ng pamumuhay, anupat kakaunti na lamang o wala nang panahon tayong itinitira para sa espirituwal na mga tunguhin. Paano natin masusuri ang ating mga sarili at maiiwasan na masilo sa gayong istilo ng pamumuhay? Dapat nating pag-isipan nang may pananalangin kung paano at hanggang sa anong antas natin mapasisimple ang ating buhay. Sinabi ni Haring Solomon ng sinaunang Israel: “Matamis ang tulog ng isang naglilingkod, kaunti man o marami ang kaniyang kinakain; ngunit ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan.” (Eclesiastes 5:12) Umuubos ba ng maraming panahon at lakas natin ang pag-aasikaso sa di-kinakailangang materyal na mga pag-aari? Habang mas marami tayong pag-aari, mas marami tayong dapat mantinihin, ikuha ng seguro, at ipagsanggalang. Hindi kaya mas kapaki-pakinabang para sa atin na pasimplehin ang ating buhay sa pamamagitan ng pagbabawas ng ilang pag-aari?

Maging Handa Ka

20, 21. (a) Ano ang tinitiyak sa atin ni apostol Pedro hinggil sa araw ni Jehova? (b) Anong mga paggawi at mga gawa ang dapat nating patuloy na ipakita habang naghahanda tayo para sa araw ni Jehova?

20 Nagwakas ang sanlibutan noong araw ni Noe, at magwawakas din ang kasalukuyang sistema ng mga bagay. Tinitiyak sa atin ni apostol Pedro: “Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw, na dito ang mga langit ay lilipas na may sumasagitsit na ingay, ngunit ang mga elemento na nag-iinit nang matindi ay mapupugnaw, at ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad.” Hindi makaliligtas sa nag-aapoy na galit ng Diyos maging ang makasagisag na mga langit​—ang balakyot na mga pamahalaan​—o ang makasagisag na lupa man​—ang sangkatauhang hiwalay sa Diyos. Sa pagbanggit kung paano tayo magiging handa para sa araw na iyon, bumulalas si Pedro: “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!”​—2 Pedro 3:10-12.

21 Kasama sa mga paggawi at mga gawang ito ng makadiyos na debosyon ang ating regular na pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. Gawin nawa natin ang mga ito taglay ang buong-pusong debosyon sa Diyos habang matiisin nating hinihintay ang dakilang araw ni Jehova. Atin nawang “gawin . . . ang [ating] buong makakaya upang sa wakas ay masumpungan [tayo ng Diyos na] walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.”​—2 Pedro 3:14.

Naaalaala Mo Ba?

• Bakit tayo dapat maging handa para sa araw ni Jehova?

• Kung pangunahin na sa atin ang karaniwang mga gawain sa buhay, ano ang dapat nating gawin?

• Ano ang tutulong sa atin upang malabanan ang espirituwal na pag-aantok?

• Anong nakapipinsalang mga istilo ng pamumuhay ang kailangan nating iwasan, at paano?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 20, 21]

Hindi nagbigay-pansin sa napipintong paghatol ang mga tao noong araw ni Noe​—nagbibigay-pansin ka ba?

[Larawan sa pahina 23]

Mapasisimple mo ba ang buhay mo upang magkaroon ka ng mas maraming panahon para sa espirituwal na mga tunguhin?