Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mas Apurahan Ngayon na Maging Mapagbantay Tayo

Mas Apurahan Ngayon na Maging Mapagbantay Tayo

Mas Apurahan Ngayon na Maging Mapagbantay Tayo

“Patuloy kayong magbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.”​—MATEO 24:42.

1, 2. Ano ang nagpapakita na nabubuhay na tayo sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay?

“HIGIT kaysa sa anupamang bagay, ang digmaan ang humubog sa ikadalawampung siglo,” ang sabi ng awtor na si Bill Emmott. Bagaman kinikilala na sa lahat ng yugto ng kasaysayan ng tao ay naranasan ang saklap ng mga digmaan at karahasan, idinagdag niya: “Ang ikadalawampung siglo ay hindi naiba sa uri, kundi sa tindi. Iyon ang kauna-unahang siglo na nagtampok ng talagang pangglobong labanan . . . At, waring upang idiin ang punto, hindi lamang isang pandaigdig na labanan ang itinampok nito, kundi dalawa.”

2 Inihula ni Jesu-Kristo ang mga digmaang magsasangkot sa ‘bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian.’ Gayunman, ang mga ito ay isang aspekto lamang ng ‘tanda ng pagkanaririto ni Kristo at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.’ Sa dakilang hulang ito, binanggit din ni Jesus ang mga taggutom, salot, at lindol. (Mateo 24:3, 7, 8; Lucas 21:6, 7, 10, 11) Sa maraming paraan, ang gayong mga kalamidad ay mas lumawak at mas tumindi. Laganap ang kasamaan ng tao, gaya ng makikita sa kaniyang saloobin hinggil sa Diyos at sa kapuwa. Kitang-kita ang pagguho ng moral at paglago ng krimen at karahasan. Ang mga tao ay nagiging maibigin sa salapi sa halip na maibigin sa Diyos, at haling sa kaluguran. Ang lahat ng ito ay nagpapatotoo na nabubuhay na tayo sa “mga panahong mapanganib.”​—2 Timoteo 3:1-5.

3. Paano dapat makaapekto sa atin ang “mga tanda ng mga panahon”?

3 Paano mo minamalas ang lumalalang kalakaran sa mga gawain ng tao? Marami ang mapagwalang-bahala, manhid pa nga, sa nakapipighating mga pangyayari sa kasalukuyan. Hindi nauunawaan ng maimpluwensiya at intelektuwal na mga tao sa sanlibutan ang kahulugan ng “mga tanda ng mga panahon”; ni nagbibigay man ng angkop na patnubay ang relihiyosong mga lider sa bagay na ito. (Mateo 16:1-3) Subalit nagpayo si Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Patuloy kayong magbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” (Mateo 24:42) Pinasisigla tayo rito ni Jesus na hindi lamang maging mapagbantay kundi ‘patuloy na magbantay.’ Upang patuloy na makapagbantay, dapat tayong manatiling alisto at mapagpuyat. Kinakailangan dito ang higit pa sa basta pagsang-ayon lamang na nabubuhay nga tayo sa mga huling araw, higit pa sa pagkilala na mahirap nga ang panahon. Dapat tayong magkaroon ng matibay na pananalig na “ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na.” (1 Pedro 4:7) Kung gayon, saka lamang tayo makadarama ng pagkaapurahan sa ating pagiging mapagbantay. Kaya ang tanong na dapat nating bulay-bulayin ay: ‘Ano ang tutulong sa atin upang mapatibay ang ating pananalig na malapit na ang wakas?’

4, 5. (a) Ano ang magpapatibay sa ating pananalig na malapit na ang wakas ng balakyot na sistemang ito, at bakit? (b) Ano ang isang pagkakatulad ng araw ni Noe at ng pagkanaririto ng Anak ng tao?

4 Isaalang-alang ang mga kalagayang umiiral bago ang natatanging pangyayari sa kasaysayan ng tao​—ang malaking Delubyo noong araw ni Noe. Napakasama ng mga tao anupat si Jehova “ay nasaktan sa kaniyang puso.” Ipinahayag niya: “Papawiin ko ang mga tao na aking nilalang mula sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 6:6, 7) At gayon nga ang ginawa niya. Sa paghahalintulad sa kalagayan noon at ngayon, sinabi ni Jesus: “Sapagkat kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”​—Mateo 24:37.

5 Makatuwirang ipagpalagay na nadarama rin ni Jehova sa kasalukuyang sanlibutan ang nadama niya sa sanlibutan noong bago ang Baha. Yamang winakasan niya ang di-makadiyos na sanlibutan noong araw ni Noe, tiyak na pupuksain din niya ang balakyot na sanlibutan sa ngayon. Ang pagkakaroon ng malinaw na pagkaunawa sa pagkakatulad ng panahong iyon at ng sa atin ay dapat magpatibay sa ating pananalig na malapit na ang wakas ng kasalukuyang sanlibutan. Kung gayon, anu-ano ang mga pagkakatulad? Di-kukulangin sa lima. Ang una, espesipikong binalangkas ang babala hinggil sa darating na pagkapuksa.

Binabalaan Tungkol sa “mga Bagay na Hindi Pa Nakikita”

6. Ano ang ipinasiyang gawin ni Jehova noong araw ni Noe?

6 Noong araw ni Noe, ipinahayag ni Jehova: “Ang aking espiritu ay hindi kikilos sa tao nang habang panahon sapagkat siya ay laman din. Kaya ang kaniyang mga araw ay aabot ng isang daan at dalawampung taon.” (Genesis 6:3) Ang paglabas ng dekretong ito mula sa Diyos noong 2490 B.C.E. ang nagtakda ng simula ng wakas ng di-makadiyos na sanlibutang iyon. Isip-isipin na lamang kung ano ang naging kahulugan niyaon para sa mga nabubuhay noon! Isang daan at dalawampung araw na lamang at si Jehova ay magpapasapit ng “delubyo ng tubig sa ibabaw ng lupa upang lipulin ang lahat ng laman na may puwersa ng buhay sa silong ng langit.”​—Genesis 6:17.

7. (a) Ano ang naging tugon ni Noe sa babala hinggil sa Baha? (b) Paano tayo dapat tumugon sa mga babala hinggil sa wakas ng sistemang ito?

7 Natanggap ni Noe ang babala hinggil sa darating na malaking kapahamakan maraming dekada pa bago sumapit iyon, at matalino niyang ginamit ang panahon upang maghanda ukol sa kaligtasan. “Pagkatapos mabigyan ng babala mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita,” ang sabi ni apostol Pablo, “[si Noe] ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan.” (Hebreo 11:7) Kumusta naman tayo? Mga 90 taon na ang nakalipas mula nang magsimula noong 1914 ang mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. Tiyak na tayo ay nasa “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Paano tayo dapat tumugon sa mga babalang ibinigay sa atin? “Siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman,” ang sabi ng Bibliya. (1 Juan 2:17) Kung gayon, ngayon na ang panahon upang gawin ang kalooban ni Jehova nang may matinding pagkadama ng pagkaapurahan.

8, 9. Anu-anong babala ang ibinibigay sa makabagong panahon, at paano ipinahahayag ang mga ito?

8 Sa makabagong panahon, nalaman ng taimtim na mga estudyante ng Bibliya mula sa kinasihang Kasulatan na nakatalaga na sa pagkapuksa ang sistemang ito. Pinaniniwalaan ba natin ito? Pansinin ang malinaw na sinabi ni Jesu-Kristo: “Magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Sinabi rin ni Jesus na darating siya bilang hinirang na Hukom ng Diyos at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao kung paanong pinagbubukud-bukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. Ang mga masusumpungang di-karapat-dapat ay “magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.”​—Mateo 25:31-33, 46.

9 Laging itinatawag-pansin ni Jehova ang mga babalang ito sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng napapanahong mga paalaala na kalakip sa espirituwal na pagkaing inilalaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Karagdagan pa, tinatawagan ang bawat bansa, tribo, wika, at bayan na ‘matakot sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya.’ (Apocalipsis 14:6, 7) Ang isang mahalagang bahagi ng mensahe ng Kaharian na ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ay ang babala na malapit nang alisin ng Kaharian ng Diyos ang pamamahala ng tao. (Daniel 2:44) Hindi dapat ipagwalang-bahala ang babalang ito. Laging tinutupad ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang kaniyang salita. (Isaias 55:10, 11) Tinupad niya ito noong araw ni Noe, at tutuparin niya ito sa ating panahon.​—2 Pedro 3:3-7.

Lumalaganap ang Kahalayan sa Sekso

10. Ano ang masasabi sa kahalayan sa sekso noong araw ni Noe?

10 May pagkakatulad pa ang araw ni Noe at ang ating panahon. Iniutos noon ni Jehova sa unang lalaki at babae na ‘punuin ang lupa’ ng mga kauri nila, na ginagamit nang marangal ang kanilang bigay-Diyos na mga kakayahan sa sekso sa loob ng kaayusan sa pag-aasawa. (Genesis 1:28) Noong araw ni Noe, dinumhan ng masuwaying mga anghel ang sangkatauhan sa pamamagitan ng di-likas na sekso. Bumaba sila sa lupa, nagkatawang-tao, at sumiping sa magagandang babae, anupat nagluwal ng mga supling na kalahating tao, kalahating demonyo​—ang mga Nefilim. (Genesis 6:2, 4) Inihahalintulad ang kasalanan ng mahahalay na anghel na ito sa mga kalisyaan ng Sodoma at Gomorra. (Judas 6, 7) Dahil dito, laganap ang kahalayan sa sekso nang mga araw na iyon.

11. Anong moral na kalagayan sa ating panahon ang katulad ng sa mga araw ni Noe?

11 Kumusta naman ang moral na kalagayan sa ngayon? Sa mga huling araw na ito, umiinog sa sekso ang buhay ng marami. Malinaw na inilarawan ni Pablo ang gayong mga tao bilang “nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral”; ibinigay na ng marami ang kanilang sarili “sa mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.” (Efeso 4:19) Karaniwan na ang pornograpya, pagtatalik bago ang kasal, seksuwal na pang-aabuso ng bata, at homoseksuwalidad. “Tinatanggap [na ng iba] sa kanilang sarili ang lubos na kabayaran” sa anyo ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik, pagguho ng buhay pampamilya, at iba pang suliranin sa lipunan.​—Roma 1:26, 27.

12. Bakit dapat tayong maglinang ng pagkapoot sa kasamaan?

12 Noong araw ni Noe, pinasapit ni Jehova ang malaking Delubyo at winakasan ang sanlibutang iyon na haling sa sekso. Hindi natin dapat kaligtaan ang katotohanang ang mga araw na kinabubuhayan nating ito ay talagang katulad na katulad ng mga araw ni Noe. Lilinisin ng darating na “malaking kapighatian” ang lupa mula sa ‘mga mapakiapid, mga mangangalunya, mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, at mga lalaking sumisiping sa mga lalaki.’ (Mateo 24:21; 1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 21:8) Tunay ngang apurahan na maglinang tayo ng pagkapoot sa kasamaan at umiwas sa mga kalagayang maaaring umakay sa imoralidad!​—Awit 97:10; 1 Corinto 6:18.

‘Napupuno ng Karahasan’ ang Lupa

13. Noong araw ni Noe, bakit “napuno ng karahasan” ang lupa?

13 Sa pagbanggit sa isa pang katangian ng araw ni Noe, sinasabi ng Bibliya: “Ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan.” (Genesis 6:11) Hindi naman talaga bago noon ang karahasan. Pinaslang ng anak ni Adan na si Cain ang kaniyang matuwid na kapatid. (Genesis 4:8) Ipinamamalas ang marahas na saloobing nangingibabaw noong araw niya, kumatha si Lamec ng tulang naghahambog sa paraan ng pagpatay niya sa isang kabataang lalaki, bilang pagtatanggol diumano sa kaniyang sarili. (Genesis 4:23, 24) Ang bago noong araw ni Noe ay ang antas ng karahasan. Dahil nag-asawa ang masuwaying mga anghel na anak ng Diyos at nagluwal ng mga supling​—ang mga Nefilim​—lumago ang karahasan sa antas na wala pang katulad noon. Ipinakikita ng New World Translation of the Holy Scriptures​—With References na ang orihinal na Hebreong salita na tumutukoy sa mararahas na higanteng ito ay nangangahulugang “mga Tagapagbuwal”​—“ang mga nagpapabagsak sa iba.” (Genesis 6:4) Bilang resulta, ang lupa ay “punô ng karahasan.” (Genesis 6:13) Gunigunihin ang mga suliranin na malamang na napaharap kay Noe sa pagpapalaki sa kaniyang pamilya sa gayong kapaligiran! Gayunman, si Noe ay naging ‘matuwid sa harap ni Jehova sa gitna ng salinlahing iyon.’​—Genesis 7:1.

14. Paanong ang sanlibutan sa ngayon ay ‘napupuno ng karahasan’?

14 Matagal nang umiiral ang karahasan sa buong kasaysayan ng tao. Subalit gaya noong mga araw ni Noe, nasasaksihan din ito sa ating panahon sa antas na wala pang katulad. Regular nating nababalitaan ang karahasan sa tahanan, mga gawa ng terorismo, mga kampanya sa paglipol sa isang partikular na grupo ng mga tao, at lansakang pagpatay ng mga taong bumabaril nang walang malinaw na motibo. Idagdag pa sa lahat ng ito ang pagdanak ng dugo dahil sa mga digmaan. Ang lupa ay napupuno na naman ng karahasan. Bakit? Ano ang sanhi ng paglago nito? Isinisiwalat ng sagot ang isa pang pagkakatulad sa araw ni Noe.

15. (a) Ano ang sanhi ng paglago ng karahasan sa mga huling araw? (b) Sa anong resulta tayo makatitiyak?

15 Nang itatag sa langit noong 1914 ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, ang iniluklok na Hari, si Jesu-Kristo, ay kumilos sa makasaysayang paraan. Pinalayas si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo mula sa langit tungo sa kapaligiran ng lupa. (Apocalipsis 12:9-12) Bago ang Baha, kusang-loob na iniwan ng masuwaying mga anghel ang kanilang makalangit na posisyon; gayunman, sa makabagong-panahon, sapilitan silang pinaalis. Karagdagan pa, wala na silang kakayahan ngayon na magkatawang-tao sa lupa upang magpakasasa sa bawal na makalamang mga kaluguran. Kaya sa kanilang pagkasiphayo, galit, at takot sa napipintong hatol, iniimpluwensiyahan nila ang mga tao at organisasyon upang gumawa ng di-makataong mga krimen at karahasan sa antas na mas malawak pa kaysa noong araw ni Noe. Nilipol ni Jehova ang sanlibutan noong bago ang Baha pagkatapos itong punuin ng kasamaan ng masuwaying mga anghel at ng kanilang mga supling. Makatitiyak ka na gayundin ang gagawin niya sa ating panahon! (Awit 37:10) Gayunman, alam ng mga nananatiling mapagbantay sa ngayon na malapit na ang kanilang kaligtasan.

Ipinangangaral ang Mensahe

16, 17. Ano ang ikaapat na pagkakatulad ng mga araw ni Noe at ng ating panahon?

16 Ang ikaapat na pagkakatulad ng kasalukuyang panahon at ng sanlibutan noong bago ang Baha ay makikita sa gawaing iniatas kay Noe. Nagtayo si Noe ng napakalaking arka. “Isang mangangaral” din siya. (2 Pedro 2:5) Ano ang mensaheng ipinangaral niya? Maliwanag na kasama sa ipinangaral ni Noe ang panawagang magsisi at ang babala hinggil sa darating na pagkapuksa. Sinabi ni Jesus na ang mga tao noong araw ni Noe ay “hindi . . . nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”​—Mateo 24:38, 39.

17 Sa katulad na paraan, habang masikap na tinutupad ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang atas na mangaral, naihahayag ang mensahe ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig. Sa halos lahat ng bahagi ng daigdig, naririnig at nababasa ng mga tao ang mensahe ng Kaharian sa kanilang sariling wika. Ang magasing Bantayan, na naghahayag ng Kaharian ni Jehova, ay may sirkulasyon na mahigit na 25,000,000 at inililimbag sa mahigit na 140 wika. Sa katunayan, ipinangangaral “sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa” ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kapag natapos na ang gawaing ito ayon sa nais ng Diyos, tiyak na darating na ang wakas.​—Mateo 24:14.

18. Paano maihahambing ang pagtugon ng marami sa ating gawaing pangangaral at ang pagtugon ng karamihan sa mga tao noong araw ni Noe?

18 Kapag isinaalang-alang ang kawalan ng moralidad at ng interes sa espirituwal na mga bagay noong mga araw bago ang Baha, hindi mahirap maguniguni kung bakit ang pamilya ni Noe ay naging katatawanan ng mga kapitbahay na ayaw maniwala at naging tampulan ng pang-aabuso at panunuya. Magkagayunman, dumating nga ang wakas. Sa katulad na paraan, marami ang “mga manunuya na may pagtuya” sa mga huling araw. “Gayunman ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw,” ang sabi ng Bibliya. (2 Pedro 3:3, 4, 10) Tiyak na darating ito sa takdang panahon. Hindi iyon maaantala. (Habakuk 2:3) Tunay ngang katalinuhan para sa atin na patuloy na magbantay!

Kakaunti Lamang ang Nakaligtas

19, 20. Ano ang masasabi nating pagkakatulad ng Baha at ng pagwasak sa kasalukuyang sistema ng mga bagay?

19 Hindi natatapos ang pagkakatulad ng araw ni Noe at ng ating panahon sa kasamaan ng mga tao at sa pagpuksa sa kanila. Kung paanong may mga nakaligtas sa Baha, mayroon ding makaliligtas sa wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Ang mga nakaligtas sa Baha ay maaamong tao na hindi namuhay na gaya ng ibang mga tao sa pangkalahatan. Nakinig sila sa babala ng Diyos at nanatiling hiwalay sa balakyot na sanlibutan nang panahong iyon. “Si Noe ay nakasumpong ng lingap sa paningin ni Jehova,” ang sabi ng Bibliya. “[Si Noe] ay walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon.” (Genesis 6:8, 9) Sa buong sangkatauhan, iisang pamilya, “iilang tao, samakatuwid nga, walong kaluluwa, ang dinalang ligtas sa tubig.” (1 Pedro 3:20) At ibinigay sa kanila ng Diyos na Jehova ang utos na nagsasabi: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.”​—Genesis 9:1.

20 Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na “isang malaking pulutong” ang ‘lalabas mula sa malaking kapighatian.’ (Apocalipsis 7:9, 14) Gaano karami ang mapapabilang sa malaking pulutong? Si Jesus mismo ang nagsabi: “Makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:13, 14) Kung ihahambing sa bilyun-bilyong nabubuhay sa lupa ngayon, kakaunti ang makaliligtas sa darating na malaking kapighatian. Ngunit malamang na magkaroon sila ng pribilehiyo na katulad ng ipinagkaloob sa mga nakaligtas sa Baha. Ang mga makaliligtas ay maaaring magkaanak sa ilang panahon bilang bahagi ng bagong makalupang lipunan.​—Isaias 65:23.

“Patuloy Kayong Magbantay”

21, 22. (a) Paano ka nakinabang sa pagsasaalang-alang na ito sa ulat tungkol sa Baha? (b) Ano ang taunang teksto para sa 2004, at bakit dapat tayong makinig sa payong ibinibigay nito?

21 Bagaman waring napakalayo na ng kaugnayan ng Baha sa ating panahon, malinaw itong nagbibigay ng babala na hindi natin dapat ipagwalang-bahala. (Roma 15:4) Ang pagkakatulad ng araw ni Noe at ng panahon natin ay dapat na lalong magpabatid sa atin ng kahalagahan ng mga pangyayari at magpaalisto sa atin sa tulad-magnanakaw na pagdating ni Jesus para isagawa ang hatol sa mga balakyot.

22 Sa ngayon, pinangangasiwaan ni Jesu-Kristo ang isang napakalaking gawaing espirituwal na pagtatayo. Para sa katiwasayan at kaligtasan ng tunay na mga mananamba, umiiral ang isang tulad-arkang espirituwal na paraiso. (2 Corinto 12:3, 4) Upang makaligtas sa malaking kapighatian, dapat tayong manatili sa loob ng paraisong iyan. Sa labas ng nasasakupan ng espirituwal na paraiso, nakaabang ang sanlibutan ni Satanas upang silain ang sinumang inaantok sa espirituwal. Napakahalaga ngang “patuloy [t]ayong magbantay” at maging handa para sa araw ni Jehova.​—Mateo 24:42, 44.

Naaalaala Mo Ba?

• Anong payo ang ibinigay ni Jesus hinggil sa pagdating niya?

• Sa ano inihalintulad ni Jesus ang panahon ng kaniyang pagkanaririto?

• Sa anu-anong paraan magkatulad ang ating panahon at ang mga araw ni Noe?

• Paano dapat makaapekto sa ating pagkadama ng pagkaapurahan ang pagbubulay-bulay sa pagkakatulad ng araw ni Noe at ng ating panahon?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Blurb sa pahina 18]

Ang taunang teksto para sa 2004 ay: “Patuloy kayong magbantay . . . Maging handa.”​—Mateo 24:42, 44.

[Larawan sa pahina 15]

Nakinig si Noe sa babala ng Diyos. Gayundin ba ang tugon natin?

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

“Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao”