Ang Wakas ng Digmaan
Ang Wakas ng Digmaan
‘Kami po’y 12 taóng gulang pa lamang. Wala po kaming impluwensiya sa pulitika at digmaan, pero gusto po naming mabuhay! Naghihintay po kami ng kapayapaan.—Isang klase ng mga batang mág-aarál sa ikalimang grado
‘Gusto po naming mag-aral at dumalaw sa aming mga kaibigan at pamilya nang hindi natatakot na baka dukutin kami. Sana po’y makinig ang pamahalaan. Gusto po namin ng mas magandang buhay. Gusto po namin ng kapayapaan.’—Alhaji, edad 14
IPINAAABOT ng nakaaantig na mga salitang ito ang taos-pusong pag-asa ng mga kabataan na maraming taon nang nagdurusa dahil sa alitang sibil. Wala silang pinapangarap kundi ang mabuhay nang normal. Subalit hindi madaling magkatotoo ang mga pangarap. Masasaksihan pa kaya natin ang isang daigdig na walang digmaan habang buháy pa tayo?
Nitong nakalipas na mga taon, sinikap ng mga bansa na lutasin ang ilang digmaang sibil sa pamamagitan ng pagpilit sa magkakalabang panig na pirmahan ang isang kasunduan ukol sa kapayapaan. Nagpadala ang ilang bansa ng mga puwersang pangkapayapaan upang isagawa ang gayong mga kasunduan. Subalit iilang bansa lamang ang may salapi o pagnanais na subaybayan ang malalayong bansa kung saan napakarupok ng anumang kasunduan sa pagitan ng magkakalabang pangkat dahil sa nakaugat na pagkapoot at paghihinala sa isa’t isa. Madalas na muling nagliliyab ang apoy ng sigalot iilang linggo lamang o buwan matapos pirmahan ang isang tigil-putukan. Gaya ng binabanggit ng Stockholm International Peace Research Institute, “mahirap makamit ang kapayapaan kung ang magkakalaban ay may hangarin at kakayahang magpatuloy sa pakikipaglaban.”
Kasabay nito, ang di-mapigil na mga labanang ito na sumasalot sa napakaraming bahagi ng lupa ay nagpapagunita sa mga Kristiyano ng isang hula sa Bibliya. Binabanggit sa aklat ng Apocalipsis ang isang mapanganib na yugto sa kasaysayan kung saan ‘aalisin [ng isang makasagisag na mangangabayo] ang kapayapaan mula sa lupa.’ (Apocalipsis 6:4) Ang larawang ito ng walang-tigil na digmaan ay bahagi ng isang kabuuang tanda na nagpapahiwatig na tayo ay nabubuhay na sa isang panahong inilalarawan sa Bibliya bilang “mga huling araw.” * (2 Timoteo 3:1) Subalit tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na ang mga huling araw na ito ang magbibigay-daan sa kapayapaan.
Ipinaliliwanag ng Bibliya sa Awit 46:9 na ang tunay na kapayapaan ay nangangahulugan ng wakas ng digmaan, hindi lamang sa isang rehiyon ng mundo, kundi sa buong lupa. Isa pa, partikular na binabanggit sa awit ding ito ang pagwasak sa mga sandata noong panahon ng Bibliya—ang busog at ang sibat. Ang dumaraming mga sandata sa ngayon ay kailangang wasakin din upang mabuhay sa kapayapaan ang sangkatauhan.
Ngunit poot at kasakiman sa halip na mga bala at riple ang pangunahin nang nagpapaalab sa apoy ng digmaan. Ang kaimbutan, o kasakiman, ay isang pangunahing dahilan ng digmaan, at ang poot ay madalas na humahantong sa karahasan. Upang mawala ang mapaminsalang damdaming ito, dapat baguhin ng mga tao ang paraan ng Isaias 2:4.
kanilang pag-iisip. Dapat ituro sa kanila ang mga daan ng kapayapaan. Kaya naman, makatotohanang sinabi ng sinaunang propeta na si Isaias na mawawala lamang ang digmaan kapag ang mga tao ay ‘hindi na mag-aaral pa ng pakikipagdigma.’—Subalit sa kasalukuyan, tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na nagtuturo sa mga adulto at mga bata, hindi ng kahalagahan ng kapayapaan, kundi ng kaluwalhatian ng digmaan. Nakalulungkot sabihin, maging ang mga bata ay sinasanay na pumatay.
Natuto Silang Pumatay
Sa edad na 14, si Alhaji ay naging isang datihang sundalo. Sampung taon lamang siya noon nang madakip siya ng mga tropang rebelde at sinanay na makipaglaban hawak ang isang AK-47 na ripleng pansalakay. Bilang isang napilitang sundalo, nagnakaw siya ng mga pagkain at nanunog ng mga bahay. Pinatay niya at pinutulan ng mga bahagi ng katawan ang mga tao. Sa ngayon, nahihirapan si Alhaji na kalimutan ang digmaan at makibagay sa buhay ng mga sibilyan. Si Abraham, isa pang batang sundalo, ay natuto ring pumatay at atubili siyang isuko ang kaniyang sandata. Ang sabi niya: “Kung paaalisin nila ako nang hindi dala ang aking baril, hindi ko alam kung ano ang aking gagawin, kung paano ako kakain.”
Mahigit na 300,000 batang sundalo—lalaki at babae—ang nakikipaglaban pa at namamatay sa walang-katapusang labanang sibil na sumasalot sa ating planeta. Ipinaliwanag ng isang lider ng mga rebelde: “Sumusunod sila sa mga utos; wala na sa isip nila na makabalik pa sa kani-kanilang asawa o pamilya; at hindi sila nakadarama ng takot.” Gayunman, ang mga batang ito ay nagnanais at nararapat bigyan ng isang mas magandang buhay.
Sa mauunlad na bansa, ang nakapanghihilakbot na kalagayan ng isang batang sundalo ay waring mahirap arukin. Magkagayunman, maraming bata sa Kanluran ang natututong makipagdigma sa loob mismo ng kanilang mga tahanan. Sa anong paraan?
Kuning halimbawa si José mula sa timog-silangang Espanya. Isa siyang tin-edyer na gustung-gustong magpraktis ng martial arts. Ang mahalaga niyang pag-aari ay isang espadang samurai na pamasko ng tatay niya sa kaniya. Napakahilig din niya sa mga video game, lalo na yaong mararahas na laro. Noong Abril 1, 2000, ginaya niya sa totoong buhay ang kapusukan ng kaniyang bayani sa video game. Dahil sa labis na pagkahumaling sa karahasan, napatay niya ang kaniyang tatay, ang kaniyang nanay, at ang kaniyang kapatid na babae sa pamamagitan mismo ng espadang ibinigay sa kaniya ng tatay niya. “Gusto kong mapag-isa sa daigdig; ayokong hinahanap ako ng aking mga magulang,” ang paliwanag niya sa mga pulis.
Sa pagkokomento sa mga naidudulot ng mararahas na libangan, sinabi ng awtor at opisyal ng militar na si Dave Grossman: “Humahantong na tayo sa antas na iyon ng pagkamanhid anupat ang pagdudulot ng sakit at pagdurusa ay isa na ngayong uri ng libangan: nakadarama ng kaluguran sa halip na pagkasuklam. Natututo tayong pumatay, at natututo tayong masiyahan dito.”
Sina Alhaji at José ay kapuwa natutong pumatay. Wala sa kanila ang gustong maging mamamatay-tao, subalit may mga pagsasanay na bumaluktot sa kanilang pag-iisip. Ang gayong pagsasanay—pambata man o pangmatanda—ay naghahasik ng mga binhi ng karahasan at digmaan.
Matuto ng Kapayapaan sa Halip na Digmaan
Hindi kailanman magkakaroon ng namamalaging kapayapaan habang ang mga tao ay natututong pumatay. Maraming siglo na ang nakalilipas, sumulat si propeta Isaias: “Kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa . . . mga utos [ng Diyos]! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog.” (Isaias 48:17, 18) Kapag ang mga tao ay nagkakaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos at natututong magmahal sa batas ng Diyos, ang karahasan at digmaan ay nagiging kasuklam-suklam sa kanila. Ngayon pa lamang, matitiyak na ng mga magulang na ang mga nilalaro ng kanilang mga anak ay hindi nag-uudyok ng karahasan. Maaari ring matutuhan ng mga adulto na mapaglabanan ang poot at kasakiman. Paulit-ulit na natuklasan ng mga Saksi ni Jehova na may kapangyarihan ang Salita ng Diyos na baguhin ang mga personalidad.—Hebreo 4:12.
Isaalang-alang ang halimbawa ni Hortêncio. Nasa kabataan pa siya nang gawin siyang isang sundalo kahit labag sa kaniyang kalooban. Ang pagsasanay sa militar ay dinisenyo upang “isiksik sa aming isip ang paghahangad na pumatay ng ibang tao at huwag makaramdam ng takot sa pagpatay,”
ang paliwanag niya. Nakipaglaban siya sa isang nagtagal na digmaang sibil sa Aprika. “Naapektuhan ng digmaan ang aking personalidad,” ang pag-amin niya. “Naaalaala ko pa hanggang ngayon ang lahat ng aking ginawa. Lungkot na lungkot ako sa pilit na ipinagawa sa akin.”Nang ipakipag-usap ng isang kapuwa sundalo kay Hortêncio ang tungkol sa Bibliya, nasaling nito ang kaniyang puso. Napakintal sa isip niya ang pangako ng Diyos sa Awit 46:9 na wawakasan na ang lahat ng anyo ng digmaan. Habang patuloy siya sa pag-aaral ng Bibliya, unti-unting nababawasan ang pagnanais niyang makipaglaban. Di-nagtagal, siya at ang dalawa niyang kasamahan ay pinatalsik sa hukbo, at inialay nila ang kanilang buhay sa Diyos na Jehova. “Tinulungan ako ng katotohanan sa Bibliya na ibigin ang aking kaaway,” ang paliwanag ni Hortêncio. “Napag-unawa ko na sa pakikipaglaban sa digmaan, aktuwal akong nagkakasala kay Jehova, sapagkat sinabi ng Diyos na huwag tayong papatay ng ating kapuwa. Upang ipakita ang pag-ibig na ito, kinailangan kong baguhin ang paraan ng aking pag-iisip at huwag ituring ang mga tao bilang aking mga kaaway.”
Ang totoong-buhay na mga karanasang ito ay nagpapakita na ang edukasyon sa Bibliya ay talagang nagtataguyod ng kapayapaan. Hindi ito nakapagtataka. Sinabi ni propeta Isaias na tuwirang magkaugnay ang makadiyos na edukasyon at ang kapayapaan. Inihula niya: “Lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay sasagana.” (Isaias 54:13) Patiuna ring nakita ng propetang ito ang panahon na ang mga tao sa lahat ng bansa ay huhugos sa dalisay na pagsamba sa Diyos na Jehova upang maturuan tungkol sa kaniyang mga daan. Ano ang resulta? “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:2-4.
Kasuwato ng hulang iyan, ang mga Saksi ni Jehova ay abala sa pandaigdig na gawaing pagtuturo na nakatulong na sa milyun-milyon upang mapaglabanan ang poot na siyang ugat ng mga digmaan ng tao.
Isang Garantiya Para sa Pandaigdig na Kapayapaan
Bukod sa pagtuturo, ang Diyos ay nagtatag ng isang pamahalaan, o “kaharian,” na may kakayahang tumiyak sa pandaigdig na kapayapaan. Kapansin-pansin, inilalarawan sa Bibliya ang hinirang ng Diyos na Tagapamahala, si Jesu-Kristo, bilang ang “Prinsipe ng Kapayapaan.” Tinitiyak pa sa atin nito na “ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”—Isaias 9:6, 7.
Anong garantiya ang taglay natin na matagumpay ngang aalisin ng pamamahala ni Kristo ang lahat ng uri ng digmaan? Dagdag pa ni propeta Isaias: “Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.” (Isaias 9:7) Taglay ng Diyos ang pagnanais at kakayahang mapanatili ang namamalaging kapayapaan. Lubos ang pagtitiwala ni Jesus sa pangakong ito. Iyan ang dahilan kung bakit tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalanging dumating nawa ang Kaharian ng Diyos at gawin nawa ang kalooban ng Diyos sa lupa. (Mateo 6:9, 10) Kapag sa wakas ay sinagot na ang taimtim na kahilingang iyan, hinding-hindi na muling sisirain ng digmaan ang ibabaw ng lupa.
[Talababa]
^ par. 6 Para sa pagsusuri sa katibayan na tayo’y nabubuhay na sa mga huling araw, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 7]
Ang edukasyon sa Bibliya ay nagtataguyod ng tunay na kapayapaan