Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Genesis—I

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Genesis—I

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Genesis​—I

ANG “Genesis” ay nangangahulugan ng “pinagmulan,” o “pagsilang.” Angkop na pangalan ito para sa isang aklat na naglalahad kung paano umiral ang sansinukob, kung paano inihanda ang lupa para tirahan ng tao, at kung paano nanirahan dito ang mga tao. Isinulat ni Moises ang aklat na ito sa ilang ng Sinai at maaaring nakumpleto ito noong 1513 B.C.E.

Sinasabi sa atin ng aklat ng Genesis ang tungkol sa daigdig bago ang Baha, kung ano ang nangyari noong panahon pagkatapos ng Baha, at kung paano nakitungo ang Diyos na Jehova kina Abraham, Isaac, Jacob, at Jose. Isasaalang-alang ng artikulong ito ang mga tampok na bahagi mula sa Genesis 1:1–11:9, na sa pangkalahatan ay umaabot hanggang sa panahon nang magsimulang makitungo si Jehova sa patriyarkang si Abraham.

ANG DAIGDIG BAGO ANG BAHA

(Genesis 1:1–7:24)

Ang panimulang pananalita ng Genesis, na “nang pasimula,” ay tumutukoy sa nakalipas na bilyun-bilyong taon. Ang mga pangyayari sa anim na “araw” ng paglalang, o mga yugto ng panahon ng pantanging gawang paglalang, ay inilalarawan ayon sa makikita ng isang taong nagmamasid sakaling siya ay nasa lupa nang panahong iyon. Sa pagtatapos ng ikaanim na araw, nilalang ng Diyos ang tao. Bagaman di-nagtagal ay naiwala ang Paraiso dahil sa pagsuway ng tao, nagbigay ng pag-asa si Jehova. Binabanggit ng kauna-unahang hula sa Bibliya ang tungkol sa isang “binhi” na magpapawalang-bisa sa mga epekto ng kasalanan at susugat sa ulo ni Satanas.

Sa sumunod na 16 na siglo, nagtagumpay si Satanas na maitalikod sa Diyos ang lahat ng tao maliban sa ilang tapat na tao, gaya nina Abel, Enoc, at Noe. Halimbawa, pinaslang ni Cain ang kaniyang matuwid na kapatid na si Abel. “Pinasimulan ang pagtawag sa pangalan ni Jehova,” lumilitaw na sa lapastangang paraan. Ipinakikita ang marahas na saloobin na nangingibabaw noong panahon niya, kumatha si Lamec ng isang tula tungkol sa kung paano niya pinatay ang isang kabataang lalaki, dahil umano sa pagtatanggol sa sarili. Sumamâ ang kalagayan nang mag-asawa ng mga babae ang masuwaying mga anghel na anak ng Diyos at magkaanak ng mararahas na higanteng tinatawag na Nefilim. Gayunman, gumawa ng arka ang tapat na si Noe, lakas-loob na nagbabala sa iba hinggil sa dumarating na Delubyo, at nakaligtas kasama ng kaniyang pamilya sa pagkawasak na dulot nito.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

1:16​—Paano makapagpapalabas ng liwanag ang Diyos sa unang araw kung ang mga tanglaw ay hindi ginawa kundi noong ikaapat na araw? Ang salitang Hebreo na isinaling “gawin” sa talata 16 ay hindi kapareho ng salita para sa “lalangin” na ginamit sa Genesis kabanata 1, talata 1, 21, at 27. “Ang langit” na kinabibilangan ng mga tanglaw ay nilalang na bago pa nagsimula ang “unang araw.” Subalit ang kanilang liwanag ay hindi tumagos sa ibabaw ng lupa. Noong unang araw, “nagkaroon ng liwanag” sapagkat tumagos na ang kalát na liwanag sa suson ng mga ulap at nakita na sa lupa. Sa gayon, nagkaroon ng araw at gabi ang umiikot na lupa. (Genesis 1:1-3, 5) Hindi pa rin nakikita sa lupa ang pinagmumulan ng liwanag na iyon. Subalit noong ikaapat na yugto ng paglalang, nagkaroon ng kapansin-pansing pagbabago. Ang araw, buwan, at mga bituin ay pinangyari na ngayong “sumikat sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:17) “Pinasimulang gawin ng Diyos” ang mga ito sa diwa na maaari na ngayong makita ang mga ito mula sa lupa.

3:8—Tuwiran bang nakipag-usap ang Diyos na Jehova kay Adan? Isinisiwalat ng Bibliya na kapag nakipag-usap ang Diyos sa mga tao, kadalasan nang ito ay sa pamamagitan ng isang anghel. (Genesis 16:7-​11; 18:1-3, 22-​26; 19:1; Hukom 2:1-4; 6:11-​16, 22; 13:15-​22) Ang punong tagapagsalita ng Diyos ay ang kaniyang bugtong na Anak, na tinatawag na “ang Salita.” (Juan 1:1) Malamang na nakipag-usap ang Diyos kina Adan at Eva sa pamamagitan ng “Salita.”​—Genesis 1:26-​28; 2:16; 3:8-13.

3:17—Sa anong paraan isinumpa ang lupa, at gaano katagal? Ang sumpang ipinahayag sa lupa ay nangangahulugan na magiging napakahirap na ngayong bungkalin ito. Damang-dama ng mga inapo ni Adan ang mga epekto ng lupang isinumpa na may mga tinik at dawag anupat binanggit ng ama ni Noe, si Lamec, ang “kirot ng ating mga kamay dahil sa lupang isinumpa ni Jehova.” (Genesis 5:29) Pagkatapos ng Baha, pinagpala ni Jehova si Noe at ang kaniyang mga anak na lalaki, anupat sinasabi ang Kaniyang layunin na punuin nila ang lupa. (Genesis 9:1) Maliwanag na inalis na ng Diyos ang sumpa sa lupa.​—Genesis 13:10.

4:15—Paano “naglagay [si Jehova] ng isang tanda para kay Cain”? Hindi sinasabi ng Bibliya na isang tanda o marka ang inilagay sa anumang paraan sa katawan ni Cain. Malamang na ang tanda ay binubuo ng isang pormal na dekreto na nalalaman at sinusunod ng iba at nilayon upang hindi siya patayin dahil sa paghihiganti.

4:17—Saan kinuha ni Cain ang kaniyang asawa? Si Adan ay “nagkaanak . . . ng mga lalaki at mga babae.” (Genesis 5:4) Kaya kinuha ni Cain ang isa sa kaniyang mga kapatid na babae o marahil ang isa sa kaniyang mga pamangkin bilang asawa. Nang maglaon, hindi na ipinahintulot ng Kautusan ng Diyos sa mga Israelita ang pag-aasawa ng magkapatid sa laman.​—Levitico 18:9.

5:24—Sa anong paraan ‘kinuha ng Diyos si Enoc’? Maliwanag na si Enoc ay nanganganib na patayin, subalit hindi ipinahintulot ng Diyos na maghirap siya sa kamay ng kaniyang mga kaaway. “Si Enoc ay inilipat upang hindi makakita ng kamatayan,” ang sulat ni apostol Pablo. (Hebreo 11:5) Hindi ito nangangahulugang dinala siya ng Diyos sa langit, kung saan patuloy siyang nabuhay. Si Jesus ang unang taong umakyat sa langit. (Juan 3:13; Hebreo 6:19, 20) Ang pagiging “inilipat [ni Enoc] upang hindi makakita ng kamatayan” ay maaaring mangahulugan na inilagay siya ng Diyos sa isang makahulang kawalan ng diwa at pagkatapos ay winakasan ang kaniyang buhay samantalang siya ay nasa gayong kalagayan. Sa ilalim ng gayong kalagayan, si Enoc ay hindi naghirap, o ‘nakakita ng kamatayan,’ sa kamay ng kaniyang mga kaaway.

6:6—Sa anong diwa masasabing “ikinalungkot” ni Jehova na ginawa niya ang tao? Ang salitang Hebreo na isinalin ditong “ikinalungkot” ay tumutukoy sa isang pagbabago ng saloobin o intensiyon. Sakdal si Jehova at samakatuwid ay hindi nagkamali sa paglalang sa tao. Gayunman, nagbago ang kaniyang pangkaisipang saloobin kung tungkol sa balakyot na salinlahi bago ang Baha. Nagbago ang saloobin ng Diyos mula sa pagiging Maylalang ng mga tao tungo sa pagiging tagapuksa nila dahil sa pagkayamot niya sa kanilang kabalakyutan. Ipinakikita ng pagliligtas niya sa ilang tao na ang pagkalungkot niya ay ipinahayag doon lamang sa mga naging balakyot.​—2 Pedro 2:5, 9.

7:2—Ano ang ginamit bilang saligan ng pagkakaiba ng malilinis at maruruming hayop? Ang saligan ng pagkakaiba ay maliwanag na may kaugnayan sa paggamit ng mga hain sa pagsamba at hindi sa kung ano ang maaari at hindi maaaring kainin. Hindi bahagi ng pagkain ng tao bago ang Baha ang karne ng hayop. Ang mga katawagang “malinis” at “marumi” para sa pagkain ay umiral lamang sa Kautusang Mosaiko, at natapos ang mga pagbabawal na iyon nang pawiin ito. (Gawa 10:9-​16; Efeso 2:15) Maliwanag, alam ni Noe kung ano ang angkop na hain sa pagsamba kay Jehova. Paglabas nila sa arka, siya ay “nagsimulang magtayo ng isang altar para kay Jehova at kumuha ng ilan sa lahat ng malilinis na hayop at sa lahat ng malilinis na lumilipad na nilalang at naghandog ng mga handog na sinusunog sa ibabaw ng altar.”​—Genesis 8:20.

7:11—Saan nanggaling ang tubig na nagpangyari sa pangglobong Baha? Noong ikalawang yugto ng paglalang, o “araw,” nang anyuan ang atmosperikong “kalawakan” ng lupa, may tubig na nasa ‘ilalim ng kalawakan’ at tubig sa ‘ibabaw ng kalawakan.’ (Genesis 1:6, 7) Ang tubig na nasa ‘ilalim’ ay yaong nasa lupa na. Ang tubig sa ‘ibabaw’ ay ang napakaraming halumigmig na lumulutang sa ibabaw ng lupa, anupat bumubuo ng isang “malawak na matubig na kalaliman.” Ang tubig na ito ang bumagsak sa lupa noong panahon ni Noe.

Mga Aral Para sa Atin:

1:26. Palibhasa’y ginawa sa larawan ng Diyos, ang mga tao ay may kakayahang magpabanaag ng makadiyos na mga katangian. Walang alinlangang dapat nating sikaping linangin ang mga katangiang gaya ng pag-ibig, awa, kabaitan, kabutihan, at pagtitiis, anupat ipinababanaag ang Isa na gumawa sa atin.

2:22-24. Ang pag-aasawa ay kaayusan ng Diyos. Permanente at sagrado ang buklod ng pag-aasawa, at ang asawang lalaki ang ulo ng pamilya.

3:1-5, 16-23. Ang kaligayahan ay nakadepende sa ating pagkilala sa pagkasoberano ni Jehova sa ating personal na buhay.

3:18, 19; 5:5; 6:7; 7:23. Laging natutupad ang salita ni Jehova.

4:3-7. Nalugod si Jehova sa handog ni Abel sapagkat isa siyang matuwid na taong may pananampalataya. (Hebreo 11:4) Sa kabilang dako naman, gaya ng ipinakikita ng kaniyang pagkilos, kulang ng pananampalataya si Cain. Balakyot ang kaniyang mga gawa, na kinakitaan ng paninibugho, pagkapoot, at pagpaslang. (1 Juan 3:12) Isa pa, malamang na hindi niya gaanong pinag-isipan ang kaniyang handog at basta na lamang inihandog ito. Hindi ba dapat na ang ating mga hain ng papuri kay Jehova ay maging buong puso at may kalakip na wastong saloobin at tamang paggawi?

6:22. Bagaman maraming taon ang ginugol upang itayo ang arka, ginawa ni Noe ang ayon sa iniutos ng Diyos. Kaya iniligtas si Noe at ang kaniyang pamilya sa Delubyo. Nakikipag-usap sa atin si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita at nagbibigay ng tagubilin sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Para sa ating kapakinabangan ang makinig at sumunod.

7:21-24. Hindi pinupuksa ni Jehova ang matuwid na kasama ng balakyot.

PUMAPASOK SA ISANG BAGONG PANAHON ANG SANGKATAUHAN

(Genesis 8:1–11:9)

Palibhasa’y nawala na ang sanlibutan bago ang Baha, pumapasok noon ang sangkatauhan sa isang bagong panahon. Ang mga tao ay pinayagang kumain ng karne subalit inutusang umiwas sa dugo. Ipinahintulot ni Jehova ang parusang kamatayan para sa pagpaslang at itinatag ang tipang bahaghari, anupat nangakong hinding-hindi na magpapasapit ng isa pang Delubyo. Ang tatlong anak na lalaki ni Noe ang pinagmulan ng lahat ng lahi ng tao, subalit ang kaniyang apo sa tuhod na si Nimrod ay naging “isang makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova.” Sa halip na magsipangalat at punuin ng tao ang lupa, ang mga tao ay nagpasiyang magtayo ng isang lunsod na tinawag na Babel at ng isang tore upang gumawa ng bantog na pangalan para sa kanilang sarili. Nabigo ang kanilang mga balak nang guluhin ni Jehova ang kanilang wika at pangalatin sila sa buong lupa.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

8:11—Kung sinira ng Baha ang mga punungkahoy, saan kinuha ng kalapati ang dahon ng olibo? May dalawang posibilidad. Yamang ang olibo ay isang lubhang matibay na punungkahoy, maaaring nanatili itong buháy sa ilalim ng tubig sa loob ng ilang buwan noong panahon ng Delubyo. Sa paghupa ng tubig-baha, muling matutuyo ang lupa at ang puno ng olibo na dating nakalubog sa tubig ay makapagsisibol ng mga dahon. Ang dahon ng olibo na dinala ng kalapati kay Noe ay maaari ring kinuha mula sa isang bagong olibo na umusbong pagkahupa ng tubig-baha.

9:20-25—Bakit sinumpa ni Noe si Canaan? Malamang na si Canaan ay nagkasala ng pag-abuso o paglapastangan sa kaniyang lolong si Noe. Bagaman nakita ito ng ama ni Canaan, si Ham, hindi niya ito hinadlangan kundi lumilitaw na ikinalat niya ang kuwentong ito. Subalit kumilos ang dalawa pang anak na lalaki ni Noe, sina Sem at Japet, upang takpan ang kanilang ama. Pinagpala sila dahil dito, subalit si Canaan ay isinumpa, at si Ham ay nagdusa dahilan sa kahihiyang idinulot sa kaniyang supling.

10:25—Paano “nabahagi” ang lupa noong mga araw ni Peleg? Si Peleg ay nabuhay mula 2269 hanggang 2030 B.C.E. Noong “kaniyang mga araw” pinangyari ni Jehova na magkaroon ng malaking pagkakabaha-bahagi sa pamamagitan ng paggulo sa wika ng mga tagapagtayo ng Babel at pagpapangalat sa kanila sa ibabaw ng buong lupa. (Genesis 11:9) Sa gayon, “nabahagi ang lupa [o, ang populasyon ng lupa]” noong mga araw ni Peleg.

Mga Aral Para sa Atin:

9:1; 11:9. Walang pakana o pagsisikap ng tao ang maaaring bumigo sa layunin ni Jehova.

10:1-32. Iniuugnay ng dalawang ulat ng talaangkanan sa Bibliya bago at pagkatapos ng Baha​—kabanata 5 at 10​—ang lahat ng lahi ng tao sa unang tao, si Adan, sa pamamagitan ng tatlong anak na lalaki ni Noe. Ang mga Asiryano, Caldeo, Hebreo, Siryano, at ilang tribong Arabe, ay mga inapo ni Sem. Ang mga Etiope, Ehipsiyo, Canaanita, at ilang tribong Aprikano at Arabe ay nagmula kay Ham. Ang mga Indo-Europeo ay nagmula kay Japet. Ang lahat ng tao ay magkakamag-anak, at lahat ay ipinanganak na pantay-pantay sa harap ng Diyos. (Gawa 17:26) Dapat maapektuhan ng katotohanang ito ang ating pangmalas at pakikitungo sa iba.

Ang Salita ng Diyos ay May Lakas

Ang unang bahagi ng aklat ng Genesis ay naglalaman ng tanging tumpak na ulat ng sinaunang kasaysayan ng tao. Sa mga pahina nito, matatamo natin ang malalim na unawa sa layunin ng Diyos kung bakit niya inilagay ang tao sa lupa. Nakapagpapatibay-loob nga na makitang walang pagsisikap ng tao, kagaya niyaong kay Nimrod, ang makahahadlang sa katuparan nito!

Habang ginagawa mo ang lingguhang pagbasa sa Bibliya bilang paghahanda para sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, ang pagsasaalang-alang sa sinasabi sa bahaging “Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong” ay tutulong sa iyo na maunawaan ang ilan sa mahihirap na talata sa Kasulatan. Ipakikita sa iyo ng mga komento sa ilalim ng “Mga Aral Para sa Atin” kung paano ka makikinabang mula sa pagbabasa ng Bibliya para sa sanlinggo. Kung angkop, magagamit din itong batayan para sa bahaging lokal na pangangailangan sa Pulong sa Paglilingkod. Tunay nga na ang Salita ni Jehova ay buháy at may lakas sa ating buhay.​—Hebreo 4:12.