Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saganang Pinagpala sa Pagpapanatili ng Espiritu ng Pagmimisyonero

Saganang Pinagpala sa Pagpapanatili ng Espiritu ng Pagmimisyonero

Saganang Pinagpala sa Pagpapanatili ng Espiritu ng Pagmimisyonero

AYON SA SALAYSAY NI TOM COOKE

Biglang nabasag ang katahimikan ng hapon sa tunog ng mga putok ng baril. Humaginit ang mga bala sa mga punungkahoy sa aming hardin. Ano ba ang nangyayari? Nang maglaon, nalaman namin na nagkaroon ng kudeta at ang Uganda ay napasailalim na ng pamamahala ni Heneral Idi Amin. Nangyari ito noong 1971.

BAKIT kami lumipat ng asawa kong si Ann mula sa mapayapang Inglatera tungo sa mabuway at potensiyal na mapanganib na bahaging ito ng Aprika? Sa palagay ko, likas akong abenturero, subalit ang halimbawa ng aking mga magulang sa masigasig na paglilingkod sa Kaharian ang pangunahing nagpasigla ng espiritu ng pagmimisyonero sa akin.

Natatandaan ko ang mainit na araw noong Agosto 1946 nang unang makilala ng mga magulang ko ang mga Saksi ni Jehova. Nakatayo sila sa pinto sa harapan at nakipag-usap sa dalawang bisita sa loob ng mahabang oras. Ang mga bisitang ito, sina Fraser Bradbury at Mamie Shreve, ay bumalik nang maraming beses, at nang sumunod na mga buwan, lubhang nagbago ang buhay ng aming pamilya.

Ang Halimbawa ng Lakas ng Loob ng Aking mga Magulang

Ang aking mga magulang ay nakibahagi sa maraming gawain sa komunidad. Halimbawa, kahit noong malapit na silang mag-aral ng Bibliya, nakapalamuti pa rin sa aming bahay ang mga poster ni Winston Churchill. Noong panahon ng pambansang eleksiyon pagkatapos ng digmaan, ang aming bahay ay ginamit bilang sentro ng lokal na Conservative Party Committee. Kilala rin ng aming pamilya ang prominenteng mga tao sa simbahan at sa komunidad. Bagaman ako noon ay siyam na taóng gulang lamang, nadama ko ang pagkagulat ng aming mga kamag-anak nang malaman nilang magiging mga Saksi ni Jehova na kami.

Ang buong-kaluluwa at walang-takot na halimbawa ng mga Saksi na nakakahalubilo namin ang nagpakilos sa aking mga magulang na maging aktibo sa gawaing pangangaral. Di-nagtagal at nagpapahayag na ang aking ama gamit ang isang amplipayer sa pangunahing pamilihang dako ng Spondon, ang aming nayon, samantalang kaming mga bata ay nakatayo sa kapansin-pansing mga lugar hawak Ang Bantayan at Gumising! Inaamin ko na kapag nilalapitan ako ng mga batang kamag-aral ko, nais ko na sanang bumuka ang lupa at lamunin ako.

Napatibay ng halimbawa ng aking mga magulang ang aking ate, si Daphne, na magpayunir. Noong 1955, nag-aral siya sa Watchtower Bible School of Gilead at naatasan bilang isang misyonera sa Hapon. * Gayunman, ang aking nakababatang kapatid na babae, si Zoe, ay huminto sa paglilingkod kay Jehova.

Samantala, nagtapos ako sa aking pag-aaral ng illustration and graphic arts. Noong mga panahong iyon, isang mainit na isyu sa aking mga kamag-aral ang sapilitang paglilingkod sa bansa. Nang sabihin ko sa kanila na ayaw kong magsundalo dahil sa aking budhi, inakala nilang nagbibiro ako. Binigyan ako ng pagkakataon ng isyung ito na magkaroon ng maraming pakikipag-usap hinggil sa Bibliya sa ilang estudyante. Di-nagtagal, nahatulan ako ng 12-buwang pagkabilanggo dahil sa pagtangging maglingkod sa militar. Nang maglaon, ang isa sa mga estudyante sa kolehiyo ukol sa sining na nagpakita ng interes sa mensahe ng Bibliya ay napangasawa ko. Subalit hahayaan kong si Ann na ang magkuwento kung paano niya natutuhan ang katotohanan.

Kung Paano Natutuhan ni Ann ang Katotohanan

“Hindi relihiyoso ang aking pamilya, at hindi ako nabinyagan sa anumang relihiyon. Ngunit mausisa ako sa paksang may kinalaman sa relihiyon at nagsisimba ako sa alinmang simbahang dinadaluhan ng aking mga kaibigan. Napukaw ang aking interes sa Bibliya nang marinig ko ang masiglang pakikipagtalakayan ni Tom at ng isa pang Saksi sa ibang mga estudyante sa kolehiyo. Nang ibilanggo si Tom at ang nabanggit na isa pang Saksi dahil sa pagtangging maglingkod sa militar, hindi ako makapaniwala.

“Patuloy akong nakipagsulatan kay Tom habang nasa bilangguan siya, at lumalim ang interes ko sa Bibliya. Nang lumipat ako sa London upang ipagpatuloy ang aking sekular na pag-aaral, pumayag akong makipag-aral ng Bibliya kay Muriel Albrecht. Si Muriel ay nakapaglingkod na bilang isang misyonera sa Estonia, at sila ng nanay niya ay malaking pinagmumulan ng pampatibay-loob sa akin. Sa loob lamang ng ilang linggo, dumadalo na ako sa mga pagpupulong at tumatayo sa labas ng Victoria Station na nag-aalok ng Ang Bantayan at Gumising!

“Dumadalo ako noon sa Kongregasyon ng Southwark sa timog ng London. Binubuo ito ng espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae na may iba’t ibang nasyonalidad, marami sa kanila ay mahihirap. Bagaman isa akong estranghero, pinakitunguhan nila ako na parang kanilang kapamilya. Ang pag-ibig sa kongregasyong iyon ang talagang nakakumbinsi sa akin na ito ang katotohanan, at nabautismuhan ako noong 1960.”

Iisang Tunguhin​—Magkaibang mga Kalagayan

Kami ni Ann ay nagpakasal noong dakong huli ng 1960, at nagkaroon kami ng tunguhing maglingkod bilang misyonero. Subalit nagbago ang aming mga kalagayan nang malaman naming magkakaanak kami. Pagkasilang ng aming anak na si Sara, nais pa rin namin ni Ann na maglingkod sa isang bansa kung saan may mas malaking pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Nag-aplay ako ng trabaho sa maraming bansa, at nang maglaon, noong Mayo 1966, dumating ang isang sulat mula sa Ministri ng Edukasyon sa Uganda na tumitiyak na may trabaho na ako. Gayunman, nang panahong ito ay ipinagdadalang-tao na ni Ann ang aming ikalawang anak. Nag-aalinlangan ang ilan kung matalino pa kayang isaalang-alang ang paglipat. Sumangguni kami sa aming doktor, na nagsabing: “Kung aalis kayo, dapat kayong sumakay ng eroplano bago magpitong buwan ang pagdadalang-tao ng iyong asawa.” Kaya karaka-raka kaming nagtungo sa Uganda. Dahil dito, hindi nakita ng mga magulang namin ang aming ikalawang anak, si Rachel, hanggang noong dalawang taóng gulang na siya. Ngayong kami mismo ay mga lolo’t lola na, lubos naming pinahahalagahan ang mapagsakripisyong espiritu ng aming minamahal na mga magulang.

Ang pagdating namin sa Uganda noong 1966 ay kapuwa kapana-panabik at nakapanghihina ng loob. Paglabas namin sa eroplano, agad kaming humanga sa mga kulay. Napakatingkad ng mga ito. Ang aming unang bahay ay malapit sa maliit na bayan ng Iganga, na 50 kilometro ang layo sa Jinja, isang bayan na nasa wawa ng Ilog Nilo. Ang pinakamalapit na mga Saksi sa aming bahay ay isang nabubukod na grupo sa Jinja. Ang mga misyonerong sina Gilbert at Joan Walters at sina Stephen at Barbara Hardy ang nangalaga sa grupo. Nag-aplay ako na ilipat ang aking trabaho sa Jinja upang higit pa kaming makatulong sa grupong ito. Di-nagtagal pagkasilang ni Rachel, lumipat kami sa Jinja. Naranasan namin doon ang kagalakan na maglingkod sa maliit na grupo ng tapat na mga Saksi habang lumalaki ito upang maging ang ikalawang kongregasyon sa Uganda.

Paglilingkod Bilang Isang Pamilya sa Banyagang Lupain

Nadama namin ni Ann na napili namin ang isang napakabuting kapaligiran sa pagpapalaki ng aming pamilya. Nalugod kami sa paggawang kasama ng mga misyonero mula sa iba’t ibang bansa at sa pagtulong sa bagong-tatag na kongregasyon na sumulong. Naibigan namin ang pakikisama sa ating mga kapatid sa Uganda, na madalas na dumadalaw sa aming bahay. Sina Stanley at Esinala Makumba ay lalo nang nakapagpapatibay-loob sa amin.

Subalit hindi lamang mga kapatid ang aming mga bisita, yamang napaliligiran kami ng isang kahanga-hanga at sari-saring buhay-iláng. Umaahon mula sa Ilog Nilo sa gabi ang mga hipopotamus at nagtutungo malapit sa aming bahay. Tandang-tanda ko pa nang makakita kami ng anim na metrong sawa sa hardin. Kung minsan, pinapasyalan namin ang mga buhay-iláng sa pamamagitan ng pagpunta sa mga kanlungan para sa mga buhay-iláng, kung saan malayang gumagala-gala ang mga leon at iba pang maiilap na hayop.

Sa ministeryo, isang bagong tanawin kami sa lokal na mga tao, na noon pa lamang nakakita ng isang karwahe ng sanggol. Habang nagbabahay-bahay kami, karaniwan nang sumusunod sa amin ang mga bata. Buong-paggalang kaming pinagmamasdan ng mga tao at hinihipo ang puting sanggol. Nakalulugod ang pagpapatotoo sapagkat napakagalang ng mga tao. Inakala naming ang lahat ay mapapasakatotohanan, yamang napakadaling magpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Gayunman, marami ang nahirapang ihinto ang kanilang di-makakasulatang mga tradisyon. Ngunit ikinapit ng marami ang matataas na pamantayang moral ng Bibliya, at lumago ang bilang ng mga miyembro ng kongregasyon. Isang mahalagang pangyayari ang aming unang pansirkitong asamblea sa Jinja noong 1968. Isang di-malilimot na alaala ang bautismo sa Ilog Nilo ng ilan sa inaralan namin ng Bibliya. Subalit nang maglaon, nawasak ang aming kapayapaan.

Ang Pagbabawal​—Isang Pagsubok sa Pananampalataya at Pagkamalikhain

Noong 1971, inagaw ni Heneral Idi Amin ang kapangyarihan. Nagkagulo sa Jinja, at habang umiinom kami ng tsa sa aming hardin ay naganap ang tagpong inilarawan sa simula. Sa sumunod na dalawang taon, pinaalis sa bansa ang malaking pamayanan ng mga Asiano. Nagpasiyang umalis ang karamihan ng mga banyaga, at lubhang napinsala ang mga paaralan at ang mga ospital at klinika. Pagkatapos ay tahasang ipinatalastas na ipinagbabawal ang mga Saksi ni Jehova. Dahil sa pagkabahala sa aming kaligtasan, inilipat kami ng Kagawaran ng Edukasyon sa kabiserang lunsod, ang Kampala. Kapaki-pakinabang ang paglipat na ito sa dalawang paraan. Hindi kami gaanong kilala sa Kampala kaya mas malaya kaming nakakakilos. Napakarami ring dapat gawin sa kongregasyon at sa ministeryo sa larangan.

Katulad din namin ang kalagayan nina Brian at Marion Wallace at ng kanilang dalawang anak, at nagpasiya rin silang manatili sa Uganda. Labis kaming nasisiyahan sa pakikisama sa kanila habang naglilingkod kaming magkakasama sa Kongregasyon ng Kampala noong mahirap na panahong iyon. Naging pantanging pampatibay-loob sa amin noon ang mga ulat na nabasa namin tungkol sa ating mga kapatid na naglilingkod sa ilalim ng pagbabawal sa ibang mga bansa. Nagtitipon kami sa maliliit na grupo, at minsan sa isang buwan, nagdaraos kami ng mas malalaking pagtitipon sa Entebbe Botanical Gardens, na ikinukubli ang mga okasyon bilang isang salu-salo. Inaakala ng aming mga anak na babae na isa itong magandang ideya.

Kailangan naming maging napakaingat sa paraan ng pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Lubhang kapansin-pansin ang mga puting tao na dumadalaw sa mga tahanan ng mga taga-Uganda. Kaya ang mga tindahan, mga apartment, at ilang mga kampus ang naging teritoryo namin. Ang isang paraan na ginagamit ko sa mga tindahan ay ang hilingin ang isang paninda na alam kong ubos na, gaya ng asukal o bigas. Kapag napansin kong malungkot ang nagtitinda dahil sa nangyayari sa bansa, ipinakikilala ko ang mensahe ng Kaharian. Mabisa ang pamamaraang ito. Paminsan-minsan, umaalis ako sa tindahan na hindi lamang may madadalaw-muli kundi mayroon ding kaunting suplay ng bihirang paninda.

Samantala, sumiklab ang karahasan sa buong palibot namin. Dahil sa lalo pang paghina ng ugnayan ng Uganda at Britanya, hindi na ako binigyan ng mga awtoridad ng panibagong kontrata sa trabaho. Kaya noong 1974, pagkaraan ng walong taon sa Uganda, kinailangan naming magpaalam sa ating mga kapatid. Gayunman, hindi naglaho ang aming espiritu ng pagmimisyonero.

Paglipat sa New Guinea

Noong Enero 1975, sinamantala namin ang pagkakataong magtrabaho sa Papua New Guinea. Sa gayon ay nagsimula ang walong taon ng kasiya-siyang paglilingkod sa rehiyong ito ng Pasipiko. Ang buhay namin na kasama ng mga kapatid at sa ministeryo ay makabuluhan at kasiya-siya.

Naaalaala ng aming pamilya ang aming pagtira sa Papua New Guinea bilang ang panahon na kasali kami sa mga drama​—mga drama sa Bibliya. Taun-taon, tumutulong kami sa paghahanda ng mga drama para sa pandistritong kombensiyon, at tuwang-tuwa kami! Nasiyahan kami sa pakikisama sa maraming pamilya na palaisip sa espirituwal, at ang mga ito ay may positibong impluwensiya sa aming mga anak na babae. Ang aming panganay, si Sara, ay nag-asawa ng isang special pioneer, si Ray Smith, at magkasama silang naglingkod bilang mga special pioneer malapit sa hanggahan ng Irian Jaya (ngayo’y Papua, isang probinsiya sa Indonesia). Kubo ang bahay nila sa nayon doon, at sinasabi ni Sara na ang panahong ginugol niya sa atas na iyon ay mahusay na pagsasanay para sa kaniya.

Pakikibagay sa Nagbabagong mga Kalagayan

Nang panahong ito, nangangailangan ng karagdagan pangangalaga ang aking mga magulang. Sa halip na pabalikin kami sa Inglatera, pumayag ang aking mga magulang na pumisan sa amin, at kaming lahat ay lumipat sa Australia noong 1983. Gumugol din sila ng ilang panahon na kasama ng aking kapatid na si Daphne, na nasa Hapon pa rin. Pagkamatay ng aking mga magulang, kami ni Ann ay nagpasiyang maglingkod bilang regular pioneer, at umakay ito sa isang pribilehiyo na nasumpungan kong lubhang mapanghamon.

Kasisimula pa lamang namin noong magpayunir nang maanyayahan kaming maglingkod sa gawaing pansirkito. Mula sa pagkabata, minalas ko ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito bilang isang pantanging okasyon. Ngayon, ako ay isa nang tagapangasiwa ng sirkito. Ito ang naging pinakamahirap na atas na natamasa namin hanggang sa yugtong iyon ng aming buhay, subalit maraming ulit na tinulungan kami ni Jehova sa mga paraang hindi pa namin naranasan noon.

Sa panahon ng dalaw ng tagapangasiwa ng sona na si Brother Theodore Jaracz sa Australia noong 1990, tinanong namin siya kung inaakala niyang napakatanda na namin upang maglingkod sa buong-panahong gawain sa ibang bansa. Sinabi niya: “Gusto ba ninyo sa Solomon Islands?” Kaya sa wakas, nang kami ni Ann ay kapuwa nasa mga edad 50, nagtungo kami sa aming magiging unang opisyal na atas bilang misyonero.

Paglilingkod sa “Happy Isles”

Ang Solomon Islands ay kilala bilang Happy Isles, at ang aming paglilingkod dito sa nakalipas na dekada ay isa ngang maligayang panahon. Nakilala namin ni Ann ang mababait na kapatid sa Solomon Islands habang naglilingkod ako bilang isang tagapangasiwa ng distrito. Nakaantig sa aming puso ang pagkamapagpatuloy na ipinakita sa amin, at ang lahat ay napakamaunawain sa aking mga pagsisikap na ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa inaakala kong kaayaaya nang paraan ng pagsasalita sa wikang Solomon Islands Pidgin​—isang wika na may pinakakaunting bokabularyo sa daigdig.

Hindi pa natatagalan pagdating namin sa Solomon Islands, sinikap ng mga sumasalansang na hadlangan ang paggamit sa aming Assembly Hall. Nagdemanda ang simbahang Anglikano laban sa mga Saksi ni Jehova, na inaangking sinakop ng aming bagong Assembly Hall sa Honiara ang kanilang lupa. Pinagtibay ng pamahalaan ang kanilang pag-aangkin, kaya inapela namin ang pasiya sa Mataas na Hukuman. Ang kalalabasan noon ng apela ang titiyak kung kailangan naming baklasin ang aming bagong Assembly Hall na makapagpapaupo ng 1,200.

Ang kaso ay isinaalang-alang sa hukuman sa loob ng isang linggo. Kitang-kita ang aroganteng pagtitiwala ng abogado ng kalaban habang ang kaso laban sa amin ay inihaharap. Pagkatapos, sa isa-isang paggamit ng matitibay na argumento, inilantad at pinawalang-saysay ng aming abogado, si Brother Warren Cathcart mula sa New Zealand, ang bawat bahagi ng kasong isinampa ng kalaban. Pagsapit ng Biyernes, lumaganap ang balita hinggil sa kawili-wiling pangyayari sa hukuman, at ang hukuman ay napunô ng mga dignitaryo, mga opisyal ng pamahalaan, at ng ating mga kapatid na Kristiyano. Natatandaan ko ang pagkakamali sa opisyal na iskedyul ng pahiwatig ng hukuman. Ito’y kababasahan ng: “Pamahalaan ng Solomon Islands at ang Simbahan ng Melanesia v. Jehova.” Nanalo kami.

Subalit, hindi nagtagal ang waring katahimikan ng Happy Isles. Minsan pa, kami ni Ann ay napasagitna ng kaguluhan at karahasan ng isang militar na kudeta. Ang etnikong pagpapaligsahan ay humantong sa isang gera sibil. Noong Hunyo 5, 2000, naibagsak ang pamahalaan at ang kabisera ay sumailalim sa pangangasiwa ng sandatahang mga militante. Sa loob ng ilang linggo, ang aming Assembly Hall ay naging sentro para sa mga taong nawalan ng tirahan. Labis na ikinamangha ng mga awtoridad na ang ating Kristiyanong mga kapatid mula sa magkalabang etnikong grupo ay namumuhay bilang isang mapayapang pamilya sa Assembly Hall. Kay-inam na patotoo nito!

Iginalang kahit na ng mga militante ang pagiging neutral ng mga Saksi ni Jehova. Nakatulong ito upang mahikayat namin ang isa sa mga kumandante na payagan ang isang trak na may lamang literatura at iba pang mga suplay na magtungo sa isang maliit na grupo ng mga kapatid na nasa dako na kontrolado ng kalabang hukbo. Nang matagpuan namin ang mga pamilyang napahiwalay sa amin sa loob ng ilang buwan, lahat kami ay napaluha.

Maraming Dahilan Upang Magpasalamat

Sa pagbubulay-bulay sa aming buhay sa paglilingkod kay Jehova, marami kaming dahilan upang magpasalamat. Bilang mga magulang, nagkaroon kami ng kagalakang makita ang dalawa naming anak na babae at ang kani-kanilang asawa, si Ray at si John, na patuloy na naglilingkod nang tapat kay Jehova. Sila ay naging tunay na alalay sa amin sa aming atas bilang mga misyonero.

Sa nakalipas na 12 taon, kami ni Ann ay nagkapribilehiyo na maglingkod sa tanggapang pansangay sa Solomon Islands, at sa loob ng panahong iyan, nakita naming dumoble ang bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa Solomon Islands, anupat umabot na ito sa mahigit na 1,800. Kamakailan, tumanggap ako ng karagdagang pribilehiyo na dumalo sa Paaralan Para sa mga Miyembro ng Komite sa Sangay sa Patterson, New York. Tunay, tinamasa namin ang isang kasiya-siyang buhay taglay ang maraming pagpapala dahil sa pagpapanatili ng espiritu ng pagmimisyonero.

[Talababa]

^ par. 10 Tingnan ang artikulong “Kami’y Hindi Nagpaliban” sa Ang Bantayan, Hulyo 15, 1977.

[Larawan sa pahina 23]

Noong araw ng aming kasal, 1960

[Larawan sa pahina 24]

Sa Uganda, isang pinagmumulan ng pampatibay-loob ng aming pamilya sina Stanley at Esinala Makumba

[Larawan sa pahina 24]

Si Sara na naglalakad patungo sa kubo ng isang kapitbahay

[Larawan sa pahina 25]

Gumuhit ako ng mga larawan upang matulungan akong turuan ang mga taga-Solomon Islands

[Larawan sa pahina 25]

Pagpupulong kasama ng isang nabubukod na kongregasyon sa Solomon Islands

[Larawan sa pahina 26]

Ang aming pamilya ngayon