Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Ang Diyos ay Hindi Tumatahan sa mga Templong Gawa ng Kamay’

‘Ang Diyos ay Hindi Tumatahan sa mga Templong Gawa ng Kamay’

‘Ang Diyos ay Hindi Tumatahan sa mga Templong Gawa ng Kamay’

WALANG alinlangan na pamilyar ang apostol na si Pablo sa mga templo ni Athena, yamang masusumpungan ang mga ito sa maraming lunsod na kaniyang dinalaw sa panahon ng kaniyang mga paglalakbay bilang misyonero. Ayon sa The Encyclopædia Britannica, bantog si Athena bilang diyosa hindi lamang ng digmaan at karunungan kundi maging “ng mga gawang-kamay at ng pangkalahatang mga gawain na nangangailangan ng kadalubhasaan sa panahong may kapayapaan.”

Ang pinakabantog na templo ni Athena ay ang Parthenon, na itinayo sa Atenas, ang lunsod na isinunod sa pangalan ng diyosa. Nasa Parthenon, ang itinuturing na isa sa pinakamalaking templo sa sinaunang daigdig, ang 12-metrong estatuwa ni Athena na gawa sa ginto at garing. Nang dalawin ni Pablo ang Atenas, ang templong ito na yari sa puting marmol ang siya nang pinakaprominenteng palatandaan sa lunsod sa loob ng mga 500 taon.

Samantalang abot-tanaw lamang ang Parthenon, nangaral si Pablo sa isang grupo ng mga taga-Atenas tungkol sa ‘Diyos na hindi tumatahan sa mga templong gawa ng kamay.’ (Gawa 17:23, 24) Dahil marahil sa karingalan ng mga templo ni Athena o sa karangyaan ng kaniyang mga imahen kung kaya waring mas kahanga-hanga siya para sa ilang tagapakinig ni Pablo kaysa sa isang di-nakikitang Diyos na hindi nila kilala. Gayunman, gaya ng itinawag-pansin ni Pablo, hindi dapat gunigunihin na ang Maylalang ng sangkatauhan “ay tulad ng ginto o ng pilak o ng bato, tulad ng isang bagay na nililok . . . ng tao.”​—Gawa 17:29.

Lumilitaw at naglalaho ang mga diyos at mga diyosa na gaya ni Athena​—na ang kaluwalhatian ay nakasalalay sa mga templo at estatuwa. Naglaho ang estatuwa ni Athena sa Parthenon noong ikalimang siglo C.E., at tanging mga labí na lamang ng ilan sa kaniyang mga templo ang umiiral. Sino pa ba sa ngayon ang humihiling ng karunungan at patnubay kay Athena?

Kaylaking pagkakaiba nito kung tungkol kay Jehova, ang “walang-hanggang Diyos” na hindi nakita kailanman ng tao. (Roma 16:26; 1 Juan 4:12) Sumulat ang mga anak ni Kora: “Ang Diyos na ito ay ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman. Siya ang papatnubay sa atin.” (Awit 48:14) Ang isang paraan upang matamasa ang patnubay ng Diyos na Jehova ay sa pamamagitan ng pag-aaral sa kaniyang Salita, ang Bibliya, at pagkakapit ng payo nito sa ating buhay.