“Isa sa Pinakadakilang Gawa ng Inhinyeriya”
“Isa sa Pinakadakilang Gawa ng Inhinyeriya”
NANG itayo ang templo ni Jehova sa Jerusalem noong panahon ng paghahari ni Haring Solomon mga 3,000 taon na ang nakalipas, ginawa ang isang magandang imbakan ng tubig na yari sa tanso at inilagay ito sa labas ng pasukán ng templo. May bigat ito na 30 tonelada at naglalaman ng 40,000 litro ng tubig. Tinawag na binubong dagat ang napakalaking hugasan na ito. (1 Hari 7:23-26) “Tiyak na ito ay isa sa pinakadakilang gawa ng inhinyeriya na naisagawa sa bansa ng mga Hebreo,” ang sabi ng dating technical officer sa National Research Council of Canada, si Albert Zuidhof, sa Biblical Archeologist.
Paano ginawa ang binubong dagat? “Sa Distrito ng Jordan nga inihulma ng hari ang mga iyon [mga kagamitang tanso] sa moldeng luwad,” ang sabi ng Bibliya. (1 Hari 7:45, 46) “Malamang na ang proseso ng paghuhulma ay katulad ng pamamaraan na ginagamit pa rin sa paggawa ng malalaking kampanang bronse,” ang sabi ni Zuidhof. Ipinaliwanag niya: “Karaniwan nang nasasangkot dito ang isang modelong pagkit ng [binubong] dagat na hinulma nang pataob sa ibabaw ng lubusang pinatuyong gitnang bahagi ng moldeng panghulma. . . . Kapag nakumpleto na ito, kailangang ihulma ng mga tagahulma ang panlabas na molde sa ibabaw naman ng modelong pagkit at hahayaan itong matuyo. Ang huling mga gagawin ay ang pagtunaw sa pagkit at pagbubuhos ng likidong bronse sa hungkag na bahagi.”
Dahil sa napakalaking sukat at bigat nito, kinailangan ang higit na kasanayan sa paggawa ng binubong dagat. Kailangang makayanan ng gitnang panloob na istraktura at ng panlabas na molde ang bigat ng mga 30 tonelada ng binubong tanso, at kailangang minsanan at tuluy-tuloy ang paghulma upang mahadlangan ang mga pagbibitak o mga depekto. Marahil ay nangailangan ito ng dugtung-dugtong na hilera ng mga hurno para sa pagbubuhos ng tinunaw na metal sa molde. Isa ngang napakalaking gawain!
Sa kaniyang panalangin ukol sa pagpapasinaya sa templo, iniukol ni Haring Solomon sa Diyos na Jehova ang kapurihan sa lahat ng gawain sa templo, na sinasabi: “Binitiwan mo ang pangako sa pamamagitan ng iyong sariling bibig, at sa pamamagitan ng iyong sariling kamay ay tinupad mo.”—1 Hari 8:24.