Mga Pangakong Maaari Mong Pagtiwalaan
Mga Pangakong Maaari Mong Pagtiwalaan
“BATID ng propeta ng Diyos na si Mikas na ang mga pangako ay maaaring madalas na di-mapagtitiwalaan. Noong kaniyang panahon, kahit ang pinakamatalik na mga kasamahan ay hindi laging mapagkakatiwalaang tumupad sa kanilang pangako. Kaya nagbabala si Mikas: “Huwag kayong manampalataya sa isang kasamahan. Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa isang matalik na kaibigan. Sa kaniya na nakahiga sa iyong dibdib ay bantayan mo ang mga pagbuka ng iyong bibig.”—Mikas 7:5.
Hinayaan ba ni Mikas ang malungkot na situwasyong ito na gawin siyang mapag-alinlangan sa lahat ng mga pangako? Hindi naman! Ipinahayag niya ang lubos na pagtitiwala sa mga pangakong binitiwan ng kaniyang Diyos, si Jehova. “Sa ganang akin,” ang sulat ni Mikas, “si Jehova ang patuloy kong hihintayin. Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan.”—Mikas 7:7.
Bakit gayon na lamang ang pagtitiwala ni Mikas? Sapagkat alam niya na laging tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako. Ang lahat ng isinumpa ng Diyos sa mga ninuno ni Mikas ay walang pagsalang nagkatotoo. (Mikas 7:20) Ang katapatan ni Jehova noon ay nagbigay kay Mikas ng tunay na saligan upang maniwala na tutuparin Niya ang Kaniyang pangako sa hinaharap.
“Walang Isa Mang Salita . . . ang Nabigo”
Halimbawa, alam ni Mikas na iniligtas ni Jehova ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. (Mikas 7:15) Pinatibay-loob ni Josue, na nakaranas ng pagliligtas na iyon, ang kaniyang mga kapuwa Israelita na manampalataya sa lahat ng mga pangako ng Diyos. Salig sa ano? “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa,” ang paalaala sa kanila ni Josue, “na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.”—Josue 23:14.
Alam na alam ng mga Israelita na ginawa ni Jehova ang kamangha-manghang mga bagay para sa kanila. Tinupad niya ang kaniyang pangako sa kanilang ninunong si Abraham na may takot sa Diyos na ang kaniyang supling ay magiging kasindami ng mga bituin at aariin nila ang lupain ng Canaan. Sinabi rin ni Jehova kay Abraham na ang kaniyang mga inapo ay mapipighati sa loob ng 400 taon subalit babalik sila sa Canaan “sa ikaapat na salinlahi.” Ang lahat ng ito ay natupad.—Genesis 15:5-16; Exodo 3:6-8.
Malugod na tinanggap ang mga Israelita sa Ehipto noong panahon ng anak ni Jacob na si Jose. Nang maglaon, malupit silang pinagtrabaho ng mga Ehipsiyo bilang mga alipin, subalit gaya ng pangako ng Diyos, sa loob ng yugto ng apat na sunud-sunod na nagpang-abot na salinlahi mula sa panahong pumasok sila sa Ehipto, napalaya ang mga inapong ito ni Abraham mula sa pagkaalipin sa Ehipto. *
Sa sumunod na 40 taon, napatunayan pa ng mga Israelita na laging tinutupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako. Nang maglunsad ng di-makatuwirang pagsalakay ang mga Amalekita sa mga Israelita, nakipaglaban ang Diyos para sa kaniyang bayan at ipinagsanggalang sila. Sinapatan niya ang lahat ng kanilang materyal na mga pangangailangan sa loob ng kanilang 40-taóng paglalakbay sa ilang at sa wakas ay pinatira sila sa Lupang Pangako. Habang nirerepaso ni Josue ang kasaysayan ng mga pakikitungo ni Jehova sa mga inapong ito ni Abraham, may-pagtitiwala niyang nasabi: “Walang isa mang pangako ang nabigo sa lahat ng mabuting pangako na binitiwan ni Jehova sa sambahayan ng Israel; ang lahat ay nagkatotoo.”—Josue 21:45.
Magkaroon ng Tiwala sa mga Pangako ng Diyos
Paano ka magkakaroon ng pananampalataya sa mga pangako ni Jehova, gaya nina Mikas at Josue? Buweno, paano ka ba nagkakaroon ng tiwala sa iba? Kinikilala mo sila nang husto hangga’t magagawa mo. Halimbawa, maaari mong malaman kung hanggang saan mo sila maaasahan sa pamamagitan ng pagmamasid sa buong-katapatan nilang pagsisikap na tupdin ang lahat ng kanilang mga pangako. Habang lalo mong nakikilala ang mga taong iyon, unti-unti kang nagkakaroon ng tiwala sa kanila. Gayundin ang magagawa mo kung tungkol sa pagkakaroon ng pananampalataya sa mga pangako ng Diyos.
Ang isang paraan upang magawa mo ito ay sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa nilalang at sa mga batas na umuugit dito. Nagtitiwala ang mga siyentipiko sa mga batas na ito, gaya ng mga batas na umuugit sa paghati at pagdami ng isang selula ng tao upang makagawa ng trilyun-trilyong selula na bumubuo sa iyong katawan. Sa katunayan, ang mga batas na umuugit sa paggalaw ng materya at Awit 139:14-16; Isaias 40:26; Hebreo 3:4.
enerhiya sa buong uniberso ay tiyak na itinatag ng isang lubusang maaasahang Mambabatas. Tiyak na maaasahan mo ang kaniyang mga pangako, kung paanong nagtitiwala ka sa mga batas na umuugit sa kaniyang nilalang.—Sa pamamagitan ni propeta Isaias, na kapanahon ni Mikas, ginamit ni Jehova ang pagiging regular ng mga kapanahunan at ang kagila-gilalas na siklo ng tubig upang ilarawan ang pagkamaaasahan ng kaniyang salita. Dumarating ang ulan taun-taon. Dinidilig nito ang lupa at pinahihintulutan nito ang mga tao na maghasik ng kanilang binhi at umani. Sa bagay na ito, sinabi ni Jehova: “Kung paanong ang bumubuhos na ulan, at ang niyebe, ay lumalagpak mula sa langit at hindi bumabalik sa dakong iyon, malibang diligin muna nito ang lupa at patubuan iyon at pasibulan, at maibigay ang binhi sa manghahasik at ang tinapay sa kumakain, magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”—Isaias 55:10, 11.
Maaasahang mga Pangako ng Paraiso
Ang pagsusuri sa nilalang ay tutulong sa iyo na magkaroon ng tiwala sa Maylalang, subalit higit pa ang kailangan kung nais mong malaman ang tungkol sa mga pangako na bahagi ng “salita na lumalabas sa [kaniyang] bibig.” Upang malaman ang mga pangakong ito at makapaglagak ka ng tiwala rito, kailangan mong suriin ang kinasihan ng Diyos at maka-Kasulatang ulat ng layunin ng Diyos sa lupa at ng kaniyang mga pakikitungo sa sangkatauhan.—2 Timoteo 3:14-17.
May tiwala si propeta Mikas sa mga pangako ni Jehova. Mas maraming kinasihang ulat pa nga ng Diyos ang makukuha mo kaysa kay Mikas. Habang binabasa mo ang Bibliya at binubulay-bulay ito, maaari ka ring magkaroon ng pananampalataya sa katuparan ng mga pangako ng Diyos. Ang mga pangakong ito ay nagsasangkot hindi lamang sa likas na mga inapo ni Abraham kundi sa buong sangkatauhan. Nangako si Jehova sa patriyarkang ito na may takot sa Diyos: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahil pinakinggan mo ang aking tinig.” (Genesis 22:18) Ang pangunahing bahagi ng “binhi,” o supling, ni Abraham ay ang Mesiyas, si Jesu-Kristo.—Galacia 3:16.
Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, titiyakin ni Jehova na dadaloy ang mga pagpapala sa masunuring sangkatauhan. At ano ang ipinangakong gagawin ng Diyos sa ating panahon? Ang Mikas 4:1, 2 ay sumasagot sa makahulang pananalitang ito: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay mátataás pa nga sa mga burol; at doon ay huhugos ang mga bayan. At maraming bansa ang yayaon nga at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova at sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.’ ”
Ang mga natututo tungkol sa mga daan ni Jehova ay ‘nagpupukpok ng kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ng kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.’ Naglalaho ang anumang hilig na maging paladigma. Malapit nang mapunô ang lupa ng mga taong matuwid, at walang sinumang magpapanginig sa kanila sa takot. (Mikas 4:3, 4) Oo, nangangako ang Salita ng Diyos na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian sa kamay ni Jesu-Kristo, aalisin ni Jehova sa lupa ang lahat ng maniniil.—Isaias 11:6-9; Daniel 2:44; Apocalipsis 11:18.
Kahit yaong mga nagdusa at namatay bilang resulta ng paghihimagsik ng tao laban sa Diyos ay bubuhaying muli taglay ang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupa. (Juan 5:28, 29) Mawawala na sa tanawin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, ang mga tagasulsol ng kabalakyutan, at aalisin na ang mga epekto ng kasalanan ni Adan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus. (Mateo 20:28; Roma 3:23, 24; 5:12; 6:23; Apocalipsis 20:1-3) At ano naman ang magiging kalagayan ng masunuring mga tao? Aba, pagpapalain sila ng buhay na walang hanggan sa sakdal na kalusugan sa isang paraisong lupa!—Awit 37:10, 11; Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3-5.
Kamangha-manghang mga pangako! Subalit mapaniniwalaan mo ba ang mga ito? Talagang mapaniniwalaan mo ito. Hindi ito mga pangako ng mga tao na maaaring may mabubuting intensiyon subalit walang kapangyarihang tuparin ang mga ito. Mga pangako ito ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, na hindi makapagsisinungaling at “hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako.” (2 Pedro 3:9; Hebreo 6:13-18) Maaari kang magkaroon ng lubos na tiwala sa lahat ng mga pangakong nasa Bibliya, sapagkat ang Pinagmumulan ng mga ito ay si “Jehova na Diyos ng katotohanan.”—Awit 31:5.
[Talababa]
^ par. 8 Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 911-12, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 6]
“Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo.”—JOSUE 23:14
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Tinupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako sa Israel sa Dagat na Pula at sa ilang
[Mga larawan sa pahina 7]
Tinupad ni Jehova ang pangako niya kay Abraham. Magdadala ng mga pagpapala sa sangkatauhan ang kaniyang Binhi, si Jesu-Kristo