Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Anong mga kalagayan ang naging dahilan ng pakikipagtalik ni Juda sa isang babae na inakala niyang isang patutot, gaya ng nakasaad sa Genesis 38:15, 16?
Bagaman totoo na nakipagtalik si Juda sa isang babaing inakala niyang isang patutot, ang totoo ay hindi patutot ang babae. Ayon sa Genesis kabanata 38, ganito ang nangyari.
Bago nagkaroon ng mga anak na lalaki ang panganay na anak na lalaki ni Juda sa asawa nitong si Tamar, pinatay siya dahil siya ay “naging masama sa paningin ni Jehova.” (Genesis 38:7) Nang panahong iyon, kinaugalian na ang pag-aasawa bilang bayaw. Hinihiling dito na kapag namatay ang isang lalaki nang walang tagapagmana, magpapakasal ang kaniyang kapatid na lalaki sa nabalo niyang asawa upang bigyan siya ng tagapagmana. Ngunit ayaw ganapin ng ikalawang anak na lalaki ni Juda, si Onan, ang kaniyang obligasyon. Dahil dito, namatay siya bilang resulta ng hatol ng Diyos. Nang magkagayon ay pinauwi ni Juda ang kaniyang manugang na babaing si Tamar sa bahay ng ama nito hanggang sa tumuntong sa hustong gulang ang ikatlong anak na lalaki ni Juda, si Shela, para maging asawa nito. Subalit sa paglipas ng mga taon, hindi ipinakasal ni Juda si Shela kay Tamar. Kaya nang mamatay ang asawa ni Juda, nagplano si Tamar na makakuha ng tagapagmana sa pamamagitan ni Juda, ang Israelita na biyenang lalaki niya. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagbabalatkayo bilang isang patutot sa templo at pag-upo sa tabi ng daan na alam niyang daraanan ni Juda.
Palibhasa’y hindi nakilala si Tamar, nakipagtalik sa kaniya si Juda. Bilang kapalit ng kaniyang pakikipagtalik, may-katalinuhan naman siyang kumuha ng mga paniguro kay Juda, at sa pamamagitan nito ay pinatunayan niya nang maglaon na nagdalang-tao siya sa pamamagitan ni Juda. Nang lumabas ang katotohanan, hindi siya sinisi ni Juda kundi mapagpakumbabang sinabi nito: “Siya ay higit na matuwid kaysa sa akin, sa dahilang hindi ko siya ibinigay kay Shela na aking anak.” At angkop na angkop naman, “hindi na siya nakipagtalik pa sa kaniya.”—Genesis 38:26.
Kumilos nang may kamalian si Juda dahil hindi niya ibinigay si Tamar sa kaniyang anak na lalaking si Shela gaya ng kaniyang ipinangako. Nakipagtalik din siya sa isang babae na inakala niyang isang patutot sa templo. Salungat ito sa layunin ng Diyos, na makikipagtalik lamang ang isang lalaki sa kaniyang asawa. (Genesis 2:24) Gayunman, ang totoo, hindi nakipagtalik sa isang patutot si Juda. Sa halip, ginampanan niya nang di-namamalayan ang papel ng kaniyang anak na si Shela sa pag-aasawa bilang bayaw at sa gayo’y naging ama ng lehitimong supling.
Kung tungkol naman kay Tamar, hindi naman imoral ang kaniyang ginawa. Hindi itinuring na mga anak sa pakikiapid ang kaniyang kambal na mga anak na lalaki. Nang kunin ni Boaz ng Betlehem ang Moabitang si Ruth sa pag-aasawa bilang bayaw, nagsalita nang may pagsang-ayon ang mga matatanda ng Betlehem tungkol sa anak ni Tamar na si Perez, anupat sinabi kay Boaz: “Ang iyong sambahayan nawa ay maging gaya ng sambahayan ni Perez, na ipinanganak ni Tamar kay Juda, mula sa supling na ibibigay sa iyo ni Jehova mula sa kabataang babaing ito.” (Ruth 4:12) Nakatala rin si Perez bilang isa sa mga ninuno ni Jesu-Kristo.—Mateo 1:1-3; Lucas 3:23-33.