Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jehova ay Sagana sa Matapat na Pag-ibig

Si Jehova ay Sagana sa Matapat na Pag-ibig

Si Jehova ay Sagana sa Matapat na Pag-ibig

“Si Jehova ay . . . dakila sa maibiging-kabaitan.”​—AWIT 145:8.

1. Gaano kalawak ang pag-ibig ng Diyos?

“ANG Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Pinatutunayan ng nakaaantig-pusong pariralang iyan na ang paraan ng pamamahala ni Jehova ay salig sa pag-ibig. Aba, kahit nga ang mga taong hindi sumusunod sa kaniya ay nakikinabang sa araw at ulan na maibigin niyang inilalaan! (Mateo 5:44, 45) Dahil sa pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan ng sangkatauhan, maging ang kaniyang mga kaaway ay maaaring magsisi, bumaling sa kaniya, at magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Subalit malapit nang puksain ni Jehova ang di-mababagong mga balakyot na tao upang matamasa ng mga taong umiibig sa kaniya ang buhay na walang hanggan sa isang matuwid na bagong sanlibutan.​—Awit 37:9-​11, 29; 2 Pedro 3:13.

2. Anong pantanging aspekto ng pag-ibig ang ipinakikita ni Jehova para sa mga nasa nakaalay na kaugnayan sa kaniya?

2 Nagpapakita ng pag-ibig si Jehova para sa kaniyang tunay na mga mananamba sa isang mahalaga at nagtatagal na paraan. Ang gayong pag-ibig ay ipinahihiwatig ng salitang Hebreo na isinaling “maibiging-kabaitan,” o “matapat na pag-ibig.” Lubhang pinahalagahan ni Haring David ng sinaunang Israel ang maibiging-kabaitan ng Diyos. Dahil sa kaniyang personal na karanasan at pagbubulay-bulay sa pakikitungo ng Diyos sa iba, naawit ni David nang buong pagtitiwala: “Si Jehova ay . . . dakila sa maibiging-kabaitan [o, “matapat na pag-ibig”].”​—Awit 145:8.

Kinikilala ang mga Matapat sa Diyos

3, 4. (a) Paano tayo tinutulungan ng Awit 145 upang makilala ang mga matapat kay Jehova? (b) Paanong ang Diyos ay ‘pinagpapala’ ng kaniyang mga matapat?

3 Tungkol sa Diyos na Jehova, sinabi ng ina ni propeta Samuel na si Hana: “Ang mga paa ng kaniyang mga matapat ay binabantayan niya.” (1 Samuel 2:9) Sinu-sino ang “mga matapat” na iyon? Sinasagot ito ni Haring David. Pagkatapos dakilain ang kamangha-manghang mga katangian ni Jehova, sinabi niya: “Pagpapalain ka ng iyong mga matapat.” (Awit 145:10) Baka iniisip mo kung paano maaaring pagpalain ng mga tao ang Diyos. Magagawa nila ito pangunahin na sa pamamagitan ng pagpuri sa kaniya o pagsasalita ng mabuti tungkol sa kaniya.

4 Ang mga matapat kay Jehova ay makikilala bilang ang mga gumagamit ng kanilang bibig upang magsalita ng mabuti tungkol sa kaniya. Sa mga sosyal na pagtitipon at Kristiyanong mga pagpupulong, ano ang karaniwang tema ng kanilang mga talakayan? Siyempre, ang Kaharian ni Jehova! Nadarama ng matapat na mga lingkod ng Diyos ang nadama ni David, na umawit: “Tungkol sa kaluwalhatian ng iyong [ni Jehova] paghahari ay mangungusap sila, at tungkol sa iyong kalakasan ay magsasalita sila.”​—Awit 145:11.

5. Paano natin nalalaman na nagbibigay-pansin si Jehova kapag nagsasalita ng mabuti tungkol sa kaniya ang mga matapat sa kaniya?

5 Nagbibigay-pansin ba si Jehova kapag pinupuri siya ng kaniyang mga matapat? Oo, nagbibigay-pansin siya sa sinasabi nila. Sa hulang may kinalaman sa tunay na pagsamba sa ating panahon, sumulat si Malakias: “Nang panahong iyon ay nagsalita sa isa’t isa yaong mga natatakot kay Jehova, bawat isa ay sa kaniyang kasamahan, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” (Malakias 3:16) Lubhang nalulugod si Jehova kapag nagsasalita ng mabuti tungkol sa kaniya ang mga matapat sa kaniya, at naaalaala niya sila.

6. Anong gawain ang tumutulong sa atin upang makilala ang mga matapat sa Diyos?

6 Makikilala rin ang matapat na mga lingkod ni Jehova sa pamamagitan ng kanilang lakas ng loob at pagkukusa na magsalita sa mga taong hindi mananamba ng tunay na Diyos. Tunay ngang ‘ipinaaalam [ng mga matapat sa Diyos] sa mga anak ng mga tao ang kaniyang makapangyarihang mga gawa at ang kaluwalhatian ng karilagan ng kaniyang paghahari.’ (Awit 145:12) Hinahanap mo ba at lubos na sinasamantala ang mga pagkakataon upang salitain sa mga di-sumasampalataya ang tungkol sa paghahari ni Jehova? Di-tulad ng mga pamahalaan ng tao, na malapit nang lumipas, ang kaniyang paghahari ay walang hanggan. (1 Timoteo 1:17) Kailangang malaman kaagad ng mga tao ang walang-hanggang paghahari ni Jehova at manindigan bilang mga tagasuporta nito. “Ang iyong paghahari ay isang paghahari sa lahat ng panahong walang takda,” ang awit ni David, “at ang iyong pamumuno ay sa lahat ng sunud-sunod na salinlahi.”​—Awit 145:13.

7, 8. Ano ang nangyari noong 1914, at ano ang katibayan na naghahari na ngayon ang Diyos sa pamamagitan ng Kaharian ng kaniyang Anak?

7 Mula noong 1914, nagkaroon ng karagdagang dahilan upang salitain ang tungkol sa paghahari ni Jehova. Nang taóng iyon, itinatag ng Diyos ang makalangit na Mesiyanikong Kaharian na ang Hari ay si Jesu-Kristo, ang Anak ni David. Sa gayong paraan tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako na matibay na itatatag ang paghahari ni David hanggang sa panahong walang takda.​—2 Samuel 7:12, 13; Lucas 1:32, 33.

8 Ang katibayan na naghahari na ngayon si Jehova sa pamamagitan ng Kaharian ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay makikita sa kasalukuyang katuparan ng tanda ng pagkanaririto ni Jesus. Ang pinakatampok na aspekto ng tandang iyon ay ang gawaing inihula ni Jesus para sa lahat ng matapat sa Diyos nang sabihin niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:3-14) Sapagkat masigasig na tinutupad ng mga matapat sa Diyos ang hulang ito, mahigit sa anim na milyong lalaki, babae, at bata ang nakikibahagi ngayon sa napakalaki at di-na-mauulit pang gawaing ito. Malapit nang dumating ang wakas para sa lahat ng sumasalansang sa Kaharian ni Jehova.​—Apocalipsis 11:15, 18.

Nakikinabang sa Soberanya ni Jehova

9, 10. Ano ang pagkakaiba ni Jehova at ng mga tagapamahalang tao?

9 Kung tayo ay nakaalay na mga Kristiyano, nagdudulot sa atin ng maraming pakinabang ang ating kaugnayan sa Soberanong Panginoong Jehova. (Awit 71:5; 116:12) Halimbawa, sapagkat may takot tayo sa Diyos at gumagawa ng katuwiran, tinatamasa natin ang kaniyang pagsang-ayon at malapít tayo sa kaniya sa espirituwal na paraan. (Gawa 10:34, 35; Santiago 4:8) Kabaligtaran naman, ang mga tagapamahalang tao ay kadalasang nakikitang kasama ng prominenteng mga tao, gaya ng mga lider ng militar, mayayamang mga negosyante, o kilalang mga tao sa palakasan at libangan. Ayon sa pahayagang Sowetan ng Aprika, ganito ang sinabi ng isang prominenteng opisyal ng pamahalaan tungkol sa naghihikahos na mga dako sa kaniyang lupain: “Nauunawaan ko kapag ayaw ng karamihan sa atin na magpunta sa gayong mga lugar. Ang dahilan ay nais lamang nating kalimutan na umiiral ang gayong mga kalagayan. Nakokonsiyensiya tayo at naaasiwa sa mamahaling [mga sasakyang] minamaneho natin.”

10 Mangyari pa, taimtim na nagmamalasakit ang ilang mga tagapamahalang tao sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan. Ngunit hindi matalik na kakilala maging ng pinakamarangal sa kanila ang mga nasasakupan nila. Maitatanong nga natin: May tagapamahala ba na lubhang nagmamalasakit sa lahat ng kaniyang nasasakupan anupat mabilis siyang tumutulong sa bawat isa sa kanila sa panahon ng kagipitan? Oo, mayroon. Sumulat si David: “Si Jehova ay umaalalay sa lahat ng nabubuwal, at nagbabangon sa lahat ng nakayukod.”​—Awit 145:14.

11. Anu-anong pagsubok ang sumasapit sa mga matapat sa Diyos, at anong tulong ang makukuha nila?

11 Maraming mga pagsubok at kapahamakan ang sumasapit sa mga matapat sa Diyos na Jehova dahil sa kanilang sariling di-kasakdalan at dahil namumuhay sila sa isang sanlibutang nasa kapangyarihan ni Satanas, ang “isa na balakyot.” (1 Juan 5:19; Awit 34:19) Dumaranas ng pag-uusig ang mga Kristiyano. Nagdurusa ang ilan dahil sa nagtatagal na sakit o pagkaulila. Kung minsan, ‘napayuyukod’ sa pagkasira ng loob ang mga matapat kay Jehova dahil sa kanilang mga pagkakamali. Gayunman, anumang pagsubok ang sumapit sa kanila, laging handang magbigay ng kaaliwan at espirituwal na lakas si Jehova sa bawat isa sa kanila. May gayon ding maibiging interes ang haring si Jesu-Kristo sa kaniyang matapat na mga nasasakupan.​—Awit 72:12-14.

Nakasasapat na Pagkain sa Kapanahunan

12, 13. Gaano kasaganang naglalaan si Jehova para sa mga pangangailangan ng “bawat bagay na may buhay”?

12 Dahil sa kaniyang saganang maibiging-kabaitan, inilalaan ni Jehova ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang mga lingkod. Kasali rito ang pagbibigay sa kanila ng sapat at nakapagpapalusog na pagkain. Sumulat si Haring David: “Sa iyo [Jehova] nakatingin nang may pag-asam ang mga mata ng lahat, at binibigyan mo sila ng kanilang pagkain sa kapanahunan. Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:15, 16) Maging sa panahon ng kalamidad, kayang maniobrahin ni Jehova ang mga bagay-bagay upang makakuha ng “tinapay para sa araw” na iyon ang kaniyang mga matapat.​—Lucas 11:3; 12:29, 30.

13 Binanggit ni David na nasasapatan ang “bawat bagay na may buhay.” Kabilang dito ang mga hayop. Kung hindi dahil sa saganang pananim sa lupa at halaman sa dagat, walang oksihenong malalanghap o pagkaing makakain ang mga nilalang sa tubig, mga ibon, at mga hayop sa lupa. (Awit 104:14) Gayunman, tinitiyak ni Jehova na nasasapatan ang lahat ng pangangailangan nila.

14, 15. Paano inilalaan sa ngayon ang espirituwal na pagkain?

14 Di-tulad ng mga hayop, ang mga tao ay may espirituwal na mga pangangailangan. (Mateo 5:3) Talagang kahanga-hanga kung paano sinasapatan ni Jehova ang espirituwal na mga pangangailangan ng kaniyang mga matapat! Bago siya namatay, si Jesus ay nangako na maglalaan ang “tapat at maingat na alipin” ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” para sa mga tagasunod ni Jesus. (Mateo 24:45) Ang uring aliping iyan sa ngayon ay binubuo ng nalabi sa 144,000 pinahiran. Sa pamamagitan nila, naglalaan nga ng saganang espirituwal na pagkain si Jehova.

15 Halimbawa, nakikinabang ang karamihan sa bayan ni Jehova ngayon sa bago at tumpak na salin ng Bibliya sa kani-kanilang sariling wika. Anong kamangha-manghang pagpapala nga ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan! Bukod dito, milyun-milyong pantulong sa pag-aaral sa Bibliya ang patuloy na inilalathala sa mahigit na 300 wika. Ang lahat ng espirituwal na pagkaing ito ay pagpapala sa tunay na mga mananamba sa buong lupa. Sino ang dapat papurihan para sa lahat ng ito? Ang Diyos na Jehova. Sa pamamagitan ng kaniyang saganang maibiging-kabaitan, ginawa niyang posible na makapaglaan ng “pagkain sa kapanahunan” ang uring alipin. Sa pamamagitan ng gayong mga paglalaan, nasasapatan “ang nasa ng bawat bagay na may buhay” sa kasalukuyang espirituwal na paraiso. At gayon na lamang ang pagsasaya ng mga lingkod ni Jehova sa pag-asang makita na maging pisikal na paraiso ang lupa!​—Lucas 23:42, 43.

16, 17. (a) Anu-ano ang mga halimbawa ng espirituwal na pagkain na dumating sa tamang kapanahunan? (b) Paano ipinahahayag ng Awit 145 ang damdamin ng mga matapat sa Diyos hinggil sa pangunahing usapin na ibinangon ni Satanas?

16 Isaalang-alang ang isang natatanging halimbawa ng espirituwal na pagkaing tinanggap sa tamang kapanahunan. Noong 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa. Nang taon ding iyon, lumabas sa Nobyembre 1 na isyu ng The Watchtower ang artikulong may pamagat na “Neutrality.” Bilang resulta ng malinaw na impormasyong iniharap doon, nakita ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang pangangailangang mahigpit na manatiling neutral sa mga gawain ng nagdidigmaang mga bansa. Dahil dito, napoot sa kanila ang mga pamahalaan sa magkabilang panig ng alitang iyon na tumagal nang anim na taon. Gayunman, bagaman ipinagbawal at inusig, ang mga matapat sa Diyos ay patuloy na nangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Mula 1939 hanggang 1946, pinagpala sila ng kamangha-manghang pagdami na 157 porsiyento. Karagdagan pa, ang kanilang natatanging rekord ng katapatan noong panahon ng digmaang iyon ay patuloy na tumutulong sa mga tao upang makilala ang tunay na relihiyon.​—Isaias 2:2-4.

17 Hindi lamang napapanahon kundi talagang nakasasapat din ang espirituwal na pagkaing inilalaan ni Jehova. Samantalang nasa kalagitnaan ng labanan ang mga bansa noong Digmaang Pandaigdig II, natulungang magtuon ng pansin ang bayan ni Jehova sa isang bagay na mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang kaligtasan. Tinulungan sila ni Jehova na maunawaan na ang pangunahing usapin, na nagsasangkot sa buong sansinukob, ay may kinalaman sa pagkamarapat ng soberanya ni Jehova. Nakatutuwang malaman na sa pamamagitan ng kanilang pagkamatapat, ang bawat Saksi ni Jehova ay nagkaroon ng maliit na bahagi sa pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at sa pagpapatunay na sinungaling ang Diyablo! (Kawikaan 27:11) Di-tulad ni Satanas, na naninirang-puri kay Jehova at sa kaniyang paraan ng pamamahala, ang mga matapat kay Jehova ay patuloy na naghahayag sa madla: “Si Jehova ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan.”​—Awit 145:17.

18. Ano ang kamakailang halimbawa ng espirituwal na pagkaing kapuwa napapanahon at talagang nakasasapat?

18 Ang isa pang halimbawa ng napapanahon at nakasasapat na espirituwal na pagkain ay ang aklat na Maging Malapít kay Jehova, na inilabas sa daan-daang “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian” na mga Pandistritong Kombensiyon na idinaos sa buong mundo noong 2002/​03. Nagtutuon ng pansin ang aklat na ito, na inilabas ng “tapat at maingat na alipin” at inilathala ng mga Saksi ni Jehova, sa kamangha-manghang mga katangian ng Diyos na Jehova, lakip na yaong mga nabanggit sa Awit 145. Tiyak na gaganap ng mahalagang papel ang mainam na aklat na ito sa pagtulong sa mga matapat sa Diyos na maging higit na malapít sa kaniya.

Panahon Para Maging Higit na Malapít kay Jehova

19. Anong mahalagang panahon ang papalapit na, at paano natin mahaharap ito?

19 Papalapit na ang isang mahalagang yugto sa paglutas sa usapin hinggil sa soberanya ni Jehova. Gaya ng inihula sa Ezekiel kabanata 38, malapit nang tapusin ni Satanas ang kaniyang papel bilang “Gog ng lupain ng Magog.” Magsasangkot ito ng pandaigdig na pagsalakay sa bayan ni Jehova. Magiging lubus-lubusang pagtatangka ito ni Satanas na sirain ang katapatan ng mga matapat sa Diyos. Higit kailanman, kakailanganin ng mga mananamba ni Jehova na marubdob na tumawag sa kaniya, anupat humihingi pa nga ng tulong. Magiging walang-kabuluhan ba ang kanilang mapitagang pagkatakot sa Diyos at pag-ibig sa kaniya? Hinding-hindi, sapagkat sinasabi ng Awit 145: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya sa katapatan. Ang nasa ng mga may takot sa kaniya ay kaniyang isasagawa, at ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin, at ililigtas niya sila. Binabantayan ni Jehova ang lahat ng umiibig sa kaniya, ngunit ang lahat ng balakyot ay lilipulin niya.”​—Awit 145:18-20.

20. Paano mapatutunayang totoo sa malapit na hinaharap ang mga pananalita sa Awit 145:18-20?

20 Nakapananabik maranasan ang pagiging malapit ni Jehova at ang kaniyang kapangyarihang magligtas kapag nilipol na niya ang lahat ng balakyot! Sa napakahalagang panahong iyon na napakalapit na ngayon, makikinig lamang si Jehova sa mga “tumatawag sa kaniya sa katapatan.” Tiyak na hindi siya makikinig sa mga mapagpaimbabaw. Maliwanag na ipinakikita ng Salita ng Diyos na laging nawawalan ng kabuluhan ang anumang pagtawag ng mga balakyot sa pangalan niya sa kahuli-hulihang pagkakataon.​—Kawikaan 1:28, 29; Mikas 3:4; Lucas 13:24, 25.

21. Paano ipinakikita ng mga matapat kay Jehova na nalulugod silang gamitin ang pangalan ng Diyos?

21 Ngayon higit kailanman ang panahon upang ang mga may takot kay Jehova ay ‘tumawag sa kaniya sa katapatan.’ Nalulugod ang kaniyang mga matapat na gamitin ang pangalan niya sa kanilang mga panalangin at komento sa mga pulong. Ginagamit nila ang pangalan ng Diyos sa mga pribadong usapan. At lakas-loob nilang ipinahahayag ang pangalan ni Jehova sa kanilang pangmadlang ministeryo.​—Roma 10:10, 13-15.

22. Bakit mahalagang patuloy na labanan ang makasanlibutang mga saloobin at pagnanasa?

22 Upang patuloy na makinabang sa ating malapít na kaugnayan sa Diyos na Jehova, mahalaga ring patuloy nating labanan ang mga bagay na nakapipinsala sa espirituwal gaya ng materyalismo, di-mabuting libangan, di-mapagpatawad na espiritu, o kawalang-malasakit sa mga nangangailangan. (1 Juan 2:15-​17; 3:15-​17) Kapag hindi naituwid, maaaring humantong ang gayong mga hangarin at katangian sa pamimihasa sa malubhang kasalanan at sa pagkawala ng pagsang-ayon ni Jehova sa bandang huli. (1 Juan 2:1, 2; 3:6) Landasin ng karunungan na alalahaning patuloy na magpapakita sa atin si Jehova ng maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, tangi lamang kung mananatili tayong tapat sa kaniya.​—2 Samuel 22:26.

23. Anong kamangha-manghang kinabukasan ang naghihintay sa lahat ng mga matapat sa Diyos?

23 Kung gayon, patuloy nawa nating ituon ang ating mga kaisipan sa kamangha-manghang kinabukasan na naghihintay sa lahat ng mga matapat kay Jehova. Sa paggawa nito, may kamangha-mangha tayong pag-asa na mapabilang sa mga dadakila, magpapala, at pupuri kay Jehova sa “buong araw” at “magpakailan-kailanman.” (Awit 145:1, 2) Kaya ‘panatilihin nawa natin ang ating sarili sa pag-ibig ng Diyos tungo sa buhay na walang hanggan.’ (Judas 20, 21) Habang patuloy tayong nakikinabang sa kamangha-manghang mga katangian ng ating makalangit na Ama, lakip na ang saganang maibiging-kabaitan na ipinakikita niya sa mga umiibig sa kaniya, ang damdamin natin ay lagi nawang maging gaya ng ipinahayag ni David sa huling mga salita sa Awit 145: “Ang papuri kay Jehova ay sasalitain ng aking bibig; at pagpalain nawa ng lahat ng laman ang kaniyang banal na pangalan hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.”

Paano Mo Sasagutin?

• Paano tumutulong ang Awit 145 upang makilala ang mga matapat sa Diyos?

• Paano ‘sinasapatan [ni Jehova] ang nasa ng bawat bagay na may buhay’?

• Bakit natin kailangang maging higit na malapít kay Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 16]

Nalulugod ang mga matapat sa Diyos na talakayin ang kaniyang makapangyarihang mga gawa

[Larawan sa pahina 17]

Lakas-loob na tinutulungan ng mga lingkod ni Jehova ang mga di-sumasampalataya upang malaman nila ang kaluwalhatian ng kaniyang paghahari

[Mga larawan sa pahina 18]

Naglalaan si Jehova ng pagkain para sa “bawat bagay na may buhay”

[Credit Line]

Mga Hayop: Parque de la Naturaleza de Cabárceno

[Larawan sa pahina 19]

Nagbibigay si Jehova ng lakas at patnubay sa kaniyang mga matapat, na humihingi ng tulong niya sa panalangin