Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Tanawin ng Sanlibutang Ito ay Nagbabago”

“Ang Tanawin ng Sanlibutang Ito ay Nagbabago”

“Ang Tanawin ng Sanlibutang Ito ay Nagbabago”

“Sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahong natitira ay maikli na.”​—1 CORINTO 7:29.

1, 2. Anu-anong pagbabago ang iyong nasaksihan sa buong buhay mo?

ANU-ANONG pagbabago ang iyong nasaksihan sa buong buhay mo? Maaari mo bang isa-isahin ang mga iyon? Halimbawa, nariyan ang pagsulong sa siyensiya ng medisina. Dahil sa pagsasaliksik sa larangang iyan, ang katamtamang inaasahang haba ng buhay ay tumagal mula sa wala pang 50 taon sa pasimula ng ika-20 siglo hanggang sa mahigit na 70 taon sa ngayon! Isip-isipin din kung paano tayo nakikinabang sa tamang paggamit ng radyo, telebisyon, mga cell phone, at mga fax machine. Mahalaga rin ang pagsulong sa edukasyon, sa transportasyon, sa mga karapatang pantao, na pawang nagpapaginhawa sa buhay ng milyun-milyon.

2 Siyempre pa, hindi lahat ng pagbabago ay nakabubuti. Hindi maipagwawalang-bahala ang mapangwasak na mga epekto ng lumalaganap na krimen, bumababang mga pamantayang moral, lumalalang pag-abuso sa droga, dumaraming pagdidiborsiyo, at tumitinding banta ng terorismo. Sa paanuman, malamang na sasang-ayon ka sa matagal nang isinulat ni apostol Pablo: “Ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.”​—1 Corinto 7:31.

3. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang isulat niya na “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago”?

3 Nang sabihin ni Pablo ang pangungusap na iyan, inihahambing niya ang sanlibutan sa isang entablado. Lumalabas sa entabladong iyon ang mga gaganap ng papel​—mga tanyag na tao sa pulitika, relihiyon, at kultura​—nagsasadula ng kani-kanilang mga papel, at umaalis sa entablado para iba naman ang gumanap. Patuloy na nangyayari ito sa loob ng daan-daang taon. Noon, maaaring mamahala ang isang dinastiya sa loob ng mga dekada​—ng maraming siglo pa nga​—at mabagal ang mga pagbabago. Hindi na gayon sa ngayon, yamang ang takbo ng kasaysayan ay maaaring mabago sa sandaling tamaan ng bala ng mamamatay-tao ang target nito! Oo, sa maligalig na mga panahong ito, hindi natin alam ang mangyayari sa kinabukasan.

4. (a) Ano ang kailangang maging timbang na pananaw ng mga Kristiyano hinggil sa mga pangyayari sa sanlibutan? (b) Anong dalawang nakakakumbinsing hanay ng ebidensiya ang isasaalang-alang natin ngayon?

4 Kung ang sanlibutan ang entablado at ang mga lider nito ang mga gaganap ng papel, ang mga Kristiyano naman ang mga manonood. * Gayunman, dahil “hindi sila bahagi ng sanlibutan,” hindi sila labis na nababahala kung paano gagampanan ang papel o kung sino ang gaganap doon. (Juan 17:16) Sa halip, sabik nilang inaabangan ang mga pahiwatig na ang dula ay sasapit na sa kasukdulan​—isang kapaha-pahamak na katapusan​—sapagkat alam nila na kailangang magwakas ang sistemang ito bago paratingin ni Jehova ang matagal nang hinihintay na bagong sanlibutan ng katuwiran. * Suriin natin, kung gayon, ang dalawang hanay ng ebidensiya na nagpapakitang nabubuhay na tayo sa panahon ng kawakasan at na malapit na ang bagong sanlibutan. Ang mga ito ay (1) kronolohiya ng Bibliya at (2) sumasamáng mga kalagayan sa sanlibutan.​—Mateo 24:21; 2 Pedro 3:13.

Nalutas sa Wakas ang Isang Misteryo!

5. Ano ang “mga takdang panahon ng mga bansa,” at bakit tayo interesado rito?

5 Ang kronolohiya ay pag-aaral sa kaugnayan ng panahon at mga pangyayari. Binanggit ni Jesus ang tungkol sa panahong ang mga lider ng sanlibutan ang pangunahing gaganap ng papel nang hindi pinakikialaman ng Kaharian ng Diyos. Tinawag ni Jesus ang yugtong iyon na “mga takdang panahon ng mga bansa.” (Lucas 21:24) Sa wakas ng “mga takdang panahon” na iyon, mamamahala na ang makalangit na Kaharian ng Diyos, na ang marapat na Tagapamahala ay si Jesus. Sa simula, maghahari si Jesus “sa gitna ng [kaniyang] mga kaaway.” (Awit 110:2) Pagkatapos nito, ayon sa Daniel 2:44, “dudurugin at wawakasan” ng Kaharian ang lahat ng pamahalaan ng tao, at mananatili ito magpakailanman.

6. Kailan nagsimula “ang mga takdang panahon ng mga bansa,” gaano ito kahaba, at kailan ito nagwakas?

6 Kailan magwawakas “ang mga takdang panahon ng mga bansa” at kailan magsisimula ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos? Ang sagot, na “tinatakan hanggang sa panahon ng kawakasan,” ay may kinalaman sa kronolohiya ng Bibliya. (Daniel 12:9) Habang papalapit ang “panahon” na iyon, gumawa ng mga hakbang si Jehova upang isiwalat ang sagot sa isang grupo ng mapagpakumbabang mga estudyante ng Bibliya. Sa tulong ng espiritu ng Diyos, naunawaan nila na “ang mga takdang panahon ng mga bansa” ay nagsimula nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. at ang haba ng ‘mga panahon’ na iyon ay 2,520 taon. Nahinuha nila mula rito na 1914 ang wakas ng “mga takdang panahon ng mga bansa.” Natanto rin nila na 1914 ang simula ng wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Bilang estudyante ng Bibliya, maipaliliwanag mo ba mula sa Kasulatan kung paano kinakalkula ang petsang 1914? *

7. Anu-anong kasulatan ang tutulong sa atin upang malaman ang simula, ang haba, at ang wakas ng pitong panahon na binanggit sa aklat ng Daniel?

7 Ang isang pahiwatig ay nakakubli sa aklat ng Daniel. Yamang ginamit ni Jehova si Haring Nabucodonosor ng Babilonya upang wasakin ang Jerusalem sa simula ng “mga takdang panahon,” noong 607 B.C.E., isiniwalat Niya sa pamamagitan ng tagapamahalang iyon na patuloy na mamamahala ang mga bansa nang hindi pinakikialaman ng Diyos sa loob ng pitong makasagisag na panahon. (Ezekiel 21:26, 27; Daniel 4:16, 23-​25) Gaano katagal ang pitong panahong iyon? Ayon sa Apocalipsis 11:2, 3, at 12:6, 14, ang tatlo at kalahating panahon ay kasintagal ng 1,260 araw. Kaya, ang pitong panahon ay doble ng tagal nito, o 2,520 araw. Dito ba ito nagtatapos? Hindi, sapagkat ibinigay ni Jehova sa kapanahon ni Daniel, si propeta Ezekiel, ang tuntunin sa pagbibigay ng kahulugan sa simbolismo: “Isang araw para sa isang taon, isang araw para sa isang taon, ang ibinigay ko sa iyo.” (Ezekiel 4:6) Kung gayon, ang totoong haba ng pitong panahon ay 2,520 taon. Sa pagbilang ng 2,520 taon na ginagamit ang 607 B.C.E. bilang simula, mahihinuha natin na ang mga takdang panahon ay nagwakas noong 1914.

Natiyak ang “Panahon ng Kawakasan”

8. Anong ebidensiya ang maaari mong banggitin na lumalala nga ang mga kalagayan sa sanlibutan mula noong 1914?

8 Tinitiyak ng mga pangyayari sa sanlibutan mula 1914 hanggang sa ngayon na ang pagkaunawang salig sa kronolohiya ng Bibliya na nabanggit sa itaas ay tama. Sinabi mismo ni Jesus na ang “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay kakikitaan ng mga digmaan, taggutom, at salot. (Mateo 24:3-8; Apocalipsis 6:2-8) Talagang ganiyan nga ang nangyayari mula pa noong 1914. Nagbigay pa ng karagdagang impormasyon si apostol Pablo, na nagsabing magkakaroon ng malaking pagbabago sa saloobin ng mga tao sa isa’t isa. Ang paglalarawan niya sa mga pagbabagong nasasaksihan nating lahat ay eksaktung-eksakto.​—2 Timoteo 3:1-5.

9. Ano ang sinasabi ng mga nagmamasid sa mga kalagayan ng sanlibutan mula noong 1914?

9 Talaga bang malaki ang nabago sa “tanawin ng sanlibutang ito” mula noong 1914? Sa aklat na The Generation of 1914, sinabi ni Propesor Robert Wohl: “Hindi maiwaksi ng mga nakasaksi sa panahon ng digmaan ang kanilang paniniwala na isang sanlibutan ang nagwakas at isa naman ang nagsimula noong Agosto 1914.” Sa pagsuhay rito, si Dr. Jorge A. Costa e Silva, bilang direktor ng pangkaisipang kalusugan ng World Health Organization, ay sumulat: “Nabubuhay tayo sa panahon ng napakabibilis na pagbabago, na sa bandang huli ay nagdudulot ng kabalisahan at igting sa antas na hindi pa kailanman naranasan sa kasaysayan ng sangkatauhan.” Ganiyan din ba ang personal mong karanasan?

10. Paano nililinaw sa atin ng Bibliya ang sanhi ng lumalalang mga kalagayan sa sanlibutan mula noong 1914?

10 Sino ang may kagagawan sa lumalalang mga kalagayan sa sanlibutan? Isinisiwalat ng Apocalipsis 12:7-9 kung sino ang salarin: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel [si Jesu-Kristo] at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon [si Satanas na Diyablo], at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni may nasumpungan pa mang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, . . . na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” Kaya si Satanas na Diyablo ang may-salang pasimuno ng gulo, at ang pagpapalayas sa kaniya mula sa langit noong 1914 ay nangangahulugan ng ‘kaabahan para sa lupa at dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.’​—Apocalipsis 12:10, 12.

Kung Paano Magaganap ang Huling Tagpo

11. (a) Anu-anong pamamaraan ang ginagamit ni Satanas upang iligaw ang “buong tinatahanang lupa”? (b) Anong pantanging pagsisikap ni Satanas ang itinawag-pansin ni apostol Pablo?

11 Batid na nalalapit na ang kaniyang wakas, pinag-iibayo ni Satanas mula pa noong 1914 ang kaniyang pagsisikap na iligaw ang “buong tinatahanang lupa.” Palibhasa’y dalubhasang manlilinlang noon pa man, kumikilos si Satanas nang di-nakikita ng mga manonood, anupat itinatanghal sa entablado ang mga lider at mga tagapagpauso ng sanlibutan bilang tagaganap ng papel. (2 Timoteo 3:13; 1 Juan 5:19) Isa sa mga tunguhin niya ang linlangin ang sangkatauhan upang isiping magdudulot sa kanila ng tunay na kapayapaan ang kaniyang paraan ng pamamahala. Sa pangkalahatan, nagtagumpay ang propaganda niya, sapagkat nananatiling umaasa ang mga tao sa kabila ng dumaraming ebidensiya na palala nang palala ang mga kalagayan. Inihula ni apostol Pablo na bago mismo wasakin ang sistemang ito ng mga bagay, magkakaroon ng kapansin-pansing kapahayagan ng satanikong propaganda. Sumulat siya: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao.”​—1 Tesalonica 5:3; Apocalipsis 16:13.

12. Anu-anong patuluyang mga pagsisikap ang isinasagawa upang magdulot ng kapayapaan sa ating panahon?

12 Nitong nakaraang mga taon, madalas na ginagamit ng mga pulitiko ang pariralang “kapayapaan at katiwasayan” upang ilarawan ang iba’t ibang adhikain ng tao. Tinagurian pa nga nilang Internasyonal na Taon ng Kapayapaan ang 1986, bagaman hindi naman nagkaroon ng internasyonal na kapayapaan nang taóng iyon. Ang mga pagsisikap bang ito ng mga lider ng sanlibutan ang ganap na katuparan ng 1 Tesalonica 5:3, o tinutukoy kaya ni Pablo ang isang espesipiko at lubhang madulang pangyayari na tatawag sa pansin ng buong daigdig?

13. Nang ihula ni Pablo ang paghiyaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!,” sa ano niya inihambing ang kasunod na pagpuksa, at ano ang matututuhan natin mula rito?

13 Yamang madalas na nauunawaan lamang nang lubusan ang mga hula sa Bibliya pagkatapos matupad o habang natutupad ang mga ito, kailangan tayong maghintay upang maunawaan ang mga ito. Gayunman, kapansin-pansin na inihambing ni Pablo ang biglang pagkapuksa na kasunod ng paghiyaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!” sa hapdi ng panganganak ng babaing nagdadalang-tao. Sa loob ng mga siyam na buwan, lalong napapansin ng magiging ina ang sanggol na lumalaki sa sinapupunan niya. Baka naririnig na niya ang pintig ng puso ng kaniyang sanggol o nararamdaman ang mga galaw nito sa bahay-bata. Baka sumipa pa nga ito. Lalong nagiging kapansin-pansin ang mga tanda hanggang sa, isang araw, makadama na siya ng matinding kirot, ng hapdi, na nagpapahiwatig na sumapit na ang hinihintay na pangyayari​—ang pagsilang ng sanggol. Kung gayon, paano man matupad ang paghiyaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!,” hahantong ito sa isang biglaan, mahirap, ngunit pinagpalang pangyayari sa bandang huli​—ang pagpuksa sa kabalakyutan at ang simula ng sistema ng bagong sanlibutan.

14. Paano sunud-sunod na magaganap sa pangkalahatan ang mga pangyayari sa hinaharap, na hahantong sa anong kahihinatnan?

14 Ang darating na pagpuksa ay magiging kakila-kilabot para sa mga manonood na tapat na mga Kristiyano. Una, sasalakayin ng mga hari sa lupa (ang pulitikal na bahagi ng organisasyon ni Satanas) ang mga sumusuporta sa Babilonyang Dakila (ang relihiyosong bahagi) at pupuksain ang mga ito. (Apocalipsis 17:1, 15-18) Sa gayong paraan, sa nakagigitlang pagbabago sa takbo ng mga pangyayari, mababahagi ang kaharian ni Satanas laban sa kaniyang sarili, anupat sasalakayin ng isang bahagi ang kabilang bahagi, at walang kapangyarihan si Satanas para hadlangan ito. (Mateo 12:25, 26) Ilalagay ni Jehova sa mga puso ng mga hari sa lupa na “isakatuparan ang kaniyang kaisipan,” samakatuwid nga, ang alisin sa lupa ang kaniyang relihiyosong mga kaaway. Pagkatapos puksain ang huwad na relihiyon, pangungunahan ni Jesu-Kristo ang kaniyang makalangit na mga hukbo sa lubusang paglupig sa natitirang bahagi ng organisasyon ni Satanas​—ang komersiyal at pulitikal na mga elemento. Sa wakas, si Satanas mismo ay masusupil. Kapag nagkagayon, ibababa na ang telon, at magwawakas ang napakatagal nang dula.​—Apocalipsis 16:14-​16; 19:11-​21; 20:1-3.

15, 16. Ano ang dapat maging epekto sa ating buhay ng paalaala na “ang panahong natitira ay maikli na”?

15 Kailan mangyayari ang lahat ng ito? Hindi natin alam ang araw o oras. (Mateo 24:36) Gayunman, alam natin na “ang panahong natitira ay maikli na.” (1 Corinto 7:29) Kung gayon, mahalaga na gamitin natin nang may katalinuhan ang panahong natitira. Paano? Gaya ng ipinaliliwanag ni apostol Pablo, dapat nating ‘bilhin ang naaangkop na panahon’ para sa mga bagay na higit na mahalaga kapalit ng mga bagay na hindi naman makabuluhan at huwag sayangin ang bawat araw. Ang dahilan? “Sapagkat ang mga araw ay balakyot.” At palibhasa’y ‘nauunawaan kung ano ang kalooban ni Jehova’ para sa atin, hindi natin sasayangin ang mahalaga at kakaunting panahong natitira.​—Efeso 5:15-17; 1 Pedro 4:1-4.

16 Yamang alam nating mapupugnaw ang buong makasanlibutang sistemang ito ng mga bagay, paano ito dapat personal na makaapekto sa atin? Sumulat si apostol Pedro alang-alang sa kapakinabangan natin: “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon!” (2 Pedro 3:11) Talagang ito nga ang uri ng pagkatao na nararapat sa atin! Kasuwato ng matalinong payo ni Pedro, kailangan nating (1) manatiling mahigpit na nagbabantay sa ating paggawi upang matiyak na banal ito at (2) tiyaking ang ating masisigasig na gawa sa paglilingkod kay Jehova ay laging nagpapakita ng ating malalim na pag-ibig sa kaniya.

17. Laban sa anong mga silo ni Satanas dapat manatiling nagbabantay ang tapat na mga Kristiyano?

17 Ang pag-ibig sa Diyos ay hahadlang sa atin na mahalin ang sanlibutang ito dahil sa mga pang-akit nito. Dahil sa mangyayari sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, mapanganib na mabighani tayo sa ningning at halina ng makasanlibutan at mapagpalayaw na paraan ng pamumuhay. Bagaman namumuhay at nagtatrabaho tayo sa sanlibutan, dapat nating sundin ang matalinong payo na huwag gamitin nang lubusan ang sanlibutan. (1 Corinto 7:31) Sa katunayan, dapat nating gawin ang ating buong makakaya upang hindi mailigaw ng propaganda ng sanlibutan. Hindi magtatagumpay ang sanlibutang ito sa paghahanap ng mga lunas sa mga problema nito. Hindi nito mapaiiral nang habang panahon ang sarili nito. Bakit tayo lubhang makatitiyak dito? Sapagkat gayon ang sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17.

Parating Pa Lamang ang Pinakamainam!

18, 19. Anu-anong pagbabago ang inaasam-asam mo sa bagong sanlibutan, at bakit magiging sulit ang paghihintay?

18 Malapit nang ibaba ni Jehova ang telon kay Satanas at sa mga sumusuporta sa kaniya. Pagkatapos nito, taglay ang pagpapala ng Diyos, sisimulan ng mga tapat na nakaligtas sa wakas ng sistemang ito ang mga pagbabago sa “tanawin” na mananatili magpakailanman. Mawawala na sa tanawin ang digmaan; ‘patitigilin [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.’ (Awit 46:9) Sa halip na mga kakapusan sa pagkain, “magkakaroon ng saganang butil sa lupa; . . . mag-uumapaw [ito].” (Awit 72:16) Mawawala na ang mga piitan, mga istasyon ng pulis, mga sakit na naililipat sa pagtatalik, mga lider ng sindikato sa droga, mga hukumang pandiborsiyo, mga paglilitis sa pagkabangkarote, at terorismo.​—Awit 37:29; Isaias 33:24; Apocalipsis 21:3-5.

19 Mawawalan na ng laman ang mga alaalang libingan, at bilyun-bilyong bubuhaying muli​—mas maraming gaganap ng papel​—ang makikita sa entablado. Napakalaki ng magiging kagalakan kapag nakapiling muli ng isang salinlahi ang isa pang salinlahi at kapag magiliw at taos-pusong nayakap ng mga tao ang kanilang mahal sa buhay na matagal nang nawalay! Sa dakong huli, sasamba kay Jehova ang lahat ng nabubuhay. (Apocalipsis 5:13) Kapag ganap na ang mga pagbabago, itataas na ang telon upang itanghal ang paraiso sa buong lupa. Ano ang iyong madarama habang pinagmamasdan mo ang tanawin? Walang-alinlangang mapabubulalas ka, ‘Napakatagal kong hinintay ito, ngunit talagang sulit ang paghihintay!’

[Mga talababa]

^ par. 4 Sa ibang konteksto, tinukoy ni Pablo ang pinahirang mga Kristiyano bilang “pandulaang panoorin sa sanlibutan, at sa mga anghel, at sa mga tao.”​—1 Corinto 4:9.

^ par. 4 Halimbawa, tungkol sa pagkakakilanlan ng “hari ng hilaga,” na binanggit sa Daniel 11:40, 44, 45, tingnan ang aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel, pahina 280-1.

^ par. 6 Ipinakikita mismo ng Bibliya na bumagsak ang Jerusalem 70 taon bago bumalik ang mga tapong Judio noong 537 B.C.E. (Jeremias 25:11, 12; Daniel 9:1-3) Para sa detalyadong pagtalakay sa “mga takdang panahon ng mga bansa,” tingnan ang pahina 340-3 ng Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano nagkakatotoo sa ating panahon ang mga salita ni apostol Pablo na “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago”?

• Paano ipinakikita ng kronolohiya ng Bibliya ang wakas ng “mga takdang panahon ng mga bansa”?

• Paano tinitiyak ng nagbabagong mga kalagayan sa sanlibutan na 1914 ang simula ng “panahon ng kawakasan”?

• Paano dapat makaapekto sa atin ang katotohanang “ang panahong natitira ay maikli na”?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 20]

Sa wakas​—nalutas na ang misteryo!