Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naranasan Ko ang Maibiging-Kabaitan at Pangangalaga ni Jehova

Naranasan Ko ang Maibiging-Kabaitan at Pangangalaga ni Jehova

Naranasan Ko ang Maibiging-Kabaitan at Pangangalaga ni Jehova

AYON SA SALAYSAY NI FAY KING

Ang aking mga magulang ay mababait na tao, subalit gaya ng maraming iba pa, ayaw nila sa relihiyon. Sinasabi noon ng nanay ko: “Walang-alinlangang may Diyos, dahil kung walang Diyos, sino ang gumawa ng mga bulaklak, at sino ang gumawa ng mga punungkahoy?” Subalit hanggang doon lamang siya.

NAMATAY ang tatay ko noong 1939 nang ako’y 11 taóng gulang, at kami ng nanay ko ay nanirahan sa Stockport, sa gawing timog lamang ng Manchester, Inglatera. Talagang gusto kong makaalam ng higit pa tungkol sa aking Maylalang at iginagalang ko ang Bibliya, bagaman wala akong nalalaman tungkol dito. Kaya nagpasiya akong dumalo sa Church of England upang alamin kung ano ang maiaalok nito.

Ang mga seremonya ay walang gaanong kabuluhan sa akin, subalit nang basahin ang mga Ebanghelyo, sa paano man ay nakumbinsi ako ng mga salita ni Jesus na walang-alinlangang totoo ang Bibliya. Sa paggunita sa bagay na ito, waring kakatwa nga na hindi ko mismo nabasa ang Bibliya. Kahit na nang maglaon, nang bigyan ako ng kaibigan ng aming pamilya ng isang “Bagong Tipan” sa modernong salin, hindi ako nagkapanahon na basahin ito.

Talagang pinag-isip ako ng pagsiklab ng Digmaan sa Korea noong 1950. Lalaganap kaya ang labanan, gaya ng nangyari noong Digmaang Pandaigdig II? Kung magkagayon, paano ko masusunod ang utos ni Jesus na ibigin ang aking mga kaaway? Gayunpaman, maaari ba akong tumayo na lamang at tingnan ang mga tao na sinasalakay ang aking bansa at wala akong gagawin upang pahintuin sila? Kung gagawin ko iyon, tiyak na iniiwasan ko ang aking pananagutan. Bagaman nalilito ako, kumbinsido pa rin ako na ang mga sagot sa lahat ng aking mga tanong ay nasa Bibliya, bagaman wala akong ideya kung paano o saan ko masusumpungan ang mga ito.

Paghahanap ng Katotohanan sa Australia

Noong 1954, kami ng nanay ko ay nagpasiyang mandayuhan sa Australia, kung saan nakatira ang aking ate, si Jean. Pagkaraan ng ilang taon, sinabi sa akin ni Jean na hiniling niya sa mga Saksi ni Jehova na dalawin ako sapagkat alam niyang interesado ako sa Bibliya at nagsisimba ako. Gusto niyang malaman kung ano ang palagay ko sa mga Saksi ni Jehova. “Hindi ko alam kung tama o mali ang kanilang mga paliwanag,” ang sabi niya sa akin, “pero sa paano man ay may mga paliwanag sila, na higit kaysa sa paliwanag ng mga simbahan.”

Nakalulugod ang mag-asawang sina Bill at Linda Schneider, na magkasamang dumalaw sa akin. Sila’y lampas na sa edad na 65 anyos at matagal nang mga Saksi. Nakapagtrabaho sila sa istasyon ng radyo na pinatatakbo ng mga Saksi ni Jehova sa Adelaide, at nang ipagbawal ang gawaing pangangaral sa Australia noong Digmaang Pandaigdig II, nagpatala sila bilang buong-panahong mga ebanghelisador. Gayunman, samantalang tinutulungan ako nina Bill at Linda, sinusuri ko pa rin ang iba’t ibang relihiyon.

Dinala ako ng isang kasamahan sa trabaho sa isang miting ng ebanghelistang si Billy Graham at pagkatapos, ang ilan sa amin ay nakipagkita sa isang klerigo na nagpasigla sa amin na magtanong. Itinanong ko ang isa na nakaliligalig pa rin sa akin: “Paano ka maaaring maging isang Kristiyano na umiibig sa iyong mga kaaway kung ikaw naman ay nagtutungo sa digmaan at pinapatay sila?” Karaka-rakang nag-ingay ang grupo​—maliwanag na nakababahala sa kanilang lahat ang tanong na iyon! Di-nagtagal, sinabi ng klerigo: “Hindi ko alam ang sagot sa tanong na iyan. Pinag-iisipan ko pa ito.”

Samantala, nagpatuloy ang pakikipag-aral ko ng Bibliya kina Bill at Linda, at noong Setyembre 1958, nabautismuhan ako. Naipasiya kong sundan ang halimbawa ng mga nagturo sa akin, kaya noong Agosto ng sumunod na taon, nagpatala ako bilang isang regular pioneer, isang buong-panahong ebanghelisador. Pagkalipas ng walong buwan, naanyayahan akong mapabilang sa mga special pioneer. Tuwang-tuwa akong malaman na sumulong din sa pag-aaral ang aking kapatid na si Jean at nabautismuhan na!

Nabuksan ang Isang Pinto ng Pagkakataon

Naglilingkod ako sa isa sa mga kongregasyon sa Sydney at nagdaraos ng ilang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Isang araw, nakaharap ko ang isang retiradong klerigo ng Church of England at tinanong ko siya kung ano ang sinasabi ng simbahan hinggil sa katapusan ng mundo. Bagaman sinabi niya sa akin na naituro na niya ang doktrina ng simbahan sa loob ng 50 taon, lubha akong namangha sa sagot niya: “Kailangan ko ng panahon upang saliksikin iyan sapagkat wala akong gaanong nalalaman sa Bibliya hindi gaya ng mga Saksi ni Jehova.”

Di-nagtagal pagkatapos nito, nagkaroon ng panawagan para sa mga boluntaryo upang maglingkod sa Pakistan. Palibhasa’y hindi ko alam na hindi ipinadadala ang mga dalaga kundi mga binata lamang o mag-asawa, nag-aplay ako. Maliwanag na ipinadala ang aking aplikasyon sa ating punong-tanggapan sa Brooklyn sapagkat di-nagtagal, tumanggap ako ng isang liham na nagsasabi sa akin na may bakante sa Bombay (tinatawag ngayong Mumbai), India, kung gusto kong tanggapin ito. Iyan ay noong 1962. Tinanggap ko ito at nanatili ako sa Bombay sa loob ng 18 buwan bago nagtungo sa Allahabad.

Agad kong pinagtuunan ng pansin ang pag-aaral ng wikang Hindi. Madaling matutuhan ang wikang ito ng India sapagkat karaniwan na, kung ano ang baybay nito ay siya rin namang bigkas. Gayunman, malimit na nakasisiphayo kapag hinihilingan ako ng mga may-bahay na magsalita ng Ingles sa halip na magsikap na magsalita sa kanilang wika! Subalit ang bagong bansang ito ay nagharap ng kawili-wili at nakapagpapasiglang mga hamon, at nasiyahan ako sa pakikisama sa mga kapuwa Saksi mula sa Australia.

Noong kabataan ko, naisip ko ang tungkol sa pag-aasawa, subalit nang mabautismuhan ako, naging lubhang abala ako sa paglilingkod kay Jehova anupat hindi ko na gaanong pinag-isipan ito. Subalit ngayon, nakadarama na naman ako ng pangangailangan para sa isang makakasama sa buhay. Sabihin pa, hindi ko gustong iwan ang aking atas sa banyagang bansa, kaya idinulog ko ito kay Jehova sa panalangin at saka ko ito iwinaksi sa aking isipan.

Isang Di-inaasahang Pagpapala

Si Edwin Skinner ang nangangasiwa sa gawain ng sangay sa India noong panahong iyon. Nag-aral siya sa ikawalong klase ng Watchtower Bible School of Gilead noong 1946 kasama ng maraming iba pang tapat na mga kapatid, kabilang na sina Harold King at Stanley Jones, na naatasan sa Tsina. * Noong 1958, sina Harold at Stanley ay inilagay sa bartolina dahil sa kanilang gawaing pangangaral sa Shanghai. Nang makalaya si Harold noong 1963, sumulat sa kaniya si Edwin. Sumagot si Harold pagbalik niya sa Hong Kong mula sa kaniyang mga paglalakbay sa Estados Unidos at Britanya at nabanggit na nais niya sanang mag-asawa. Sinabi niya kay Edwin na idinulog na niya ang bagay na ito sa panalangin samantalang nasa bilangguan, at tinanong niya si Edwin kung may kakilala siyang isang Saksi na karapat-dapat niyang mapangasawa.

Sa India, isinasaayos ang karamihan ng mga pag-aasawa, at si Edwin ay madalas hilingan na gumawa ng gayong mga kaayusan, subalit lagi siyang tumatanggi. Kaya ibinigay niya ang sulat ni Harold kay Ruth Mckay, na ang asawa, si Homer, ay isang naglalakbay na tagapangasiwa. Nang maglaon, sumulat sa akin si Ruth upang sabihin na isang misyonerong matagal na sa katotohanan ang naghahanap ng mapapangasawa, at tinanong niya ako kung interesado ba akong sumulat dito. Hindi niya sinabi sa akin kung sino ang kapatid na iyon o ang anuman tungkol sa kaniya.

Sabihin pa, maliban kay Jehova, walang nakaaalam sa aking panalangin ukol sa isang makakasama sa buhay at ang reaksiyon ko sa simula ay tanggihan ang ideya. Gayunman, habang higit kong pinag-iisipan ito, lalo ko namang naiisip na bihirang sinasagot ni Jehova ang ating mga panalangin ayon sa paraan na iniisip nating sasagutin niya ito. Kaya sinagot ko ang sulat ni Ruth at sinabi ko na basta hindi ako obligadong magpakasal dito, maaari niyang hilingin na sumulat muli ang kapatid na iyon. Ang ikalawang sulat mula kay Harold King ay para sa akin.

Ang mga litrato ni Harold at ang kaniyang kuwento ay lumitaw sa iba’t ibang pahayagan at mga magasin kasunod ng paglaya niya mula sa bilangguan sa Tsina. Nang panahong ito, kilaláng-kilalá siya sa buong daigdig, subalit ang kaniyang matapat na teokratikong paglilingkod ang hinangaan ko. Kaya nagsulatan kami sa loob ng limang buwan, at pagkatapos ay nagpunta ako sa Hong Kong. Nagpakasal kami noong Oktubre 5, 1965.

Gusto naming dalawa na magpakasal at manatili sa buong-panahong paglilingkod, at yamang nagkakaedad na kami, nakadama kami ng higit na pangangailangan na may makasama sa buhay. Lalong napamahal sa akin si Harold, at habang nakikita ko ang mabait at makonsiderasyong pakikitungo niya sa mga tao at sa mga problema na bumabangon sa aming paglilingkod, nagkaroon ako ng matinding paggalang sa kaniya. Sa loob ng 27 taon ay nagtamasa kami ng isang napakaligayang pagsasama bilang mag-asawa at tumanggap ng maraming pagpapala mula sa kamay ni Jehova.

Masisipag na tao ang mga Tsino, at gustung-gusto ko sila. Sa Hong Kong, ang wikang sinasalita ay Cantonese, isang diyalektong Tsino na maraming tono, o impleksiyon, kaysa sa Mandarin at samakatuwid ay napakahirap pag-aralan. Sinimulan namin ni Harold ang aming buhay may-asawa sa tahanan ng mga misyonero sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, at pagkatapos ay naglingkod kami sa mga atas sa iba’t ibang bahagi ng Hong Kong. Oo, maligayang-maligaya kami, subalit nagkaroon ako ng malubhang suliranin sa kalusugan noong 1976.

Pagharap sa mga Suliranin sa Kalusugan

Ilang buwan na akong dinudugo noon, at bumaba nang husto ang aking blood count. Kailangan akong operahan, subalit sinabi sa akin ng mga doktor sa ospital na hindi sila mag-oopera nang hindi gumagamit ng dugo sapagkat kung gagawin nila ito, malamang na mamatay ako dahil sa matinding shock. Isang araw nang tinatalakay ng mga doktor ang kaso ko, sinikap ng mga nars na hikayatin akong magbago ng pasiya, anupat sinasabing wala akong karapatang sayangin ang aking buhay. May 12 operasyong nakaiskedyul sa araw na iyon, 10 sa mga ito ay aborsiyon, subalit napansin ko na walang sinumang tumutol sa pagkitil ng mga nagdadalang-tao sa buhay ng kanilang mga sanggol.

Sa wakas, sumulat si Harold ng isang liham na nag-aalis ng pananagutan sa ospital sakaling mamatay ako, at sumang-ayon ang mga doktor na gawin ang kinakailangang operasyon. Dinala ako sa operating room at inihanda ako para iniksiyunan ng anestisya. Subalit sa huling sandali, tumangging magpatuloy ang anestisyologo, at pinaalis ako ng ospital.

Saka kami kumonsulta sa isang gynecologist na hindi kaugnay sa ospital. Palibhasa’y natatanto ang aking grabeng kalagayan, nag-alok siyang mag-opera sa mababang halaga​—basta hindi namin sasabihin kaninuman ang singil niya sa amin. Naging matagumpay ang kaniyang operasyon​—at walang anumang ginamit na dugo. Kitang-kita ang maibiging-kabaitan at pangangalaga ni Jehova sa amin ni Harold lalo na sa panahong ito.

Noong 1992, nagkasakit nang malubha si Harold. Lumipat kami sa tanggapang pansangay at doo’y maibigin kaming inalagaan. Natapos ng aking mahal na asawa ang kaniyang makalupang landasin noong 1993 sa gulang na 81.

Pagbabalik sa Inglatera

Maligaya ako sa pagiging miyembro ng pamilyang Bethel sa Hong Kong, subalit unti-unti na akong nahihirapan sa init at halumigmig. Pagkatapos ay dumating ang isang sorpresang sulat mula sa punong-tanggapan sa Brooklyn, na nagtatanong, dahil sa aking kalusugan, kung gusto ko bang lumipat sa isang sangay na may higit na mga pasilidad sa pangangalaga sa kalusugan. Kaya noong taóng 2000, bumalik ako sa Inglatera at sumama sa pamilyang Bethel sa London. Tunay na isa ngang maibiging kaayusan ito! Mainit akong tinanggap, at lubusan akong nasisiyahan sa aking iba’t ibang atas na gawain, na kalakip dito ang pagtulong sa pangangalaga sa aklatan ng pamilyang Bethel at sa 2,000 aklat nito.

Nakaugnay rin ako sa kongregasyong Tsino na nagtitipon sa London, pero nagbago na ang mga bagay-bagay rito. Sa kasalukuyan, mas marami nang tao rito ang nanggaling sa pangunahing bahagi ng Tsina kaysa sa Hong Kong. Nagsasalita sila ng Mandarin, at iyan ay naghaharap ng isang bagong hamon sa gawaing pangangaral. May mga ulat ng maraming kawili-wiling mga pag-aaral sa Bibliya sa magkabilang ibayo ng bansa na idinaraos sa mga estudyanteng kumukuha ng ibang kurso pagkatapos ng pag-aaral sa kolehiyo sa Tsina. Masisikap sila at nasisiyahan sa katotohanan ng Bibliya na kanilang natututuhan. Isang kagalakang tulungan sila.

Sa katahimikan ng aking bagong tahanan, madalas kong ginugunita ang aking maligayang buhay at patuloy na namamangha sa maibiging-kabaitan ni Jehova. Makikita ito sa lahat ng bagay na may kinalaman sa kaniyang layunin, at kitang-kita ang pangangalaga niya sa kaniyang mga lingkod bilang mga indibiduwal. Taglay ko ang lahat ng dahilan upang magpasalamat sa lahat ng kaniyang maibiging pangangalaga sa akin.​—1 Pedro 5:6, 7.

[Talababa]

^ par. 19 Ang mga talambuhay ng dalawang misyonerong ito ay lumitaw sa Ang Bantayan, Mayo 15, 1964, pahina 313-9, at Hunyo 15, 1966, pahina 355-66.

[Larawan sa pahina 24]

Naglilingkod sa India

[Mga larawan sa pahina 25]

Si Harold King noong 1963 at nang naglilingkod sa Tsina noong dekada ng 1950

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang araw ng aming kasal sa Hong Kong, Oktubre 5, 1965

[Larawan sa pahina 26]

Kasama ang mga miyembro ng Bethel sa Hong Kong, ang mga Liang sa gitna, ang mga Gannaway sa kanan