Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Patuloy na Dumadalaw sa Iyo ang mga Saksi ni Jehova?

Bakit Patuloy na Dumadalaw sa Iyo ang mga Saksi ni Jehova?

Bakit Patuloy na Dumadalaw sa Iyo ang mga Saksi ni Jehova?

SA BUONG daigdig, kilalang-kilala ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang matiyagang pakikibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay. Nagtataka ang ilang tao kung bakit patuloy na dumadalaw sa kanila ang mga Saksi, lalo na kung dati na silang nagpakita ng kaunting interes sa mensahe ng mga Saksi. Dalawang liham mula sa Russia ang tumutulong upang ipaliwanag ang dahilan.

“Ang totoo,” ang pag-amin ni Masha, isang 19-na-taóng-gulang na babae sa Khabarovsk, “noon, iniiwasan ko ang mga Saksi ni Jehova gaya ng salot.” Gayunman, matapos basahin ang ilang kopya ng mga magasing inilalathala ng mga Saksi, nagbago ang kaniyang saloobin. “Talagang pawang kawili-wili at nakapagbibigay ng kaliwanagan ang aking nabasa,” ang sulat ni Masha, “ngunit higit sa lahat, nagiging iba ang iyong pangmalas sa daigdig dahil sa mga ito. Unti-unti kong naunawaan kung bakit binigyan ng buhay ang mga tao.”

Mula sa lunsod ng Ussuriysk, mga 80 kilometro sa hilaga ng Vladivostok, lumiham si Svetlana: “Kamakailan lamang ay sinimulan kong basahin Ang Bantayan at Gumising! Kailangang-kailangan ang mga magasing ito sa ating panahon. Nasisiyahan ako sa lahat ng artikulo. Talagang kawili-wili, nakapagtuturo, at nakapagbibigay ng kaliwanagan ang mga ito. Salamat! Maraming salamat sa pagkanaririto ninyo sa daigdig na ito at sa paggawa ng gayon kainam at kinakailangang gawain.”

Dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang nakapupukaw-kaisipang tanong ni Pablo: “Paano naman . . . maririnig [ng mga tao] kung walang mangangaral?” (Roma 10:14) Bakit hindi mo subuking makinig nang ilang minuto sa susunod na dalawin ka ng mga Saksi? Maaari ka ring masiyahan sa mensahe ng kaaliwan na masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.