Relihiyon—Mabuti ba o Masamang Impluwensiya?
Relihiyon—Mabuti ba o Masamang Impluwensiya?
“MALAKI ang utang na loob ko sa Kristiyanismo dahil sa nagawa nito sa akin, at naniniwala ako na malaki rin ang utang na loob ng sanlibutan na naapektuhan ng Kristiyanismo sa nakalipas na 2000 taon.”—Paunang Salita, Two Thousand Years—The First Millennium: The Birth of Christianity to the Crusades.
Ang pagsang-ayong iyan sa “Kristiyanismo” ay galing sa manunulat at brodkaster na Ingles na si Melvyn Bragg. Ipinakikita ng kaniyang pananalita ang damdamin ng milyun-milyong naninirahan sa lupa na nakadarama ng gayunding malaking utang na loob at pagkamatapat sa isa o iba pang relihiyon. Kumbinsido sila na may malakas at mabuting impluwensiya ang relihiyon sa kanilang buhay. Halimbawa, sinabi ng isang manunulat na ang Islam ay “may malaking impluwensiya sa isang dakilang sibilisasyon . . . [na] nagdulot ng kapakinabangan sa buong daigdig.”
Ang Papel ng Relihiyon—Mabuti o Masama?
Subalit ibinangon ng sumunod na pananalita ni Bragg ang isang seryosong katanungan kung talaga nga kayang may mabuting impluwensiya ang relihiyon sa pangkalahatan. Sinabi pa niya: “Pero dapat ding magpaliwanag sa akin ang Kristiyanismo.” Ano ang gusto niyang ipaliwanag sa kaniya? “Ang pagkapanatiko, ang kabalakyutan, ang kalupitan sa tao at ang sinasadyang kawalang-alam na kitang-kita rin sa kalakhang bahagi ng ‘kasaysayan’ nito,” ang sabi niya.
Marami ang magsasabi na pinapangit ng pagkapanatiko, kabalakyutan, kalupitan sa tao, at sinasadyang kawalang-alam ang karamihan ng mga relihiyon sa daigdig sa buong kasaysayan nito. Sa kanilang pangmalas, ang relihiyon ay nagkukunwang tagapagpala sa sangkatauhan—na sa ilalim ng mapanlinlang na anyo nito ng kagalingan at kabanalan, ito sa katunayan ay punô ng pagpapaimbabaw at kasinungalingan. (Mateo 23:27, 28) “Ang pinakakaraniwang mensahe sa ating literatura ay na lubhang mahalaga ang relihiyon sa ating sibilisasyon,” ang sabi ng A Rationalist Encyclopædia. “Subalit sa katunayan, ang pananalitang iyan hinggil sa relihiyon ay lubhang pinasisinungalingan ng mga katotohanan sa kasaysayan,” ang pagpapatuloy nito.
Bumasa ka ng anumang pahayagan sa ngayon, at masusumpungan mo ang napakaraming halimbawa ng mga lider ng relihiyon na nangangaral ng pag-ibig, kapayapaan, at pagkamahabagin subalit ginagatungan ang pagkapoot at ginagamit ang pangalan ng Diyos upang gawing tama ang kanilang mababangis na labanan. Hindi kataka-taka na maraming tao ang nag-iisip na kadalasang may mapangwasak na impluwensiya sa buhay ang relihiyon!
Mas Mabuti ba Kung Walang Relihiyon?
Nasabi pa nga ng ilan, gaya ng pilosopong Ingles na si Bertrand Russel, na magiging kanais-nais sana ang buhay kung sa dakong huli ay “hindi na iiral ang bawat uri ng relihiyosong paniniwala.” Sa
kanilang palagay, ang pag-aalis sa relihiyon ang tanging namamalaging solusyon sa lahat ng problema ng sangkatauhan. Subalit, maaaring kinaliligtaan nila na yaong mga nagtatakwil sa relihiyon ay maaaring lumikha ng gayunding pagkapoot at kawalang-pagpaparaya na gaya niyaong mga nagtataguyod nito. Ganito ang ipinaaalaala sa atin ng manunulat tungkol sa relihiyon na si Karen Armstrong: “Sa paano man, ipinakita ng Holocaust na ang sekular na ideolohiya ay maaaring maging nakamamatay na gaya ng anumang relihiyosong krusada.”—The Battle for God—Fundamentalism in Judaism, Christianity and Islam.Kaya may mabuti nga bang impluwensiya ang relihiyon, o sa totoo lang, ito ba ang ugat ng mga problema ng sangkatauhan? Ang pag-aalis ba sa lahat ng relihiyon ang solusyon sa mga problemang ito? Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito sa susunod na artikulo. Maaaring magulat ka sa kasagutan.