Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Lingkod ng Diyos ay Gaya ng mga Punungkahoy—Sa Anu-anong Paraan?

Ang mga Lingkod ng Diyos ay Gaya ng mga Punungkahoy—Sa Anu-anong Paraan?

Ang mga Lingkod ng Diyos ay Gaya ng mga Punungkahoy​—Sa Anu-anong Paraan?

SA PAGSASALITA hinggil sa isang indibiduwal na nalulugod sa mga simulain ng Bibliya at nagkakapit nito sa kaniyang buhay, ganito ang sabi ng salmista: “Siya ay tiyak na magiging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.” (Awit 1:1-3) Bakit angkop ang paghahambing na ito?

Ang mga punungkahoy ay maaaring mabuhay nang mahabang panahon. Bilang halimbawa, ang ilang puno ng olibo sa rehiyon ng Mediteraneo ay sinasabing mula isa hanggang dalawang libong taóng gulang na. Sa katulad na paraan, ang mga puno ng baobab ng sentral Aprika ay nabubuhay nang matagal, at ang puno ng pino na bristlecone sa California ay pinaniniwalaang mga 4,600 taóng gulang na. Sa kagubatan, kadalasang kapaki-pakinabang ang magulang na mga punungkahoy sa kanilang kapaligiran. Halimbawa, ang matataas na punungkahoy ay nagbibigay ng nagsasanggalang na lilim sa mga batang puno, at ang nalalagas na mga dahon mula sa mga punungkahoy ay nagpapataba ng lupa sa ilalim nito.

Ang pinakamatataas na punungkahoy sa daigdig ay karaniwan nang masusumpungang tumutubong magkakasama sa kagubatan, kung saan sinusuportahan ng bawat punungkahoy ang isa’t isa. Yamang ang kanilang mga ugat ay maaaring nagkasala-salabid, mas napaglalabanan ng ilang magkakasamang punungkahoy ang isang bagyo kaysa sa nag-iisang punungkahoy na nakatayo sa parang. Nakakakuha rin ng sapat na tubig at sustansiya mula sa lupa ang isang punungkahoy dahil sa malaking sistema ng mga ugat nito. Sa ilang kalagayan, ang mga ugat ay maaaring tumagos nang mas malalim sa lupa kaysa sa taas ng punungkahoy, o ang mga ugat nito ay maaaring gumapang nang husto anupat lumampas pa sa lawak na sakop ng mga dahon ng punungkahoy.

Maaaring di-tuwirang tinutukoy ni apostol Pablo ang isang punungkahoy nang ipaliwanag niya na ang mga Kristiyano ay dapat na “patuloy na lumakad na kaisa niya [ni Kristo], na nakaugat at itinatayo sa kaniya at pinatatatag sa pananampalataya.” (Colosas 2:6, 7) Tunay nga, ang mga Kristiyano ay maaaring manatiling matatag sa kanilang pananampalataya tanging kung sila ay matatag na nakaugat kay Kristo.​—1 Pedro 2:21.

Sa anu-anong iba pang paraan maihahalintulad ang mga lingkod ng Diyos sa mga punungkahoy? Buweno, kung paanong ang mga punungkahoy sa isang taniman ay tumatanggap ng suporta mula sa kalapit na mga punungkahoy, sa gayunding paraan, ang lahat ng nananatiling malapít sa kongregasyong Kristiyano ay tumatanggap ng suporta mula sa mga kapananampalataya. (Galacia 6:2) Tinutulungan ng tapat at may-gulang na mga Kristiyano, na may malawak at malalim na espirituwal na mga ugat, ang baguhang mga mananampalataya na manatiling matatag sa pananampalataya, kahit sa harap ng tulad-bagyong pagsalansang. (Roma 1:11, 12) Ang baguhang mga Kristiyano ay maaaring lumago sa mapagsanggalang na “lilim” ng mas makaranasang mga lingkod ng Diyos. (Roma 15:1) At ang lahat ng mga miyembro ng pambuong-daigdig na kongregasyong Kristiyano ay nakikinabang sa nakapagpapatibay na pagkaing espirituwal na inilalaan ng “malalaking punungkahoy ng katuwiran,” ang pinahirang nalabi.​—Isaias 61:3.

Talagang kapana-panabik nga na ang lahat ng mga lingkod ng Diyos ay may pag-asa na maranasan ang katuparan ng pangakong masusumpungan sa Isaias 65:22, na nagsasabing: “Magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan.”

[Picture Credit Line sa pahina 28]

Godo-Foto