Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Natin Ipinakikita ang Ating Pag-ibig sa Diyos

Kung Paano Natin Ipinakikita ang Ating Pag-ibig sa Diyos

Kung Paano Natin Ipinakikita ang Ating Pag-ibig sa Diyos

ANG paglinang ng pag-ibig sa Diyos ay hindi lamang basta pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa kaniya. Gaya ng mapatutunayan ng mga lingkod ng Diyos sa buong daigdig, lumalago ang tunay na pag-ibig sa Diyos habang nakikilala ng isa ang Kaniyang personalidad, at lalo pa itong sumisidhi habang nagiging pamilyar ang isa sa kung ano ang iniibig ng Diyos, kung ano ang kinapopootan niya, at kung ano ang kaniyang mga pinipili at mga kahilingan.

Buong-pagmamahal na ibinigay sa atin ni Jehova ang kaniyang Salita, ang Bibliya, kung saan niya isinisiwalat ang kaniyang sarili. Mula rito, nalalaman natin kung paano nakitungo si Jehova sa iba’t ibang kalagayan. Kung paanong ang isang liham mula sa isang minamahal ay nagbibigay sa atin ng malaking kaluguran, nagdudulot din sa atin ng kaluguran ang Bibliya habang nakikita nating isinisiwalat nito ang bagong mga aspekto ng personalidad ni Jehova.

Gayunman, gaya ng napapansin natin kung minsan sa ating pangmadlang ministeryo, ang basta pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi laging nagpapangyaring ibigin siya ng isang tao. Sinabi ni Jesus sa ilang hindi mapagpahalagang mga Judio noong panahon niya: “Sinasaliksik ninyo ang Kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa pamamagitan ng mga iyon ay magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan; . . . ngunit alam na alam ko na hindi ninyo taglay sa inyo ang pag-ibig sa Diyos.” (Juan 5:39, 42) Ang ilan ay gumugol ng mga taon sa pag-aaral tungkol sa maibiging mga gawa ni Jehova subalit maliit lamang ang pag-ibig sa kaniya. Bakit? Hindi nila pinag-isipan ang mga implikasyon ng kanilang natutuhan. Kabaligtaran nito, naranasan ng milyun-milyong taimtim na mga taong inaaralan natin ng Bibliya na patuloy na lumalago ang kanilang pag-ibig sa Diyos. Bakit? Sapagkat, gaya ng ginawa natin, sinusunod nila ang halimbawa ni Asap. Sa anong paraan?

Magbulay-bulay Nang May Pagpapahalaga

Determinado si Asap na linangin sa kaniyang puso ang pag-ibig kay Jehova. Sumulat siya: “Ako ay mababahala sa aking puso . . . Aalalahanin ko ang mga gawa ni Jah; sapagkat aalalahanin ko ang iyong kamangha-manghang gawain noong sinaunang panahon. At bubulay-bulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at ang iyong mga gawain ay pagtutuunan ko ng pansin.” (Awit 77:6, 11, 12) Lalago ang pag-ibig sa Diyos ng isang tao na nagmumuni-muni sa mga daan ni Jehova gaya ng ginawa ng salmista.

Karagdagan pa, ang paggunita sa mga naranasan natin samantalang naglilingkod kay Jehova ay nagpapatibay ng ating kaugnayan sa kaniya. Sinabi ni apostol Pablo na tayo ay “mga kamanggagawa” ng Diyos, at maaaring maging lubhang natatangi ang pagkakaibigan sa pagitan ng mga kamanggagawa. (1 Corinto 3:9) Kapag ipinahayag natin ang ating pag-ibig kay Jehova, pinahahalagahan niya ito, at nagpapasaya ito sa kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Pagkatapos, kapag humingi tayo ng tulong kay Jehova at kaniyang pinapatnubayan tayo sa paglutas sa ilang problema, alam nating siya ay sumasaatin, at sumisidhi ang ating pag-ibig sa kaniya.

Nalilinang ang pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang tao habang ipinahahayag nila ang kanilang damdamin sa isa’t isa. Sa katulad na paraan, kapag sinasabi natin kay Jehova kung bakit tayo tapat sa kaniya, sumisidhi ang ating pag-ibig sa kaniya. Masusumpungan natin ang ating sarili na nagbubulay-bulay sa mga pananalita ni Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.” (Marcos 12:30) Ano ang ating magagawa upang matiyak na patuloy nating iibigin si Jehova nang ating buong puso, ating buong kaluluwa, ating buong pag-iisip, at ating buong lakas?

Pag-ibig kay Jehova Nang Ating Buong Puso

Tinutukoy ng Kasulatan ang makasagisag na puso, na siyang panloob na pagkatao​—ang ating mga naisin, saloobin, at damdamin. Kaya ang pag-ibig kay Jehova nang ating buong puso ay nangangahulugan na higit sa anumang bagay, nais nating palugdan ang Diyos. (Awit 86:11) Ating ipinakikita na taglay natin ang gayong pag-ibig sa pamamagitan ng pagsisikap na gawing kanais-nais sa kaniya ang ating personalidad. Sinisikap nating tularan ang Diyos sa pamamagitan ng ‘pagkamuhi sa balakyot at pagkapit sa mabuti.’​—Roma 12:9.

Apektado ng pag-ibig sa Diyos ang ating damdamin sa lahat ng bagay. Halimbawa, maaaring nasusumpungan nating kawili-wili o umuubos ng maraming panahon ang trabaho natin, subalit naroroon ba ang ating puso? Wala roon. Yamang iniibig natin si Jehova nang ating buong puso, nauuna sa lahat ng bagay ang ating pagiging mga ministro ng Diyos. Gayundin, gusto nating palugdan ang ating mga magulang, ang ating kabiyak, at ang ating amo, subalit pinatutunayan natin ang ating buong-pusong pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng pagsisikap na gawing pangunahin ang pagpapalugod sa kaniya. Tutal, karapat-dapat naman siyang maging pangunahin sa ating puso.​—Mateo 6:24; 10:37.

Pag-ibig kay Jehova Nang Ating Buong Kaluluwa

Sa Kasulatan, ang salitang “kaluluwa” ay pangunahin nang tumutukoy sa ating buong pagkatao gayundin sa buhay na taglay natin. Kaya ang pag-ibig kay Jehova nang ating buong kaluluwa ay nangangahulugan na ginagamit natin ang ating buhay upang purihin siya at upang patunayan ang pag-ibig natin sa kaniya.

Sabihin pa, baka may iba pa tayong mga interes sa buhay, gaya ng pagkatuto ng isang trabaho, pagpapatakbo ng isang negosyo, o pagpapamilya. Subalit kasabay nito, pinatutunayan natin ang ating buong-kaluluwang pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay ayon sa kaniyang paraan at sa pagpapanatili sa ibang mga bagay sa tamang dako ng mga ito sa ating buhay, sa gayo’y ‘hinahanap muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.’ (Mateo 6:33) Ang buong-kaluluwang pagsamba ay nangangahulugan din ng pagiging masigasig. Ipinakikita natin kay Jehova na iniibig natin siya sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng mensahe ng Kaharian, pagbibigay ng nakapagpapatibay na mga komento sa mga pulong, o pagtulong sa ating Kristiyanong mga kapatid. Sa lahat ng bagay, patuloy nating “ginagawa nang buong kaluluwa ang kalooban ng Diyos.”​—Efeso 6:6.

Ipinakita ni Jesus ang buong-kaluluwang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagtatatwa sa kaniyang sarili. Inuna niya ang kalooban ng Diyos at naging pangalawa lamang ang kaniyang personal na mga pangangailangan. Inanyayahan tayo ni Jesus na sundin ang kaniyang halimbawa. Sinabi niya: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.” (Mateo 16:24, 25) Ang pagtatatwa sa ating sarili ay nangangahulugan ng pag-aalay. Nangangahulugan ito na gayon na lamang ang pag-ibig natin sa Diyos anupat ibinibigay natin sa kaniya ang pagmamay-ari sa ating sarili, gaya ng isang Israelita noong panahon ng Bibliya na gayon na lamang ang pag-ibig sa kaniyang panginoon anupat permanente niyang inoobliga ang kaniyang sarili na maging alipin nito. (Deuteronomio 15:16, 17) Ang pag-aalay ng ating buhay kay Jehova ay isang nakakakumbinsing katibayan na iniibig natin siya.

Pag-ibig kay Jehova Nang Ating Buong Pag-iisip

Ang pag-ibig kay Jehova nang ating buong pag-iisip ay nangangahulugan na gagawin natin ang lahat ng kinakailangang pagsisikap upang maunawaan ang personalidad, mga layunin, at mga kahilingan ni Jehova. (Juan 17:3; Gawa 17:11) Ipinakikita natin ang ating pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng paggamit ng lahat ng ating mental na kakayahan sa pagtulong sa iba na ibigin din si Jehova at sa pamamagitan ng pagpapasulong sa ating sining ng pagtuturo. “Bigkisan ninyo ang inyong mga pag-iisip ukol sa gawain,” ang himok ni apostol Pedro. (1 Pedro 1:13) Gayundin, sinisikap nating magpakita ng interes sa iba, lalo na sa mga kapuwa lingkod ng Diyos. Batid natin ang kanilang mga kalagayan at nagmamasid tayo kung kailan angkop ang komendasyon o kung kailan kailangan ang kaaliwan.

Ipinakikita natin kay Jehova na iniibig natin siya nang ating buong pag-iisip sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kaniya sa mental na paraan. Sinisikap nating malasin ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang pangmalas, anupat isinasaalang-alang siya kapag tayo ay nagpapasiya, at nagtitiwala na ang kaniyang paraan ang pinakamabuti. (Kawikaan 3:5, 6; Isaias 55:9; Filipos 2:3-7) Subalit habang patuloy nating ipinakikita ang ating pag-ibig sa Diyos, paano natin magagamit ang ating lakas?

Pag-ibig kay Jehova Nang Ating Buong Lakas

Ginagamit ng maraming kabataan sa kongregasyong Kristiyano ang kanilang lakas sa pagpuri kay Jehova. (Kawikaan 20:29; Eclesiastes 12:1) Ang isang paraan ng pagpapakita ng maraming kabataang Kristiyano na iniibig nila si Jehova nang kanilang buong lakas ay sa pamamagitan ng pakikibahagi sa paglilingkod bilang payunir, ang buong-panahong ministeryo. Maraming ina ang nakikibahagi sa ministeryong ito samantalang nasa paaralan ang kanilang mga anak. Ipinakikita ng tapat na mga elder na nagsasagawa ng pagpapastol bukod pa sa pangangalaga sa kapakanan ng kani-kanilang pamilya na iniibig nila si Jehova nang kanilang buong lakas. (2 Corinto 12:15) Si Jehova ay nagbibigay ng lakas sa mga umaasa sa kaniya, upang maipakita nila ang kanilang pag-ibig sa pamamagitan ng pagpuri sa kaniya, na ginagamit ang anumang lakas na taglay nila.​—Isaias 40:29; Hebreo 6:11, 12.

Lalago ang pag-ibig kung lilinangin nang wasto. Kaya, patuloy tayong maglaan ng panahon upang magbulay-bulay. Alalahanin natin ang ginawa ni Jehova para sa atin at kung bakit karapat-dapat siya sa ating debosyon. Bilang di-sakdal na mga inapo ni Adan, hindi tayo kailanman maaaring maging karapat-dapat sa “mga bagay na inihanda ng Diyos para roon sa mga umiibig sa kaniya,” subalit maaari nating ipakita na iniibig natin si Jehova nang ating buong pagkatao. Patuloy nating gawin iyon!​—1 Corinto 2:9.

[Larawan sa pahina 20]

Ipinakikita natin ang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng mga gawa