Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maililigtas Pa Kaya ang mga Simbahan?

Maililigtas Pa Kaya ang mga Simbahan?

Maililigtas Pa Kaya ang mga Simbahan?

“NANINIWALA pa rin sa Diyos ang mga tao sa Britanya ngunit ayaw nilang italaga ang kanilang mga sarili para kay Kristo,” ang sabi ni Stephen Tirwomwe, isang klerigong taga-Uganda. Mga 20 taon na ang nakalilipas, nakaligtas siya sa mararahas na paglipol sa kaniyang simbahan sa Uganda. Sa ngayon, nangangaral siya sa mga asosasyon ng mga lalaki sa Leeds, Inglatera, na nagtatalumpati nang sampung minuto bago maglaro ng bingo ang kaniyang mga tagapakinig.

Sa kabilang panig ng Atlantiko, ang Anglican Mission sa Amerika na kabubuo lamang kamakailan ay dumaranas ng katulad na espirituwal na krisis. “Ang Estados Unidos na ngayon ang bansa sa buong daigdig na may pinakamalaking populasyon ng mga taong nagsasalita ng Ingles na hindi kabilang sa anumang simbahan at nagwawalang-bahala sa espirituwal,” ang sabi ng opisyal na Web site ng misyon. “Kami na ang nagiging larangan ng mga misyonero.” Dahil nasisiphayo sa nabigong mga pagsisikap na baguhin ang kanilang simbahan, nilabag ng bagong misyon ang tradisyon at nakiisa sa mga pinuno sa Asia at Aprika upang simulan ang “pangmisyonerong gawain sa Estados Unidos.”

Subalit bakit ‘nagliligtas ng mga kaluluwa’ ang mga misyonerong Aprikano, Asiano, at taga-Latin Amerika sa nag-aangking Kristiyanong mga lupain ng Europa at Hilagang Amerika?

Sino ba Talaga ang Inililigtas?

Sa loob ng mahigit na apat na raang taon, patuloy na dinayo ng debotong mga misyonerong Europeo ang lumalaking bilang ng mga rehiyon na sinasakop ng mga bansa sa Europa, gaya ng Aprika, Asia, Pasipiko, at Timog Amerika. Nilayon nilang iparating ang kanilang relihiyon sa di-umano’y mga pagano sa mga lupaing iyon. Nang maglaon, ang mga kolonya ng Amerika, na ipinalalagay na itinatag sa mga simulaing Kristiyano, ay sumama at sa dakong huli ay mas mabilis na nakapagtatag ng kanilang sariling mga misyong pang-ebanghelyo sa buong daigdig kaysa sa mga misyonerong Europeo. Nabaligtad na ngayon ang kalagayan.

“Nagbago na ang sentro [ng naturingang Kristiyanismo],” ang sabi ni Andrew Walls, tagapagtatag-direktor ng Centre for the Study of Christianity in the Non-Western World. Noong 1900, ang 80 porsiyento ng mga nag-aangking Kristiyano ay Europeo o taga-Hilagang Amerika. Gayunman, ang 60 porsiyento ng lahat ng mga nag-aangking Kristiyano sa ngayon ay nakatira sa Aprika, Asia, at Latin Amerika. Sinabi ng isang ulat sa media kamakailan: “Umaasa ang mga simbahang Katoliko sa Europa sa mga pari mula sa Pilipinas at India,” at “isa sa anim na mga paring naglilingkod sa mga simbahang Katoliko sa Amerika ay mula na ngayon sa ibang bansa.” Itinuturing ng Aprikanong mga ebanghelista sa Netherlands, na ang karamihan ay mula sa Ghana, ang kanilang sarili bilang “simbahang pangmisyonero sa isang sekular na kontinente.” At nagdaraos na ngayon ng mga krusada sa iba’t ibang bahagi ng Britanya ang mga ebanghelista mula sa Brazil. Ganito ang napansin ng isang manunulat: “Nabaligtad na ang daloy ng Kristiyanong pagmimisyonero.”

Napipintong Paghaharap

Malamang na kailangan ang mga misyonero sa mga kontinente ng Europa at Hilagang Amerika na lalong nagiging sekular. “Di-kukulangin sa 10 porsiyento ng mga Kristiyano sa Scotland ang regular na nagsisimba,” ang sabi ng isang magasing pambalita. Mas kakaunti naman ang nagsisimba sa Pransiya at Alemanya. Nang tanungin sila, “mga 40 porsiyento ng mga Amerikano at 20 porsiyento ng mga taga-Canada ang nagsasabing regular silang nagsisimba,” ang sabi ng isang ulat sa media. Sa kabaligtaran, sinasabing halos 70 porsiyento ang nagsisimba sa Pilipinas, at gayundin sa iba pang papaunlad na mga lupain.

Mas mahalaga pa, ang mga nagsisimba sa Timugang Hemisperyo ay mas tradisyonal kaysa roon sa mga taga-Hilagang Hemisperyo. Halimbawa, nang tanungin ang mga Katoliko sa Estados Unidos at Europa, pare-pareho silang nagpahayag ng tumitinding kawalang-tiwala sa awtoridad ng klero at iginigiit nila ang higit na pakikibahagi ng lego at pagkakapantay-pantay ng mga kababaihan. Sa kabilang panig, maraming Katoliko sa Timugang Hemisperyo ang nanghahawakan sa tradisyonal na paninindigan ng simbahan sa mga usaping ito. Habang nagpapatuloy ang patimog na pagbabago sa demograpiya ng simbahan, nailalatag na ang saligan para sa napipintong paghaharap. Inihuhula ni Philip Jenkins, iskolar ng kasaysayan at relihiyon: “Malamang na sa darating na isa o dalawang dekada, hindi kikilalanin ng bawat bahagi ng pangglobong Kristiyanismo ang katumbas nitong bahagi bilang lubos o tunay na Kristiyano.”

Dahil sa kalakarang ito, sinabi ni Walls na ang usaping kailangang malutas ay “kung paano makapamumuhay sa iisang simbahan ang mga Kristiyanong Aprikano, Asiano, taga-Latin Amerika, taga-Hilagang Amerika at Europeo, anupat tunay na nanghahawakan sa iisang pananampalataya.” Ano sa palagay mo? Maaari kayang umiral ang mga simbahan sa isang nababahaging daigdig? Ano ang saligan ng tunay na Kristiyanong pagkakaisa? Ang susunod na artikulo ay maghaharap ng maka-Kasulatang mga sagot, kalakip na ang malinaw na katibayan na lumalago na sa buong daigdig ang isang tunay na Kristiyanong pamayanan.

[Larawan sa pahina 4]

Ang dating simbahang ito ay isa na ngayong “music café”

[Credit Line]

AP Photo/​Nancy Palmieri