Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Gawin Mo ang Gawain ng Isang Ebanghelisador”

“Gawin Mo ang Gawain ng Isang Ebanghelisador”

“Gawin Mo ang Gawain ng Isang Ebanghelisador”

“Panatilihin mo ang iyong katinuan sa lahat ng mga bagay, . . . gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador.”​—2 TIMOTEO 4:5.

1. Anong atas ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?

IPINAHAHAYAG sa buong lupa ang pangalan at mga layunin ni Jehova. Ito ay dahil dinidibdib ng nakaalay na bayan ng Diyos ang atas na ibinigay ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod nang sabihin niya: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”​—Mateo 28:19, 20.

2. Anong tagubilin ang tinanggap ng tagapangasiwang si Timoteo, at ano ang isang paraan para maganap ng mga tagapangasiwang Kristiyano ang kanilang ministeryo?

2 Dinibdib ng mga alagad ni Jesus noong unang siglo ang atas na iyan. Halimbawa, hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang kapuwa Kristiyanong tagapangasiwa na si Timoteo: “Gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.” (2 Timoteo 4:5) Sa ngayon, ang isang paraan ng pagganap ng tagapangasiwa sa kaniyang ministeryo ay sa pamamagitan ng pagiging masigasig na tagapaghayag ng Kaharian, isa na regular na naglilingkod sa ministeryo sa larangan. Halimbawa, may nakasisiyang pribilehiyo ang tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na manguna sa gawaing pangangaral at pagsasanay sa iba. Tinupad ni Pablo ang kaniyang personal na pananagutang ihayag ang mabuting balita, at tumulong siyang sanayin ang iba sa ministeryo.​—Gawa 20:20; 1 Corinto 9:16, 17.

Masisigasig na Ebanghelisador Noon

3, 4. Anu-ano ang mga naging karanasan ni Felipe bilang ebanghelisador?

3 Kilala ang sinaunang mga Kristiyano bilang masisigasig na ebanghelisador. Isaalang-alang ang ebanghelisador na si Felipe. Isa siya sa “pitong lalaking may patotoo . . . [na] puspos ng espiritu at karunungan” na napili upang gawin nang walang pagtatangi ang araw-araw na pamamahagi ng pagkain sa Kristiyanong mga babaing balo sa Jerusalem na nagsasalita ng Griego at maging sa mga nagsasalita ng Hebreo. (Gawa 6:1-6) Nang matapos ang pantanging paglilingkod na iyon at mangalat ang lahat maliban sa mga apostol dahil sa pag-uusig, nagtungo si Felipe sa Samaria. Doon niya ipinahayag ang mabuting balita at binigyan siya ng kapangyarihan ng banal na espiritu na magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga taong pilay at paralisado. Maraming Samaritano ang tumanggap sa mensahe ng Kaharian at nabautismuhan. Nang mabalitaan ito, isinugo ng mga apostol sa Jerusalem sina apostol Pedro at Juan sa Samaria upang ang bagong bautisadong mga mananampalataya ay tumanggap ng banal na espiritu.​—Gawa 8:4-17.

4 Sumunod ay inakay ng espiritu ng Diyos si Felipe upang makatagpo ang bating na Etiope sa daan patungong Gaza. Pagkatapos ng malinaw na paliwanag ni Felipe sa hula ni Isaias, ang “taong [ito na] may kapangyarihan sa ilalim ni Candace na reyna ng mga Etiope” ay nanampalataya kay Jesu-Kristo at nabautismuhan. (Gawa 8:26-38) Pagkatapos nito ay nagpunta si Felipe sa Asdod at sa Cesarea, ‘na ipinahahayag ang mabuting balita sa lahat ng mga lunsod’ na madaanan niya. (Gawa 8:39, 40) Talagang nagpakita siya ng mainam na halimbawa sa pagganap ng gawain ng isang ebanghelisador!

5. Sa anong bagay pantanging kilala ang apat na anak na babae ni Felipe?

5 Aktibo pa rin si Felipe sa ministeryo sa Cesarea pagkalipas ng mga 20 taon. Nang manatili sa kaniyang tahanan sina Pablo at Lucas, siya ay “may apat na anak na babae, mga dalaga, na nanghuhula.” (Gawa 21:8-10) Maliwanag na nasanay silang mabuti sa espirituwal na paraan, may sigasig para sa ministeryo, at may pribilehiyo pa nga na magsalita ng mga panghuhula. Makapagdudulot ng mainam na epekto sa mga anak na lalaki at babae sa ngayon ang sigasig ng mga magulang sa ministeryo, anupat mapakikilos sila na gawing panghabambuhay na gawain ang masigasig na pag-eebanghelyo.

Masisigasig na Ebanghelisador Ngayon

6. Ano ang natamong tagumpay ng mga ebanghelisador noong unang siglo?

6 Sa kaniyang dakilang hula para sa ating panahon at sa panahon ng kawakasan, ipinahayag ni Jesu-Kristo: “Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.” (Marcos 13:10) Darating ang wakas pagkatapos maipangaral ang mabuting balita “sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Nang ipangaral ni Pablo at ng iba pang mga ebanghelisador noong unang siglo ang mabuting balita, marami ang naging mga mananampalataya, at nabuo ang mga kongregasyon sa maraming lugar sa buong Imperyo ng Roma. Ang matatanda na inatasang maglingkod sa mga kongregasyong ito ay nakibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki at babae at nagpalawak ng gawaing pangangaral sa iba’t ibang dako. Patuloy na lumago at nanaig ang salita ni Jehova nang mga araw na iyon, kung paanong gayon din sa ngayon sapagkat milyun-milyong Saksi ni Jehova ang gumaganap ng gawain ng mga ebanghelisador. (Gawa 19:20) Isa ka na ba sa maliligayang pumupuri kay Jehova?

7. Ano ang ginagawa sa ngayon ng mga tagapaghayag ng Kaharian?

7 Sinasamantala ng maraming tagapaghayag ng Kaharian sa ngayon ang mga pagkakataon upang mapalawak ang kanilang bahagi sa gawaing pag-eebanghelyo. Libu-libo ang pumapasok sa larangan ng pagmimisyonero, at daan-daang libo ang nakikibahagi sa buong-panahong gawaing pag-eebanghelyo bilang mga regular at auxiliary pioneer. At napakainam na gawain ang ginaganap ng mga lalaki, babae, at mga bata na naglilingkod bilang masisigasig na mamamahayag ng Kaharian! Tunay ngang tinatamasa ng bayan ni Jehova ang kaniyang mayamang pagpapala habang naglilingkod sila nang balikatan sa kaniya bilang Kristiyanong mga ebanghelisador.​—Zefanias 3:9.

8. Anong paglalagay ng marka ang ginagawa na sa ngayon, at sinu-sino ang gumagawa nito?

8 Ipinagkaloob ng Diyos sa pinahirang mga tagasunod ni Jesus ang pananagutang ipahayag ang mabuting balita sa buong lupa. Tumutulong sa kanila sa gawaing ito ng pag-eebanghelyo ang lumalaking bilang ng “ibang mga tupa” ni Kristo. (Juan 10:16) Sa makahulang paraan, inihahalintulad ang nagliligtas-buhay na gawaing ito sa paglalagay ng marka sa mga noo ng mga taong nagbubuntunghininga at dumaraing dahil sa lahat ng karima-rimarim na bagay na nagaganap sa ngayon. Malapit nang puksain ang mga balakyot. Samantala, kaylaking pribilehiyo na ihatid ang nagliligtas-buhay na mga katotohanan sa mga tumatahan sa lupa!​—Ezekiel 9:4-6, 11.

9. Paano matutulungan sa ministeryo ang mga baguhan?

9 Kung matagal-tagal na tayong nakikibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo, malamang na may magagawa tayo para tulungan ang mga baguhan sa kongregasyon. Paminsan-minsan, maaari natin silang isama sa ministeryo. Nanaisin ng mga naglilingkod bilang matatanda na gawin ang buong makakaya nila upang patibayin sa espirituwal ang kanilang mga kapananampalataya. Malaki ang magagawa ng mainam na pagsisikap ng mapagpakumbabang mga tagapangasiwa upang tulungan ang iba na maging masisigasig at mabubungang ebanghelisador.​—2 Pedro 1:5-8.

Pagpapatotoo sa Bahay-bahay

10. Anong halimbawa sa ministeryo ang ipinakita ni Kristo at ng kaniyang sinaunang mga tagasunod?

10 Nagpakita si Jesu-Kristo ng napakainam na halimbawa bilang ebanghelisador sa kaniyang mga tagasunod. Hinggil sa ministeryo ni Kristo at ng kaniyang mga apostol, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Naglakbay siya sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos. At ang labindalawa ay kasama niya.” (Lucas 8:1) Kumusta naman ang mga apostol mismo? Pagkatapos ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E., “bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.”​—Gawa 5:42.

11. Ayon sa Gawa 20:20, 21, ano ang ginawa ni apostol Pablo sa kaniyang ministeryo?

11 Dahil sa kaniyang masigasig na gawaing pag-eebanghelyo, nasabi ni apostol Pablo sa Kristiyanong matatanda mula sa Efeso: “Hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng alinman sa mga bagay na kapaki-pakinabang ni ang pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay.” Noong ‘nagtuturo sa bahay-bahay’ si Pablo, dumadalaw ba siya sa mga tahanan ng mga kapuwa niya sumasamba kay Jehova, anupat nagpapastol sa mga mananampalataya? Hindi, sapagkat ipinaliwanag niya: “Lubusan akong nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” (Gawa 20:20, 21) Sa pangkalahatan, hindi na kailangan ng mga nakaalay na kay Jehova ang tagubilin tungkol sa “pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” Sinasanay ni Pablo sa ministeryo sa bahay-bahay ang Kristiyanong matatanda sa Efeso habang tinuturuan niya ng tungkol sa pagsisisi at pananampalataya ang mga di-sumasampalataya. Sa paggawa nito, tinutularan ni Pablo ang pamamaraang itinatag ni Jesus.

12, 13. Kasuwato ng Filipos 1:7, ano ang ginagawa ng bayan ni Jehova may kinalaman sa kanilang karapatang mangaral?

12 Maaaring maging hamon ang ministeryo sa bahay-bahay. Halimbawa, nagagalit ang ilan kapag nagpupunta tayo sa kanilang tahanan na dala ang mensahe ng Bibliya. Hindi natin hangaring galitin ang mga tao. Gayunman, maka-Kasulatan ang ministeryo sa bahay-bahay, at ang pag-ibig sa Diyos at kapuwa ang nag-uudyok sa atin na magpatotoo sa ganitong paraan. (Marcos 12:28-​31) Upang ‘maipagtanggol at legal na maitatag’ ang ating karapatang mangaral sa bahay-bahay, naghaharap tayo ng mga kaso sa mga hukuman, pati na sa Korte Suprema ng Estados Unidos. (Filipos 1:7) Halos laging nagpapasiya nang pabor sa ating panig ang hukumang iyon. Ganito ang karaniwang hatol:

13 “Ang pagpapasakamay ng relihiyosong mga tract ay isang dati nang anyo ng misyonerong pag-eebanghelyo​—sintanda ng kasaysayan ng mga makinang pang-imprenta. Ito’y naging mabisang puwersa sa iba’t ibang relihiyosong mga kilusan sa paglipas ng mga taon. Ang anyong ito ng pag-eebanghelyo ay ginagamit ngayon sa malawakang paraan ng iba’t ibang relihiyosong sekta na may mga colporteur na naghahatid ng Ebanghelyo sa libu-libong tahanan at nagsisikap sa pamamagitan ng personal na mga pagdalaw na hikayatin ang iba na manghawakan sa kanilang pananampalataya. . . . Ang anyong ito ng relihiyosong gawain ay may kagalang-galang na katayuan sa ilalim ng ‘First Amendment’ [sa Saligang Batas ng Estados Unidos] na katulad ng pagsamba sa mga simbahan at ng pangangaral mula sa mga pulpito.”​—Murdock v. Pennsylvania, 1943.

Bakit Dapat Patuloy na Mangaral?

14. Ano ang maaaring maging unti-unting mabisang epekto ng ating ministeryo?

14 Maraming dahilan para magpatotoo sa bahay-bahay. Sa tuwing dumadalaw tayo sa may-bahay, nagsisikap tayong magtanim ng binhi ng maka-Kasulatang katotohanan. Sa pamamagitan ng mga pagdalaw-muli, hinahangad nating diligin ito. At maaaring unti-unti itong magkaroon ng mabisang epekto, sapagkat sumulat si Pablo: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpapalago nito.” (1 Corinto 3:6) Kaya patuloy tayong ‘magtanim at magdilig,’ na nananalig na ‘palalaguin ito’ ni Jehova.

15, 16. Bakit paulit-ulit tayong dumadalaw sa mga tahanan ng mga tao?

15 Ginaganap natin ang gawain ng mga ebanghelisador dahil nakataya ang mga buhay. Maililigtas natin ang ating mga sarili at yaong mga nakikinig sa atin sa pamamagitan ng pangangaral. (1 Timoteo 4:16) Kung alam nating nanganganib ang buhay ng isang tao, minsan lamang ba tayo gagawa ng pahapyaw na pagtatangkang tulungan siya? Tiyak na hindi! Yamang sangkot ang kaligtasan, paulit-ulit tayong dumadalaw sa mga tahanan ng mga tao. Patuloy na nagbabago ang mga kalagayan. Ang isang taong abalang-abala para makinig sa isang pagkakataon ay maaaring handang makinig sa mensahe ng Bibliya sa ibang panahon. Baka ibang miyembro ng pamilya ang magbukas ng pinto, at maaari itong umakay sa isang talakayan sa Kasulatan.

16 Hindi lamang ang mga kalagayan ng mga may-bahay ang maaaring magbago kundi maging ang kanilang saloobin. Halimbawa, ang masakit na pagpanaw ng isang minamahal ay maaaring magpakilos sa isang indibiduwal na makinig sa mensahe ng Kaharian. Hangarin nating aliwin ang taong iyon, anupat tulungan siyang maging palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan, at ipakita kung paano ito masasapatan.​—Mateo 5:3, 4.

17. Ano ang pangunahing dahilan ng ating gawaing pangangaral?

17 Ang pangunahin sa ating mga dahilan sa pagpapatotoo sa bahay-bahay o pagsasagawa ng iba pang anyo ng ministeryong Kristiyano ay ang pagnanais na magkaroon ng bahagi sa pagpapakilala sa pangalan ni Jehova. (Exodo 9:16; Awit 83:18) Tunay ngang kasiya-siya kapag ang ating gawaing pag-eebanghelyo ay nakatutulong sa mga umiibig sa katotohanan at katuwiran na maging mga tagapuri ni Jehova! “Kayong mga binata at kayo ring mga dalaga, kayong matatandang lalaki pati na ang mga batang lalaki,” ang awit ng salmista. “Purihin nila ang pangalan ni Jehova, sapagkat ang kaniyang pangalan lamang ang di-maabot sa kataasan. Ang kaniyang dangal ay nasa itaas ng lupa at langit.”​—Awit 148:12, 13.

Personal Tayong Nakikinabang sa Pag-eebanghelyo

18. Paano tayo nakikinabang sa pagganap ng gawaing pag-eebanghelyo?

18 Personal tayong nakikinabang sa iba’t ibang paraan sa pagganap ng gawain ng isang ebanghelisador. Ang pagbabahay-bahay na dala ang mabuting balita ay tumutulong upang makapaglinang tayo ng kapakumbabaan, lalo na kapag hindi tayo tinatanggap sa mabait na paraan. Upang maging mabibisang ebanghelisador, kailangan tayong maging gaya ni Pablo, na ‘naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao upang mailigtas niya ang ilan.’ (1 Corinto 9:19-23) Tumutulong ang karanasan sa ministeryo upang maging mataktika tayo. Sa pamamagitan ng pananalig kay Jehova at maingat na pagpili ng ating mga salita, maikakapit natin ang payo ni Pablo: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”​—Colosas 4:6.

19. Paano tumutulong sa mga ebanghelisador ang banal na espiritu?

19 Pinakikilos din tayo ng gawaing pag-eebanghelyo na umasa sa banal na espiritu ng Diyos. (Zacarias 4:6) Ang mga bunga naman nito​—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili”​—ay nakikita sa ating ministeryo. (Galacia 5:22, 23) Nakaaapekto ito sa ating pakikitungo sa mga tao, sapagkat tumutulong ang pagpapasakop sa patnubay ng espiritu upang makapagpakita tayo ng pag-ibig, magalak at maging mapagpayapa, magkaroon ng mahabang pagtitiis at maging mabait, magpamalas ng kabutihan at pananampalataya, at magpakita ng kahinahunan at pagpipigil sa sarili habang ipinahahayag ang mabuting balita.

20, 21. Anu-ano ang ilang pagpapala at pakinabang ng pananatiling abala bilang mga ebanghelisador?

20 Ang isa pang pagpapala na nararanasan natin bilang mga ebanghelisador ay na nagiging mas madamayin tayo. Kapag binabanggit ng mga tao ang kanilang mga suliranin​—sakit, kawalan ng trabaho, pagsubok sa loob ng pamilya​—hindi tayo nagiging mga tagapayo, kundi ibinabahagi natin sa kanila ang nakapagpapatibay at nakaaaliw na mga kasulatan. Nagmamalasakit tayo sa mga taong binulag sa espirituwal na paraan ngunit waring may pag-ibig sa katuwiran. (2 Corinto 4:4) At kaylaking pagpapala na magbigay ng espirituwal na tulong sa mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan”!​—Gawa 13:48.

21 Tumutulong ang regular na pakikibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo upang maituon natin ang ating isip sa espirituwal na mga bagay. (Lucas 11:34) Talagang kapaki-pakinabang iyan, yamang kung hindi gayon, maaari tayong madala ng materyalistikong mga tukso na karaniwan sa sanlibutang ito. Hinimok ni apostol Juan ang mga Kristiyano: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya; sapagkat ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan​—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa​—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan. Karagdagan pa, ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:15-17) Ang pananatiling abala bilang mga ebanghelisador na maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon ay tumutulong upang hindi natin ibigin ang sanlibutan.​—1 Corinto 15:58.

Mag-imbak ng mga Kayamanan sa Langit

22, 23. (a) Anu-anong kayamanan ang iniimbak ng Kristiyanong mga ebanghelisador? (b) Paano tutulong sa atin ang susunod na artikulo?

22 Nagdudulot ng namamalaging mga pakinabang ang pagiging masigasig sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Ipinakita ito ni Jesus nang sabihin niya: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw. Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.”​—Mateo 6:19-21.

23 Patuloy nawa tayong mag-imbak ng mga kayamanan sa langit, anupat batid na wala na tayong maaaring maging higit na pribilehiyo kaysa sa katawanin ang Soberanong Panginoong Jehova bilang kaniyang mga Saksi. (Isaias 43:10-​12) Habang ginaganap natin ang ating atas bilang mga ministro ng Diyos, malamang na madama natin ang nadama ng isang Kristiyanong babae na mahigit 90 na ang edad na nagsabi ng ganito tungkol sa kaniyang mahabang buhay sa paglilingkod sa Diyos: “Sa lahat ng ito ay nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagiging matiisin sa akin sa nagdaang mga taon, at marubdob akong nananalangin na sana ay maging maibiging Ama ko siya magpakailanman.” Kung pinahahalagahan din natin nang gayon ang ating kaugnayan sa Diyos, tiyak na nais nating lubusang gawin ang gawain ng isang ebanghelisador. Tutulungan tayo ng susunod na artikulo na malaman kung paano natin lubusang magaganap ang ating ministeryo.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit dapat nating gawin ang gawain ng isang ebanghelisador?

• Ano ang masasabi mo sa gawain ng mga ebanghelisador noon at ngayon?

• Bakit tayo nagpapatotoo sa bahay-bahay?

• Paano ka personal na nakikinabang sa pagganap ng gawain ng isang ebanghelisador?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang mga ebanghelisador na gaya ni Felipe at ng kaniyang mga anak na babae ay may masasayang katumbas sa makabagong panahon

[Larawan sa pahina 14]

Paano ka personal na nakikinabang habang ibinabahagi mo sa iba ang mabuting balita?