Isang Pagdiriwang na Nakaaapekto sa Iyo
Isang Pagdiriwang na Nakaaapekto sa Iyo
NANG nasa lupa, pinasimulan ni Jesu-Kristo ang isang pagdiriwang na nagpaparangal sa Diyos. Ito ang tanging relihiyosong seremonya na tuwiran niyang iniutos na ipagdiwang ng kaniyang mga tagasunod. Ito ang Hapunan ng Panginoon, na kilala rin bilang ang Huling Hapunan.
Gunigunihin na ikaw ay isang di-nakikitang tagamasid ng mga pangyayari na humantong sa okasyong iyon. Si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay sama-samang dumating sa isang silid sa itaas sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskuwa ng mga Judio. Tapos na silang kumain ng kinaugaliang hapunan ng Paskuwa, na binubuo ng inihaw na kordero, mapapait na gulay, tinapay na walang lebadura, at alak na pula. Pinaalis na ang di-matapat na apostol na si Hudas Iscariote at malapit na niyang ipagkanulo ang kaniyang Panginoon. (Mateo 26:17-25; Juan 13:21, 26-30) Kasama ni Jesus ang kaniyang 11 tapat na mga apostol. Si Mateo ang isa sa kanila.
Ayon sa ulat ng aktuwal na nakasaksing si Mateo, ganito pinasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon: “Kumuha si Jesus ng tinapay [na walang lebadura] at, pagkatapos bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol niya ito at, nang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: ‘Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay nangangahulugan ng aking katawan.’ Gayundin, kumuha siya ng isang kopa [ng alak] at, nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila, na sinasabi: ‘Uminom kayo mula rito, kayong lahat; sapagkat ito ay nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan,” na siyang ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.’ ”—Mateo 26:26-28.
Bakit pinasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon? Nang ginagawa ito, bakit siya gumamit ng tinapay na walang lebadura at alak na pula? Makikibahagi ba ang lahat ng tagasunod ni Kristo sa mga emblemang ito? Gaano kadalas ba ipagdiriwang ang hapunang ito? At talaga bang may kahulugan ito para sa iyo?