Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat ba Tayong Humingi ng Tulong sa mga Anghel?

Dapat ba Tayong Humingi ng Tulong sa mga Anghel?

Dapat ba Tayong Humingi ng Tulong sa mga Anghel?

ANGKOP bang humingi ng tulong sa mga anghel sa panahon ng kabagabagan? Maraming tao ang nag-aakala na angkop nga. Sa katunayan, sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Nananalangin ang isa sa . . . mga anghel . . . ngunit sa diwa lamang na mamagitan sila sa Diyos para sa atin.” Dapat ba tayong humingi ng tulong sa mga anghel upang mamagitan para sa atin?

Isinasaad ng Salita ng Diyos ang pangalan ng dalawa lamang sa tapat na mga anghel ng Diyos, sina Miguel at Gabriel. (Daniel 8:16; 12:1; Lucas 1:26; Judas 9) Yamang binabanggit ang mga pangalang ito sa Bibliya, nauunawaan natin na ang bawat anghel ay natatanging espiritung persona na may pangalan, at hindi basta lakas o puwersa lamang na hindi naman persona. Gayunman, tumanggi ang ibang anghel na ipaalam ang kanilang pangalan. Halimbawa, nang hilingin ni Jacob sa anghel na dumalaw sa kaniya na ibunyag ang pangalan nito, tumanggi ito. (Genesis 32:29; Hukom 13:17, 18) Walang talaan sa Bibliya ng mga pangalan ng mga anghel, sa gayon ay nahahadlangan ang mga tao na mag-ukol ng labis na pansin sa mga ito.

Kabilang sa mga tungkulin ng mga anghel ang paghahatid ng mga mensahe ng Diyos sa mga tao. Sa katunayan, ang orihinal na mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “anghel” ay literal na nangangahulugang “mensahero.” Gayunman, hindi naglilingkod ang mga anghel bilang mga tagapamagitan na nagdadala ng mga panalangin ng tao sa luklukan ng Kataas-taasan. Itinakda ng Diyos na dapat ipaabot ang mga panalangin sa kaniya sa pangalan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na nagsabi: ‘Anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo.’​—Juan 15:16; 1 Timoteo 2:5.

Ang Diyos na Jehova ay hindi kailanman napakaabala para makinig sa atin kung lalapit tayo sa kaniya sa tamang paraan. Ganito ang tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya sa katapatan.”​—Awit 145:18.