Itinutuon Mo ba ang Iyong Paningin sa Gantimpala?
Itinutuon Mo ba ang Iyong Paningin sa Gantimpala?
ANG sakit na ito ay unti-unting kumakalat. Sa simula, pinakikipot nito ang lawak ng paningin ng isang tao. Kapag di-naagapan, maaari itong kumalat hanggang sa sentro ng paningin. Sa dakong huli, maaari itong maging dahilan ng lubusang pagkawala ng paningin. Ano ba ang sakit na ito? Glaucoma—isang nangungunang sanhi ng pagkabulag.
Kung paanong maaari tayong mawalan ng literal na paningin nang unti-unti at di-namamalayan, maaari rin tayong mawalan ng isang mas mahalagang uri ng paningin—ang ating espirituwal na paningin. Kung gayon, mahalaga na panatilihing buong-linaw na nakatuon sa sentro ng ating paningin ang espirituwal na mga bagay.
Panatilihing Nakatuon ang Paningin sa Gantimpala
Kabilang sa “mga bagay na di-nakikita” ng ating literal na mga mata ay ang maluwalhating gantimpala na walang-hanggang buhay, na iniaalok ni Jehova sa kaniyang mga matapat. (2 Corinto 4:18) Siyempre pa, ang pangunahing dahilan kung bakit pinaglilingkuran ng mga Kristiyano ang Diyos ay ang pag-ibig nila sa kaniya. (Mateo 22:37) Magkagayunman, nais ni Jehova na asamin natin nang may pananabik ang ating gantimpala. Nais niyang kilalanin natin siya bilang isang bukas-palad na Ama na “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Kaya naman, ang mga tunay na nakakakilala sa Diyos at umiibig sa kaniya ay nagpapahalaga sa ipinangako niyang mga pagpapala at umaasam sa katuparan ng mga ito.—Roma 8:19, 24, 25.
Maraming mambabasa ng babasahing ito at ng kasama nitong Gumising!, ang nasisiyahan sa mga likhang-sining na naglalarawan sa darating na Paraisong lupa. Sabihin pa, hindi natin eksaktong alam ang magiging hitsura ng Paraisong lupa, at ang mga larawang nakalathala ay mga artistikong paglalarawan lamang na nakasalig sa mga talata sa Bibliya gaya ng Isaias 11:6-9. Gayunpaman, isang Kristiyanong babae ang nagsabi: “Kapag nakakakita ako ng mga larawan ng darating na Paraiso sa Ang Bantayan at Gumising!, sinusuri ko ang mga ito nang mabuti, gaya ng pagsusuri ng turista sa isang brosyur ng lugar na kaniyang papasyalan. Ginuguniguni ko na naroroon ako dahil talagang inaasam-asam kong mapabilang doon sa takdang panahon ng Diyos.”
Ganoon din ang nadama ni apostol Pablo may kaugnayan sa kaniyang “paitaas na pagtawag.” Hindi niya itinuring ang kaniyang sarili na nakahawak na roon, dahil kailangan pa niyang patunayan na mananatili siyang tapat hanggang sa wakas. Subalit nagpatuloy siya sa ‘pag-abot sa mga bagay na nasa unahan.’ (Filipos 3:13, 14) Sa gayunding paraan, binatá ni Jesus ang kamatayan sa pahirapang tulos “dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya.”—Hebreo 12:2.
Nag-alinlangan ka na ba kung ikaw kaya ay makapapasok sa bagong sanlibutan? Tiyak na mabuti namang hindi labis na magtiwala sa sarili, yamang nakadepende ang pagtanggap natin ng gantimpalang buhay sa ating pananatiling tapat hanggang sa wakas. (Mateo 24:13) Gayunman, kung ginagawa natin ang ating buong makakaya sa pagtupad sa mga kahilingan ng Diyos, taglay natin ang lahat ng dahilan upang magtiwalang makakamit natin ang gantimpala. Tandaan na “hindi . . . nais [ni Jehova] na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Kung magtitiwala tayo kay Jehova, tutulungan niya tayong makamit ang ating tunguhin. Sa katunayan, magiging salungat sa kaniyang katangian kung hahanap siya ng mga dahilan upang maging di-kuwalipikado ang mga taimtim na nagsisikap na palugdan siya.—Awit 103:8-11; 130:3, 4; Ezekiel 18:32.
Ang pagkaalam ng nadarama ni Jehova sa kaniyang bayan ay nagbibigay sa atin ng pag-asa—isang katangian na kasinghalaga ng pananampalataya. (1 Corinto 13:13) Ang Griegong salita na isinaling “pag-asa” sa Bibliya ay nagpapahiwatig ng ideyang sabik na “pag-asam ng mabuti.” Isinasaisip ang gayong pag-asa, isinulat ni apostol Pablo: “Nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding kasipagan upang magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas, upang hindi kayo maging makupad, kundi maging mga tagatulad niyaong mga sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.” (Hebreo 6:11, 12) Pansinin na kung patuloy nating paglilingkuran si Jehova nang may katapatan, maaari tayong makatiyak sa pagtatamo ng ating pag-asa. Di-tulad ng maraming makasanlibutang hangarin, ang pag-asang ito ay “hindi umaakay sa kabiguan.” (Roma 5:5) Kaya paano natin mapananatiling maliwanag ang ating pag-asa at buong-linaw na nakatuon dito ang ating paningin?
Kung Paano Mapalilinaw ang Ating Espirituwal na Paningin
Ang ating pisikal na mata ay hindi maipopokus nang sabay sa dalawang bagay. Totoo rin iyan sa ating espirituwal na paningin. Kapag itinutuon natin ang ating paningin sa mga bagay ng kasalukuyang sistema, tiyak na bahagyang mawawala ang pagkakapokus ng ating isipan sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan. Sa kalaunan, ang ganitong malabo at di-nakapokus na larawan ay maaaring hindi na maging kaakit-akit at mawala na lamang sa tanawin. Tunay na magiging kapaha-pahamak iyon! (Lucas 21:34) Kaya nga, napakahalaga na panatilihin natin ang isang ‘simpleng mata’—isa na nananatiling nakatuon sa Kaharian ng Diyos at sa gantimpalang buhay na walang hanggan!—Mateo 6:22.
Hindi laging madali ang pagpapanatili ng isang simpleng mata. Kailangan nating pag-ukulan ng pansin ang pang-araw-araw na mga problema, at maaari tayong mapaharap sa mga panggambala—maging sa mga tukso. Sa ganitong mga kalagayan, paano tayo mananatiling nakatuon sa Kaharian at sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos nang hindi pinababayaan ang ibang mahahalagang gawain? Isaalang-alang natin ang tatlong paraan.
Pag-aralan ang Salita ng Diyos araw-araw. Ang regular na pagbabasa ng Bibliya at pag-aaral ng salig-Bibliyang mga publikasyon ay tumutulong sa atin na panatilihing nakasentro ang ating isip sa espirituwal na mga bagay. Totoo, maaaring pinag-aralan na natin ang Salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, subalit kailangan nating patuloy na pag-aralan ito, kung paanong kailangan nating patuloy na kumain ng pisikal na pagkain upang manatiling buháy. Hindi tayo humihinto sa pagkain dahil lamang sa libu-libong dami ng ating nakain noong nakaraan. Kaya gaano man tayo kapamilyar sa Bibliya, kailangan nating patuloy at regular na kumain ng espirituwal na pagkain mula rito upang mapanatiling maliwanag ang ating pag-asa at malakas ang ating pananampalataya at pag-ibig.—Awit 1:1-3.
Magbulay-bulay nang may pagpapahalaga sa Salita ng Diyos. Bakit mahalaga ang pagbubulay-bulay? Sa dalawang dahilan. Una, pinangyayari ng pagbubulay-bulay na maunawaan natin ang ating binabasa at malinang ang taos-pusong Awit 78:11-17) Ano kaya ang naging problema nila?
pagpapahalaga rito. Ikalawa, pinipigilan tayo ng pagbubulay-bulay na malimutan si Jehova, ang kaniyang kamangha-manghang mga gawa, at ang pag-asa na inilagay niya sa harap natin. Bilang paglalarawan: Ang mga pagtatanghal ng kagila-gilalas na kapangyarihan ni Jehova ay nakita ng mismong mga mata ng mga Israelita na umalis sa Ehipto kasama ni Moises. Naranasan din nila ang kaniyang maibiging proteksiyon habang inaakay niya sila tungo sa kanilang mana. Gayunman, nang sandaling marating ng mga Israelita ang ilang na patungo sa Lupang Pangako, nagsimula silang magreklamo, anupat ipinakikita ang kanilang matinding kawalan ng pananampalataya. (Ibinaling ng bayan ang kanilang paningin mula kay Jehova at sa kamangha-manghang pag-asa na inilagay niya sa kanila tungo sa kanilang dagliang mga kaalwanan at makalamang mga kabalisahan. Sa kabila ng makahimalang mga tanda at kababalaghan na personal nilang nasaksihan, maraming Israelita ang naging walang-pananampalatayang mga reklamador. “Kaagad nilang nalimot ang . . . mga gawa [ni Jehova],” ang sabi ng Awit 106:13. Ang gayong kapabayaan na hindi mapagpapaumanhinan ay naging dahilan upang hindi makapasok sa Lupang Pangako ang salinlahing iyon.
Kaya, kapag nagbabasa ng Kasulatan o ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, maglaan ng panahon sa pagbubulay-bulay ng iyong binabasa. Mahalaga ang gayong pagmumuni-muni sa iyong espirituwal na kalusugan at paglaki. Halimbawa, kapag binabasa ang Awit 106, na pahapyaw na sinipi sa itaas, bulay-bulayin ang mga katangian ni Jehova. Masdan ang tindi ng kaniyang pagkamatiisin at pagkamaawain sa mga Israelita. Tingnan kung paano niya ginawa ang lahat ng kaniyang magagawa upang tulungan silang makarating sa Lupang Pangako. Pansinin kung paano sila patuloy na nagrebelde sa kaniya. Damhin ang pagdadalamhati at kirot na nadama ni Jehova habang ang kaniyang awa at pagtitiis ay nasasagad ng isang bayan na manhid at di-mapagpahalaga. Karagdagan pa, sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa talata 30 at 31, na naglalarawan sa matatag at lakas-loob na paninindigan ni Pinehas ukol sa katuwiran, matitiyak natin na hindi kinalilimutan ni Jehova ang kaniyang mga matapat at na gagantimpalaan niya sila nang sagana.
Ikapit ang mga simulain sa Bibliya sa iyong buhay. Habang sinusunod natin ang mga simulain sa Bibliya, nakikita natin mismo na ang payo ni Jehova ay mabisa. Sinasabi ng Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Isipin kung paanong ang imoral na mga landasin ng maraming tao ay nagdulot ng matinding mental, emosyonal, at pisikal na mga problema. Dahil sa pagpapakasasa sa panandaliang mga kaluguran, dumaranas ang gayong mga tao ng kapighatian sa loob ng maraming taon—maging sa buong buhay nila. Sa kabaligtaran, ang mga lumalakad sa ‘masikip na daan’ ay nagtatamasa ng isang patikim sa magiging buhay sa bagong sistema, at ito’y nagpapatibay-loob sa kanila na manatili sa landas patungo sa buhay.—Mateo 7:13, 14; Awit 34:8.
Ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay maaaring maging hamon. Kung minsan, ang isang di-makakasulatang solusyon ay maaaring tila nangangako ng kagyat na ginhawa sa isang mahirap na kalagayan. Halimbawa, sa mga panahon ng suliranin sa pananalapi, maaaring nakatutukso na ilagay ang mga kapakanan ng Kaharian sa pangalawahing dako. Gayunman, ang mga kumikilos nang may Eclesiastes 8:12) Baka kailangang mag-overtime sa trabaho ang isang Kristiyano paminsan-minsan, ngunit hinding-hindi siya magiging tulad ni Esau, na humamak sa espirituwal na mga bagay, anupat itinuturing na hindi mahalaga ang mga ito.—Genesis 25:34; Hebreo 12:16.
pananampalataya at nag-iingat ng kanilang espirituwal na paningin ay makatitiyak na sa wakas ay “magiging mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos.” (Malinaw na ipinaliwanag ni Jesus ang ating mga pananagutan bilang mga Kristiyano. Dapat na lagi nating ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran ng Diyos.’ (Mateo 6:33) Kung gagawin natin ito, ipamamalas sa atin ni Jehova ang kaniyang makaamang pag-ibig sa pamamagitan ng pagtiyak na ating tataglayin ang materyal na mga bagay na kailangan natin. Tiyak na ayaw niyang pabigatan natin ang ating mga sarili dahil sa pagkabalisa sa mga bagay na sinasabi niyang nasa ilalim ng kaniyang pangangalaga. Ang gayong labis na kabalisahan ay maaaring maging katulad ng espirituwal na glaucoma—kapag pinabayaan, unti-unti nitong palalabuin ang ating paningin, anupat nakikita na lamang ang materyal na mga kabalisahan at sa dakong huli ay gagawin tayo nitong bulag sa espirituwal na paraan. Kung mananatili tayo sa ganiyang kalagayan, darating sa atin ang araw ni Jehova na “gaya ng silo.” Kaysaklap nga kung magkakagayon!—Lucas 21:34-36.
Patuloy na Ituon ang Iyong Paningin Gaya ni Josue
Panatilihin nating buong-linaw na nakatuon ang ating paningin sa ating maluwalhating pag-asa ng Kaharian, anupat inilalagay ang iba nating mga pananagutan sa wastong mga dako nito. Sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa rutin ng pag-aaral, pagbubulay-bulay, at pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya, mapananatili natin ang ating pagtitiwala sa ating pag-asa gaya ni Josue. Pagkatapos na akayin ang Israel tungo sa Lupang Pangako, sinabi niya: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.”—Josue 23:14.
Palakasin ka nawa ng pag-asa ng Kaharian, at magdulot nawa ito sa iyo ng ligaya habang nasasalamin ito sa iyong mga kaisipan, damdamin, pasiya, at gawain.—Kawikaan 15:15; Roma 12:12.
[Larawan sa pahina 21]
Nag-alinlangan ka na ba kung ikaw kaya ay makapapasok sa bagong sanlibutan?
[Larawan sa pahina 22]
Ang pagbubulay-bulay ay isang mahalagang bahagi ng pag-aaral sa Bibliya
[Mga larawan sa pahina 23]
Panatilihing nakatuon ang paningin sa mga kapakanan ng Kaharian