Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liberia—Pagsulong ng Kaharian sa Kabila ng Digmaan

Liberia—Pagsulong ng Kaharian sa Kabila ng Digmaan

Liberia​—Pagsulong ng Kaharian sa Kabila ng Digmaan

NASA kainitan pa rin ang digmaang sibil sa Liberia sa loob ng mahigit na isang dekada. Noong kalagitnaan ng 2003, nakipaglaban ang mga rebelde upang makapasok sa kabiserang lunsod, ang Monrovia. Marami sa mga Saksi ni Jehova ang napilitang lumikas mula sa kani-kanilang mga tahanan, paulit-ulit pa nga kung minsan. Maraming beses na ninakaw ang mga ari-arian.

Nakalulungkot, noong labanan sa kabisera, libu-libong tao ang namatay. Kabilang dito ang dalawang Saksi, isang kapatid na lalaki at babae. Paano hinarap ng ibang mga kapatid ang paghihirap na ito, at ano ang ginawa upang tulungan sila?

Tulong Para sa mga Nangangailangan

Sa buong panahon ng krisis, nag-organisa ng tulong para sa mga nangangailangan ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Liberia. Inilaan ang mga pagkain, mahahalagang gamit sa bahay, at mga gamot. Noong nasa kontrol ng mga rebelde ang dakong daungan, kakaunti ang pagkain. Nakini-kinita ng sangay ang pangyayaring ito at naghanda ng mga suplay para sa dalawang libong Saksi na lumikas patungo sa mga Kingdom Hall sa buong lunsod. Inirasyon ng mga kapatid ang pagkain upang magkasya ang mga suplay hanggang sa mabuksang muli ang daungan. Nagpadala ng mga gamot sa pamamagitan ng eroplano ang sangay sa Belgium at Sierra Leone, at nagbigay naman ng karga-kargadang mga damit ang sangay sa Britanya at Pransiya.

Sa kabila ng mapanganib na kalagayan, nanatiling positibo at masayahin ang ating mga kapatid. Ang komento ng isa na lumikas nang tatlong beses mula sa kaniyang tahanan ay katulad ng sa marami. Sabi niya: “Ito ang mga kalagayang ipinangangaral natin; nabubuhay na tayo sa mga huling araw.”

Pagtugon sa Mabuting Balita

Sa kabila ng kaguluhan sa buong bansa, patuloy na umaani ng napakaiinam na bunga mula sa larangan ang mga Saksi. Nagkaroon ng pinakamataas na bilang kailanman ng mga mamamahayag ng Kaharian na 3,879 noong Enero 2003, at nagdaos sila ng 15,227 pantahanang pag-aaral sa Bibliya noong Pebrero.

Mabilis na tumugon sa mabuting balita ang mga tao. Ang isang halimbawa nito ay mula sa isang nayon sa timog-silangang bahagi ng bansa. Nagplano ang isang kongregasyon na ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa isang malaking nayon ng Bewahn, na mga limang oras lalakarin mula sa lugar na karaniwan nilang pinagtitipunan. Bago pumunta ang mga kapatid sa nayon upang anyayahan ang mga tao sa Memoryal, binigyan ng paanyaya ang alkalde ng Bewahn. Nang matanggap niya ito, kinuha niya ang kaniyang Bibliya, pinuntahan ang mga taganayon, at binasa ang kasulatan na nakasaad sa paanyaya, anupat hinikayat silang dumalo sa Memoryal. Kaya nang dumating ang mga mamamahayag, natuklasan nilang tinapos na para sa kanila ang kanilang gawain! Dumalo sa Memoryal ang alkalde, kasama ang kaniyang mga anak at dalawang asawa. Lahat-lahat, 27 katao ang dumalo. Mula noon, umalis na sa Simbahang Metodista ang alkalde, nagsimulang makipag-aral sa mga Saksi, at nag-alok ng lupa para tayuan ng Kingdom Hall.

Nagbago ang Saloobin

Ang paggawi ng ating mga kapatid ay naging mabisa rin sa pagbago sa pananaw ng ilang sumasalansang hinggil sa katotohanan. Isaalang-alang ang nangyari sa isang lalaking nagngangalang Opoku. Natagpuan siya sa paglilingkod sa larangan ng isang special pioneer at inalukan siya ng magasing Bantayan. Interesado si Opoku sa isang artikulo sa magasin ngunit wala siyang pera. Pagkatapos ipaliwanag na wala itong bayad, iniwan ng payunir ang magasin sa kaniya at isinaayos na balikan siya. Nang dalawin siyang muli, tinanong ni Opoku ang payunir: “Kilala mo ba ako? Kilala ako ng karamihan sa inyo sa bayan ng Harper. Dati kong pinalalayas sa paaralan ang mga anak ninyo!” Ipinaliwanag niya pagkatapos nito na siya ang punong-guro ng isang haiskul sa bayan at na inusig niya ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova dahil sa hindi pagsaludo sa bandila.

Gayunman, tatlong halimbawa ng pag-ibig Kristiyano na ipinakita ng mga Saksi ni Jehova ang nagtulak kay Opoku para muling suriin ang kaniyang saloobin. Una, nasaksihan niyang inalagaan ng mga Saksi ang isang espirituwal na kapatid na may malubhang sakit. Isinaayos pa nga nilang ipagamot siya sa kalapit na bansa. Inakala ni Opoku na prominenteng tao sa mga Saksi ang may-sakit na kapatid subalit nalaman niyang isa lamang pala itong karaniwang Saksi. Ikalawa, noong mga taon ng dekada ng 1990, naging takas si Opoku sa Côte d’Ivoire. Nang nauuhaw siya isang araw, umalis siya para bumili ng tubig sa isang kabataang lalaki. Malaki ang halaga ng salaping papel ni Opoku, at walang maisukli sa kaniya ang kabataang lalaki, kaya ibinigay na lamang nito ang tubig kay Opoku nang walang bayad. Nang iabot ng lalaki ang tubig kay Opoku, itinanong ng lalaki: “Sa palagay mo kaya ay darating pa ang panahon na ang mga taong tulad natin ay magbibigayan na walang hinihiling na kabayaran?” Nahulaan ni Opoku na isa siya sa mga Saksi ni Jehova, at inamin ng kabataang lalaki na Saksi nga siya. Napahanga siya sa pagkabukas-palad at kabaitan ng kapatid na ito. Pinakahuli, dahil handang ibigay sa kaniya ng special pioneer ang magasin nang walang bayad, nakumbinsi si Opoku na mali ang pananaw niya sa mga Saksi at kailangan siyang magbago. Sumulong siya sa espirituwal at isa na siya ngayong di-bautisadong mamamahayag.

Bagaman patuloy na napapaharap sa napakahihirap na kalagayan ang mga kapatid sa Liberia, nagtitiwala sila sa Diyos at tapat na nagpapahayag ng mabuting balita ng mas mabubuting kalagayan sa ilalim ng matuwid na pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Hindi kailanman lilimutin ni Jehova ang kanilang pagpapagal at ang pag-ibig na ipinakikita nila para sa kaniyang pangalan.​—Hebreo 6:10.

[Mga mapa sa pahina 30]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MONROVIA

[Mga larawan sa pahina 31]

Sa panahon ng krisis, naglalaan ng espirituwal at pisikal na tulong sa mga nangangailangan ang bayan ni Jehova