Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bakit sinasabi ng 1 Corinto 10:8 na 23,000 Israelita ang nabuwal sa isang araw dahil sa pakikiapid, samantalang 24,000 ang bilang na binabanggit sa Bilang 25:9?

May ilang posibleng dahilan kung bakit magkaiba ang bilang na binanggit sa dalawang talatang ito. Ang pinakasimpleng dahilan ay maaaring ang aktuwal na bilang ay nasa pagitan ng 23,000 at 24,000, kaya maaari itong baguhin tungo sa mas mataas o mas mababang buong bilang.

Isaalang-alang ang isa pang posibilidad. Binanggit ni apostol Pablo ang ulat hinggil sa mga Israelita sa Sitim bilang babalang halimbawa sa mga Kristiyano sa sinaunang Corinto, isang lunsod na kilalang-kilala sa mahalay nitong paraan ng pamumuhay. Sumulat siya: “Ni mamihasa man tayo sa pakikiapid, kung paanong ang ilan sa kanila ay nakiapid, upang mabuwal lamang, dalawampu’t tatlong libo sa kanila sa isang araw.” Sa pagbubukod sa mga pinatay ni Jehova dahil sa pakikiapid, binanggit ni Pablo ang bilang na 23,000.​—1 Corinto 10:8.

Gayunman, sinasabi sa atin ng Bilang kabanata 25 na “lumakip ang Israel sa Baal ng Peor; at ang galit ni Jehova ay nagsimulang lumagablab laban sa Israel.” Pagkatapos, iniutos ni Jehova kay Moises na patayin ang “lahat ng pangulo ng bayan.” Inutusan naman ni Moises ang mga hukom na tuparin ang utos na iyon. Sa wakas, nang agad na kumilos si Pinehas upang patayin ang Israelitang nagdala ng isang babaing Midianita sa loob ng kampo, “natigil ang salot.” Nagtapos ang ulat sa pananalitang: “Yaong mga namatay sa salot ay umabot ng dalawampu’t apat na libo.”​—Bilang 25:1-9.

Lumilitaw na kasama sa bilang na binanggit sa Bilang ang mga “pangulo ng bayan” na pinatay ng mga hukom at yaong mga tuwirang pinatay ni Jehova. Maaaring isang libo ang mga pangulong iyon na namatay sa kamay ng mga hukom, anupat umabot ang bilang sa 24,000. Sila man ay nakiapid, nakibahagi sa mga kapistahan, o sumang-ayon sa mga gumawa ng gayon, ang mga pangulo, o mga pasimunong ito, ay nagkasala sa ‘paglakip sa Baal ng Peor.’

Tungkol sa salitang ‘paglakip,’ ipinaliwanag ng isang reperensiyang akda sa Bibliya na maaari itong mangahulugang “ipasakop ng isa ang kaniyang sarili sa ibang tao.” Ang mga Israelita ay isang bayang nakaalay kay Jehova, ngunit nang “lumakip [sila] sa Baal ng Peor,” sinira nila ang kanilang nakaalay na kaugnayan sa Diyos. Pagkalipas ng mga 700 taon, ganito ang sinabi ni Jehova tungkol sa mga Israelita sa pamamagitan ni propeta Oseas: “Sila ay pumaroon kay Baal ng Peor, at inialay nila ang kanilang sarili sa kahiya-hiyang bagay, at sila ay naging kasuklam-suklam na gaya ng bagay na kanilang iniibig.” (Oseas 9:10) Ang lahat ng gumawa ng gayon ay nararapat sa di-kaayaayang hatol ng Diyos. Kaya pinaalalahanan ni Moises ang mga anak ni Israel: “Ang inyong sariling mga mata ang nakakita sa ginawa ni Jehova may kinalaman sa Baal ng Peor, na ang bawat taong sumunod sa Baal ng Peor ang nilipol ni Jehova na iyong Diyos mula sa gitna mo.”​—Deuteronomio 4:3.