Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahanap sa mga Tao sa Lugar ng Kanilang Trabaho

Paghahanap sa mga Tao sa Lugar ng Kanilang Trabaho

Paghahanap sa mga Tao sa Lugar ng Kanilang Trabaho

ANO ang pagkakatulad ng mga apostol na sina Mateo, Pedro, Andres, Santiago, at Juan? Silang lahat ay nasa lugar ng kanilang trabaho nang tawagin sila ni Jesus. Abala sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan sa kanilang negosyong pangingisda nang anyayahan sila ni Jesus, sa pagsasabing: “Sumunod kayo sa akin.” Si Mateo naman ay nasa tanggapan ng buwis nang maanyayahan siyang maging alagad ni Jesus.​—Mateo 4:18-21; 9:9.

Maaaring maging kasiya-siya ang pagpapatotoo sa mga tao sa lugar ng kanilang trabaho. Palibhasa’y natatanto ito, ang mga Saksi ni Jehova sa Hapon ay gumawa kamakailan ng puspusang pagsisikap na makibahagi sa pitak na ito ng ministeryo. Anu-ano ang naging mga resulta? Sa loob ng ilang buwan, libu-libong pagdalaw-muli ang naisagawa, at halos 250 pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Isaalang-alang ang sumusunod na mga karanasan.

Isang buong-panahong ministro sa Tokyo ang nakatagpo ng isang manedyer ng restawran na noong una ay may nakausap nang Saksi noong siya’y isa pang batang mag-aarál halos 30 taon na ang nakalilipas. Bagaman di-gaanong naunawaan ng manedyer ang mga sinabi sa kaniya noon, naging interesado siya sa Bibliya. Ngayong napanauli ang kaniyang interes, agad niyang tinanggap ang isang pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. * Bukod dito, sinimulan niya ang isang personal na programa ng pagbabasa sa Bibliya gabi-gabi bago siya matulog.

Isang ministrong special pioneer ang dumalaw sa isang opisina. Bagaman hindi puwedeng makausap ang manedyer, ang kabataang babae na sumagot sa telepono ng manedyer ay nagtanong, “Gusto mo ba akong kausapin?” Pagkatapos ng maikling pag-uusap sa telepono, lumabas ang babae at sinabing interesado siya sa pagbabasa ng Bibliya. Isinaayos ng special pioneer na bumalik at magdala ng Bibliya, at pinasimulan niya ang isang pag-aaral sa Bibliya sa babae, anupat idinaraos ang pag-aaral sa isang kalapít na parke sa umaga bago ito pumasok sa trabaho.

Sa isa pang opisina, nakita ng isang lalaki ang kaniyang katrabaho na tumanggap ng mga magasing Bantayan at Gumising!, ngunit agad namang itinapon ang mga ito pagkaalis ng Saksi. Nang makauwi na ang lalaki, ikinuwento niya sa kaniyang asawang Saksi ang hinggil sa nangyari at sinabi niya na kung siya sana ang nakausap, kahit paano ay makikinig siya. Inilahad naman ng anak niyang babae, na nakarinig sa kaniyang mga sinabi, ang bagay na ito sa isang Saksi na nangangaral sa lugar na iyon ng negosyo. Agad-agad na dinalaw ng Saksi ang asawang lalaki sa opisina at pinasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya sa kaniya. Di-nagtagal, ang lalaki ay nagsimula nang dumalo nang regular sa mga pulong tuwing Linggo.

Nagdulot ng ibang mga pakinabang ang pagpapatotoo sa mga tao sa lugar ng trabaho. Maraming mamamahayag sa Hapon ang naging bihasa sa pagdalaw-muli sa mga lugar ng pamilihan, pabrika, at opisina. Karagdagan pa, sa pamamagitan ng ganitong paraan ng pagpapatotoo, maraming di-aktibo ang natagpuan at napasimulan sila ng mga pag-aaral. Napakahusay ng naging mga resulta. Isang kongregasyon sa sentro ng Tokyo ang nag-ulat kamakailan ng 108 pantahanang pag-aaral sa Bibliya, higit pa sa dobleng bilang na iniulat noong nakaraang taon.

[Talababa]

^ par. 5 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.